Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mga Gawa 5:1-21

Si Ananias at si Safira

May isang lalaki namang nagngangalang Ananias, kasama ang kanyang asawang si Safira, ang nagbili ng bahagi ng kanyang ari-arian. Itinago ni Ananias para sa sarili ang ilang bahagi ng napagbilhan at isang bahagi lamang ang ibinigay sa pamamahala ng mga apostol. Sinang-ayunan ito ng kanyang asawa. Kaya tinanong siya ni Pedro, “Ananias, bakit mo hinayaang puspusin ni Satanas ang iyong puso[a] at nagawa mong magsinungaling sa Banal na Espiritu at itago para sa sarili ang bahagi ng pinagbilhan ng lupa? Hindi ba sa iyo naman ang lupa bago mo iyon ipinagbili? At nang maipagbili na, hindi ba ang napagbilhan ay nasa iyo ring pasya? Bakit naisipan mo pang gawin ang bagay na ito? Hindi ka sa tao nagsinungaling kundi sa Diyos.” Nang marinig ni Ananias ang mga salitang ito, bumagsak siya at namatay. At matinding takot ang naghari sa lahat ng mga nakarinig nito. Lumapit ang mga kabataang lalaki at siya'y binalot, inilabas at inilibing.

Pagkaraan ng halos tatlong oras, pumasok ang kanyang asawa na hindi nalalaman ang nangyari. Sinabi sa kanya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin, ito ba ang halagang pinagbilhan ninyo sa lupa?” Sumagot siya, “Iyon nga.” Sinabi sa kanya ni Pedro, “Bakit nagkasundo kayong subukin ang Espiritu ng Panginoon? Tingnan mo, nakatayo sa pintuan ang mga naglibing sa iyong asawa, at dadalhin ka rin nila sa labas.” 10 Noon di'y nabuwal si Safira sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga kabataan, natagpuan nilang patay na ang babae kaya't siya'y kanilang inilabas at inilibing sa tabi ng kanyang asawa. 11 Naghari ang matinding takot sa buong iglesya at sa lahat ng mga nakarinig ng mga ito.

Ang mga Himalang Ginawa ng mga Apostol

12 Sa pamamagitan ng mga apostol, maraming mga tanda at kababalaghan ang naganap sa gitna ng mga taong-bayan. Lahat ng mananampalataya ay patuloy na nagsasama-sama sa portiko ni Solomon. 13 Subalit wala nang iba pang nangahas na sumama sa kanila bagaman mataas ang pagtingin sa kanila ng mga tao. 14 Gayunma'y lalo pang dumarami ang mga lalaki at mga babaing sumampalataya sa Panginoon. 15 Dinadala ng mga tao sa mga lansangan ang mga maysakit, at inilalagay sa mga higaan at mga banig upang pagdaan ni Pedro ay madaanan man lamang ng kanyang anino ang ilan sa kanila. 16 Sama-sama ring pumunta ang maraming tao mula sa mga karatig-bayan ng Jerusalem, dala ang mga maysakit at ang mga pinahihirapan ng maruruming espiritu. At silang lahat ay pinagaling.

Ang Pag-uusig sa mga Apostol

17 Matinding inggit ang naghari sa Kataas-taasang Pari at sa lahat ng mga kasama niya, na sekta ng mga Saduceo. Kaya kumilos sila. 18 Dinakip nila ang mga apostol at ikinulong sa bilangguang bayan. 19 Ngunit kinagabihan, isang anghel ng Panginoon ang nagbukas sa mga pintuan ng bilangguan, at pagkatapos silang ilabas ay sinabi sa kanila, 20 “Pumunta kayo sa Templo at sabihin ninyo sa mga tao ang buong balita tungkol sa buhay na ito.” 21 Pagkarinig nila nito, pumasok sila sa templo nang madaling-araw at nagturo. Nang dumating ang Kataas-taasang Pari at ang mga kasamahan niya, pinulong nila ang Sanhedrin, ang buong kapulungan ng mga tagapamahala ng Israel. Nagsugo sila ng mga kawal sa bilangguan upang kunin ang mga apostol.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.