Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Jeremias 20-21

Ang Pakikipagtalo ni Jeremias kay Pashur

20 Si Pashur na anak ni Imer ay isang pari at siyang pinakapuno ng mga naglilingkod sa templo. Narinig niya ang pahayag ni Jeremias. Kaya ipinabugbog niya ito, ikinadena ang mga paa't kamay, at ipinabilanggo sa itaas ng Pintuan ni Benjamin, na nasa hilagang bakuran ng templo. Kinaumagahan, nang siya'y pakalagan na ni Pashur, sinabi ni Jeremias sa kanya, “Hindi na Pashur ang tawag sa iyo ni Yahweh kundi Takot sa Lahat ng Dako. Sapagkat ang sabi ni Yahweh: ‘Gagawin kitang katatakutan ng iyong sarili at ng mga kaibigan mo. Makikita mo ang pagkamatay nilang lahat sa tabak ng kaaway. Ipapailalim ko ang lahat ng taga-Juda sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia; ang iba'y dadalhin niyang bihag sa Babilonia at ipapapatay naman ang iba. Pababayaan ko ring makuha ng mga kaaway ang lahat ng kayamanan sa lunsod na ito, at kamkamin ang lahat ninyong ari-arian, pati ang mga kayamanan ng mga hari ng Juda. Dadalhin nila sa Babilonia ang lahat ng maaaring pakinabangan. Ikaw naman, Pashur, at ang iyong buong sambahayan ay mabibihag at dadalhin sa Babilonia. Doon na kayo mamamatay at malilibing, kasama ng inyong mga kaibigan na pinagsabihan mo ng mga kasinungalingan.’”

Si Jeremias ay Dumaing kay Yahweh

Yahweh, ako'y iyong hinikayat,
    at naniwala naman ako.
Higit kang malakas kaysa akin
    kaya ikaw ay nagwagi.
Pinagkatuwaan ako ng lahat;
    at maghapon nila akong pinagtatawanan.

Tuwing ako'y magsasalita at sisigaw ng “Karahasan! Pagkawasak!”
Pinagtatawanan nila ako't hinahamak,
    sapagkat ipinapahayag ko ang iyong salita.
Ngunit kung sabihin kong, “Kalilimutan ko na si Yahweh
    at hindi na ako magsasalita para sa kanyang pangalan,”
para namang apoy na naglalagablab sa aking kalooban ang iyong mga salita,
    apoy na nakakulong sa aking mga buto.
Sinikap kong tiisin ito,
    ngunit hindi ko na kayang pigilin pa.
10 Naririnig kong maraming nagbubulungan.
    Tinagurian nila akong “Takot sa Lahat ng Dako.”
    Sinasabi nila, “Isumbong natin! Isumbong natin sa may kapangyarihan!”
Pati matatalik kong kaibiga'y naghahangad ng aking kapahamakan.
Sabi pa nila, “Marahil ay malilinlang natin siya;
    pagkatapos, hulihin natin at paghigantihan.”
11 Subalit ikaw, Yahweh, ay nasa panig ko,
    tulad sa malakas at makapangyarihang mandirigma;
mabibigo ang lahat ng umuusig sa akin,
    mapapahiya sila at hindi magtatagumpay kailanman.
Hindi na makakalimutan ang kanilang kahihiyan habang panahon.
12 Makatarungan ka kung sumubok sa mga tao, Yahweh, na Makapangyarihan sa lahat,
    alam mo ang laman ng kanilang mga puso't isip.
Kaya ikaw ang maghiganti sa mga kaaway ko,
    ipinagkakatiwala ko sa mga kamay mo ang aking kapakanan.
13 Awitan ninyo si Yahweh,
    siya'y inyong papurihan,
sapagkat inililigtas niya ang mga api mula sa kamay ng mga gumagawa ng kasamaan.

14 Sumpain(A) nawa ang araw nang ako'y isilang!
Huwag ninyong ituring na araw na pinagpala ang araw nang ako'y ipanganak!
15 Sumpain nawa ang taong nagbalita sa aking ama,
    “Lalaki ang anak ninyo!”
    na nagdulot sa kanya ng malaking kagalakan.
16 Matulad nawa ang taong iyon
    sa mga lunsod na winasak ni Yahweh nang walang awa.
Makarinig nawa siya ng iyakan sa umaga,
    at hiyawan naman sa tanghali;
17     sapagkat hindi niya ako pinatay bago ako isinilang.
Sa gayon, naging libingan ko sana ang tiyan ng aking ina.
18 Bakit pa ako isinilang kung ang mararanasan ko lamang ay hirap,
    kalungkutan at kahihiyan habang ako'y nabubuhay?

Hinulaan ang Pagbagsak ng Jerusalem

21 Sina Pashur na anak ni Malchias, at ang paring si Zefanias na anak naman ni Maaseias, ay pinapunta ni Haring Zedekias kay Jeremias upang ipakiusap(B) kay Yahweh ang binabalak ni Haring Nebucadnezar na pakikipagdigma sa kanila. Sabi pa nila, “Marahil ay gagawa ng isang kamangha-manghang bagay si Yahweh, gaya ng ginawa niya noong unang panahon, upang hindi na ituloy ni Nebucadnezar ang kanyang balak na pagsalakay.”

Ganito ang sinabi ni Yahweh kay Jeremias bilang tugon sa kanila: “Sabihin mo kay Zedekias na ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Itataboy kong pabalik ang mga kawal na pinahaharap mo sa hari ng Babilonia at sa kanyang hukbo na ngayo'y nakapaligid sa inyo. Kukunin ko ang kanilang mga sandata at ibubunton ko sa gitna ng lunsod na ito. Ako mismo ang lalaban sa inyo dahil sa tindi ng aking galit at poot na parang apoy na naglalagablab. Ang buong lakas ko'y gagamitin ko laban sa inyo. Pupuksain ko ang lahat ng naninirahan sa lunsod, maging tao o hayop; mamamatay sila sa matinding salot. Pagkatapos, si Haring Zedekias ng Juda, ang kanyang mga tauhan at nasasakupan, at lahat ng nasa lunsod na nakaligtas sa labanan, sa salot, at sa gutom, ay ibibigay ko naman sa kamay ni Nebucadnezar, hari ng Babilonia, at ng iba pa nilang kaaway. Papatayin silang lahat, at walang sinumang makakaligtas. Hindi niya sila kahahabagan kahit kaunti man. Ako, si Yahweh, ang maysabi nito.

“Sabihin mo sa bayang ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Narito ang buhay at ang kamatayan. Mamili kayo sa dalawa. Ang mananatili sa lunsod na ito ay mamamatay sa labanan, sa gutom o sa salot; ngunit ang susuko sa mga taga-Babilonia na sumasalakay na ngayon sa inyo ay hindi mamamatay. Maililigtas nila ang kanilang sariling buhay. 10 Nakapagpasya na akong wasakin ang lunsod na ito; ito'y sasakupin at susunugin ng hari ng Babilonia.

Ang Kahatulan sa mga Namumuno sa Juda

11 “Sabihin mo sa angkan ng mga hari ng Juda: Pakinggan ninyo ang sinasabi ni Yahweh. 12 Sa buong angkan ni David, ito ang sabi ni Yahweh sa inyo: Pairalin ninyo ang katarungan araw-araw. Iligtas ninyo sa kamay ng mapang-api ang mga dukha; kung hindi, mag-aalab laban sa inyo ang aking poot, parang apoy na hindi maaapula dahil sa inyong masasamang gawa. 13 Ikaw, Jerusalem, nakatayo ka sa itaas ng mga libis, parang batong namumukod sa gitna ng kapatagan. Ngunit kakalabanin kita. Sinasabi mong walang makakadaig sa iyo; walang makakapasok sa iyong mga kuta. 14 Paparusahan kita ayon sa iyong masasamang gawa. Susunugin ko ang iyong palasyo at lalaganap ang apoy sa buong paligid at tutupukin nito ang lahat ng naroon. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

2 Timoteo 4

Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus na hahatol sa mga buháy at sa mga patay, alang-alang sa kanyang pagdating bilang hari, inaatasan kita: ipangaral mo ang salita ng Diyos; pagsikapan mong gawin iyan napapanahon man o hindi. Himukin mo at pagsabihan ang mga tao, at palakasin ang kanilang loob sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo. Sapagkat darating ang panahong hindi na sila makikinig sa wastong katuruan; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig. Maghahanap sila ng mga tagapagturo na walang ituturo kundi ang ibig lamang nilang marinig. Hindi na sila makikinig sa katotohanan, sa halip ay ibabaling ang kanilang pansin sa mga kathang-isip. Ngunit ikaw, maging mahinahon ka sa lahat ng oras, magtiis ka sa panahon ng kahirapan. Gampanan mo ang tungkulin ng isang mangangaral ng Magandang Balita at tuparin mo nang lubos ang iyong paglilingkod.

Sapagkat dumating na ang panahon ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Ako'y mistulang isang handog na ibinubuhos sa dambana. Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang dapat kong takbuhin, at nanatili akong tapat sa pananampalataya. Kaya naghihintay sa akin ang koronang gantimpala para sa mga namuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Sa Araw na iyon, ang Panginoon na siyang makatarungang Hukom, ang siyang magpuputong sa akin ng korona; hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang pagbabalik.

Mga Personal na Tagubilin

Sikapin mong makapunta dito sa lalong madaling panahon. 10 Iniwan(A) na ako ni Demas dahil sa kanyang pag-ibig sa daigdig na ito; pumunta siya sa Tesalonica. Si Cresente naman ay nagpunta sa Galacia, at si Tito sa Dalmacia. 11 Si(B) Lucas na lamang ang kasama ko rito. Hanapin mo si Marcos at isama mo rito, sapagkat malaki ang maitutulong niya sa aking mga gawain. 12 Pinapunta(C) ko sa Efeso si Tiquico. 13 Pagpunta(D) mo rito, dalhin mo ang aking balabal na naiwan ko sa Troas sa bahay ni Carpo. Dalhin mo rin ang mga aklat, lalo na iyong mga gawa sa balat ng hayop.

14 Napakasama(E) ng ginawa sa akin ng panday na si Alejandro. Pagbabayarin siya ng Panginoon sa kanyang mga ginawa. 15 Mag-ingat ka sa kanya, sapagkat mahigpit niyang sinalungat ang ipinapangaral natin.

16 Sa unang pagharap ko sa hukuman ay walang sumama sa akin; pinabayaan nila akong mag-isa. Patawarin nawa sila ng Diyos. 17 Ngunit sinamahan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas upang makapangaral nang lubusan sa lahat ng Hentil, at ako'y naligtas sa tiyak na kamatayan. 18 Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin nang ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen.

Pangwakas na Pagbati

19 Ikumusta(F) mo ako kina Priscila at Aquila, at sa sambahayan ni Onesiforo. 20 Nagpaiwan(G) sa Corinto si Erasto; si Trofimo nama'y iniwan ko sa Mileto na may sakit. 21 Pilitin mong makapunta dito bago magtaglamig.

Kinukumusta ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia at lahat ng mga kapatid.

22 Samahan nawa ng Panginoon ang iyong espiritu. Sumainyo nawang lahat ang kagandahang-loob ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.