Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mga Gawa 7:22-43

22 Sinanay si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Ehipcio, at siya'y naging makapangyarihan sa kanyang mga salita at mga gawa. 23 “Nang (A) siya'y apatnapung taong gulang na, naisipan niyang[a] tingnan ang kalagayan ng kanyang mga kapatid, na mga anak ni Israel. 24 Nang makita niya na pinahihirapan ang isa sa kanila, ipinagtanggol at ipinaghiganti niya ito at pinatay ang Ehipcio. 25 Inaakala niya noon na naunawaan ng kanyang mga kababayan[b] na ililigtas sila ng Diyos sa pamamagitan niya.[c] Ngunit hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, lumapit siya sa dalawang Israelitang nag-aaway. Ibig sana niyang sila'y pagkasunduin kaya sinabing, ‘Mga ginoo, kayo'y magkapatid; bakit sinasaktan ninyo ang isa't isa?’ 27 Ngunit itinulak siya ng nanakit sa kapwa, at nagsabing, ‘Sino'ng nagsabing ikaw ay pinuno at hukom namin? 28 Gusto mo ba akong patayin, gaya ng pagpatay mo kahapon sa Ehipcio?’ 29 Nang (B) marinig ito ni Moises, tumakas siya at nanirahan na isang dayuhan sa lupain ng Midian, at doo'y nagkaroon ng dalawang anak na lalaki.

30 “Nang (C) lumipas ang apatnapung taon, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa ilang ng bundok ng Sinai, sa ningas ng apoy sa isang mababang punongkahoy. 31 Namangha si Moises sa kanyang nakita. Nang lapitan niya ito upang tingnang mabuti, dumating ang tinig ng Panginoon: 32 ‘Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob.’ Nanginig sa takot si Moises at hindi nangahas tumingin. 33 Sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Tanggalin mo ang iyong mga sandalyas sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay lupang banal. 34 Kitang-kita ko ang pang-aapi sa aking bayang nasa Ehipto, narinig ko ang kanilang hinaing, at ako'y bumaba upang sila'y iligtas. Ngayon, lumapit ka at isusugo kita sa Ehipto.’ 35 “Ang (D) Moises na ito na kanilang itinakwil nang sabihin nilang, ‘Sino'ng nagsabing ikaw ay pinuno at hukom namin?’ ang siyang isinugo ng Diyos na maging pinuno at tagapagpalaya sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa mababang punongkahoy. 36 Ang taong ito (E) ang humango sa kanila sa kanilang kahirapan sa pamamagitan ng mga himala at mga kababalaghang ginawa niya sa Ehipto, sa Dagat na Pula, at sa ilang, sa loob ng apatnapung taon. 37 Ang (F) Moises na ito ang nagsabi sa mga anak ni Israel, ‘Mula sa inyong mga kapatid, pipili ang Diyos ng propeta para sa inyo, tulad ng pagpili niya sa akin.’ 38 Siya (G) ang kasama ng kapulungan sa ilang. Kasama siya ng anghel na nagsalita sa kanya sa Bundok ng Sinai, at kasama ng ating mga ninuno. Tumanggap siya ng mga salitang nagbibigay-buhay upang ibigay sa atin. 39 Ngunit ayaw siyang sundin ng ating mga ninuno. Sa halip, siya'y kanilang itinakwil, at sa mga puso nila'y bumalik sila sa Ehipto, 40 nang sabihin nila kay Aaron, (H) ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat hindi na namin alam ang nangyayari sa Moises na ito na naglabas sa amin sa Ehipto.’ 41 Gumawa (I) nga sila noon ng diyus-diyosan sa anyo ng isang guya. Naghandog sila sa diyus-diyosang ito at ipinagdiwang ang gawa ng kanilang mga kamay. 42 Ngunit (J) tinalikuran sila ng Diyos, at pinabayaan silang sumamba sa hukbo ng kalawakan.[d] Nasusulat sa aklat ng mga propeta:

‘O, sambahayan ni Israel, sa akin ba kayo nag-alay ng mga hayop na pinatay
    at mga handog sa loob ng apatnapung taon sa ilang?
43 Dinala ninyo ang tolda ni Moloc,
    at ang bituin ng diyos ninyong si Refan,
    ang mga larawang ginawa ninyo upang inyong sambahin;
at itatapon ko kayo sa kabila pa ng Babilonia.’

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.