M’Cheyne Bible Reading Plan
Sina Tola at Jair
10 Pagkamatay ni Abimelec, si Tola na anak ni Pua at apo ni Dodo, buhat sa lipi ni Isacar ang nagligtas sa Israel sa pagkaalipin. Tumira siya sa Samir, sa kaburulan ng Efraim. 2 Dalawampu't tatlong taon siyang naging hukom at pinuno ng Israel, at nang mamatay ay inilibing sa Samir.
3 Ang pumalit kay Tola ay si Jair na taga-Gilead at siya'y naging hukom at pinuno ng Israel nang dalawampu't dalawang taon. 4 Tatlumpu ang kanyang anak at may kanya-kanyang asno. Sa Gilead ay may tatlumpung lunsod na ang tawag ay Mga Nayon ni Jair. 5 Namatay siya at inilibing sa Camon.
Ang mga Israelita'y Pinahirapan ng mga Ammonita
6 Ang mga Israelita'y muling gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh sapagkat sila'y sumamba sa mga Baal at mga Astarot, mga diyus-diyosan ng mga taga-Aram, Sidon, Moab, Ammon at Filisteo. 7 Dahil dito, nagalit sa kanila si Yahweh at hinayaan silang masakop ng mga Ammonita at mga Filisteo. 8 At sa loob ng labingwalong taon, pinahirapan sila ng mga ito sa Gilead, sa silangan ng Ilog Jordan. 9 Sinalakay rin ng mga Ammonita ang mga nasa ibayo ng Ilog Jordan: ang mga lipi nina Juda, Benjamin at Efraim. Kaya't lubhang nahirapan ang Israel.
10 Dumulog kay Yahweh ang mga Israelita at kanilang sinabi, “Nagkasala kami sa inyo, sapagkat tumalikod kami sa aming Diyos at sumamba sa mga Baal.”
11 Ang sagot sa kanila ni Yahweh, “Nang kayo'y pahirapan ng mga Egipcio, Amoreo, Ammonita, Filisteo, 12 Sidonio, Amalekita at mga Maonita, humingi kayo ng saklolo sa akin at iniligtas ko naman kayo. 13 Ngunit tinalikuran ninyo ako at sumamba kayo sa mga diyus-diyosan. Kaya hindi ko na kayo muling ililigtas. 14 Sa inyong mga diyus-diyosan kayo humingi ng tulong sa panahon ng inyong kagipitan!”
15 Kaya't sinabi ng mga Israelita kay Yahweh, “Nagkasala nga po kami at gawin ninyo sa amin ang nais ninyong gawin, iligtas lamang ninyo kami ngayon.” 16 Nang araw ring iyon, inalis nila ang kanilang mga diyus-diyosan at muling naglingkod kay Yahweh. Kaya't nabagbag ang kalooban ni Yahweh dahil sa paghihirap ng Israel.
17 Dumating ang araw na naghanda sa pakikidigma ang mga Ammonita laban sa mga Israelita. Ang mga Ammonita ay nagkampo sa Gilead; sa Mizpa naman ang mga Israelita. 18 Nag-usap ang mga taga-Gilead at lahat ng tagaroon, “Kung sino ang mangunguna sa atin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita ay siya nating kikilalaning pinuno ng buong Gilead.”
Si Jefta
11 Si Jefta na taga-Gilead ay isang matapang na mandirigma. Si Gilead ang kanyang ama at ang ina niya'y isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. 2 May iba pang anak si Gilead sa kanyang tunay na asawa, at nang lumaki ang mga ito ay pinalayas nila si Jefta. Sinabi nila, “Wala kang mamanahin mula sa aming ama sapagkat ikaw ay anak sa labas.” 3 Kaya, umalis si Jefta at nanirahan sa Tob. Doon ay nagbuo siya ng pangkat ng mga taong itinakwil din ng lipunan at sama-sama sila sa pandarambong.
4 Pagkalipas ng ilang panahon, nilusob ng mga Ammonita ang Israel. 5 Dahil dito, si Jefta ay ipinasundo mula sa lupain ng Tob ng mga pinuno ng Gilead. 6 Sinabi nila, “Ikaw ang manguna sa amin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita.”
7 Sumagot si Jefta, “Hindi ba't nasusuklam kayo sa akin kaya ninyo ako pinaalis sa Gilead? Bakit lalapitan ninyo ako ngayong nahaharap kayo sa panganib?”
8 Ngunit sinabi nila, “Ikaw ang nilalapitan namin ngayon sapagkat gusto naming makasama ka sa pakikipaglaban sa mga Ammonita. Gusto rin naming ikaw ang mamuno sa Gilead.”
9 Sinabi ni Jefta, “Kapag isinama ninyo ako sa pakikipaglaban sa kanila at niloob ni Yahweh na ako'y magtagumpay, ako ang kikilalanin ninyong pinuno.”
10 Sumagot sila, “Oo, ikaw ang gagawin naming pinuno, saksi natin si Yahweh.” 11 Sumama nga si Jefta sa matatandang pinuno patungong Gilead at ginawa siyang pinuno at tagapamahala ng mga tagaroon. Ipinahayag ni Jefta sa Mizpa sa harapan ni Yahweh ang mga patakaran niya bilang pinuno.
Sa Iconio
14 Gayundin ang nangyari sa Iconio; sina Pablo at Bernabe ay pumasok sa sinagoga ng mga Judio. Napakahusay ng kanilang pangangaral kaya't maraming Judio at Griego ang sumampalataya. 2 Gayunman, may ilang Judiong ayaw sumampalataya. Sinulsulan pa nila ang mga Hentil at nilason ang isip ng mga ito laban sa mga kapatid. 3 Nanatili roon nang matagal sina Pablo at Bernabe, at buong tapang silang nangaral tungkol sa Panginoon. Pinatunayan ng Panginoon na totoo ang pangangaral nila tungkol sa kanyang kagandahang-loob sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kapangyarihang gumawa ng mga himala. 4 Kaya't nahati ang mga tao sa lungsod; may pumanig sa mga Judio at may pumanig din sa mga apostol.
5 Binalak ng ilang mga Hentil at mga Judio, kasama ng kanilang mga pinuno, na saktan at pagbabatuhin ang mga apostol. 6 Subalit nang malaman iyon ng dalawa, sila'y tumakas papuntang Listra at Derbe na mga lungsod ng Licaonia, at sa mga karatig na lupain, 7 at doon sila nangaral ng Magandang Balita.
Sa Listra
8 Sa Listra ay may isang lalaking hindi nakakalakad dahil lumpo na ito mula pa nang ito'y isilang. 9 Siya'y nakaupong nakikinig sa pangangaral ni Pablo. Nang makita ni Pablo na ang lumpo ay may pananampalatayang siya'y mapapagaling, tinitigan niya ang lumpo 10 at malakas na sinabi, “Tumayo ka nang tuwid!” Lumukso ang lalaki at nagsimulang lumakad.
11 Nang makita ng mga taong-bayan ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Licaonia, “Nanaog sa atin ang mga diyos sa anyong tao!” 12 Tinawag nilang Zeus si Bernabe, at si Pablo nama'y Hermes, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita. 13 Nasa bungad ng lungsod ang templo ni Zeus. Ang pari ni Zeus ay nagdala ng mga toro at mga kuwintas na bulaklak sa may pintuan ng lungsod. Nais ng pari at ng mga tao na maghandog sa mga apostol.
14 Nang malaman ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at patakbong pumagitna sa mga tao. Sumigaw sila, 15 “Mga(A) ginoo, huwag ninyong gawin iyan! Mga tao rin kaming tulad ninyo! Ipinapangaral namin sa inyo ang Magandang Balita upang talikuran ninyo ang mga walang kabuluhang bagay na iyan, at manumbalik kayo sa Diyos na buháy na lumikha ng langit, lupa, dagat, at lahat ng naroroon. 16 Sa mga panahong nakalipas, hinayaan niyang gawin ng lahat ng bansa anuman ang kani-kanilang maibigan. 17 Gayunman, nagbigay siya ng sapat na katibayan upang makilala ninyo siya sa pamamagitan ng kabutihang ginagawa niya sa inyo. Binibigyan niya kayo ng ulan mula sa langit at ng masaganang ani sa takdang panahon. Binubusog niya kayo ng pagkain at pinupuno ng kagalakan ang inyong mga puso.” 18 Sa kabila ng mga pananalitang ito, nahirapan pa rin sina Bernabe at Pablo na pigilan ang mga tao na sila'y alayan ng mga handog.
19 Ngunit may mga Judiong dumating doon mula sa Antioquia at Iconio. Sinulsulan nila ang mga taga-Listra laban kay Pablo, kaya't siya'y pinagbabato nila. Pagkatapos, siya ay kinaladkad nila sa labas ng bayan, sa pag-aakalang siya'y patay na, 20 subalit nang dumating ang mga alagad at palibutan siya, tumayo si Pablo at pumasok sa lungsod. Kinabukasan, nagpunta sila ni Bernabe sa Derbe.
Ang Pagbabalik sa Antioquia
21 Ang Magandang Balita ay ipinangaral nina Pablo at Bernabe sa Derbe, at marami silang nahikayat na maging alagad. Pagkatapos, nagbalik sila sa Listra, Iconio, at Antioquia ng Pisidia. 22 Pinalakas nila ang loob ng mga alagad at pinayuhang manatiling tapat sa pananampalataya. “Daranas muna tayo ng maraming kapighatian upang makapasok sa kaharian ng Diyos,” sabi nila sa mga alagad. 23 Sa bawat iglesya ay nagtalaga sila ng mga matatandang mamumuno, at matapos manalangin at mag-ayuno, ang mga ito'y itinagubilin nila sa Panginoon na kanilang pinagtitiwalaan.
24 Tinahak nila ang Pisidia at nakarating sila sa Pamfilia. 25 Ipinangaral nila sa Perga ang salita ng Diyos at pagkatapos ay tumuloy sila sa Atalia. 26 Mula roon, naglayag silang pabalik sa Antioquia. Dito sila ipinagkatiwala sa pagkalinga ng Diyos para sa gawaing kanilang natapos na.
27 Pagdating sa Antioquia tinipon nila ang mga kaanib sa iglesya at isinalaysay ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong nagbukas siya ng pagkakataon sa mga Hentil upang ang mga ito'y sumampalataya rin. 28 At matagal silang nanatili roon kasama ng mga alagad.
Ang Pag-asang Darating
23 Paparusahan ni Yahweh ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan at pinababayaang ang mga ito ay magkawatak-watak at mamatay. 2 Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, tungkol sa mga pinunong nangangalaga sa kanyang bayan: “Pinapangalat ninyo at ipinagtabuyan ang aking kawan. Hindi ninyo sila binantayan kaya kayo'y paparusahan ko dahil sa inyong ginawang ito. 3 Ako na ang magtitipon sa mga nalabi sa aking mga tupa mula sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Ibabalik ko sila sa kanilang tinubuang lupa, at sila'y muling darami. 4 Hihirang ako ng mga tagapangunang magmamalasakit at mangangalaga sa kanila. Hindi na sila muli pang daranas ng takot at pag-aalala, at wala nang maliligaw kahit isa. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
5 “Nalalapit(A) na ang araw,” sabi ni Yahweh, “na pipili ako ng isang matuwid na Sanga na magmumula sa lahi ni David, isang hari na mamamahala ng buong karunungan. Paiiralin niya sa buong lupain ang katarungan at katuwiran. 6 Magiging ligtas ang Juda sa panahon ng kanyang pamamahala, at ang Israel ay mapayapang mamumuhay. Ito ang pangalang itatawag sa kanya: ‘Si Yahweh ang ating katuwiran.’”
7 Ang sabi ni Yahweh, “Tiyak na darating ang panahon na ang mga tao'y hindi na manunumpa nang ganito: ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[a] na nagpalaya sa Israel mula sa Egipto.’ 8 At sa halip, sasabihin nila, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[b] na nagpalaya at nanguna sa mga Israelita mula sa lupain sa hilaga at sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Babalik sila sa sariling lupa at doon muling mamumuhay.’”
Pagtuligsa sa mga Propetang Sinungaling
9 Tungkol sa mga bulaang propeta, ito ang pahayag ni Jeremias:
Halos madurog ang puso ko,
nanginginig ang aking buong katawan;
para akong isang lasing, na nasobrahan sa alak,
dahil sa matinding takot kay Yahweh
at sa kanyang mga banal na salita.
10 Sapagkat napakaraming tao sa lupaing ito ang hindi tapat kay Yahweh;
ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan sa pagpapairal ng masama.
Dahil sa kanyang sumpa, nagluksa ang buong lupain
at natuyo ang mga pastulan.
11 “Wala nang takot sa akin ang mga propeta at ang mga pari;
gumagawa sila ng kasamaan maging sa loob ng aking Templo,” ang sabi ni Yahweh.
12 “Kaya magiging madulas at madilim ang kanilang landas;
sila'y madarapa at mabubuwal.
Padadalhan ko sila ng kapahamakan;
at malapit na ang araw ng kanilang kaparusahan.”
Ito ang sabi ni Yahweh.
13 “Malaking kasalanan ang nakita kong ginagawa ng mga propeta sa Samaria:
Sila'y nanghuhula sa pangalan ni Baal
at inililigaw ang Israel na aking bayan.
14 Ngunit(B) mas lalo pang kasuklam-suklam ang namasdan ko sa mga propeta sa Jerusalem:
Sila'y nangangalunya at mga sinungaling,
pinapalakas pa nila ang loob ng gumagawa ng masama,
kaya wala nang tumatalikod sa kanyang masamang gawa.
Naging katulad na sila ng mga taga-Sodoma at Gomorra.”
15 Kaya ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat tungkol sa mga propeta:
“Halamang mapait ang ipapakain ko sa kanila
at tubig na may lason naman ang kanilang iinumin,
sapagkat lumaganap na sa buong lupain ang kawalan ng pagkilala sa Diyos, dahil sa mga propeta sa Jerusalem.”
16 Ganito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Huwag ninyong papakinggan ang mga propetang nagpapahayag sa inyo. Pawang kasinungalingan lamang ang sinasabi nila. Ang mga pangitaing kanilang sinasabi ay kathang-isip lamang nila at hindi nagmula sa akin. 17 Palagi nilang sinasabi sa mga taong ayaw makinig sa akin, ‘Magiging mabuti ang inyong kalagayan’; at sa mga ayaw tumalikod sa kasalanan, ‘Hindi ka daranas ng anumang kahirapan.’”
18 Subalit isa man sa mga propetang ito'y hindi nakakakilala kay Yahweh. Wala man lamang nakarinig sa kanyang pahayag o sumunod sa kanyang utos. 19 Ang poot ni Yahweh ay parang bagyong nagngangalit, parang nag-aalimpuyong ipu-ipo na kanyang pababagsakin sa masasama. 20 Hindi maaalis ang poot ni Yahweh hanggang hindi niya naisasakatuparan at nagaganap ang kanyang mahiwagang panukala. Sa mga huling araw ay mauunawaan ninyo ito.
21 Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan, lumakad sila nang hindi ko inuutusan. Nagpahayag sila sa aking pangalan, gayong wala naman akong sinabi sa kanila. 22 Kung tunay nilang natutuhan ang aking mga salita, maipapangaral nila ang aking mensahe sa mga tao at sila'y magsisi at tatalikod sa kanilang masasamang gawa.
23 “Ako ay Diyos na nasa lahat ng dako, at hindi nananatili sa iisang lugar lamang. 24 Walang(C) makakapagtago sa akin; makikita ko siya kahit saan siya pumunta. Sapagkat ako'y nasa lahat ng lugar sa langit at sa lupa. 25 Alam ko ang ginagawa ng mga propetang sinungaling; ginagamit nila ang aking pangalan at ipinamamalitang binigyan ko sila ng pangitain! 26 Kailan pa ba magbabago ang mga propetang ito na nangangaral ng kasinungalingan at nagpapahayag ng pandaraya ng kanilang mga puso? 27 Akala nila'y malilimot ako ng aking bayan dahil sa mga pangitaing sinasabi nila, gaya ng paglimot sa akin ng kanilang mga ninuno at naglingkod kay Baal. 28 Kung nanaginip ang isang propeta, dapat niyang sabihing ito'y panaginip lamang; ngunit kung narinig niya ang aking salita, ipahayag niya ito nang buong katapatan. Ano ang kaugnayan ng ipa sa trigo?” sabi ni Yahweh. 29 “Parang apoy ang aking salita at katulad ng martilyo na dumudurog sa malaking bato. 30 Ako'y laban sa mga propetang gumagamit ng salita ng ibang propeta at sinasabing iyon ang aking mensahe. 31 Ako'y laban sa mga propetang kumakatha ng sariling salita at pagkatapos ay sasabihing galing iyon kay Yahweh. 32 Ako'y laban sa mga propetang nagsasalaysay ng kasinungalingan upang dayain ang aking bayan. Hindi ko sila sinugo at wala silang kabutihang magagawa sa bayang ito.”
Ang Pasanin ni Yahweh
33 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Kung tanungin ka ng mga taong ito o ng isang propeta o pari, ‘Ano ang ipinapasabi ni Yahweh?’ ganito ang isagot mo, ‘Kayo ang nagiging pabigat kay Yahweh, kaya kayo'y itatakwil niya.’ 34 Ang bawat propeta, pari o sinumang magsalita ng, ‘Ang nakakabigat kay Yahweh,’ ay paparusahan ko, pati ang kanyang sambahayan. 35 Ang sasabihin ninyo sa isa't isa, ‘Ano ang sagot ni Yahweh?’ o kaya, ‘Ano ang sabi ni Yahweh?’ 36 Ngunit huwag na ninyong sasabihin kahit kailan ang, ‘Ito ang nakakabigat kay Yahweh.’ Mabibigatan talaga ang sinumang gagamit ng mga salitang ito, sapagkat binabaluktot niya ang salita ng kanyang Diyos, ang Diyos na buháy, ang Makapangyarihan sa lahat, si Yahweh. 37 Ganito ang sasabihin ninyo kung kinakausap ninyo ang isang propeta: ‘Ano ang sagot ni Yahweh?’ o kaya, ‘Ano ang sabi ni Yahweh?’ 38 Ngunit kapag ginamit pa ninyo ang mga salitang, ‘Ito ang nakakabigat kay Yahweh,’ matapos kong ipagbawal ang paggamit niyon, 39 kayo'y ituturing ko ngang pasaning nakakabigat, at itatapon sa malayo, kayo at ang lunsod na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno. 40 Ilalagay ko kayo sa kahiya-hiyang kalagayan na hindi ninyo malilimutan habang buhay, at kayo ay hahamakin habang panahon.”
9 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Tandaan ninyo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikitang dumarating nang may kapangyarihan ang kaharian ng Diyos.”
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(A)
2 Pagkaraan(B) ng anim na araw, umakyat si Jesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama roon maliban kina Pedro, Santiago at Juan. Habang sila'y naroroon, nakita ng tatlo na nagbago ang anyo ni Jesus. 3 Nagningning sa kaputian ang kanyang kasuotan; walang sinuman sa mundo ang makapagpapaputi nang gayon. 4 At nakita rin nila roon si Elias at si Moises na nakikipag-usap kay Jesus. 5 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Guro, mabuti po na nandito kami. Magtatayo po kami ng tatlong tolda, isa para sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” 6 Dahil sa kanilang matinding takot, hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya.
7 Nililiman(C) sila ng makapal na ulap at mula rito'y may isang tinig na nagsabi, “Ito ang pinakamamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” 8 Biglang tumingin sa paligid ang mga alagad, ngunit wala silang ibang nakita maliban kay Jesus.
9 Nang sila'y bumababa na mula sa bundok, mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag sasabihin kaninuman ang kanilang nakita hangga't hindi pa muling nabubuhay ang Anak ng Tao. 10 Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila'y nagtanungan sa isa't isa kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay. 11 At(D) tinanong nila si Jesus, “Bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?”
12 Tumugon(E) siya, “Darating nga muna si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Ngunit bakit sinasabi din sa Kasulatan na ang Anak ng Tao'y hahamakin at magtitiis ng maraming hirap? 13 Subalit sinasabi ko sa inyo, dumating na nga si Elias at ginawa sa kanya ng mga tao ang nais nila, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya.”
Pinagaling ang Batang Sinasapian ng Masamang Espiritu(F)
14 Nang magbalik sila, naratnan nila ang ibang mga alagad na napapaligiran ng napakaraming tao gayundin ng mga tagapagturo ng Kautusan na nakikipagtalo sa kanila. 15 Nang makita si Jesus ng mga tao, nagulat sila at patakbo nilang sinalubong at binati siya. 16 Tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang inyong pinagtatalunan?”
17 Sumagot ang isa mula sa karamihan, “Guro, dinala ko po rito sa inyo ang aking anak na lalaki dahil siya'y sinasapian ng masamang espiritu at hindi makapagsalita. 18 Tuwing siya'y sinasapian nito, siya'y ibinubuwal; bumubula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin, at siya'y naninigas. Hiniling ko po sa inyong mga alagad na palayasin nila ang masamang espiritu ngunit hindi nila ito mapalayas.”
19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Lahing walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ba ako mananatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!”
20 Dinala nga nila ang bata sa kanya. Nang si Jesus ay makita ng espiritu, biglang pinapangisay nito ang bata. Ang bata'y natumba sa lupa at gumulung-gulong na bumubula ang bibig. 21 “Kailan pa siya nagkaganyan?” tanong ni Jesus sa ama.
“Simula pa po noong maliit siya!” tugon niya. 22 “Gusto po siyang patayin ng masamang espiritu. Madalas inihahagis po siya nito sa apoy at itinatapon siya sa tubig. Subalit kung may magagawa kayo, kami po ay kaawaan at tulungan ninyo.”
23 “Kung may magagawa ako?” tanong ni Jesus. “Mangyayari ang lahat sa sinumang may pananampalataya.”
24 Agad namang sumagot ang ama ng bata, “Naniniwala po ako! Tulungan po ninyo akong madagdagan pa ang aking pananampalataya.”
25 Nang makita ni Jesus na dumadami ang mga tao, sinabi niya sa masamang espiritu, “Inuutusan kita, espiritu ng pagkapipi at pagkabingi, lumabas ka sa bata at huwag ka nang babalik sa kanya!”
26 Nagsisigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata at saka lumabas. Nagmistulang bangkay ang bata kaya't sinabi ng marami, “Patay na siya!” 27 Ngunit ang bata'y hinawakan ni Jesus sa kamay, ibinangon, at ito'y tumayo.
28 Nang pumasok si Jesus sa bahay, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Bakit po hindi namin napalayas ang masamang espiritung iyon?”
29 Sumagot si Jesus, “Mapapalayas lamang ang ganitong uri ng espiritu sa pamamagitan ng panalangin.”
Muling Binanggit ni Jesus ang Kanyang Pagkamatay at Muling Pagkabuhay(G)
30 Pag-alis nila roon, nagdaan sila sa Galilea. Ayaw niyang malaman ng mga tao ang kanyang kinaroroonan, 31 dahil tinuturuan niya noon ang kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga taong papatay sa kanya, ngunit siya'y mabubuhay muli pagkatapos ng tatlong araw. 32 Ngunit hindi nila naunawaan ang kanyang sinabi, at natatakot din naman silang magtanong sa kanya.
Ang Pinakadakila(H)
33 Dumating sila sa Capernaum. Nang sila'y nasa bahay na, tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?” 34 Hindi(I) sila makasagot sapagkat ang pinagtatalunan nila'y kung sino sa kanila ang pinakadakila.
35 Naupo(J) si Jesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” 36 Tinawag niya ang isang bata at pinatayo sa gitna nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi sa kanyang mga alagad, 37 “Ang(K) sinumang tumatanggap sa isang batang tulad nito alang-alang sa aking pangalan ay ako ang tinatanggap; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay hindi lamang ako ang kanyang tinatanggap kundi pati na rin ang nagsugo sa akin.”
Kapanig Natin ang Hindi Laban sa Atin(L)
38 Sinabi sa kanya ni Juan, “Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.”
39 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat ang taong gumagawa ng himala sa pamamagitan ng pangalan ko ay hindi magsasalita ng masama laban sa akin pagkatapos gawin ito. 40 Sapagkat(M) ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin. 41 Tandaan(N) ninyo: ang sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo'y tagasunod ko ay tiyak na tatanggap ng gantimpala.”
Sanhi ng Pagkakasala(O)
42 “Mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig [sa akin.][a] 43 Kung(P) ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mas mabuti pa ang pumasok sa buhay na walang hanggan na putol ang isang kamay, kaysa may dalawang kamay na mapunta ka sa impiyerno, sa apoy na hindi namamatay. [44 Doo'y hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila at ang apoy.][b] 45 Kung ang paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mabuti pa ang pumasok sa buhay na walang hanggan na putol ang isang paa, kaysa may dalawang paa na mapunta ka sa impiyerno. [46 Doo'y hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila at ang apoy.][c] 47 At(Q) kung ang isang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito! Mabuti pang pumasok ka sa kaharian ng Diyos na iisa lang ang mata, kaysa may dalawang mata ngunit itatapon ka naman sa impiyerno. 48 Doo'y(R) hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at ang apoy ay hindi napapatay.
49 “Sapagkat ang bawat isa'y dadalisayin sa apoy [at ang bawat handog sa Diyos ay lalagyan ng asin.][d] 50 Mabuti(S) ang asin, ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Taglayin ninyo ang katangian ng asin, at mamuhay kayong may kapayapaan sa isa't isa.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.