Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Hukom 8

Nalupig ang mga Midianita

Pagkatapos, pumunta kay Gideon ang mga kalalakihan ng Efraim. “Bakit mo kami ginanito? Bakit hindi mo kami tinawag bago ninyo lusubin ang mga Midianita?” pagalit nilang tanong.

“Ang nagawa ko ay hindi maipapantay sa nagawa ninyo. Ang maliit ninyong nagawa ay higit pa sa nagawa ng angkan namin,” sagot ni Gideon. “Niloob(A) ng Diyos na sa inyong mga kamay mahulog ang dalawang pinunong Midianitang sina Oreb at Zeeb. Alin sa mga nagawa ko ang maipapantay riyan?” Nang marinig nila ito, napawi ang kanilang galit.

Si Gideon at ang tatlong daan niyang tauhan ay nakatawid na ng Ilog Jordan. Pagod na pagod na sila ngunit patuloy pa rin nilang hinahabol ang mga Midianita. Nang umabot sila sa Sucot, nakiusap siya sa mga tagaroon, “Maaari po bang bigyan ninyo ng makakain ang aking mga tauhan? Latang-lata na sila sa gutom at hinahabol pa namin ang dalawang hari ng mga Midianita na sina Zeba at Zalmuna.”

Ngunit sumagot ang mga taga-Sucot, “Bakit namin kayo bibigyan ng pagkain? Hindi pa naman ninyo nabibihag sina Zeba at Zalmuna.”

Dahil dito, sinabi ni Gideon, “Kayo ang bahala. Kapag nahuli na namin sina Zeba at Zalmuna, hahagupitin ko kayo ng latigong tinik na mula sa halamang disyerto.” Pagkasabi nito'y nagtuloy sila sa Penuel at doon humingi ng pagkain. Ngunit ang sagot ng mga tagaroon ay tulad din ng sagot ng mga taga-Sucot. Sinabi niya sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyong kami'y matagumpay na makakabalik dito. Pagbalik namin, gigibain ko ang tore ninyo.”

10 Sina Zeba at Zalmuna ay nasa Carcor noon, kasama ang nalalabi nilang kawal na 15,000 sapagkat 120,000 na ang napapatay sa kanila. 11 Dumaan sina Gideon sa gilid ng ilang, sa silangan ng Noba at Jogbeha, saka biglang sumalakay. 12 Tatakas sana sina Zeba at Zalmuna, ngunit nahuli sila nina Gideon. Dahil dito, nataranta ang mga kawal ng dalawang haring Midianita.

13 Nang magbalik sina Gideon mula sa labanan, sa Pasong Heres sila nagdaan. 14 Nakahuli sila ng isang binatang taga-Sucot. Itinanong niya rito kung sinu-sino ang mga opisyal at pinuno ng Sucot, at isa-isa namang isinulat nito. Umabot ng pitumpu't pito ang kanyang naisulat. 15 Pagkatapos, pinuntahan ni Gideon ang mga ito at tinanong, “Natatandaan ba ninyo nang ako'y humingi sa inyo ng pagkain? Sinabi ninyo sa akin na hindi ninyo kami bibigyan ng pagkain hanggang hindi namin nahuhuli sina Zeba at Zalmuna, kahit na noo'y lupaypay na kami sa gutom. Bihag na namin sila ngayon!” 16 At nagpakuha siya ng mga tinikang sanga ng kahoy at sa pamamagitan nito'y pinarusahan ang mga pinuno ng Sucot. 17 Pagkatapos, giniba niya ang tore sa Penuel at pinatay ang mga kalalakihan roon.

18 Pagkaraan, tinanong niya sina Zeba at Zalmuna, “Anong hitsura ng mga lalaking pinatay ninyo sa Tabor?”

“Kamukha mo silang lahat, parang mga anak ng hari,” sagot nila.

19 Sinabi ni Gideon, “Sila'y mga kapatid ko at mga anak ng aking ina. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] kung hindi ninyo sila pinatay ay hindi ko rin sana kayo papatayin.” 20 At sinabi niya sa pinakamatanda niyang anak na si Jeter, “Patayin mo sila!” Palibhasa'y bata, natakot itong bumunot ng tabak at pumatay ng tao.

21 Dahil dito, sinabi nina Zeba at Zalmuna kay Gideon, “Bakit hindi ikaw ang pumatay sa amin? Mga tunay na lalaki lamang ang maaaring pumatay ng tao.” Kaya sila'y pinatay ni Gideon at kinuha ang mga palamuti sa leeg ng kanilang mga kamelyo.

22 Pagkatapos, nagtipun-tipon ang mga Israelita at sinabi nila kay Gideon, “Ikaw rin lamang ang nagligtas sa amin sa mga Midianita, ikaw na at ang iyong angkan ang maghari sa amin!”

23 Sumagot si Gideon, “Hindi ako ni ang aking mga anak ang dapat maghari sa inyo. Si Yahweh ang dapat maghari sa inyo. 24 Ngunit mayroon akong hihilingin sa inyo: Ibigay ninyo sa akin ang mga hikaw na nasamsam ninyo mula sa kanila.” (Nakahikaw ng ginto ang mga Midianita sapagkat iyon ang ugali ng mga taong taga-disyerto.)

25 Sumagot sila, “Buong puso naming ibibigay sa iyo.” Naglatag sila sa lupa ng isang malapad na damit at inilagay roon ang lahat ng nasamsam nilang hikaw. 26 Nang timbangin nila ang mga hikaw na ginto, ito'y umabot ng animnapung libra, hindi pa kasama ang mga hiyas, kuwintas, at mga kulay ubeng kasuotan ng mga hari ng Midian. Hindi rin kasama roon ang mga palamuti sa leeg ng mga kamelyo. 27 Mula sa gintong nasamsam, si Gideon ay nagpagawa ng isang diyus-diyosan at dinala sa Ofra na kanyang lunsod. Ang mga Israelita'y tumalikod sa Diyos at naglingkod sa diyus-diyosang ipinagawa ni Gideon. Ito ang naging malaking kapulaan kay Gideon at sa kanyang sambahayan.

28 Lubusang natalo ng Israel ang Midian at ito'y hindi na nakabawi. Nagkaroon ng kapayapaan sa Israel sa loob ng apatnapung taon, habang nabubuhay si Gideon.

Ang Pagkamatay ni Gideon

29 Umuwi si Gideon[b] sa sarili niyang bahay at doon nanirahan. 30 Pitumpu ang kanyang naging anak sapagkat marami siyang asawa. 31 Mayroon pa siyang isang asawang-lingkod sa Shekem na nagkaanak ng isang lalaki na pinangalanan niyang Abimelec. 32 Matandang-matanda na nang mamatay si Gideon na anak ni Joas. Inilibing siya sa libingan ng kanyang ama sa Ofra, ang bayan ng angkan ni Abiezer.

33 Mula nang mamatay si Gideon, ang mga Israelita'y hindi na namuhay nang tapat sa Diyos. Sa halip, naglingkod sila sa mga Baal, at ang kanilang kinilalang diyos ay si Baal-berit. 34 Hindi na sila naglingkod sa Diyos nilang si Yahweh na nagligtas sa kanila sa mga kaaway na nakapalibot sa kanila. 35 Hindi sila tumanaw ng utang na loob sa sambahayan ni Gideon sa lahat ng kabutihang ginawa nito para sa Israel.

Mga Gawa 12

Panibagong Pag-uusig

12 Nang mga panahon ding iyon, sinimulang usigin ni Haring Herodes[a] ang ilang kaanib ng iglesya. Ipinapatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan. At nang makita niyang ito'y ikinalugod ng mga Judio, si Pedro naman ang kanyang ipinadakip. Nangyari ito noong Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pagkadakip(A) kay Pedro, siya'y ikinulong at pinabantayan sa apat na pangkat ng tig-aapat na kawal. Ang balak ni Herodes ay iharap siya sa bayan pagkatapos ng Paskwa, kaya't nanatiling nakabilanggo si Pedro. Subalit ang iglesya ay taimtim na nanalangin sa Diyos para sa kanya.

Pinalaya ng Anghel si Pedro

Nang gabi bago iharap ni Herodes si Pedro sa bayan, natutulog ito sa pagitan ng dalawang kawal. Nakagapos siya ng dalawang tanikala at may mga bantay pa sa harap ng pinto ng bilangguan. Walang anu-ano'y lumitaw ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa silid-piitan. Tinapik nito si Pedro sa tagiliran at ginising. “Dali, bumangon ka,” sabi ng anghel. Nakalag ang mga tanikala sa mga kamay ni Pedro. “Magbihis ka't magsuot ng sandalyas,” sabi ng anghel, at ganoon nga ang kanyang ginawa. Sinabi pa sa kanya ng anghel, “Magbalabal ka't sumunod sa akin.”

Lumabas at sumunod si Pedro sa anghel, ngunit hindi niya alam kung totoo nga ang nangyayaring iyon. Akala niya'y pangitain lamang iyon. 10 Nakalampas sila sa una at pangalawang bantay at nakarating sa pintuang bakal na labasan papunta sa lungsod. Ito'y kusang bumukas at sila'y lumabas. Pagkaraan nila sa isang kalye, bigla siyang iniwan ng anghel.

11 Noon natauhan si Pedro, kaya't sinabi niya, “Ngayon ko natiyak na totoo pala ang lahat! Isinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa inaasahan ng mga Judio na mangyari sa akin.”

12 Nang maunawaan niya ang nangyari, nagpunta siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan na tinatawag ding Marcos. Maraming nagkakatipon doon at nananalangin. 13 Nang si Pedro ay kumatok sa pinto, lumapit si Roda na isang katulong upang tingnan kung sino iyon. 14 Nakilala niya ang tinig ni Pedro, dahil sa tuwa ay tumakbo siyang papasok ng bahay nang hindi pa nabubuksan ang pinto, at sinabi sa lahat na si Pedro ay nasa pintuan.

15 “Nahihibang ka!” sabi nila. Ngunit iginiit niyang naroroon nga si Pedro. Kaya't sinabi nila, “Anghel niya iyon!” 16 Samantala, patuloy na kumakatok si Pedro.

Nang buksan nila ang pinto, nakita nga nila si Pedro at hindi sila makapaniwala. 17 Sila ay sinenyasan niyang tumahimik. Pagkatapos, isinalaysay niya kung paano siya inilabas ng Panginoon mula sa bilangguan. “Sabihin ninyo ito kay Santiago at sa mga kapatid,” sabi pa niya. Pagkatapos, umalis siya at nagpunta sa ibang lugar.

18 Kinaumagahan, gulung-gulo ang mga kawal dahil sa pagkawala ni Pedro, at hindi nila alam kung ano ang nangyari sa kanya. 19 Ipinahanap ni Herodes si Pedro, at nang hindi matagpuan ay ipinasiyasat ang mga bantay at ipinapatay.

Pagkatapos, umalis si Herodes sa Judea, pumunta sa Cesarea at nanatili roon.

Ang Pagkamatay ni Herodes

20 Matagal(B) nang galit si Herodes sa mga taga-Tiro at mga taga-Sidon. Kaya't sama-samang lumapit sa kanya ang mga taga-Tiro at taga-Sidon upang makipagkasundo, sapagkat sa lupain ng hari nanggagaling ang ikinabubuhay ng kanilang bayan. Nakiusap sila kay Blasto, ang tagapamahala sa palasyo, upang sila'y samahan. 21 Pagsapit ng takdang araw, si Herodes ay nagsuot ng damit-hari, umupo sa trono, at nagtalumpati. 22 Sumigaw ang mga taong-bayan, “Isang diyos ang nagsasalita, hindi tao!” 23 At noon din ay hinampas ng isang anghel ng Panginoon si Herodes, sapagkat inangkin niya ang karangalang nauukol sa Diyos; at siya'y kinain ng mga uod hanggang sa mamatay.

24 Samantala, patuloy na lumago at lumaganap ang salita ng Diyos.

25 Nang matapos nina Bernabe at Saulo ang kanilang tungkulin, bumalik sila sa Jerusalem[b] kasama si Juan na tinatawag ding Marcos.

Jeremias 21

Hinulaan ang Pagbagsak ng Jerusalem

21 Sina Pashur na anak ni Malchias, at ang paring si Zefanias na anak naman ni Maaseias, ay pinapunta ni Haring Zedekias kay Jeremias upang ipakiusap(A) kay Yahweh ang binabalak ni Haring Nebucadnezar na pakikipagdigma sa kanila. Sabi pa nila, “Marahil ay gagawa ng isang kamangha-manghang bagay si Yahweh, gaya ng ginawa niya noong unang panahon, upang hindi na ituloy ni Nebucadnezar ang kanyang balak na pagsalakay.”

Ganito ang sinabi ni Yahweh kay Jeremias bilang tugon sa kanila: “Sabihin mo kay Zedekias na ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Itataboy kong pabalik ang mga kawal na pinahaharap mo sa hari ng Babilonia at sa kanyang hukbo na ngayo'y nakapaligid sa inyo. Kukunin ko ang kanilang mga sandata at ibubunton ko sa gitna ng lunsod na ito. Ako mismo ang lalaban sa inyo dahil sa tindi ng aking galit at poot na parang apoy na naglalagablab. Ang buong lakas ko'y gagamitin ko laban sa inyo. Pupuksain ko ang lahat ng naninirahan sa lunsod, maging tao o hayop; mamamatay sila sa matinding salot. Pagkatapos, si Haring Zedekias ng Juda, ang kanyang mga tauhan at nasasakupan, at lahat ng nasa lunsod na nakaligtas sa labanan, sa salot, at sa gutom, ay ibibigay ko naman sa kamay ni Nebucadnezar, hari ng Babilonia, at ng iba pa nilang kaaway. Papatayin silang lahat, at walang sinumang makakaligtas. Hindi niya sila kahahabagan kahit kaunti man. Ako, si Yahweh, ang maysabi nito.

“Sabihin mo sa bayang ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Narito ang buhay at ang kamatayan. Mamili kayo sa dalawa. Ang mananatili sa lunsod na ito ay mamamatay sa labanan, sa gutom o sa salot; ngunit ang susuko sa mga taga-Babilonia na sumasalakay na ngayon sa inyo ay hindi mamamatay. Maililigtas nila ang kanilang sariling buhay. 10 Nakapagpasya na akong wasakin ang lunsod na ito; ito'y sasakupin at susunugin ng hari ng Babilonia.

Ang Kahatulan sa mga Namumuno sa Juda

11 “Sabihin mo sa angkan ng mga hari ng Juda: Pakinggan ninyo ang sinasabi ni Yahweh. 12 Sa buong angkan ni David, ito ang sabi ni Yahweh sa inyo: Pairalin ninyo ang katarungan araw-araw. Iligtas ninyo sa kamay ng mapang-api ang mga dukha; kung hindi, mag-aalab laban sa inyo ang aking poot, parang apoy na hindi maaapula dahil sa inyong masasamang gawa. 13 Ikaw, Jerusalem, nakatayo ka sa itaas ng mga libis, parang batong namumukod sa gitna ng kapatagan. Ngunit kakalabanin kita. Sinasabi mong walang makakadaig sa iyo; walang makakapasok sa iyong mga kuta. 14 Paparusahan kita ayon sa iyong masasamang gawa. Susunugin ko ang iyong palasyo at lalaganap ang apoy sa buong paligid at tutupukin nito ang lahat ng naroon. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

Marcos 7

Mga Nakaugaliang Katuruan(A)

Lumapit kay Jesus ang mga Pariseo kasama ang ilang tagapagturo ng Kautusan na galing pa sa Jerusalem. Nakita nila ang ilan sa mga alagad niya na kumakain nang marumi ang mga kamay dahil hindi nahugasan ayon sa kaugalian ng mga Judio.

(Sapagkat ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga't hindi muna sila nakapaghuhugas ng kamay ayon sa kaugaliang minana nila mula sa kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan.[a] Marami pa silang sinusunod na katuruang minana, tulad ng paghuhugas ng mga tasa, pitsel, sisidlang tanso, [at mga higaan].[b]) Kaya tinanong si Jesus ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi man lamang naghuhugas ng kamay ayon sa kaugalian.”

Sinagot(B) sila ni Jesus, “Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo, nang kanyang isulat,

‘Ang paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang,
    sapagkat ito'y sa bibig at hindi sa puso bumubukal.
Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba,
    sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.’

Binabaliwala ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo'y mga tradisyon ng tao.”

Sinabi pa ni Jesus, “Ang gagaling ninyo! Para lamang masunod ang inyong mga tradisyon, pinapawalang-bisa ninyo ang utos ng Diyos! 10 Halimbawa,(C) iniutos ni Moises na ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’, at ‘Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.’ 11 Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Naihandog ko na sa Diyos[c] ang mga tulong ko sa inyo’; 12 ang taong iyon ay hindi na ninyo pinapatulong sa kanilang mga magulang. 13 Sa gayong paraan, pinapawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga itinuturo ninyo. At marami pa kayong ginagawang katulad nito.”

Ang Nagpaparumi sa Tao(D)

14 Muling pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat at unawain ang aking sasabihin! 15 Hindi nagiging marumi ang isang tao dahil sa pagkaing pumapasok sa kanyang bibig, kundi dahil sa lumalabas dito. [16 Makinig ang may pandinig!]”[d]

17 Iniwan ni Jesus ang mga tao, at nang makapasok na siya sa bahay, siya'y tinanong ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga. 18 “Pati ba naman kayo ay hindi pa rin makaunawa?” tanong ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi nagiging marumi ang isang tao dahil sa pagkaing ipinapasok niya sa kanyang bibig, 19 sapagkat hindi naman iyon pumapasok sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi.” (Sa ganitong paraan ay ipinahayag ni Jesus na ang lahat ng pagkain ay maaaring kainin.)

20 At sinabi rin niya, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos. 21 Sapagkat sa loob, sa puso ng tao, nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya upang makiapid, magnakaw, pumatay, 22 mangalunya, mag-imbot, gumawa ng kasamaan tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamayabang, at kahangalan. 23 Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay nanggagaling sa puso at dahil sa mga ito ay nagiging marumi ang tao.”

Pinagaling ang Anak ng Babaing Taga-Tiro(E)

24 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lugar na malapit sa Tiro [at ng Sidon].[e] Tumuloy siya sa isang bahay doon at ayaw niyang malaman ninuman na naroon siya. Subalit hindi ganoon ang nangyari. 25 Ang pagdating niya'y nabalitaan ng isang babae na may anak na babaing sinasapian ng masamang espiritu. Pumunta agad kay Jesus ang ina at nagpatirapa sa kanyang harapan. 26 Ang babaing ito'y isang Hentil na taga-Sirofenicia. Nakiusap ito kay Jesus na palayasin ang demonyong sumapi sa kanyang anak. 27 Ngunit sinabi ni Jesus, “Kailangang ang mga anak muna ang pakainin. Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga aso.”

28 Tugon ng babae, “Tunay nga po, Panginoon, ngunit maging ang mga asong nasa ilalim ng mesa ay kumakain ng mga nalalaglag mula sa kinakain ng mga anak.”

29 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.”

30 Umuwi ang babae at naratnan niya sa higaan ang bata. Iniwan na nga ito ng demonyo.

Ang Pagpapagaling sa Taong Bingi at Pipi

31 Umalis si Jesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan sa Sidon at nagtuloy sa Lawa ng Galilea. Tinahak niya ang lupain ng Decapolis. 32 Dinala ng mga tao sa kanya ang isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita, at nakiusap sila sa kanya na ipatong niya rito ang kanyang kamay. 33 Inilayo muna ni Jesus sa karamihan ang lalaki, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, dumura si Jesus at ipinahid ito sa dila ng pipi. 34 Tumingala si Jesus sa langit, nagbuntong-hininga at sinabi sa lalaki, “Effata,” na ang ibig sabihi'y, “Mabuksan!”

35 Noon di'y nakarinig ang lalaki at nakapagsalita na nang maayos. 36 Sinabi ni Jesus sa mga tao na huwag ipamalita ito, ngunit habang pinagbabawalan niya ang mga tao ay lalo naman nila itong ipinamamalita. 37 Buong paghangang sinasabi nila, “Napakahusay ng lahat ng kanyang ginagawa! Binibigyan niya ng pandinig ang mga bingi at pinapagsalita ang mga pipi!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.