M’Cheyne Bible Reading Plan
Iniligtas ni David ang buhay ni Saul sa ilang ng En-gaddi.
24 At nangyari, nang si Saul ay bumalik na mula sa paghabol sa mga Filisteo, na nasaysay sa kaniya, na sinasabi, Narito, si David ay nasa ilang ng (A)En-gaddi.
2 Nang magkagayo'y kumuha si Saul ng tatlong libong piling lalake sa buong Israel, at yumaong inusig si David at ang kaniyang mga lalake sa mga bundok ng maiilap na kambing.
3 At siya'y naparoon sa mga (B)kulungan ng kawan sa daan, na kinaroroonan ng isang yungib; (C)at pumasok si Saul upang takpan ang kaniyang mga paa. (D)Si David nga at ang kaniyang mga tao ay tumatahan sa pinakaloob na bahagi ng yungib.
4 (E)At sinabi ng mga tao ni David sa kaniya, Narito, ang araw na sinabi ng Panginoon sa iyo, Narito, aking ibibigay ang iyong kaaway sa iyong kamay, at iyong gagawin sa kaniya kung ano ang mabutihin mo. Nang magkagayo'y tumindig si David at pinutol na lihim ang laylayan ng balabal ni Saul.
5 At nangyari pagkatapos, na nagdamdam (F)ang puso ni David, sapagka't kaniyang pinutol ang laylayan ng balabal ni Saul.
6 At kaniyang sinabi sa kaniyang mga lalake, Huwag itulot ng Panginoon na ako'y gumawa ng ganitong bagay sa aking panginoon, na (G)pinahiran ng langis ng Panginoon, na aking iunat ang aking kamay laban sa kaniya, yamang siya ang pinahiran ng langis ng Panginoon.
7 Sa gayo'y pinigilan ni David ang kaniyang mga tao ng mga salitang ito, at hindi niya sila binayaang bumangon laban kay Saul. At tumindig si Saul sa yungib at nagpatuloy ng kaniyang lakad.
Si Saul ay nagpakumbaba.
8 Si David naman ay tumindig pagkatapos, at lumabas sa yungib, at hiniyawan si Saul, na sinasabi, Panginoon ko na hari. At nang lumingon si Saul ay iniyukod ni David ang kaniyang mukha sa lupa, at nagbigay galang.
9 At sinabi ni David kay Saul, Bakit ka nakikinig sa mga salita ng mga tao, na nagsasabi, Narito, pinagsisikapan kang saktan ni David?
10 Narito, nakita ngayon ng iyong mga mata kung paanong ibinigay ka ngayon ng Panginoon sa aking kamay sa yungib: at (H)sinabi sa akin ng iba na patayin kita: nguni't hindi kita inano; at aking sinabi, Hindi ko iuunat ang aking kamay laban sa aking panginoon; sapagka't siya ang pinahiran ng langis ng Panginoon.
11 Bukod dito'y iyong tingnan, ama ko, oo, tingnan mo ang laylayan ng iyong balabal sa aking kamay: sapagka't sa pagputol ko ng laylayan ng iyong balabal ay hindi kita pinatay, talastasin mo at tingnan mo na wala kahit kasamaan o pagsalangsang man sa aking kamay, at hindi ako nagkasala laban sa iyo, bagaman iyong pinag-uusig ang aking kaluluwa upang kunin.
12 (I)Hatulan tayo ng Panginoon, at ipanghiganti ako ng Panginoon sa iyo: nguni't ikaw ay hindi ko pagbubuhatan ng kamay.
13 Gaya ng sabi ng kawikaan ng mga matanda: Sa masama magmumula ang kasamaan: nguni't ikaw ay hindi ko pagbubuhatan ng kamay.
14 Sinong nilabas ng hari ng Israel? sinong hinahabol mo? isang patay na aso, isang kuto.
15 Maging hukom nga ang Panginoon, at hatulan tayo, at tingnan, at ipagsanggalang ang aking usap, at iligtas ako sa iyong kamay.
16 At nangyari, nang makatapos si David ng pagsasalita ng mga salitang ito kay Saul, ay sinabi ni Saul, (J)Ito ba ang iyong tinig, anak kong David? At inilakas ni Saul ang kaniyang tinig, at umiyak.
17 At kaniyang sinabi kay David, Ikaw ay lalong matuwid kay sa akin: sapagka't ikaw ay gumanti sa akin ng mabuti, samantalang ikaw ay aking ginantihan ng kasamaan.
18 At iyong ipinakilala sa araw na ito kung paanong gumawa ka sa akin ng mabuti, sapagka't nang ibigay ako ng Panginoon sa iyong kamay, ay hindi mo ako pinatay.
19 Sapagka't kung masumpungan ng isang tao ang kaniyang kaaway, pababayaan ba niyang yumaong mabuti? kaya't gantihan ka nawa ng Panginoon ng mabuti dahil sa iyong ginawa sa akin sa araw na ito.
20 At ngayo'y narito, (K)talastas ko na ikaw ay tunay na magiging hari, at ang kaharian ng Israel ay matatatag sa iyong kamay.
21 (L)Isumpa mo nga ngayon sa akin sa pangalan ng Panginoon, (M)na hindi mo puputulin ang aking binhi pagkamatay ko, at hindi mo papawiin ang aking pangalan sa sangbahayan ng aking magulang.
22 At sumumpa si David kay Saul. At si Saul ay umuwi; nguni't si David at ang (N)kaniyang mga lalake ay umakyat sa katibayan.
5 Sa kasalukuya'y nababalita na sa inyo'y may (A)pakikiapid, at ang ganyang pakikiapid ay wala kahit sa mga Gentil, (B)na isa sa inyo'y nagaari ng (C)asawa ng kaniyang ama.
2 At kayo'y mga mapagpalalo, at hindi kayo bagkus nangalumbay, upang maalis sa gitna ninyo ang gumagawa ng gawang ito.
3 Sapagka't ako (D)sa katotohanan, bagama't wala sa harapan ninyo sa katawan nguni't ako'y nasa harapan ninyo sa espiritu, akin ngang hinatulan na ang gumawa ng bagay na ito, na tulad sa ako'y nahaharap,
4 Sa pangalan ng ating Panginoong Jesus, nang nangagkakatipon kayo, at ang aking espiritu, (E)na taglay ang kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus,
5 Upang ang ganyan ay ibigay (F)kay Satanas sa ikawawasak ng kaniyang laman, upang ang espiritu ay maligtas sa (G)araw ng Panginoong Jesus.
6 (H)Hindi mabuti ang inyong pagmamapuri. (I)Hindi baga ninyo nalalaman na ang kaunting lebadura ay nagpapakumbo sa buong limpak?
7 Alisin ninyo ang lumang lebadura, upang kayo'y maging bagong limpak, na tulad sa kayo'y walang lebadura. Sapagka't ang kordero ng ating paskua ay naihain na, sa makatuwid baga'y si (J)Cristo:
8 Kaya nga (K)ipangilin natin ang pista, hindi sa lumang lebadura, ni sa lebadura man ng masamang akala at ng kasamaan, kundi sa tinapay na walang lebadura ng pagtatapat at ng katotohanan.
9 Isinulat ko sa inyo sa aking sulat na huwag kayong makisama sa mga mapakiapid;
10 Tunay nga hindi ang ibig sabihin ay sa mga mapakiapid sa sanglibutang ito, o sa mga masasakim at mga manglulupig, o sa mga mananamba sa diosdiosan; sapagka't kung gayo'y kinakailangang (L)magsialis kayo sa sanglibutan:
11 Datapuwa't sinusulatan ko nga kayo, na huwag kayong makisama (M)sa kanino mang tinatawag na kapatid, kung siya'y mapakiapid, o masakim, o mananamba sa diosdiosan, o mapagtungayaw, o manglalasing, o manglulupig; sa gayo'y huwag man lamang kayong makisalo.
12 Sapagka't ano sa akin ang humatol (N)sa nangasa labas? Hindi baga kayo nagsisihatol (O)sa nangasa loob?
13 Datapuwa't sa nangasa labas ay Dios ang humahatol. (P)Alisin nga ninyo sa inyo ang masamang tao.
Ang pagkakasugo sa Propeta.
3 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, kanin mo ang iyong nasusumpungan; (A)kanin mo ang balumbong ito, at ikaw ay yumaon, magsalita ka sa sangbahayan ni Israel.
2 Sa gayo'y ibinuka ko ang aking bibig, at ipinakain niya sa akin ang balumbon.
3 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, pakanin mo ang iyong tiyan, at busugin mo ang iyong bituka ng balumbong ito na aking ibinibigay sa iyo. (B)Nang magkagayo'y kinain ko, at sa aking bibig ay naging parang pulot sa katamisan.
4 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, yumaon ka, paroon ka sa sangbahayan ni Israel, at magsalita ka ng aking mga salita sa kanila.
5 Sapagka't ikaw ay hindi sinugo sa isang bayan na may ibang wika at may mahirap na salita, kundi sa sangbahayan ni Israel;
6 Hindi sa maraming bayan na may ibang wika at may mahirap na salita, na ang mga salita ay hindi mo nauunawa. Tunay na (C)kung suguin kita sa mga yaon, didinggin ka ng mga yaon.
7 Nguni't hindi ka didinggin ng sangbahayan ni Israel; sapagka't hindi nila ako didinggin: sapagka't ang buong sangbahayan ni Israel ay may matigas na ulo, at may mapagmatigas na loob.
8 Narito, aking pinapagmatigas ang iyong mukha laban sa kanilang mga mukha, at pinatigas ko ang iyong ulo laban sa kanilang mga ulo.
9 Ginawa kong parang isang diamante na lalong matigas kay sa (D)pingkiang bato ang iyong ulo: huwag mo silang katakutan, o manglupaypay man sa kanilang tingin, bagaman sila'y mapanghimagsik na sangbahayan.
10 Bukod dito'y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, lahat ng aking mga salita na aking sasalitain sa iyo ay tanggapin mo sa iyong puso, at dinggin mo ng iyong mga pakinig.
11 At yumaon ka, pumaroon ka sa mga bihag, na (E)mga anak ng iyong bayan at magsalita ka sa kanila, at saysayin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios; sa didinggin man nila, o sa itatakuwil man nila.
Ang ordinacion.
12 Nang magkagayo'y itinaas ako (F)ng Espiritu, at aking narinig sa likuran ko ang tinig ng malaking hugong, na nagsasabi; Purihin ang kaluwalhatian ng Panginoon mula sa kaniyang dako.
13 At aking narinig ang pagaspas ng mga pakpak ng (G)mga nilalang na may buhay na nagkakadagisdisan, at ang hugong ng mga gulong sa siping nila, sa makatuwid baga'y ang ingay ng malaking hugong.
14 Sa gayo'y itinaas ako ng Espiritu, at ako'y dinala; at ako'y yumaong namamanglaw, sa pagiinit ng aking kalooban; at ang kamay ng Panginoon ay naging malakas sa akin.
15 Nang magkagayo'y naparoon ako sa mga bihag sa Tel-abib, na nagsisitahan (H)sa pangpang ng ilog Chebar, at sa kanikanilang kinatatahanan; at (I)ako'y umupo roong natitigilan sa gitna nila na pitong araw.
16 At nangyari, sa katapusan ng pitong araw, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
17 Anak ng tao, ginawa kitang (J)bantay sa sangbahayan ni Israel: kaya't pakinggan mo ang salita sa aking bibig, at ipanguna mo sa kanila sa ganang akin.
18 Pagka aking sinabi sa masama, Ikaw ay walang pagsalang mamamatay; at hindi mo pinagpaunahan siya, o nagsasalita ka man upang hikayatin ang masama mula sa kaniyang masamang lakad, upang iligtas ang kaniyang buhay; ang gayong masamang tao ay (K)mamamatay sa kaniyang kasamaan; nguni't ang (L)kaniyang dugo ay aking sisiyasatin sa iyong kamay.
19 (M)Gayon ma'y kung iyong pagpaunahan ang masama, at siya'y hindi humiwalay sa kaniyang kasamaan, o sa kaniyang masamang lakad man, siya'y mamamatay sa kaniyang kasamaan; nguni't iyong iniligtas ang iyong kaluluwa.
20 Muli, pagka (N)ang isang taong matuwid ay lumilihis sa kaniyang katuwiran, at gumawa ng kasamaan, at (O)ako'y naglalagay ng katitisuran sa harap niya, siya'y mamamatay; sapagka't hindi mo siya pinagpaunahan, siya'y mamamatay sa kaniyang kasalanan, at ang kaniyang mga matuwid na gawa na kaniyang ginawa ay hindi aalalahanin; nguni't ang kaniyang dugo ay aking sisiyasatin sa iyong kamay.
21 Gayon ma'y kung iyong pinagpaunahan ang taong matuwid, upang ang matuwid ay huwag magkasala, at siya'y hindi nagkakasala, siya'y walang pagsalang mabubuhay, sapagka't siya'y nahikayat; at iyong iniligtas ang iyong kaluluwa.
22 At ang kamay (P)ng Panginoon ay sumasa akin, at sinabi niya sa akin, Bumangon ka, lumabas ka sa kapatagan at doo'y makikipagusap ako sa iyo.
23 Nang magkagayo'y bumangon ako, at ako'y lumabas (Q)sa kapatagan; at, narito, ang kaluwalhatian ng Panginoon ay dumoon, na gaya ng kaluwalhatian na (R)aking nakita sa pangpang ng ilog Chebar; at ako'y napasubasob.
24 Nang magkagayo'y (S)suma akin ang Espiritu, at itinayo ako sa aking mga paa; at siya'y nakipagsalitaan sa akin, at nagsabi sa akin, Yumaon ka, magsara ka sa loob ng iyong bahay.
25 Nguni't ikaw, anak ng tao, narito, (T)sila'y mangaglalagay ng mga lubid sa iyo, at itatali sa iyo, at ikaw ay hindi lalabas sa gitna nila.
26 At (U)aking paninikitin ang iyong dila sa ngalangala ng iyong bibig, upang ikaw ay mapipi, at huwag maging mananaway sa kanila: sapagka't sila'y mapanghimagsik na sangbahayan.
27 Nguni't pag ako'y makikipagsalitaan sa iyo, aking ibubuka ang iyong bibig, at iyong sasabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios; Siyang nakikinig ay makinig; at ang nagtatakuwil ay magtakuwil: sapagka't sila'y mapanghimagsik na sangbahayan.
Ang kawalang saysay ng buhay. Sa Pangulong Manunugtog, kay Jeduthun. Awit ni David.
39 Aking sinabi, (A)Ako'y magiingat sa aking mga lakad,
Upang huwag akong magkasala ng aking dila:
Aking iingatan ang aking dila ng paningkaw,
Samantalang ang masama ay nasa harap ko.
2 (B)Ako'y napipi ng pagtahimik, ako'y tumahimik pati sa mabuti;
At ang aking kalungkutan ay lumubha.
3 Ang aking puso ay (C)mainit sa loob ko;
Habang ako'y nagbubulaybulay ay nagalab ang apoy:
Nang magkagayo'y nagsalita ako ng aking dila:
4 Panginoon, (D)ipakilala mo sa akin ang aking wakas,
At ang sukat ng aking mga kaarawan, kung ano;
Ipakilala mo sa akin kung gaano kahina ako.
5 Narito, gaya ng mga dangkal ginawa mo ang aking mga kaarawan;
At ang (E)aking gulang ay tila wala sa harap mo:
Tunay na bawa't tao sa kaniyang mainam na kalagayan ay pawang (F)walang kabuluhan. (Selah)
6 Tunay na bawa't tao ay lumalakad sa walang kabuluhang lilim:
(G)Tunay na sila'y nagugulo ng walang kabuluhan:
(H)Kaniyang ibinubunton ang mga kayamanan, at hindi nalalaman kung sinong nagsisipulot.
7 At ngayon, Panginoon, ano pa ang aking hinihintay?
(I)Ang aking pagasa ay nasa iyo.
8 Iligtas mo ako sa lahat ng aking mga pagsalangsang:
(J)Huwag mo akong gawing katuyaan ng hangal.
9 (K)Ako'y pipi, hindi ko ibinuka ang aking bibig;
Sapagka't (L)ikaw ang gumawa.
10 (M)Iurong mo sa akin ang iyong suntok:
Ako'y bugbog na sa suntok ng iyong kamay.
11 Pagka sa pamamagitan ng mga parusa dahil sa kasamaan ay iyong sinasaway ang tao,
(N)Iyong sinisira ang kaniyang kagandahan na parang pagsira ng tanga:
Tunay na bawa't tao ay walang kabuluhan. (Selah)
12 Iyong dinggin ang aking dalangin, Oh Panginoon, at pakinggan mo ang aking daing:
(O)Huwag kang tumahimik sa aking mga luha:
(P)Sapagka't ako'y taga ibang lupa na kasama mo;
Nakikipamayan na (Q)gaya ng lahat na aking mga magulang.
13 (R)Oh tulungan mo ako, upang ako'y magbawing lakas,
Bago ako manaw, at mawala.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978