New Testament in a Year
22 Ngunit pagdating ng mga kawal sa bilangguan, hindi sila natagpuan doon. Bumalik ang mga kawal at nag-ulat, 23 “Nadatnan naming nakakandadong mabuti ang bilangguan, at nakatayo sa mga pintuan ang mga bantay, ngunit nang buksan namin, wala kaming natagpuang tao sa loob.” 24 Nang marinig ito ng pinuno ng mga kawal ng templo at ng mga pinunong pari, nabahala sila. Labis ang kanilang pagtataka kung ano ang nangyayari. 25 Siya namang pagdating ng isang taong nagsabi ng ganito, “Tingnan ninyo! Ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay naroon sa Templo at nagtuturo sa mga tao!” 26 Kaya sumama ang pinuno ng mga kawal sa bantay ng templo at kinuha ang mga apostol. Ngunit hindi sila gumamit ng dahas, sa pangambang baka sila'y batuhin ng mga taong-bayan. 27 Nang kanilang madala ang mga apostol, pinatayo sila sa harap ng Sanhedrin. Tinanong sila ng Kataas-taasang Pari, 28 “Hindi (A) ba't mahigpit namin kayong pinagbawalang magturo sa pangalang ito? Ngunit tingnan ninyo, pinalaganap na ninyo sa Jerusalem ang inyong aral, at nais pa ninyo kaming managot sa pagkamatay[a] ng taong ito!” 29 Ngunit sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Ang Diyos ang dapat naming sundin at hindi ang mga tao. 30 Ang Diyos ng ating mga ninuno ang nagbangon kay Jesus, na inyong pinatay nang bitayin ninyo siya sa punongkahoy. 31 Itinaas siya ng Diyos sa kanyang kanang kamay bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ng pagkakataong magsisi ang Israel, at mapatawad ang mga kasalanan. 32 Saksi kami sa mga sinasabi naming ito, gayundin ang Banal na Espiritu na ipinagkaloob ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.” 33 Nang marinig nila ito, nagngitngit sila sa galit at nagbalak na patayin ang mga apostol. 34 Ngunit tumindig ang isang kaanib ng Sanhedrin, isang Fariseo na ang pangalan ay Gamaliel. Siya'y isang dalubhasa sa Kautusan at iginagalang ng buong bayan. Iniutos niyang ilabas sandali ang mga apostol. 35 Sinabi niya sa kanila, “Mga kababayan kong Israelita, huwag kayong padalus-dalos sa inyong gagawin sa mga taong ito. 36 Sapagkat kailan lang ay lumitaw si Teudas, na nagpakilalang siya'y magaling. Sumama sa kanya ang may apatnaraang tao, ngunit nang siya'y mapatay, lahat ng sumunod sa kanya ay nagkawatak-watak at sila'y walang kinahinatnan. 37 Pagkatapos ay lumitaw naman si Judas na taga-Galilea nang panahon ng pagpapatala, at nakaakit din siya ng mga tagasunod. Ngunit siya man ay napahamak at ang lahat ng sumunod sa kanya'y nagkahiwa-hiwalay. 38 Kaya't pinapayuhan ko kayo ngayong huwag gumawa ng anumang laban sa mga taong ito. Hayaan ninyo sila. Sapagkat kung ang balak nila, o ang gawa nilang ito ay mula sa tao, ito'y hindi magtatagumpay. 39 Ngunit kung ito'y sa Diyos, hindi ninyo sila kayang pabagsakin. Baka lumabas pa kayong lumalaban sa Diyos!” 40 Sila'y napapayag niya. Kaya nang maipatawag nila ang mga apostol, ipinahagupit nila ang mga ito at inutusang huwag nang magsalita sa pangalan ni Jesus, at pagkatapos ay pinalaya. 41 Umalis sila sa Sanhedrin na nagagalak sapagkat sila'y naging karapat-dapat magtiis ng kahihiyan alang-alang sa Pangalan. 42 Araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, wala silang tigil sa pagtuturo at pangangaral na si Jesus ang Cristo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.