Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mga Gawa 8:26-40

Si Felipe at ang Eunukong Taga-Etiopia

26 Matapos ang mga ito, inutusan ng isang anghel ng Panginoon si Felipe, “Tumindig ka at pumunta patungong timog, sa daang pababa mula sa Jerusalem patungong Gaza. Ito'y ilang na daan.” 27 Tumindig nga siya at umalis. Dumating naman ang isang eunukong taga-Etiopia, na tagapamahala ng buong kayamanan ni Candace, ang reyna ng Etiopia. Galing ang eunuko sa Jerusalem upang sumamba. 28 Pauwi na siya noon, nakasakay sa kanyang karwahe at binabasa ang aklat ni propeta Isaias. 29 Sinabi ng Espiritu kay Felipe, “Lumapit ka at makisakay sa karwaheng ito.” 30 Kaya't tumakbong palapit si Felipe at kanyang narinig na binabasa ng lalaki ang aklat ni propeta Isaias. Tinanong siya ni Felipe, “Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?” 31 Sumagot siya kay Felipe, “Paano ko ito mauunawaan kung walang magpapaliwanag sa akin?” At kanyang inanyayahan si Felipe na sumakay at maupong kasama niya. 32 Ito (A) ang bahagi ng Kasulatang binabasa niya:

“Tulad ng tupang dinala sa katayan;
    at ng korderong hindi umiimik sa harap ng kanyang manggugupit,
    gayundin hindi niya ibinubuka ang kanyang bibig.
33 Sa kanyang pagpapakababa ay ipinagkait sa kanya ang katarungan.
    Sino ang makapaglalarawan sa kanyang lahi?
    Sapagkat inalis sa lupa ang kanyang buhay.”

34 Sinabi ng eunuko kay Felipe, “Maaari bang sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy ng propeta, ang kanya bang sarili o iba?” 35 Mula sa talatang ito, ipinangaral ni Felipe sa lalaki ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. 36 Sa kanilang paglalakbay, nakarating sila sa isang lugar na may tubig. Sinabi ng eunuko, “Tingnan mo, may tubig! Ano'ng hadlang upang ako'y mabautismuhan?” 37 [At sinabi ni Felipe, “Kung sumasampalataya ka nang buong puso ito'y mangyayari. Sumagot ang eunuko, “Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Diyos.”][a] 38 Pinahinto ng eunuko ang karwahe at lumusong silang dalawa sa tubig. At binautismuhan siya ni Felipe. 39 Nang umahon sila sa tubig, biglang inagaw ng Espiritu ng Panginoon si Felipe, at hindi na siya nakita ng eunuko. Nagagalak itong nagpatuloy sa kanyang paglalakbay. 40 Samantala, natagpuan si Felipe sa Azotus. Mula roon ay ipinangaral niya ang Magandang Balita sa lahat ng mga bayan hanggang sa makarating siya sa Cesarea.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.