Old/New Testament
62 Magsasalita ako para lumakas ang loob ng Jerusalem.
Hindi ako tatahimik hanggang hindi niya nakakamit ang kaligtasan;
hanggang sa makita ang kanyang tagumpay na parang sulong nagliliyab.
2 Makikita ng mga bansa ang pagpapawalang-sala sa iyo,
at ng lahat ng hari ang iyong kaningningan.
Ikaw ay tatawagin sa isang bagong pangalan,
na si Yahweh mismo ang magkakaloob.
3 Ikaw ay magiging magandang korona sa kamay ni Yahweh, isang maharlikang putong na hawak ng Diyos.
4 Hindi ka na tatawaging ‘Pinabayaan,’
at ang lupain mo'y hindi na rin tatawaging ‘Asawang Iniwanan.’
Ang itatawag na sa iyo'y ‘Kinalulugdan ng Diyos,’
at ang lupain mo'y tatawaging ‘Maligayang Asawa,’
sapagkat si Yahweh ay nalulugod sa iyo,
at ikaw ay magiging parang asawa sa iyong lupain.
5 Tulad ng isang binatang ikinakasal sa isang birhen,
ikaw ay pakakasalan ng sa iyo ay lumikha,
kung paanong nagagalak ang binata sa kanyang kasintahan,
ganoon din ang kagalakan ng Diyos sa iyo.
6 Naglagay ako ng mga bantay sa mga pader mo, Jerusalem;
hindi sila tatahimik araw at gabi.
Ipapaalala nila kay Yahweh ang kanyang pangako,
upang hindi niya ito makalimutan.
7 Huwag ninyo siyang pagpapahingahin
hanggang hindi niya naitatatag muli itong Jerusalem;
isang lunsod na pinupuri ng buong mundo.
8 Sumumpa si Yahweh at gagawin niya iyon
sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan:
“Hindi na ibibigay ang inyong ani upang kainin ng mga kaaway;
hindi rin makakainom ang mga dayuhan, sa alak na inyong pinaghirapan.
9 Kayong nagpagod at nagpakahirap, nagtanim, nag-ani,
ang siyang makikinabang at magpupuri kay Yahweh;
kayong nag-alaga at nagpakahirap sa mga ubasan,
kayo ang iinom ng alak sa mga bulwagan ng aking Templo.”
10 Pumasok kayo at dumaan sa mga pintuan!
Gumawa kayo ng daan para sa ating kababayang nagsisibalik!
Maghanda kayo ng malawak na lansangan! Alisan ninyo ito ng mga bato!
Maglagay kayo ng mga tanda upang malaman ng mga bansa,
11 na(A) si Yahweh ay nagpapahayag sa buong lupa:
Sabihin mo sa mga taga-Zion,
“Narito, dumarating na ang inyong Tagapagligtas;
dala niya ang gantimpala sa mga hinirang.”
12 Sila'y tatawagin ng mga tao na ‘Bayang Banal, na Tinubos ni Yahweh.’
Tatawagin silang ‘Lunsod na Minamahal ng Diyos,’
‘Lunsod na hindi Pinabayaan ng Diyos.’
Ang Tagumpay ni Yahweh Laban sa mga Bansa
63 “Sino(B) itong dumarating na buhat sa Edom,
buhat sa Bozra na ang maringal na kasuotan ay kulay pula?
Sino ang magiting na lalaking ito
na kung lumakad ay puno ng kasiglahan?
Ako ang nagbabadya ng tagumpay;
ang kalakasan ko'y sapat na upang kayo ay iligtas.”
2 “Bakit pula ang iyong suot?
Tulad ng damit ng nagpipisa ng ubas upang gawing alak?”
3 Ang(C) sagot ni Yahweh: “Pinisa ko ang mga bansa na parang ubas,
wala man lang tumulong sa akin;
tinapakan ko sila sa tindi ng aking galit,
kaya natigmak sa dugo ang aking damit.
4 Nagtakda na ako ng araw upang maghiganti,
sapagkat dumating na ang panahon ng aking pagliligtas.
5 Ako'y(D) naghanap ng makakatulong
ngunit walang nakita kahit isa;
ako'y pinalakas ng aking galit,
at mag-isa kong nakamit ang pagtatagumpay.
6 Sa tindi ng aking galit ay dinurog ko ang mga bansa,
aking ibinuhos ang kanilang mga dugo sa lupa.”
Ang Kabutihan ni Yahweh sa Israel
7 Aking sasaysayin ang pag-ibig ni Yahweh na hindi nagmamaliw;
pupurihin ko siya sa lahat ng bagay na kanyang ginawa para sa atin.
Tunay na kanyang pinagpala ang bayang Israel,
dahil sa kahabagan niya at wagas na pag-ibig.
8 Sinabi ni Yahweh, “Sila ang bayan ko na aking hinirang,
kaya hindi nila ako pagtataksilan.”
Iniligtas niya sila
9 sa kapahamakan at kahirapan.
Hindi isang anghel,
kung hindi si Yahweh mismo ang nagligtas sa kanila;
iniligtas sila dahil sa pag-ibig niya't habag,
na sa simula pa ay kanya nang ipinakita.
10 Ngunit sa kabila nito, sila'y naghimagsik
at pinighati nila ang kanyang banal na Espiritu;
dahil doon naging kaaway nila si Yahweh.
11 Pagkatapos, naalala nila ang panahon ni Moises,
ang lingkod ni Yahweh.
Ang tanong nila, “Nasaan na si Yahweh, na nagligtas sa mga pinuno ng kanyang bayan nang sila'y tumawid sa Dagat ng mga Tambo?
Nasaan na si Yahweh, na nagbigay ng kanyang banal na Espiritu kay Moises?
12 Sa(E) pangalan ni Yahweh, hinawi ni Moises ang tubig ng dagat,
kaya ang Israel doon ay naligtas.
At siya ay natanyag sa lahat para sa kanyang sarili.”
13 Natawid nila ang karagatan sa tulong ni Yahweh,
parang kabayong matatag na hindi nabuwal.
14 Kung paanong ang kawan ay dinadala sa sariwang pastulan,
ang Espiritu[a] ni Yahweh ang nagbigay ng kapahingahan sa kanyang bayan,
at sila'y ginabayan upang siya ay maparangalan.
Dalangin para sa Tulong ni Yahweh
15 Magmula sa langit tunghayan mo kami, Yahweh,
at iyong pagmasdan mula sa iyong dakila at banal na trono.
Saan ba naroon ang malasakit mo at kapangyarihan?
Pag-ibig mo at kahabagan,
huwag kaming pagkaitan.
16 Kung walang nagawa sa amin si Jacob at Abraham,
ikaw lamang, Yahweh, ang aming pag-asa at Amang aasahan;
tanging ikaw lamang ang nagliligtas ng aming buhay.
17 Bakit ba, O Yahweh, kami'y tinulutang maligaw ng landas,
at ang puso nami'y iyong hinayaang maging matigas?
Balikan mo kami at iyong kaawaan,
mga lingkod mo na tanging iyo lamang.
18 Kami, na iyong banal na bayan ay sandaling itinaboy ng mga kaaway;
winasak nila ang iyong santuwaryo.
19 Ang turing mo sa amin ay parang hindi mo pinamahalaan;
ang nakakatulad ay mga nilalang na di nakaranas na iyong pagharian.
64 Bakit hindi mo buksan ang langit at bumabâ ka sa mundong ibabaw,
upang ang mga bundok ay manginig sa takot sa iyong harapan?
2 Sila'y manginginig na parang tubig na kumukulo sa init ng apoy.
Ipakita mo ang iyong kapangyarihan sa iyong mga kaaway,
upang manginig ang mga bansa sa iyong harapan.
3 Nang ikaw ay dumating sa nakaraang panahon, gumawa ka ng mga bagay na nakakapangilabot na hindi namin inaasahan;
ang mga bundok ay nanginig sa takot nang ikaw ay makita.
4 Sangkatauhan(F) ay wala pang nakikita
o naririnig na Diyos maliban sa iyo;
ikaw na tumutugon sa mga dalangin ng mga umaasa sa iyo.
5 Tinatanggap mo ang mga taong nagagalak gumawa ng tama;
at sila na sa iyo'y nakakaalala sa nais mong maging buhay nila.
Ngunit kapag patuloy kaming nagkakasala, ikaw ay nagagalit.
At sa kabila ng iyong poot, patuloy kami sa paggawa ng masama.
6 Lahat tayo'y naging marumi sa harapan ng Diyos;
ang mabubuting gawa nati'y maruruming basahan ang katulad.
Nalanta na tayong lahat gaya ng mga dahon;
tinatangay tayo ng malakas na hangin ng ating kasamaan.
7 Walang sinumang tumatawag sa pangalan mo;
walang sinumang bumabangon upang sa iyo'y lumapit.
Kami'y iyong pinagtaguan,
at dahil sa aming mga kasalanan, kami'y iyong pinuksa.
8 Gayunman, O Yahweh, ikaw pa rin ang aming Ama.
Kami ang putik at ikaw ang magpapalayok.
Ikaw ang sa ami'y humubog.
9 O Yahweh, huwag kang mapoot sa amin nang labis;
huwag mo nang alalahanin magpakailanman ang aming mga kasamaan;
mahabag ka sa amin sapagkat kami'y iyong bayan.
10 Ang mga banal na lunsod mo'y naging mga disyerto;
ang Jerusalem ay naging mapanglaw na guho.
11 Ang aming banal at magandang Templo,
na sinasambahan ng aming mga ninuno,
ngayon ay sunog na;
at ang lahat ng lugar na kawili-wiling pagtipunan, ay wasak nang tuluyan.
12 O Yahweh, pagkatapos ng mga bagay na ito, ano ang iyong gagawin?
Tatahimik ka ba at patuloy kaming pahihirapan?
1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas at ni Cristo Jesus na ating pag-asa—
2 Kay(A) Timoteo na tunay kong anak sa pananampalataya.
Sumaiyo nawa ang kagandahang-loob, habag at kapayapaang buhat sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Babala tungkol sa Maling Katuruan
3 Gaya ng ipinakiusap ko sa iyo bago ako pumunta sa Macedonia, nais kong manatili ka sa Efeso upang utusan mo ang ilang tao diyan na huwag magturo ng maling aral, 4 at huwag nilang pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat at mahahabang talaan ng mga angkan. Iyan ay pinagmumulan lamang ng mga pagtatalo at hindi nakakatulong sa tao upang matupad ang plano ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. 5 Ang layunin ng tagubiling ito ay upang magkaroon kayo ng pag-ibig na nagmumula sa pusong dalisay, malinis na budhi at tapat na pananampalataya. 6 May ilang tumalikod sa mga bagay na ito at nalulong sa walang kabuluhang talakayan. 7 Nais nilang maging tagapagturo ng kautusan gayong hindi naman nila nauunawaan ang kanilang sinasabi at ang kanilang mga itinuturo nang may buong tiwala sa sarili.
8 Alam naman nating ang Kautusan ay mabuti kung ginagamit sa tamang paraan. 9 Alalahanin nating ang Kautusan ay hindi ginawa para sa mabubuting tao, kundi para sa mga walang kinikilalang batas at mga kriminal, para sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga makasalanan, para sa mga lapastangan sa Diyos at walang hilig sa kabanalan, para sa mga mamamatay-tao at pumapatay ng sariling ama o ina. 10 Ibinigay rin ang Kautusan para sa mga mahihilig sa kahalayan at nakikipagtalik sa kapwa lalaki, para sa mga kidnaper, para sa mga sinungaling at sa mga bulaang saksi. Ang Kautusan ay ibinigay para sa lahat ng mga sumasalungat sa mabuting aral. 11 Ang aral na ito'y ayon sa Magandang Balita na ipinagkatiwala sa akin ng maluwalhati
at mapagpalang Diyos.
Pagkilala sa Habag ng Diyos
12 Nagpapasalamat ako sa ating Panginoong Jesu-Cristo na nagbibigay sa akin ng lakas, dahil itinuring niya akong karapat-dapat na maglingkod sa kanya, 13 kahit(B) na noong una'y nilapastangan, inusig at nilait ko siya. Sa kabila nito'y nahabag sa akin ang Diyos sapagkat hindi ko nalalaman ang aking ginagawa noong ako'y hindi pa sumasampalataya. 14 Pinasagana sa akin ang kagandahang-loob ng ating Panginoon at ipinagkaloob niya sa akin ang pananampalataya at pag-ibig na natatagpuan sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 15 Totoo ang pahayag na ito at dapat paniwalaan ng lahat: Si Cristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa kanila. 16 Ngunit akong pinakamasama ay kinahabagan, upang ipakita ni Cristo Jesus sa pamamagitan ko, ang kanyang lubos na pagtitiyaga, at upang ito'y maging halimbawa sa mga sasampalataya at bibigyan ng buhay na walang hanggan.
17 Purihin natin at luwalhatiin magpakailanman ang iisang Diyos, Haring walang hanggan, walang kamatayan at di-nakikita! Amen.
18 Timoteo, anak ko, ang mga bagay na ito'y itinatagubilin ko sa iyo ayon sa mga pahayag na sinabi tungkol sa iyo upang sa pamamagitan ng mga ito ay makipaglaban kang mabuti, 19 taglay ang matibay na pananampalataya at malinis na budhi. May mga taong hindi sumunod sa kanilang budhi, at dahil dito, ang pananampalataya nila ay natulad sa isang barkong nawasak. 20 Kabilang sa mga iyon sina Himeneo at Alejandro, na ipinaubaya ko na sa kapangyarihan ni Satanas upang turuan silang huwag lumapastangan sa Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.