Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 37-38

Sumangguni si Hezekias kay Propeta Isaias(A)

37 Nang marinig ni Haring Hezekias ang kanilang ulat, sinira din niya ang kanyang kasuotan, nagsuot ng damit-panluksa, at pumasok sa Templo. Tinawag niya si Eliakim, ang katiwala sa palasyo, at pinapunta ito kay Isaias, ang propetang anak ni Amoz. Pinasama rin niya ang kanyang kalihim na si Sebna at ang matatandang pari. Lahat sila'y nakadamit-panluksa. Ganito ang ipinasabi niya kay Isaias: “Ang araw na ito ay araw ng paghihirap, ng pagpaparusa at kahihiyan. Para tayong isang inang dapat nang magsilang, ngunit hindi magawâ dahil nanghihina. Marahil ay narinig ni Yahweh na inyong Diyos ang sinabi ng punong ministro ng Asiria na sinugo ng kanyang hari upang lapastanganin ang Diyos na buháy. Sana'y parusahan niya ang kalapastanganang iyon. Kaya, idalangin mo ang natitira pa sa bayan ng Diyos.”

Nang marinig ni Isaias ang ipinasabi ni Haring Hezekias, sumagot siya, “Sabihin ninyo sa inyong hari na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Huwag kayong matakot sa mga paglapastangan sa akin ng sugo ng hari ng Asiria. Ito ang tandaan ninyo! Padadalhan ko siya ng isang espiritu na lilito sa kanya; at hindi siya patatahimikin ng isang balita. Dahil dito, uuwi siya agad at sa pamamagitan ng espada'y mamamatay siya sa kanyang sariling bayan.’”

Muling Nagbanta ang Asiria(B)

Bumalik nga sa Laquis ang punong ministro at nabalitaan niyang wala roon ang hari ng Asiria, sapagkat sinasalakay nito ang Libna. Kaya doon siya tumuloy. Nabalitaan naman ng haring ito na lumabas na ang Haring Tirhaka ng Etiopia[a] upang sila'y salakayin. Kaya nagpasugo muli siya kay Haring Hezekias 10 upang sabihin dito: “Huwag kang palinlang sa pinagtitiwalaan mong Diyos na nagsasabing hindi masasakop ng hari ng Asiria ang Jerusalem. 11 Alam ninyo ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa ibang mga bansa; winasak silang lahat, kayo pa kaya! 12 Hindi nailigtas ng mga diyos ang mga bansang winasak ng aming mga magulang. Nariyan ang Gozan, Caran, at Resef; nariyan din ang mga taga-Eden na nasa Telasar. Nailigtas ba sila ng mga ito? 13 At nasaan ang hari ng Hamat, ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ng Hena at ng Iva?”

14 Kinuha ni Hezekias ang sulat na dala ng mga sugo, at pagkatapos basahin ay pumasok sa Templo. Isinangguni niya ito kay Yahweh, 15 at siya'y nanalangin. 16 “O(C) Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, Diyos ng Israel, lumikha ng langit at lupa. Ang inyong trono'y nasa ibabaw ng mga kerubin. Kayo lamang ang Diyos ng lahat ng kaharian sa lupa. 17 Masdan ninyo ang aming kalagayan, at lingapin ninyo kami. Narito ang liham ni Senaquerib na lumalapastangan sa inyo, ang buháy na Diyos. 18 Tunay nga, O Yahweh, na winasak ng mga hari ng Asiria ang lahat ng bansa. 19 Sinunog nila ang diyos ng mga ito, sapagkat ang diyos nila'y hindi tunay; mga bato at kahoy lamang na gawa ng mga tao. 20 Kaya iligtas mo kami Yahweh, O aming Diyos, sa kamay ni Senaquerib upang malaman ng lahat ng kaharian sa lupa na ikaw lamang, ang tunay na si Yahweh.”

Ang Mensahe ni Isaias kay Haring Hezekias

21 Pagkatapos, tumanggap si Hezekias ng sulat mula kay Isaias na ganito ang sinasabi: “Dininig ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang dalangin mo laban kay Senaquerib, 22 at ito ang kanyang tugon:

Kinamumuhian ka ng mga taga-Zion,
    Senaquerib, pinagtatawanan ka at kinukutya ng Jerusalem.

23 “Sino sa akala mo ang iyong iniinsulto at hinahamak?
Nilapastangan mo ako,
    ang Banal na Diyos ng Israel!
24 Nilait mo ang Panginoon sa pamamagitan ng iyong mga lingkod,
    ang sabi mo: Sa dami ng aking karwahe,
naakyat ko ang ituktok ng mga bundok,
    naabot ko rin ang kasuluk-sulukan ng Lebanon.
Pinutol ko ang nagtataasang puno ng sedar,
    at ang mga piling puno ng sipres;
naabot kong lahat
    ang pinakamataas na lugar at pusod ng gubat.
25 Humukay ako ng maraming balon,
    at uminom ako ng tubig ng mga iyon.
Ang mga ilog at batis sa Egipto,
    matapakan ko lamang ay agad natutuyo.

26 “Dapat mong malaman na noon pang una
    ang bagay na ito ay matagal ko nang binalak,
    at ngayo'y pawang natutupad.
Itinakda kong ikaw ang magwawasak
    ng matitibay na lunsod.
27 Mga mamamaya'y nawalan ng lakas,
    nanginig sa takot at napahiya.
Sila'y tulad ng halaman sa gitna ng parang,
    mga murang daho'y nalanta sa araw;
katulad ay damo sa bubong ng bahay,
    hindi pa pinuputol ay tuyo na sa tangkay.

28 “Lahat ng iyong gawin ay nalalaman ko,
    hindi lingid sa akin anumang balak mo.
29 Dahil sa galit mo't paglaban sa akin
    at paghahambog mong hindi nalilihim,
kaya ang ilong mo'y kakawitin ko
    at ang bibig mo'y lalagyan ng kandado,
at ibabalik kita sa pinanggalingan mo.

30 “Ito ang magiging palatandaan ninyo: Sa taóng ito, ang kakainin ninyo'y bunga ng halamang dati nang nakatanim. Sa susunod na taon, ang kakainin ninyo'y ang ani sa tutubong supling ng halamang iyon. Ngunit sa ikatlong taon, magtatanim na kayo ng panibago, at ang kakainin ninyo'y ang ibubunga nito. 31 Ang mga nalabi sa Juda ay parang halamang muling mag-uugat at mamumunga, 32 sapagkat may malalabi mula sa Jerusalem, at may maliligtas mula sa Bundok ng Zion. Mangyayari ito dahil kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

33 “Kaya ito ang pasya ni Yahweh tungkol sa hari ng Asiria: Hindi siya makakalapit sa lunsod na ito; ni isang palaso ay hindi niya magagamit laban dito. Hindi siya makakalapit na may sandata o makakapagtayo ng tanggulan upang ito'y kubkubin. 34 Saan man siya magdaan papunta dito, doon rin siya daraang pabalik. Hindi na siya makakapasok sa lunsod na ito. Sapagkat ganito ang sinasabi ni Yahweh. 35 ‘Ipagtatanggol ko at ililigtas ang lunsod na ito alang-alang sa akin at sa lingkod kong si David.’”

Ang Pagkamatay ni Senaquerib

36 Nang gabing iyon, pinatay ng anghel ni Yahweh ang may 185,000 kawal na taga-Asiria sa loob mismo ng kanilang kampo. Kinaumagahan, naghambalang sa kampo nila ang mga bangkay. 37 Dahil dito, umuwi na si Senaquerib at doon na tumira sa Nineve. 38 Minsan, samantalang sumasamba siya sa templo ng diyus-diyosan niyang si Nisroc, pinatay siya ng dalawa niyang anak na sina Adramelec at Sarezer sa pamamagitan ng espada. Pagkatapos, tumakas sila at nagtago sa bundok ng Ararat. Humalili kay Senaquerib ang anak niyang si Esarhadon.

Nagkasakit si Hezekias(D)

38 Nang panahong iyon, nagkasakit nang malubha si Hezekias at nasa bingit na ng kamatayan, kaya siya'y dinalaw ni Isaias na anak ni Amoz. Sinabi niya sa hari ang utos na ito ni Yahweh, “Ipatawag mo ang iyong sambahayan at gawin mo na ang iyong mga huling habilin, sapagkat hindi ka na gagaling; mamamatay ka na.” Pagkarinig nito, humarap siya sa dingding at nanalangin! “O Yahweh, alam mo kung paano ako namuhay sa iyong harapan. Naglingkod ako sa iyo nang tapat at ang ginawa ko'y pawang nakalulugod sa iyong paningin.” Pagkatapos, nanangis siya nang malakas.

Muling nagsalita si Yahweh kay Isaias. Ang sabi sa kanya, “Sabihin mo kay Hezekias ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng iyong ninunong si David: ‘Nakita ko ang iyong pagluha at narinig ko ang iyong dalangin; kaya dadagdagan ko pa ng labinlimang taon ang iyong buhay. Hindi lamang iyon, ikaw at ang lunsod na ito'y hindi mapapahamak, sapagkat ipagtatanggol ko kayo laban sa hari ng Asiria.’”

“Ito ang palatandaang ibibigay sa iyo ni Yahweh para patunayang tutuparin niya ang kanyang pangako. Ang anino sa orasan sa palasyo ni Haring Ahaz ay pababalikin niya ng sampung guhit.” At gayon nga ang nangyari.

Ito ang awit na isinulat ni Haring Hezekias ng Juda, matapos na siya'y gumaling:

10 “Minsa'y nasabi kong sa katanghalian ng buhay,
    ako ay papanaw!
Sa daigdig ng mga patay ako masasadlak,
    upang manatili doon sa buong panahon ng aking buhay.
11 At nasabi ko ring hindi ko na makikita si Yahweh
    at sinumang nabubuhay sa lupa.
12 Katulad ng toldang tirahan ng pastol,
    inalis na sa akin ang aking tahanan.
Ang abang buhay ko'y pinuputol mo
    tulad ng tela sa isang tahian;
ang aking akala'y wawakasan na ng Diyos ang aking buhay.
13 Ako'y lumuluha sa buong magdamag, hindi makatulog, parang nilalansag,
parang nilalamon ng leon ang aking buong katawan,
ang aking akala'y wawakasan na ng Diyos ang aking buhay.
14 Tumataghoy ako dahil sa hirap,
parang isang kalapating nakakaawa.
Ang mga mata ko ay pagod na rin dahil sa pagtitig doon sa itaas.
O Panginoon, sa kahirapang ito ako'y iyong iligtas.
15 Ano pa ang aking masasabi? Ang may gawa nito ay ikaw,
ngunit masakit ang aking kalooban, at hindi ako makatulog.

16 “O Panginoon, ang mga nilikha ay nabubuhay dahil sa iyo,
ako'y pagalingin at ang aking lakas sana'y ibalik mo.
17 Ang hirap na ito'y aking nalalaman, na tanging ako rin ang makikinabang.
Iyong iniligtas[b] ang buhay na ito, hindi mo hinayaang mahulog sa hukay,
at pinatawad mo ako sa aking mga kasalanan.
18 Ang(E) patay ay hindi na makakapagpuri sa iyo,
o makakaasa sa iyong katapatan.
19 Mga buháy lamang ang makakapagpuri sa iyo,
tulad ng ginagawa ko ngayon,
at tulad din ng ama na itinuturo sa mga anak ang katapatan.
20 Si Yahweh ang magliligtas sa akin,
kaya sa saliw ng tugtog siya'y ating awitan.
Sa banal na Templo ni Yahweh, tayo ay umawit habang nabubuhay.”

21 Si Isaias ay nagpakuha ng pantapal na igos para sa bukol ni Hezekias, at gumaling naman ito. 22 At itinanong ni Hezekias, “Ano ang magiging palatandaan na ako'y maaari nang umakyat sa Templo ni Yahweh?”

Colosas 3

Yamang binuhay(A) kayong muli na kasama ni Cristo, ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos. Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang inyong buhay ay nakatago sa Diyos, kasama ni Cristo. Si Cristo ang inyong buhay, at kapag siya'y nahayag na, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang kaluwalhatian.

Ang Dati at Bagong Buhay

Kaya't patayin na ninyo ang mga pagnanasang makamundo: ang pakikiapid, karumihan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masamang pagnanasa, at ang kasakiman na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan. Dahil sa mga ito, tatanggap ng parusa ng Diyos [ang mga taong ayaw pasakop sa kanya].[a] Kayo man ay namuhay din ayon sa mga pagnanasang iyon nang kayo ay pinaghaharian pa ng mga ito.

Ngunit ngayon, itakwil na ninyo ang lahat ng galit, poot, at sama ng loob. Iwasan na ninyo ang panlalait at malaswang pananalita. Huwag(B) kayong magsisinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang dati ninyong pagkatao, pati ang mga gawa nito. 10 Isinuot(C) ninyo ang bagong pagkatao na patuloy na nababago at nagiging kalarawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang lalo ninyo siyang makilala. 11 Kaya't sa kalagayang ito, wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di-tuli, ang dayuhan at ang hindi sibilisado, ang alipin at ang malaya. Ngunit si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat, at siya'y nasa inyong lahat.

12 Kaya(D) nga, dahil kayo'y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagtiis. 13 Magpasensiya(E) kayo sa isa't isa. Kung may hinanakit kayo kaninuman, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon.[b] 14 At higit sa lahat, taglayin ninyo ang pagmamahalan, na siyang nagbubuklod sa lahat sa ganap na pagkakaisa. 15 Paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo tinawag sa iisang katawan. Magpasalamat kayong lagi. 16 Ang(F) salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos. 17 At anuman ang inyong gagawin o sasabihin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.

Ang Pagsasamahang Nararapat

18 Mga(G) babae, pasakop kayo sa inyong asawa, sapagkat iyan ang naaangkop sa mga nakipag-isa sa Panginoon.

19 Mga(H) lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa, at huwag kayong maging malupit sa kanila.

20 Mga(I) anak, sundin ninyong lagi ang inyong mga magulang, sapagkat iyan ang nakalulugod sa Panginoon.

21 Mga(J) magulang, huwag ninyong pagagalitan nang labis ang inyong mga anak at baka masiraan sila ng loob.

22 Mga(K) alipin, sa lahat ng bagay ay sundin ninyo ang inyong mga amo dito sa lupa. May nakakakita man o wala, maglingkod kayo hindi upang kalugdan lamang ng mga tao, kundi dahil sa kayo'y tapat at may takot sa Panginoon. 23 Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao. 24 Sapagkat si Cristo ang Panginoong pinaglilingkuran ninyo at alalahanin ninyong pagkakalooban kayo ng Panginoon ng gantimpalang inilaan niya para sa inyo. 25 Ang(L) mga gumagawa ng masama ay pagbabayarin sa kasamaang kanilang ginawa, sapagkat ang Diyos ay walang kinikilingan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.