Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 65-66

Parusa sa Mapanghimagsik

65 Sinabi(A) ni Yahweh: “Nakahanda akong sagutin ang panalangin ng aking bayan,
    ngunit hindi naman sila nananalangin.
Nakahanda akong magpakita sa naghahanap sa akin,
    ngunit hindi naman sila naghahanap.
Sinasabi ko sa bansang ayaw tumawag sa akin,
    ‘Narito ako upang ikaw ay tulungan.’
Buong(B) maghapong nakaunat ang aking mga kamay,
    sa isang bansang mapanghimagsik,
at ginagawa ang lahat ng magustuhan nila.
Sinasadya nilang ako ay galitin,
naghahandog sila sa mga sagradong hardin,
    at nagsusunog ng mga insenso sa mga altar ng pagano.
Pagsapit ng gabi'y nagpupunta sila sa mga puntod at nitso
    upang sangguniin ang kaluluwa ng patay na tao.
Kumakain sila ng karneng-baboy,
    at maruming sabaw ng karneng handog ng pagano.
Ang sabi pa ng isa sa kanila, ‘Lumayo kayo!
    Huwag kayong lalapit sapagkat mas malinis ako sa inyo.’
Ang mga taong ito'y parang usok sa aking ilong,
    tulad ng apoy na nagniningas sa buong maghapon.
Tingnan ninyo! Lahat ay naisulat na sa aking harapan.
    Hindi ako maaaring tumahimik.
Ngunit paparusahan ko ang kanilang mga kasalanan; pagbabayarin ko sila,
    sa kanilang kasalanan at sa kasalanan ng kanilang mga ninuno.
Nagsusunog sila ng insenso sa kabundukan
    at ako'y sinusuway nila sa kaburulan.
Karapat-dapat na parusa ang igagawad ko sa kanilang mga gawa.
Sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan:
“Ang isang kumpol na ubas ay maaaring gawing alak,
    kaya ang sabi ng mga tao, ‘Huwag ninyo itong sirain,
    sapagkat mayroon itong pagpapala!’
Ganyan din ang gagawin ko alang-alang sa aking mga lingkod,
    hindi ko sila ganap na wawasakin.
Pagpapalain ko ang mga salinlahi ni Jacob,
    at kay Juda ibibigay ko ang aking mga bundok.
Mananahan doon ang aking mga bayan na naglingkod sa akin.
10 Ako(C) ay sasambahin ng aking mga lingkod, at kanilang pangungunahan ang kanilang mga tupa at baka
    sa pastulan sa kapatagan ng Sharon sa kanluran
    at sa Libis ng Kaguluhan sa gawing silangan.
11 Ngunit kayo na nagtakwil kay Yahweh
    at lumilimot sa aking banal na bundok,
kayo na sumamba kay Gad at Meni, mga diyos ng suwerte at kapalaran;
12 itatakda ko kayong sa espada mamatay,
    ang mga leeg ninyo'y tatagpasin ng palakol.
Sapagkat tinawag ko kayo ngunit hindi kayo sumagot,
    kinausap ko kayo ngunit hindi kayo nakinig.
Ang ginawa ninyo'y pawang kasamaan sa aking paningin,
    pinili ninyo ang hindi nakalulugod sa akin.”
13 Kaya ganito ang sabi ng Panginoong Yahweh:
“Ang mga lingkod ko'y magsisikain,
    samantalang kayo'y aking gugutumin;
ang mga lingkod ko ay aking paiinumin,
    ngunit kayo'y aking uuhawin;
ang mga lingkod ko'y pawang kagalakan ang tatamasahin,
    samantalang kayo'y aking hihiyain.
14 Sa laki ng tuwa ay mag-aawitan ang aking mga lingkod,
    samantalang kayo'y tataghoy sa hirap at sama ng loob.
15 Ang pangalan ninyo'y susumpain ng aking mga hinirang,
    sa kamay ng Panginoong Yahweh kayo'y mamamatay,
    samantalang bibigyan niya ng bagong pangalan ang kanyang mga lingkod.
16 Sinuman sa lupain ang nais na pagpalain,
    doon siya humingi sa Diyos na matapat.
At sinuman ang gustong mangako,
    sa pangalan ng Diyos na matapat, gawin niya ito.
Mapapawi na at malilimutan,
    ang hirap ng panahong nagdaan.”

Bagong Langit at Lupa

17 Ang(D) sabi ni Yahweh: “Ako ay lilikha ng isang bagong lupa at bagong langit;
ang mga bakas ng nakaraan ay ganap ng malilimutan.
18 Kaya naman kayo'y dapat na magalak sa aking ginawa,
ang Jerusalem na aking nilikha ay mapupuno ng saya,
    at magiging masaya ang kanyang mamamayan.
19 Ako(E) mismo'y magagalak
    dahil sa Jerusalem at sa kanyang mamamayan.
Doo'y wala nang pagtangis o panaghoy man.
20 Ang mga sanggol ay hindi na mamamatay,
    lahat ng titira roon ay mabubuhay nang matagal.
Ituturing pa rin na isang kabataan ang taong sandaang taon na,
    at ang hindi umabot sa gulang na ito ay ituturing na isinumpa.
21 Magtatayo sila ng mga tahanang kanilang titirhan,
    magtatanim sila ng ubas at sila rin ang aani.
22 Hindi tulad noong una, sa bahay na ginawa'y iba ang tumira.
    Sa tanim na halama'y iba ang nakinabang.
Tulad ng punongkahoy hahaba ang buhay ng aking mga hirang,
    lubos nilang papakinabangan ang kanilang pinagpaguran.
23 Anumang gawaing paghirapan nila'y tiyak na magbubunga,
    at hindi magdaranas ng mga sakuna ang mga anak nila;
pagpapalain ko ang lahi nila,
    at maging ang mga susunod pa.
24 Ang dalangin nila kahit hindi pa tapos ay aking diringgin,
    at ibibigay ko ang kanilang hinihiling.
25 Dito'y(F) magsasalong parang magkapatid, ang asong-gubat at tupa,
    ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka.
    At ang ahas naman na ang pagkain ay alabok kahit tapakan mo'y hindi ka mangangamba.
Magiging panatag at wala nang masama sa banal na bundok.
    Sa Bundok ng Zion ay walang makakapinsala o anumang masama.”

Hahatulan ni Yahweh ang mga Bansa

66 Ito(G) (H) ang sabi ni Yahweh:

“Ang aking trono ay ang kalangitan,
    at ang daigdig ang aking tuntungan.
Anong klaseng bahay ang gagawin mo para sa akin?
    Anong klaseng lugar ang aking titirhan?
Sa lahat ng bagay ako ang maylikha,
    kaya ako ang may-ari ng lahat ng ito.
Ako'y nalulugod sa mga taong nagpapakumbaba at nagsisipagsisi,
    sa mga may takot at sa utos ko'y sumusunod.
Ginagawa ng tao ang kanyang maibigan,
    at matutuwa pang gumawa ng kasamaan.
Para sa kanya ay walang kaibahan ang handog na toro o kaya ay tao;
    ang handog na tupa o patay na aso;
ang handog na pagkaing butil o dugo ng baboy;
    ang pagsusunog ng insenso o ang pagdarasal sa diyus-diyosan.
Natutuwa sila sa nakakahiyang pagsamba.
Dahil dito, ipararanas ko sa kanila
    ang kapahamakang kinatatakutan nila.
Sapagkat nang ako'y tumawag walang tumugon kahit na isa;
    nang ako'y magsalita, walang gustong makinig.
Ginusto pa nila ang sumuway sa akin
    at gumawa ng masama.”

Pakinggan ninyo si Yahweh,
    kayong natatakot at sumusunod sa kanyang salita:
“Kinamumuhian at itinataboy kayo ng inyong sariling kababayan, nang dahil sa akin;
at sinasabi pa nila, ‘Ipakita ni Yahweh ang kanyang kadakilaan at iligtas niya kayo
    para makita namin kayong natutuwa.’
    Ngunit mapapahiya sila sa kanilang sarili.
Pakinggan ninyo at sa lunsod ay nagkakagulo,
    at mayroong ingay na buhat sa Templo!
Iyon ay likha ng pagpaparusa ni Yahweh sa kanyang mga kaaway!
“Ang(I) aking banal na lunsod ay parang babaing biglang nanganak;
kahit hindi pa sumasakit ang kanyang tiyan,
    isang lalaki ang kanyang inianak.
May nabalitaan na ba kayo o nakitang ganyan?
Isang bansang biglang isinilang?
Ang Zion ay hindi maghihirap nang matagal
    upang ang isang bansa ay kanyang isilang.”
Ang sabi ni Yahweh:
“Huwag ninyong isipin na ang bayan ko'y
    hahayaang umabot sa panahong dapat nang iluwal,
    at pagkatapos ay pipigilin sa pagsilang.”

10 Makigalak kayo sa Jerusalem, magalak kayo dahil sa kanya;
    kayong lahat na nagmamahal sa lunsod na ito!
Kayo'y makigalak at makipagsaya,
    lahat kayong tumangis para sa kanya.
11 Tatamasahin ninyo ang kasaganaan niya,
    tulad ng sanggol sa dibdib ng kanyang ina.

12 Sabi ni Yahweh:
“Padadalhan kita ng walang katapusang kasaganaan.
    Ang kayamanan ng ibang bansa ay aagos patungo sa iyo tulad ng umaapaw na ilog.
Ang makakatulad mo'y sanggol na buong pagmamahal na inaaruga ng kanyang ina.
13 Aaliwin kita sa Jerusalem,
    tulad ng pag-aliw ng ina sa kanyang anak.
14 Ikaw ay magagalak kapag nakita mo ang lahat ng ito;
    ikaw ay lalakas at lulusog.
Sa gayon, malalaman mong akong si Yahweh ang tumutulong sa mga sumusunod sa akin;
    at siya ring nagpaparusa sa mga kaaway.”

15 Darating si Yahweh na may dalang apoy
    at nakasakay sa mga pakpak ng bagyo
upang parusahan ang mga kinamumuhian niya.
16 Apoy at espada ang gagamitin niya
    sa pagpaparusa sa mga nagkasala;
    tiyak na marami ang mamamatay.

17 Ang sabi ni Yahweh, “Malapit na ang wakas ng mga naglilinis ayon sa tuntunin ng pagsambang pagano, sumasama sa nagpuprusisyon patungo sa mga sagradong hardin, at kumakain ng karne ng baboy, daga at iba pang hayop na marumi.

18 “Nalalaman ko ang kanilang iniisip at mga ginagawa. Darating ako upang tipunin ang lahat ng bansa, at ang mga taong iba't iba ang salita. Kapag sila'y nagkasama-sama, makikita nila ang magagawa ng aking kapangyarihan. 19 Malalaman din nilang ako ang nagpaparusa sa kanila. Ngunit magtitira ako ng ilan upang ipadala sa iba't ibang bansa. Susuguin ko sila sa Tarsis, sa Libya at sa Lydia, mga dakong sanay sa paggamit ng pana. Magsusugo rin ako sa Tubal at Javan, at sa mga baybaying hindi pa ako nababalita sa aking kabantugan. Ipahahayag nila sa lahat ng bansa kung gaano ako kadakila. 20 Bilang handog sa akin sa banal na bundok sa Jerusalem, ibabalik nila ang mga kababayan ninyo buhat sa pinagtapunan sa kanila. Sila'y darating na sakay ng mga kabayo, asno, kamelyo, karwahe at kariton, tulad ng pagdadala ng mga handog na pagkaing butil sa Templo, nakalagay sa malilinis na sisidlan ayon sa kautusan. 21 Ang iba sa kanila ay gagawin kong mga pari at ang iba naman ay Levita.

22 “Kung(J) paanong tatagal ang bagong langit at bagong lupa
    sa pamamagitan ng aking kapangyarihan,
    gayon tatagal ang lahi mo at pangalan.
23 Tuwing Araw ng Pamamahinga at Pista ng Bagong Buwan,
    lahat ng bansa ay sasamba sa akin,”
    ang sabi ni Yahweh.

24 “Sa(K) kanilang pag-alis, makikita nila ang mga bangkay ng mga naghimagsik laban sa akin. Ang uod na kakain sa kanila'y hindi mamamatay, gayon din ang apoy na susunog sa kanila. Ang kalagayan nila'y magiging kahiya-hiya sa buong sangkatauhan.”

1 Timoteo 2

Mga Tagubilin tungkol sa Panalangin

Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao. Idalangin rin ninyo ang mga hari at maykapangyarihan, upang tayo'y makapamuhay nang matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal. Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas. Ibig niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito. Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus. Inihandog niya ang kanyang buhay upang tubusin ang lahat mula sa kasalanan. Ang katotohanang ito ay pinatunayan sa takdang panahon. Dahil(A) dito, ako'y pinili upang maging mangangaral, apostol at tagapagturo ng pananampalataya at katotohanan para sa mga Hentil. Totoo ang sinasabi ko, at hindi ako nagsisinungaling!

Sa lahat ng dako, nais kong ang mga lalaki ay manalangin nang may malinis na puso, walang sama ng loob at galit sa kapwa.

Ang(B) mga babae naman ay dapat maging mahinhin, maayos at kagalang-galang sa pananamit at ayos ng buhok. Hindi sila dapat maging magarbo sa pananamit at maluho sa mga mamahaling alahas na ginto o perlas. 10 Sa halip, ang maging palamuti nila ay ang mabubuting gawa, gaya ng nararapat sa mga babaing itinuturing na maka-Diyos. 11 Ang mga babae ay dapat matuto nang tahimik at nagpapasakop. 12 Hindi ko pinapayagan ang mga babae na magturo o mamuno sa mga lalaki, kundi dapat silang manahimik. 13 Sapagkat(C) unang nilalang si Adan bago si Eva, 14 at(D) hindi si Adan ang nadaya kundi si Eva ang nadaya at nagkasala. 15 Ngunit maliligtas ang babae sa pagsisilang ng sanggol, kung magpapatuloy siya[a] sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan at maayos na pamumuhay.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.