M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Jefta at ang Lipi ni Efraim
12 Ang mga kalalakihan ng Efraim ay tinipon upang makipagdigma. Sama-sama silang tumawid ng Ilog Jordan at nagpunta sa Zafon upang kalabanin si Jefta. Itinanong nila sa kanya, “Bakit hindi mo kami tinawag bago ka nakipagdigma sa mga taga-Ammon? Dahil sa ginawa mong iyan, susunugin namin ang bahay mo at itatambak ka namin doon.”
2 Sumagot si Jefta, “Kami at ang mga Ammonita ay nagkaroon ng matinding alitan. Humingi kami ng tulong sa inyo ngunit hindi ninyo kami pinansin. 3 Kaya, itinaya ko na ang buhay ko sa pakikipagdigma sa kanila. Pinagtagumpay naman ako ni Yahweh. Bakit gusto ninyo akong salakayin ngayon?” 4 Tinipon ni Jefta ang kanyang mga tauhan at nilabanan ang mga taga-Efraim sapagkat sinabi ng mga ito, “Kayong mga taga-Gilead, mga takas lang kayo mula sa Efraim! Nakikitira lang kayo sa Efraim at Manases!” Ang mga taga-Efraim ay tinalo ng mga taga-Gilead. 5 Binantayan nila ang mga lugar ng Ilog Jordan na maaaring tawiran ng tao upang hindi makatawid ang mga taga-Efraim. Ang sinumang nais tumawid ay tinatanong nila kung taga-Efraim. Kapag sumagot ng, “Hindi,” 6 ipinapasabi nila ang salitang, “Shibolet.” Kung hindi ito mabigkas nang tama at sa halip ay sinasabing, “Sibolet,” papatayin nila ito sa may tawiran ng Ilog Jordan. At nang panahong iyon, umabot sa 42,000 taga-Efraim ang kanilang napatay.
7 Si Jefta ay anim na taóng naging hukom at pinuno ng Israel. Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa kanyang sariling bayan sa Gilead.[a]
Sina Ibzan, Elon at Abdon
8 Nang mamatay si Jefta, si Ibzan na taga-Bethlehem naman ang naging hukom at pinuno ng Israel. 9 Animnapu ang kanyang anak: tatlumpung lalaki at tatlumpung babae. Ang pinili niyang maging asawa ng kanyang mga anak ay pawang di kabilang sa kanilang angkan. Pitong taon siyang naging hukom at pinuno ng Israel. 10 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Bethlehem.
11 Nang mamatay si Ibzan, si Elon na taga-Zebulun naman ang naging hukom at pinuno ng Israel sa loob ng sampung taon. 12 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Ayalon, sakop ng Zebulun.
13 Pagkatapos, ang sumunod na naging hukom at pinuno ng Israel ay si Abdon na anak ni Hillel na taga-Piraton. 14 Ang mga anak niyang lalaki ay apatnapu at siya'y may tatlumpung apo; bawat isa sa kanila'y may sari-sariling asno. Siya ay naging hukom at pinuno ng Israel sa loob ng walong taon. 15 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Piraton, sakop ng Efraim, sa kaburulang sakop ng mga Amalekita.
Sumama si Timoteo kina Pablo at Silas
16 Nagpunta rin si Pablo sa Derbe at sa Listra. May isang alagad doon na ang pangala'y Timoteo. Ang kanyang ina ay isang mananampalatayang Judio at ang kanyang ama nama'y isang Griego. 2 Mataas ang pagtingin ng mga kapatid sa Listra at sa Iconio kay Timoteo. 3 Ibig isama ni Pablo si Timoteo kaya't tinuli niya ito alang-alang sa mga Judio sa lungsod na iyon, dahil alam nilang lahat na ang kanyang ama ay isang Griego. 4 Sa bawat lungsod na kanilang dalawin, ipinaaalam nila sa mga kapatid ang pasya ng mga apostol at mga pinuno ng iglesya sa Jerusalem, at iniutos na sundin iyon. 5 Kaya't tumibay sa pananampalataya ang mga kaanib ng mga iglesya, at araw-araw ay nadagdagan ang kanilang bilang.
Ang Pangitain ni Pablo sa Troas
6 Sapagkat binawalan sila ng Espiritu Santo na mangaral sa lalawigan ng Asia[a], naglakbay sina Pablo sa lupain ng Frigia at Galacia. 7 Pagdating sa hangganan ng Misia, papasok na sana sila sa Bitinia, subalit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus. 8 Kaya't dumaan sila ng Misia at nagpunta sa Troas. 9 Kinagabihan, nagkaroon si Pablo ng isang pangitain; isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo at nakikiusap sa kanya, “Pumarito kayo sa Macedonia at tulungan ninyo kami.” 10 Pagkatapos ng pangitaing ito, gumayak agad kami sapagkat natiyak naming kami'y tinatawag ng Diyos upang ipangaral sa Macedonia ang Magandang Balita.
Sumampalataya si Lydia
11 Mula sa Troas, tuluy-tuloy kaming naglayag papuntang Samotracia, at kinabukasa'y sa Neapolis. 12 Mula naman roo'y nagpunta kami sa Filipos, isang pangunahing lungsod na sakop ng mga Romano sa dakong iyon ng Macedonia. Nanatili kami roon nang ilang araw. 13 At nang Araw ng Pamamahinga, lumabas kami ng lungsod at nagpunta sa tabing-ilog, sa pag-aakalang doon ay may pinagtitipunan ang mga Judio upang manalangin. Naupo kami at nakipag-usap sa mga babaing nagkakatipon doon. 14 Kabilang sa mga nakikinig ang isang sumasamba sa Diyos na nagngangalang Lydia na taga-Tiatira; siya'y isang negosyante na nagtitinda ng mamahaling telang kulay ube. Binuksan ng Panginoon ang kanyang isip upang kanyang pakinggan ang ipinapangaral ni Pablo. 15 Nagpabautismo siya at ang kanyang buong pamilya. Pagkatapos, sinabi niya, “Kung itinuturing po ninyo akong tunay na lingkod ng Panginoon, doon na kayo tumuloy sa amin.” Mahigpit ang kanyang anyaya kaya't hindi namin napahindian.
Sa Bilangguan sa Filipos
16 Isang araw, nang kami'y papunta sa pook-dalanginan, nasalubong namin ang isang batang babaing alipin. Sinasapian siya ng masamang espiritu kaya siya nakakapanghula. Malaki ang kinikita ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula. 17 Sinundan-sundan niya kami nina Pablo, at sumisigaw ng ganito: “Ang mga taong ito'y lingkod ng Kataas-taasang Diyos! Ipinapahayag nila sa inyo kung paano kayo maliligtas!”
18 Marami nang araw na ginagawa niya iyon kaya't nainis na si Pablo. Hinarap niya ang bata at sinabi sa espiritu, “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Cristo, lumabas ka sa babaing iyan!” At noon di'y lumabas ang espiritu.
19 Nang makita ng mga amo ng bata na nawala na ang kanilang pinagkakakitaan, sinunggaban nila sina Pablo at Silas, kinaladkad sa liwasang-bayan at iniharap sa mga maykapangyarihan. 20 Iniharap sila sa mga pinuno ng lungsod at pinaratangan ng ganito: “Nanggugulo po sa lungsod ang mga Judiong ito. 21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang labag sa kautusan nating mga Romano. Hindi natin maaaring sundin ang mga itinuturo nila.” 22 Nakisali ang mga tao sa pananakit sa kanila, at pinahubaran sila ng mga pinuno at ipinahagupit. 23 Pagkatapos hampasin nang paulit-ulit, sila'y ipinabilanggo at pinabantayang mabuti. 24 Ipinasok sila ng bantay sa kaloob-looban ng bilangguan at inilagay ang kanilang mga paa sa pagitan ng dalawang mabibigat na kahoy.
25 Nang maghahatinggabi na, sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga himno sa Diyos, at nakikinig naman ang ibang mga bilanggo. 26 Walang anu-ano'y lumindol nang malakas at nayanig pati ang mga pundasyon ng bilangguan. Biglang nabuksan ang mga pinto at nakalag ang mga tanikala ng lahat ng bilanggo. 27 Nagising ang bantay ng bilangguan, at nang makita niyang bukás ang mga pinto, inakala niyang nakatakas ang mga bilanggo. Dahil dito'y binunot niya ang kanyang tabak at magpapakamatay na sana. 28 Ngunit sumigaw si Pablo, “Huwag mong saktan ang iyong sarili! Narito kaming lahat!”
29 Humingi ng ilaw ang bantay, patakbong pumasok at nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Sila ay inilabas niya at sinabi, “Mga ginoo, ano po ang dapat kong gawin upang ako'y maligtas?”
31 Sumagot naman sila, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.” 32 At ang salita ng Panginoon ay ipinahayag nila sa kanya at sa lahat ng nasa kanyang bahay. 33 Nang oras ding iyon, hinugasan ng bantay ang kanilang mga sugat at siya'y nagpabautismo, pati ang buo niyang sambahayan. 34 Pagkatapos, sila ay isinama niya sa kanyang tahanan at ipinaghanda ng pagkain. Masayang-masaya ang bantay at ang kanyang buong sambahayan, sapagkat sila'y sumampalataya sa Diyos.
35 Kinaumagahan, inutusan ng mga pinuno ng lungsod ang mga kawal na palayain sina Pablo at Silas. 36 Kaya't sinabi ng bantay ng bilangguan kay Pablo, “Iniutos po ng mga pinuno na palayain na kayo. Lumabas na kayo at umalis nang mapayapa.”
37 Subalit sinabi ni Pablo sa mga kawal, “Ipinahagupit nila kami nang hayagan at ipinabilanggo nang hindi man lang nilitis gayong kami'y mga mamamayang Romano! At ngayo'y palihim nila kaming palalayain? Hindi maaari! Sila ang pumarito at magpalaya sa amin.” 38 Ipinaalam ng mga kawal sa mga pinuno ng lungsod ang sinabi ni Pablo, at natakot ang mga iyon nang malamang sina Pablo at Silas pala ay mamamayang Romano. 39 Kaya't sila'y pumunta sa bilangguan at humingi ng paumanhin sa dalawa. Inilabas nila sina Pablo at Silas at pinakiusapang lisanin ang lungsod. 40 Pagkalabas ng bilangguan, sina Pablo at Silas ay nagtuloy sa bahay ni Lydia at dinatnan nila roon ang mga kapatid. Bago umalis ang dalawa, pinagbilinan nila ang mga kapatid na magpakatatag sa pananampalataya.
Pitumpung Taon ng Pagkaalipin sa Babilonia
25 Ito(A) ang pahayag na tinanggap ni Jeremias tungkol sa mga taga-Juda, noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoiakim, anak ni Josias ng Juda, at unang taon naman ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia. 2 Ganito ang sinabi ni Propeta Jeremias sa lahat ng mga taga-Juda at mga naninirahan sa Jerusalem: 3 “Sa loob ng dalawampu't tatlong taon, mula pa noong ika-13 taon ng paghahari sa Juda ni Josias na anak ni Ammon hanggang ngayon, patuloy kong sinasabi sa inyo ang mga ipinahayag ni Yahweh, subalit ayaw ninyong pakinggan. 4 Hindi ninyo pinansin o pinakinggan ang mga propetang sinugo niya. 5 Sinabi nila na talikuran na ninyo ang masama ninyong pamumuhay at likong gawain, upang sa gayo'y mananatili kayo habang panahon sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh at sa inyong mga magulang. 6 Sinabi nilang huwag kayong sasamba at maglilingkod sa mga diyus-diyosan; huwag ninyong pag-aalabin ang poot ni Yahweh dahil sa pagsamba ninyo sa mga diyus-diyosang nililok ng kamay. Kung sumunod lamang kayo sa kanya, sana'y hindi niya kayo pinarusahan. 7 Ngunit hindi kayo nakinig kay Yahweh; ginalit ninyo siya dahil sinamba ninyo ang mga diyus-diyosang inyong ginawa. Kaya naman naganap sa inyo ang kapahamakang ito.
8 “Kaya ito ang sabi sa inyo ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: Dahil sa hindi ninyo pagsunod sa aking mga salita, 9 tatawagin ko ang mga bansang nasa hilaga, pati ang aking lingkod na si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Sasalakayin nila ang bansang ito, at lahat ng bansang nasa paligid. Wawasakin ko nang lubusan ang mga ito, at kasisindakan ng lahat ang kanilang sinapit. Hahamakin sila ng makakakita sa kanila at mananatiling wasak ang lupain habang panahon. 10 Patatahimikin(B) ko ang himig ng kagalakan at katuwaan. Hindi na rin maririnig ang masasayang tinig ng mga ikakasal. Hindi na maririnig ang ingay ng gilingan. At maglalaho rin ang liwanag ng mga ilawan. 11 Madudurog(C) ang buong lupain at walang mapapakinabangan. Ang kanyang mga mamamayan ay aalipinin ng hari ng Babilonia sa loob ng pitumpung taon. 12 Pagkaraan ng pitumpung taon, paparusahan ko naman ang hari ng Babilonia, at ang kanyang mga mamamayan, dahil sa kanilang kasamaan; ibabagsak ko ang bansang iyon at hindi na makakabangon kailanman. 13 Magaganap sa bansang iyon ang lahat ng sinabi ko laban sa kanila; lahat ng nasusulat sa aklat na ito, na ipinahayag ni Jeremias laban sa lahat ng bansa. 14 Gagawin silang mga alipin ng maraming bansa at mga tanyag na hari; gagantihan ko sila ayon sa kanilang mga ginawa.”
Ang Matinding Poot ni Yahweh
15 Ito ang mga sinabi sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: “Kunin mo sa kamay ko ang kopang ito na punô ng alak ng kapootan, at ipainom mo sa lahat ng bansang papupuntahan ko sa iyo. 16 Iinumin nila ito, sila'y malalasing at mababaliw sa tindi ng parusang ipadadala ko sa kanila.”
17 Kaya kinuha ko ang kopa sa kamay ni Yahweh, at ipinainom sa lahat ng bansang pinapuntahan niya sa akin. 18 Pinainom ko ang Jerusalem at ang mga lunsod ng Juda, kasama ng kanilang mga hari at mga pinuno, upang sila'y mawasak nang lubusan at maging nakakatakot pagmasdan. Sila'y kukutyain at ang mga pangalan nila'y gagamiting pansumpa. Nanatili silang gayon hanggang ngayon. 19 Pinainom ko rin ang Faraon, hari ng Egipto, pati kanyang mga lingkod at pinuno, lahat ng kanyang nasasakupan, 20 at ang mga dayuhang nakikipamayan sa kanila; gayon din ang lahat ng hari sa lupain ng Uz, at lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo na taga-Ascalon, Gaza, Ekron at ang natira sa Asdod; 21 ang Edom, Moab, at ang mga anak ni Ammon; 22 lahat ng hari sa Tiro, sa Sidon, at sa mga pulo sa ibayong-dagat; 23 sa mga Lunsod ng Dedan, Tema, Buz, at lahat ng nagpaputol ng kanilang buhok; 24 lahat ng hari sa Arabia at ng magkakahalong liping nasa disyerto; 25 lahat ng hari ng Zimri, ng Elam at ng Media, 26 lahat ng hari sa hilaga, malayo man o malapit, at lahat ng kaharian sa ibabaw ng lupa. Pagkatapos nilang lahat, ang hari ng Babilonia ang huling iinom sa kopang ito.
27 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Sabihin mo sa mga tao: ‘Uminom kayo at magpakalasing hanggang sa kayo'y magkandasuka; mabubuwal kayo at hindi na makakabangon, sapagkat dumarating na ang digmaang padala ko sa inyo.’ 28 Kapag tinanggihan nila ang hawak mong alak, sasabihin mo sa kanila: ‘Sinasabi ni Yahweh na kailangang inumin ninyo ito. 29 Una kong paparusahan ang lunsod na tinawag sa aking pangalan; at paano kayo makakaligtas sa parusa? Hindi kayo makakaligtas sa parusa sapagkat padadalhan ko ng digmaan ang lahat ng naninirahan sa lupa. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.’
30 “Kaya sabihin mo sa kanila ang lahat ng aking sinabi:
‘Si Yahweh ay magsasalita mula sa kaitaasan,
mula sa kanyang banal na tahanan;
dadagundong ang kanyang tinig sa kalangitan,
at aalingawngaw sa buong daigdig gaya ng sigawan ng mga lalaking gumagawa sa pisaan ng ubas.
31 Ang ingay ay aabot sa lahat ng panig ng sanlibutan.
Sapagkat hahatulan niya ang mga bansa,
gayon din ang buong sangkatauhan;
ang masasama ay kanyang lilipulin.
Ito ang sabi ni Yahweh.’”
32 Ganito ang sinasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat: “Ang sakuna ay lumalaganap na sa bawat bansa, parang malakas na bagyong dumarating mula sa pinakamalayong panig ng sanlibutan. 33 Sa araw na yaon, ang buong daigdig ay mapupuno ng bangkay ng mga pinatay ni Yahweh. Hindi na sila tatangisan, titipunin, o ililibing; magiging dumi na lamang sila sa ibabaw ng lupa!”
34 Tumangis kayo, mga pastol, umiyak kayo nang malakas! Maglagay kayo ng abo sa inyong ulo, kayong tagapag-alaga ng kawan. Oras na ng pagtungo ninyo sa patayan, at papatayin din kayong gaya ng mga tupa. 35 Walang matatakbuhan ang mga pastol; hindi makakatakas ang mga tagapag-alaga ng kawan. 36 Pakinggan ninyo ang iyakan ng mga pastol, at ang panangisan ng mga tagapag-alaga ng kawan. Sinasalakay na ni Yahweh ang dating matiwasay na pastulan. 37 Ang lahat ng tupa sa kawan ay pinuksa dahil sa matinding poot ni Yahweh. 38 Iniwan niya ang kanyang bayan, gaya ng isang leon na umalis sa kanyang yungib. Naging ilang ang lupain dahil sa digmaan at matinding poot ni Yahweh.
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)
11 Narating nina Jesus ang mga bayan ng Bethfage at Bethania, malapit sa may Bundok ng mga Olibo. Nang papalapit na sila sa Jerusalem, pinauna ni Jesus ang dalawa sa mga alagad 2 at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok na pagpasok, makikita ninyo ang isang batang asno na hindi pa nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. 3 Kapag may nagtanong kung bakit ninyo kinakalagan iyon, sabihin ninyong iyon ay kailangan ng Panginoon[a] at ibabalik din niya agad.”
4 Kaya't lumakad ang dalawang alagad at nakita nga nila ang batang asno sa tabi ng daan, nakatali ito sa may pinto ng isang bahay. Nang kinakalagan na nila ang hayop, 5 tinanong sila ng ilang nakatayo roon, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?”
6 Sumagot sila gaya ng bilin ni Jesus, at hinayaan na silang umalis. 7 Dinala nila kay Jesus ang batang asno. Matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal ay sumakay si Jesus. 8 Marami ang naglatag ng kanilang mga balabal sa daan, samantalang ang iba nama'y pumutol ng madahong sanga ng kahoy at iyon ang kanilang inilatag sa daan. 9 Ang(B) mga tao sa unahan at sa hulihan ni Jesus ay sumisigaw ng ganito, “Purihin ang Diyos![b] Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! 10 Pagpalain ang malapit nang itatatag na kaharian ng ating amang si David! Purihin ang Panginoon sa Kataas-taasan!”
11 Pumunta si Jesus sa Jerusalem at pumasok sa Templo at tiningnan niya ang lahat ng bagay doon. At dahil gumagabi na, lumabas siya at nagbalik sa Bethania na kasama ang Labindalawa.
Sinumpa ang Puno ng Igos(C)
12 Kinabukasan, nang pabalik na sila mula sa Bethania, si Jesus ay nakaramdam ng gutom. 13 Nakita niya sa di-kalayuan ang isang malagong puno ng igos. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Dahil hindi pa panahon ng igos noon, wala siyang nakita kundi mga dahon lamang. 14 Kaya't sinabi niya sa puno ng igos, “Wala nang makakakain pa ng iyong bunga.” Ang sinabi niyang iyon ay narinig ng kanyang mga alagad.
Pinalayas ang mga Nangangalakal sa Templo(D)
15 Pagdating nila sa Jerusalem, si Jesus ay pumasok sa Templo. Ipinagtabuyan niya ang mga nagbebenta at namimili roon, at ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. 16 Pinagbawalan din niyang tumawid sa patyo ng Templo ang mga may dalang paninda 17 at(E) tinuruan niya ang mga tao nang ganito, “Nasusulat, ‘Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw!”
18 Narinig ito ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Buhat noo'y humanap na sila ng paraan upang patayin si Jesus. Subalit natatakot sila sa kanya dahil humahanga ang lahat sa kanyang mga turo.
19 Pagsapit ng gabi, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay muling lumabas ng lungsod.
Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(F)
20 Kinaumagahan, pagdaan nila'y nakita nilang natuyo ang puno ng igos hanggang sa mga ugat nito. 21 Naalala ni Pedro ang nangyari dito kaya't kanyang sinabi kay Jesus, “Guro, tingnan ninyo! Patay na ang puno ng igos na isinumpa ninyo.”
22 Sumagot si Jesus, “Manalig kayo sa Diyos. 23 Tandaan(G) ninyo ito: kung kayo'y nananampalataya sa Diyos at hindi kayo nag-aalinlangan, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan at tumalon ka sa dagat,’ at ito nga ay mangyayari. 24 Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, maniwala kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo iyon. 25 Kapag(H) kayo'y tumayo upang manalangin, patawarin muna ninyo ang nagkasala sa inyo upang ang inyong mga kasalanan ay patawarin din ng inyong Ama na nasa langit. [26 Ngunit kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama na nasa langit.][c]”
Pag-aalinlangan tungkol sa Karapatan ni Jesus(I)
27 Muli silang pumasok sa Jerusalem. Habang si Jesus ay naglalakad sa patyo ng Templo, nilapitan siya ng mga punong pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng bayan. 28 Siya'y tinanong nila, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?”
29 Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko kayo. Sagutin ninyo ito at sasabihin ko sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. 30 Sabihin ninyo sa akin, kanino galing ang karapatan ni Juan na magbautismo: sa Diyos ba o sa mga tao?”
31 At sila'y nag-usap-usap, “Kung sasabihin nating galing sa Diyos, itatanong naman niya sa atin kung bakit hindi natin pinaniwalaan si Juan. 32 Ngunit kung sasabihin naman nating galing sa tao, baka kung ano naman ang gawin sa atin ng mga tao.” Nangangamba sila sapagkat naniniwala ang marami na si Juan ay isang tunay na propeta. 33 Kaya't ganito ang kanilang isinagot: “Hindi namin alam.”
“Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gawin ang mga ito,” tugon ni Jesus sa kanila.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.