M’Cheyne Bible Reading Plan
Nag-asawa si Samson ng Dalagang Taga-Timna
14 Minsan, nagpunta si Samson sa Timna at nakakita siya roon ng isang dalagang Filistea. 2 Nang siya'y umuwi, sinabi niya sa kanyang mga magulang, “Mayroon po akong nakitang isang dalagang Filistea sa Timna. Kunin po ninyo siya para sa akin. Gusto ko siyang mapangasawa.”
3 “Bakit naman gusto mo pang sa angkan ng mga hindi tuling iyon ka pipili ng mapapangasawa? Wala ka bang mapili sa ating angkan, sa ating mga kababayan?” tanong ng mga ito.
Sumagot si Samson, “Basta siya po ang gusto kong mapangasawa.”
4 Hindi alam ng mga magulang ni Samson na ang ginagawa niya ay kalooban ni Yahweh upang bigyan ito ng pagkakataong digmain ang mga Filisteo. Ang Israel noon ay nasasakop ng mga Filisteo.
5 Pumunta si Samson sa Timna kasama ang kanyang mga magulang. Habang dumaraan sa isang ubasan, may isang batang leon na umungal kay Samson. 6 Kaya't pinalakas siya ng Espiritu[a] ni Yahweh at pinatay niya sa pamamagitan lamang ng kanyang mga kamay ang leon na para lamang isang batang kambing. Ngunit hindi niya ito ipinaalam sa kanyang mga magulang.
7 Pagkatapos ay pinuntahan ni Samson ang dalaga at kinausap. Lalo niya itong nagustuhan. 8 Pagkalipas ng ilang araw, nagbalik siya upang pakasalan na ang babae. Pagdating niya sa pinagpatayan niya ng leon, naisipan niyang tingnan ito. Ang nakita niya'y isang malaking bahay ng pukyutan sa loob ng katawan ng napatay niyang leon. 9 Sinalok niya ng kanyang mga kamay ang pulot at kinain saka nagpatuloy sa kanyang lakad. Pagbalik niya, inuwian pa niya ng pulot ang kanyang mga magulang. Kinain naman nila ito, ngunit hindi alam kung saan galing. Hindi sinabi ni Samson na iyon ay galing sa bangkay ng napatay niyang leon.
10 Pumunta ang ama ni Samson sa bahay ng kanyang mapapangasawa. Tulad ng kaugalian ng mga binata noon, naghanda si Samson doon ng salu-salo. 11 Nang makita siya ng mga Filisteo, siya'y binigyan nila ng tatlumpung abay na kabataang lalaki. 12 Naisipan ni Samson na sila'y bigyan ng palaisipan. Ang sabi niya, “Mayroon akong bugtong. Kapag nahulaan ninyo bago matapos ang pitong araw na handaan, bibigyan ko kayo ng tatlumpung piraso ng pinong lino at tatlumpung magagarang damit. 13 Ngunit kung hindi ninyo ito mahulaan, ako naman ang bibigyan ninyo ng tatlumpung pinong lino at tatlumpung magagarang damit.”
Sumagot sila, “Payag kami.”
14 Sinabi ni Samson,
“Mula sa kumakain ay lumabas ang pagkain;
at mula sa malakas, matamis ay lumabas.”
Tatlong araw na ang nakararaa'y hindi pa nila ito mahulaan.
15 Nang ikaapat na araw,[b] sinabi nila sa asawa ni Samson, “Suyuin mo ang iyong asawa para malaman namin ang sagot sa bugtong niya. Kung hindi, susunugin ka namin at ang iyong pamilya. Inanyayahan ba ninyo kami para mamulubi?”
16 Kaya, lumapit ang babae kay Samson at lumuluhang sinabi, “Hindi mo ako mahal. Nagpapahula ka ng bugtong sa aking mga kaibigan ngunit hindi mo sinasabi sa akin ang sagot.”
Sumagot si Samson, “Kung sa aking mga magulang ay hindi ko ito ipinaalam, sa iyo pa?” 17 Ang babae'y patuloy sa pag-iyak at panunuyo kay Samson sa loob ng pitong araw nilang handaan. Kaya, nang ikapitong araw, sinabi rin niya ang sagot sa bugtong dahil sa kakulitan nito. Ang sinabi ni Samson ay sinabi naman nito sa kanyang mga kaibigan.
18 At bago dumilim nang ikapitong araw, ang mga taga-Timna ay nagpunta kay Samson at kanilang sinabi,
“May tatamis pa ba sa pulot-pukyutan?
At may lalakas pa ba sa leon?”
Sinabi sa kanila ni Samson,
“Kung ang aking asawa'y di ninyo tinakot,
hindi sana nalaman ang tamang sagot.”
19 At si Samson ay pinalakas ng Espiritu[c] ni Yahweh. Nagpunta siya sa Ashkelon at pumatay ng tatlumpung kalalakihan. Kinuha niya ang magagarang kasuotan ng mga ito at ibinigay sa mga nakasagot sa kanyang bugtong. Pagkatapos, umuwi siyang galit na galit dahil sa nangyari. 20 At ang asawa naman niya'y ibinigay sa pangunahing abay na lalaki.
Sa Corinto
18 Pagkatapos, umalis si Pablo sa Atenas at nagpunta sa Corinto. 2 Nakilala niya roon si Aquila, isang Judiong taga-Ponto. Kararating pa lamang nito mula sa Italia kasama ang kanyang asawang si Priscila. Umalis sila roon sapagkat pinalayas ni Emperador Claudio ang lahat ng Judio sa Roma. Nakipagkita sa kanila si Pablo, 3 at dahil sila'y manggagawa ng tolda tulad niya, siya ay nakitira sa kanila, at siya'y nagtrabahong kasama nila. 4 Tuwing Araw ng Pamamahinga, si Pablo ay nakikipagpaliwanagan sa mga sinagoga, at sinisikap niyang mahikayat sa pananampalataya ang lahat, maging Judio o Griego.
5 Nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, iniukol na ni Pablo ang buo niyang panahon sa pangangaral at pagpapatunay sa mga Judio na si Jesus ang Cristo. 6 Nang siya'y salungatin at laitin ng mga ito, ipinagpag niya ang alikabok sa kanyang damit bilang babala sa kanila. Sinabi niya, “Kasalanan na ninyo kung kayo'y mapahamak! Hindi ko na sagutin iyon! Mula ngayo'y sa mga Hentil na ako mangangaral.” 7 Kaya't umalis siya roon at tumira sa bahay ni Ticio[a] Justo, isang Hentil na may takot sa Diyos. Katabi ng sinagoga ang bahay nito. 8 Si Crispo, na tagapamahala ng sinagoga, at ang kanyang sambahayan ay nanalig sa Panginoon. Marami pang mga taga-Corinto na nakinig kay Pablo ang sumampalataya at nagpabautismo.
9 Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa pamamagitan ng isang pangitain, “Huwag kang matakot! Ipagpatuloy mo ang iyong pangangaral! Anuman ang mangyari'y huwag kang titigil 10 sapagkat ako'y nasa iyo. Hindi ka maaano sapagkat marami akong tagasunod sa lungsod na ito.” 11 Kaya't nanatili siya roon at ipinangaral niya ang salita ng Diyos sa loob ng isang taon at kalahati.
12 Subalit nang si Galio ay naging gobernador ng Acaya, nagsama-sama ang mga Judio sa pagdakip kay Pablo at pagdadala sa kanya sa hukuman. 13 Pagdating nila doon ay sinabi nila, “Hinihikayat ng taong ito ang mga mamamayan na sumamba sa Diyos sa paraang labag sa batas!”
14 Magsasalita na sana si Pablo nang sabihin ni Galio, “Kung ang usaping ito'y tungkol sa isang mabigat na pagkakasala o paglabag sa batas, makatuwirang pakinggan ko kayo. 15 Subalit ang sakdal ninyo'y tungkol lamang sa mga salita at mga pangalan, at sa kautusan ninyong mga Judio, kaya kayo na ang bahalang lumutas niyan. Ayaw kong humatol sa bagay na iyan.” 16 At sila'y pinalabas niya sa hukuman. 17 Kaya't si Sostenes na tagapamahala ng sinagoga ang sinunggaban nila at binugbog sa harapan ng hukuman. Hindi naman iyon pinansin ni Galio.
Ang Pagbabalik sa Antioquia
18 Pagkatapos(A) nito, matagal pang nanatili si Pablo sa Corinto at saka nagpaalam sa mga kapatid. Pagdating sa Cencrea, nagpagupit siya ng buhok sapagkat natupad na niya ang kanyang panata.[b] Sumakay siya sa barkong papuntang Siria, kasama ang mag-asawang Priscila at Aquila. 19 Pagdating sa Efeso, iniwan ni Pablo ang dalawa, at siya'y pumasok sa sinagoga ng mga Judio at nakipagpaliwanagan sa mga naroon. 20 Hiniling nilang tumigil siya roon nang mahaba-habang panahon, ngunit siya'y tumanggi. 21 Sa halip, sinabi niya nang siya'y magpaalam sa kanila, “Babalik ako rito, kung loloobin ng Diyos.” Umalis siya sa Efeso, sakay ng isang barko.
22 Pagdating sa Cesarea, pumunta siya sa Jerusalem at bumati sa iglesya. Pagkatapos, siya'y nagtuloy sa Antioquia. 23 Tumigil siya roon nang kaunting panahon, at pagkatapos ay muling naglakbay. Pinuntahan niya ang mga bayan sa lupain ng Galacia at Frigia, at pinatatag sa pananampalataya ang mga alagad doon.
Si Apolos sa Efeso at sa Corinto
24 Dumating sa Efeso ang isang Judiong nagngangalang Apolos. Siya'y taga-Alejandria, mahusay magtalumpati at maraming alam sa Banal na Kasulatan. 25 Naturuan siya tungkol sa Daan ng Panginoon, at masigasig na nangangaral at nagtuturo nang wasto tungkol kay Jesus. Ngunit hanggang sa bautismo ni Juan lamang ang kanyang nalalaman. 26 Siya'y buong tapang na nagsasalita sa sinagoga ng mga Judio. Nang marinig ng mag-asawang Aquila at Priscila ang pagpapaliwanag ni Apolos, siya'y isinama nila sa kanilang bahay at doo'y pinaliwanagan nang mas mabuti tungkol sa Daan ng Diyos. 27 At nang ipasya niyang pumunta sa Acaya, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob at sumulat sila sa mga mananampalataya sa Acaya na tanggapin si Apolos. Pagdating niya doon, malaki ang naitulong niya sa mga taong dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay sumampalataya, 28 sapagkat nadaig niya ang mga Judio sa kanilang pagtatalo sa harap ng madla. Sa pamamagitan ng mga Kasulatan ay pinatunayan niyang si Jesus ang Cristo.
Nagsuot ng Pamatok si Jeremias
27 Nang(A) pasimula ng paghahari sa Juda ni Zedekias[a] na anak ni Josias, sinabi ni Yahweh kay Jeremias: 2 “Gumawa ka ng pamatok at lubid at ilagay mo sa iyong batok. 3 Pagkatapos, magpadala ka ng mensahe sa mga hari ng Edom, Moab, Ammon, Tiro at Sidon, sa pamamagitan ng kanilang mga sugo na ngayon ay nasa Jerusalem upang makipag-usap kay Haring Zedekias. 4 Sabihin mo sa kanila na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, sa kanilang mga hari: 5 ‘Ako ang lumikha sa lupa, sa mga tao, at sa mga hayop na naroon, sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Ibinibigay ko ito sa sinumang aking kinalulugdan. 6 Ang(B) lahat ng lupaing ito'y ipinasiya kong ibigay kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia na aking lingkod. Ibinigay ko rin ang mga hayop sa parang upang maglingkod sa kanya. 7 Lahat ng bansa'y maglilingkod sa kanya, sa kanyang mga anak at mga apo, hanggang sa bumagsak ang kanyang kaharian. Pagdating ng panahong iyon, ang kaharian naman niya ang aalipinin ng mga hari at bansang makapangyarihan.
8 “‘Ngunit ang alinmang bansa o kaharian na hindi maglilingkod kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at hindi papailalim sa kanyang pamamahala ay paparusahan ko sa pamamagitan ng digmaan, taggutom at salot, hanggang sa ganap silang mapailalim sa kanyang kapangyarihan. 9 Kaya nga, huwag ninyong papakinggan ang inyong mga propeta, mga manghuhula, mga tumatawag sa espiritu ng mga patay, mga nagpapaliwanag ng mga panaginip, at mga manggagaway kapag pinipigil nila kayo na maglingkod sa hari ng Babilonia. 10 Kasinungalingan ang kanilang sinasabi sa inyo at ito ang magiging dahilan upang mapatapon kayo sa malayong lupain. Kayo'y itataboy ko, at mapapahamak kayong lahat. 11 Subalit kung ang alinmang bansa'y pasakop sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia, pananatilihin ko sila sa kanilang bayan; bubungkalin nila ang sariling lupa at doon maninirahan.’”
12 Ganito rin ang sinabi ko kay Haring Zedekias ng Juda: “Pasakop kayo sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia, at paglingkuran ninyo siya at ang kanyang bayan upang kayo'y mabuhay. 13 Kung hindi, mamamatay kayo sa digmaan at salot; ito ang parusang inilaan ni Yahweh sa alinmang bansang hindi maglilingkod sa hari ng Babilonia. 14 Huwag kayong maniwala sa mga propetang pumipigil sa inyo na maglingkod sa hari ng Babilonia; kasinungalingan ang kanilang sinasabi sa inyo. 15 Hindi ko sila sinugo; ginagamit lamang nila ang aking pangalan. Kaya, palalayasin ko kayo sa lupaing ito at kayo'y malilipol, pati ang mga propetang nandaya sa inyo.”
16 Sinabi ko naman sa mga pari at sa buong bayan ang ipinapasabi ni Yahweh: “Huwag ninyong papakinggan ang mga propetang nagsasabi sa inyo na ang mga kagamitan sa bahay ni Yahweh ay ibabalik mula sa Babilonia sa madaling panahon. Kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo. 17 Huwag ninyo silang papakinggan; pasakop kayo sa hari ng Babilonia upang kayo'y mabuhay. Bakit kailangang mawasak ang lunsod na ito? 18 Kung sila'y talagang mga propeta, at kung salita nga ni Yahweh ang dala nila, ipakiusap nila kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat na ang mga kayamanang natitira pa sa Templo, sa palasyo ng hari, at sa Jerusalem, ay huwag madala sa Babilonia. 19 Ito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat tungkol sa mga haligi sa Templo, sa lalagyan ng tubig na yari sa tanso at mga patungan nito, at sa iba pang kagamitang natira sa lunsod. 20 Ang mga ito'y hindi kinuha ni Haring Nebucadnezar nang dalhin niyang bihag sa Babilonia si Haring Jeconias na anak ni Jehoiakim ng Juda, pati ang kanyang mga pinunong nasa Juda at Jerusalem. 21 Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel tungkol sa mga kagamitang naiwan sa Templo, sa palasyo ng hari, at sa lunsod ng Jerusalem: 22 Ang mga ito'y dadalhin sa Babilonia at mananatili roon hanggang sa araw na itinakda ko. Pagkatapos ay muli ko itong ibabalik sa kanya-kanyang lugar.”
Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)
13 Nang palabas na si Jesus sa Templo, sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, “Guro, tingnan po ninyo! Napakalaki at napakaganda ng mga gusali at ng mga batong ginamit dito!”
2 Sumagot si Jesus, “Nakikita mo ba ang naglalakihang gusaling iyan? Walang batong magkapatong na matitira diyan. Magigiba lahat iyan.”
Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(B)
3 Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo, sa may tapat ng Templo, palihim siyang tinanong nina Pedro, Santiago, Juan at Andres, 4 “Kailan po ba mangyayari ang mga bagay na ito, at ano po ba ang palatandaan na ang lahat ng mga ito'y malapit nang maganap?”
5 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo malinlang ninuman. 6 Maraming darating at gagamitin ang aking pangalan. Sila ay magpapanggap na sila ang Cristo, at ililigaw nila ang marami. 7 Huwag kayong mababagabag kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga usap-usapan tungkol sa digmaan. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. 8 Sapagkat maglalaban-laban ang mga bansa at ang mga kaharian. Lilindol sa iba't ibang dako, at magkakaroon ng mga taggutom. Ang mga ito'y pasimula pa lamang ng paghihirap na tulad ng nararanasan ng isang nanganganak.
9 “Mag-ingat(C) kayo! Sapagkat kayo'y darakpin at isasakdal sa mga Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, hahagupitin sa mga sinagoga, at dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa inyong pagsunod sa akin, upang magpatotoo sa kanila. 10 Ngunit kailangan munang maipangaral sa lahat ng bansa ang Magandang Balita. 11 Kapag kayo'y dinakip nila at nilitis, huwag kayong mabahala kung ano ang sasabihin ninyo. Sa oras na iyon, sabihin ninyo ang mga salitang ibibigay sa inyo, sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu Santo. 12 Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak, at lalabanan naman ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito. 13 Kapopootan(D) kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang manatiling matatag hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”
Ang Kasuklam-suklam na Kalapastanganan(E)
14 “Kapag(F) nakita na ninyo ang kasuklam-suklam na kalapastanganan na nasa dakong di dapat kalagyan (unawain ito ng nagbabasa), ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papuntang kabundukan. 15 Ang(G) nasa bubungan ay huwag nang mag-aksaya ng panahon na kumuha pa ng kahit ano sa loob ng bahay, 16 at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa upang kumuha ng balabal. 17 Sa mga araw na iyon, kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso! 18 Ipanalangin ninyong huwag mangyari ang mga ito sa panahon ng taglamig, 19 sapagkat(H) sa mga araw na iyon ang mga tao'y magdaranas ng matinding kapighatian na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, at hindi na muling mararanasan pa kahit kailan. 20 At kung hindi pinaikli ng Panginoon ang mga araw na iyon, walang sinumang makakaligtas; subalit alang-alang sa kanyang mga hinirang, pinaikli niya ang mga iyon.
21 “Kung may magsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o kaya'y ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 22 Sapagkat may mga magpapanggap na Cristo at may mga magpapanggap na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang ng Diyos. 23 Kaya't mag-ingat kayo. Sinasabi ko na sa inyo ang lahat ng bagay bago pa man ito mangyari.”
Ang Pagbabalik ng Anak ng Tao(I)
24 “Subalit(J) sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, 25 malalaglag(K) mula sa langit ang mga bituin, at magugulo ang mga kapangyarihan sa kalawakan. 26 Pagkatapos,(L) makikita nila ang Anak ng Tao na nasa ulap, may dakilang kapangyarihan at karangalan. 27 Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig upang tipunin ng mga ito ang mga hinirang ng Diyos.”
Ang Aral mula sa Puno ng Igos(M)
28 “Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag sumisibol na ang mga sanga nito at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 29 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, malalaman ninyong malapit na ang kanyang pagdating; siya'y halos naririto na. 30 Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago lumipas ang kasalukuyang salinlahi. 31 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman.”
Walang Nakakaalam ng Araw o Oras(N)
32 “Ngunit(O) walang nakakaalam ng araw o ng oras na iyon, kahit ang mga anghel sa langit, o ang Anak man. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. 33 Mag-ingat kayo at maging handa dahil hindi ninyo alam kung kailan ito mangyayari. 34 Ang(P) katulad nito'y isang taong maglalakbay sa malayo. Iniwan niya ang kanyang tahanan sa pamamahala ng kanyang mga alipin. Binigyan niya ang bawat isa ng kanya-kanyang gawain, at inutusan niya ang tanod na magbantay. 35 Gayundin naman, magbantay kayong lagi dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng sambahayan. Ito'y maaaring sa takipsilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya'y sa umaga. 36 Baka siya'y biglang dumating at maratnan kayong natutulog. 37 Ang sinasabi ko sa inyo'y sinasabi ko sa lahat. Maging handa kayo!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.