M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Haring Natalo ng mga Israelita
12 Nasakop(A) ng mga Israelita ang lupain sa silangan ng Ilog Jordan, buhat sa Ilog Arnon hanggang sa Bundok ng Hermon, at nalupig nila ang mga hari roon. 2 Ang una'y si Sihon, ang hari ng mga Amoreo, na nanirahan sa Hesbon. Sakop niya buhat sa bayan ng Aroer sa Ilog Arnon, pati ang kalahati ng libis nito, hanggang sa Batis ng Jabok sa may hangganan ng mga Ammonita. Samakatuwid, sakop niya ang kalahati ng Gilead, 3 gayundin ang Araba sa gawing silangan ng Jordan, buhat sa gilid ng Lawa ng Cineret patungo sa Beth-jesimot sa gawing silangan, hanggang sa Dagat na Patay tuloy sa paanan ng Bundok ng Pisga papuntang timog.
4 Nalupig din nila si Haring Og ng Bashan, isa sa ilang natira sa lahi ng mga higante. Nanirahan ang haring ito sa Astarot at sa Edrei. 5 Sakop niya ang kabundukan ng Hermon, ang Saleca, ang buong Bashan hanggang sa lupain ng mga Gesureo at mga Maacateo. Kasama pa rin ng nasasakupan niya ang kalahati ng Gilead, karatig ng lupain ni Sihon na hari ng Hesbon. 6 Ang(B) dalawang ito'y nilupig ng mga Israelita, sa pamumuno ni Moises. Ibinigay ni Moises na lingkod ni Yahweh ang mga lupain nila sa lipi ni Ruben, ni Gad at sa kalahati ng lipi ni Manases.
Ang mga Haring Natalo ni Josue
7 Sa pamumuno ni Josue, tinalo ng mga Israelita ang mga hari sa kanluran ng Ilog Jordan: buhat sa Baal-gad, sa kapatagan ng Lebanon hanggang sa Bundok ng Halac, sa pag-ahon ng Bundok Seir. Ang kanilang mga lupai'y pinaghati-hati ni Josue sa mga lipi ng Israel upang maging pag-aari ng mga ito habang panahon. 8 Saklaw ng mga lupaing iyon ang kaburulan, ang mga kapatagan, ang Araba, ang paanan ng mga bundok, ang ilang, at ang Negeb. Doon naninirahan ang mga Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. 9 Ito ang mga haring tinalo ng Israel sa pamumuno ni Josue: ang mga hari ng Jerico at ng Ai na malapit sa Bethel; 10 ang mga hari ng Jerusalem at Hebron; 11 ng Jarmut at ng Laquis; 12 ng Eglon at ng Gezer; 13 ng Debir at ng Geder; 14 ng Horma at ng Arad; 15 ng Libna at ng Adullam; 16 ng Maceda at ng Bethel; 17 ng Tapua at ng Hefer; 18 ng Afec at ng Lasaron; 19 ng Madon at ng Hazor; 20 ng Simron-meron at ng Acsaf; 21 ng Taanac at ng Megido; 22 ng Kades at ng Jokneam sa Carmelo; 23 ng Dor sa baybayin ng Dor, ang hari ng mga Goyim sa Galilea, 24 at ang hari ng Tirza. Lahat-lahat ay tatlumpu't isang hari.
Ang mga Lupaing Hindi pa Nasasakop
13 Matandang-matanda na noon si Josue. Sinabi sa kanya ni Yahweh: “Matandang-matanda ka na ngunit malaki pang bahagi ng lupaing ito ang kailangan pang sakupin. 2 Ito ang mga hindi pa ninyo nasasakop: ang lupain ng mga Filisteo at ang lupain ng mga Gesureo; 3 buhat sa batis ng Sihor sa tabing silangan ng Egipto hanggang sa Ekron ay itinuturing na lupain din ng mga Cananeo kahit ito'y sakop ng mga haring Filisteo na nakatira sa Gaza, sa Asdod, sa Ashkelon, sa Gat, at sa Ekron; ang lupain ng mga Aveo 4 sa dakong timog, at ang lupain ng mga Cananeo, buhat sa Mehara na tinitirhan ng mga taga-Sidon hanggang sa Afec, sa may hangganan ng mga Amoreo; 5 ang lupain ng mga Gebalita at ang buong silangan ng Lebanon, buhat sa Baal-gad sa paanan ng Bundok ng Hermon hanggang sa pagpasok ng Hamat. 6 Kasama(C) rin dito ang lupain ng mga taga-Sidon na naninirahan sa kaburulan ng Lebanon hanggang sa Misrefot-mayim. Pagdating ninyo roon, palalayasin kong lahat ang mga naninirahan doon. Hatiin mo sa mga Israelita ang mga lupaing ito, ayon sa sinabi ko sa iyo. 7 Ipamahagi mo ngayon ang lupaing ito sa siyam na lipi at sa kalahati ng lipi ni Manases.”
Mga Lupaing Ibinigay sa mga Lipi nina Ruben, Gad at Manases
8 Ang(D) mga lipi nina Ruben, Gad at ang kalahati ng lipi ni Manases ay binigyan na ni Moises ng kanilang lupain sa gawing silangan ng Jordan. 9 Ang saklaw nila'y mula sa Aroer, na nasa tabi ng Kapatagan ng Arnon, at mula sa bayang nasa gitna ng libis patungo sa hilaga, kasama ang mga mataas na kapatagan ng Medeba hanggang sa Dibon. 10 Saklaw rin ang lahat ng lunsod na sakop ni Haring Sihon ng mga Amoreo, na nakatira sa Hesbon, tuloy sa hangganan ng Ammon. 11 Sakop pa rin ang Gilead, ang lupain ng mga Gesureo at mga Maacateo; ang kabundukan ng Hermon at ang buong Bashan hanggang Saleca. 12 Sakop din ang kaharian ni Og na hari ng Astarot at Edrei. (Ang haring ito ang kaisa-isang nalabi sa lahi ng mga higante na tinalo ni Moises at pinalayas sa lupaing iyon.) 13 Ngunit hindi pinaalis ng mga Israelita ang mga Gesureo at mga Maacateo. Naninirahan pa ang mga ito sa Israel hanggang ngayon.
14 Ang(E) lipi ni Levi ay hindi binigyan ni Moises ng bahagi sa lupain. Sa halip, ang tatanggapin nila'y ang bahaging kukunin sa mga handog ng sambayanan para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel, ayon sa sinabi niya kay Moises.
15 Binigyan na ni Moises ng kani-kanilang bahagi sa lupain ang lipi ni Ruben, ayon sa kani-kanilang angkan. 16 Sakop nila ang lunsod ng Aroer na nasa gilid ng Ilog Arnon, at ang bayang nasa gitna ng libis, at ang mataas na kapatagan sa palibot ng Medeba. 17 Sakop din nila ang Hesbon at ang lahat ng lunsod sa mataas na kapatagan: ang Dibon, Bamot-baal, Beth-baal-meon, 18 Jahaz, Kedemot, Mefaat, 19 Kiryataim, at Sibma. Kasama pa rin ang lunsod ng Zaret-sahar na nasa burol sa gitna ng libis, 20 ang lunsod ng Beth-peor, ang mga libis ng Pisgah, at ang Beth-jesimot; 21 ang lahat ng lunsod sa mataas na kapatagan at ang lahat ng bayang saklaw ni Haring Sihon na hari ng Hesbon. Tinalo siya ni Moises pati ang mga hari ng Midian na sina Evi, Requem, Zur, Hur at Reba. Ang mga haring ito ay sakop ni Haring Sihon at nanirahan sa lupaing iyon. 22 Kabilang din sa mga pinatay roon ng mga Israelita ang manghuhulang si Balaam na anak ni Beor. 23 Ang Ilog Jordan ang hangganan ng lupaing napunta sa lipi ni Ruben, ayon sa kani-kanilang angkan. Ito ang mga lunsod at mga bayang napunta sa kanilang mga angkan at sambahayan.
24 Binigyan na rin ni Moises ng kani-kanilang bahagi sa lupain ang bawat angkan sa lipi ni Gad. 25 Napunta sa kanila ang Jazer, ang buong Gilead, at ang kalahati ng lupain ng mga Ammonita hanggang sa Aroer na katapat ng Rabba. 26 Sakop nila ang mga lupain buhat sa Hesbon hanggang Ramot-mizpa at Bethonim, at buhat sa Mahanaim hanggang sa mga nasasakupan ng Lo-debar. 27 Sa Kapatagan naman ng Jordan ang sakop nila'y ang mga lunsod ng Beth-haram, Beth-nimra, Sucot, Zafon at ang nalalabi sa kaharian ni Sihon na hari ng Hesbon. Saklaw nga nila ang buong lupain sa gawing silangan buhat sa Ilog Jordan, at tuloy sa Lawa ng Galilea sa gawing hilaga. 28 Ito ang mga lunsod at bayang ibinigay sa mga angkan ng lipi ni Gad.
29 Binigyan na rin ni Moises ng bahagi sa lupain ang mga angkan ng kalahati ng lipi ni Manases. 30 Sakop nila ang Mahanaim at ang buong teritoryo ni Haring Og sa lupain ng Bashan. Kasama rin ng lupain nila ang animnapung bayan ng Bashan na sakop ng Jair. 31 Sakop rin nila ang kalahati ng Gilead at ang mga lunsod ng Astarot at Edrei sa kaharian ni Og sa Bashan. Ito ang mga lupaing ibinigay sa mga angkang bumubuo ng kalahati ng angkan ni Maquir na anak ni Manases. 32 Ganito ipinamahagi ni Moises ang mga lupain sa silangan ng Jerico at ng Ilog Jordan noong sila'y nasa kapatagan ng Moab. 33 Ngunit(F) hindi niya binigyan ng lupa ang lipi ni Levi sapagkat ang bahagi nila ay si Yahweh, ang Diyos ng Israel.
Awit ng Pagpupuri
Katha ni David.
145 Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag,
di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat,
2 aking pupurihi't pasasalamatan siya araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
3 Dakila ka, Yahweh, at karapat-dapat na ika'y purihin;
kadakilaan mo'y tunay na mahirap naming unawain.
4 Sa alinmang lahi, ang iyong ginawa ay papupurihan,
ihahayag nila ang mga gawa mong makapangyarihan.
5 Ang karangalan mo at pagkadakila'y ipamamalita,
at isasaysay ko ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
6 Ang mga gawa mong makapangyariha'y ipamamalita;
sa lahat ng tao'y aking sasabihing ikaw ay dakila.
7 Ihahayag nila ang lahat ng iyong mga kabutihan,
aawitin nila nang may kagalakan ang iyong katuwiran.
8 Si Yahweh'y mapagmahal at punô ng habag,
hindi madaling magalit, ang pag-ibig ay wagas.
9 Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi.
10 Magpupuring lahat sa iyo, O Yahweh, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka't pasasalamatan.
11 Babanggitin nilang tunay na dakila ang iyong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila't makapangyarihan.
12 Dakila mong gawa'y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
13 Ang paghahari mo'y sadyang walang hanggan,
hindi magbabago.
Di ka bibiguin sa bawat pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
14 Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
at sa pagkalugmok, sa panghihina ay kanyang hahanguin.
15 Lahat ng mga buháy ay tanging si Yahweh ang inaasahan,
siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan.
16 Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkukulang;
anupa't ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay.
17 Matuwid si Yahweh sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip ang masagana niyang awa.
18 Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao,
sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
19 Bawat kailangan ng taong tapat at may takot sa kanya,
kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
20 Yaong umiibig sa kanya ng lubos ay iniingatan;
ngunit ang masama'y wawasakin niya't walang mabubuhay.
21 Aking pupurihin ang Diyos na si Yahweh, habang nabubuhay,
sa ngalan niyang banal, lahat ay magpuri magpakailanman!
Pinaligiran ng mga Kaaway ang Jerusalem
6 Mga anak ni Benjamin, tumakas na kayo! Lisanin na ninyo ang Jerusalem! Hipan ang trumpeta sa buong Tekoa, at ibigay ang hudyat sa Beth-hakerem. Sapagkat dumarating na mula sa hilaga ang isang malaking sakuna at pagkawasak. 2 Lunsod ng Zion, katulad ka ng isang magandang pastulan. 3 Ngunit pupuntahan ka ng mga hari at magkukuta ang kanilang mga hukbo saanman nila magustuhan at paliligiran ka ng kanilang mga tolda. 4 Sasabihin nila, “Humanda kayo at sasalakayin natin ang Jerusalem! Bandang tanghali tayo sasalakay!” Ngunit sasabihin nila pagkatapos, “Huli na tayo! Lumulubog na ang araw at unti-unti nang dumidilim. 5 Subalit humanda rin kayo! Ngayong gabi tayo lulusob, at wawasakin natin ang mga kuta ng lunsod.”
6 Inutusan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang mga haring ito na pumutol ng mga punongkahoy at magbunton ng lupa upang maging kublihan nila sa kanilang pagkubkob sa Jerusalem. Ang sabi niya, “Paparusahan ko ang lunsod na ito sapagkat naghahari dito ang pang-aapi. 7 Patuloy ang paglaganap ng kasamaan sa Jerusalem, tulad ng pagbalong ng tubig sa balon. Karahasan at pagkawasak ang nababalita; karamdaman at mga sugat ang aking nakikita sa paligid. 8 Mga taga-Jerusalem, ang mga ito'y magsilbing babala sa inyo, sapagkat kung hindi, iiwan ko kayo. Ang inyong lunsod ay gagawin kong disyerto, isang lugar na walang maninirahan.”
Mapaghimagsik ang Israel
9 Sinabi sa akin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Uubusin ang Israel katulad ng isang ubasang walang ititirang bunga. Kaya't tipunin mo ang lahat ng maaari mong iligtas, habang may panahon pa.”
10 Ang sabi ko naman, “Sino po ang makikinig sa akin, kung sila'y kausapin ko at bigyang babala? Sarado ang kanilang mga pakinig. Ayaw nilang pakinggan ang iyong mga mensahe at pinagtatawanan pa ang sinasabi ko. 11 Ang pagkapoot mo, Yahweh, ay nararamdaman ko at hindi ko na kayang matagalan.”
At sinabi sa akin ni Yahweh, “Ibuhos mo ang aking poot sa mga batang nasa lansangan, at sa mga kabinataang nagkakatipon. Bibihagin din ang mga mag-asawa, kasama pati matatanda na. 12 Ibibigay(A) sa iba ang kanilang mga bahay, gayon din ang kanilang bukirin at mga asawa. Paparusahan ko ang lahat ng naninirahan sa lupaing ito. 13 Ang kasakiman ay laganap sa lahat, dakila at hamak; pati mga pari at propeta man ay mandaraya. 14 Hindi(B) nila pansin ang kahirapan ng aking bayan; ang sabi nila, ‘Payapa ang lahat,’ gayong wala namang kapayapaan. 15 Nahihiya ba sila sa ginawa nilang kalikuan? Hindi na sila tinatablan ng hiya, makapal na ang kanilang mukha. Kaya't sila'y babagsak tulad ng iba. Ito na ang kanilang wakas, kapag sila'y aking pinarusahan. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”
Tinanggihan ng Israel ang Paraan ng Diyos
16 Sinabi(C) ni Yahweh sa kanyang bayan, “Tumayo kayo sa panulukang-daan at magmasid; hanapin ninyo ang lumang kalsada, at alamin kung saan ang pinakamabuting daan. Doon kayo lumakad, at magtatamo kayo ng kapayapaan.”
Subalit ang sabi nila, “Ayaw naming dumaan doon.” 17 Kaya't si Yahweh ay humirang ng mga bantay upang marinig ng Israel ang tunog ng kanilang trumpeta. Ngunit sabi nila, “Hindi namin iyon papakinggan.”
18 Kaya sinabi ni Yahweh, “Makinig kayo, mga bansa, upang malaman ninyo ang mangyayari sa sarili kong bayan. 19 Makinig ang buong sanlibutan! Ang mga taong ito'y mapapahamak bilang parusa at iyon ang nararapat sa kanila, sapagkat hindi nila sinunod ang aking mga utos, at itinakwil ang aking katuruan. 20 Walang halaga sa akin ang kamanyang kahit na galing pa iyon sa Seba. Hindi ko rin kailangan ang mga pabangong mula sa malalayong lupain. Ang mga handog nila'y hindi katanggap-tanggap. Hindi ako malulugod sa kanilang mga hain.” 21 Sabi pa ni Yahweh: “Maglalagay ako ng katitisuran nila, at silang lahat ay madadapa. Mamamatay ang mga magulang at mga anak, gayon din ang mga kaibigan at kapitbahay.”
Paglusob ng mga Taga-hilaga
22 Sinasabi ni Yahweh: “Isang malakas na bansa mula sa hilaga ang naghahanda sa pakikidigma. 23 Mga pana't sibat ang kanilang sandata; sila'y malulupit at walang awa. Kapag nakasakay sila sa kanilang mga kabayo, nagngangalit na dagat ang kanilang katulad. Handa na silang salakayin ang Jerusalem.”
24 Ang sabi naman ng mga taga-Jerusalem: “Narinig na namin ang balita, at nanlulupaypay kaming lahat. Labis kaming naghihirap, katulad ng isang babaing manganganak. 25 Ayaw na naming lumabas sa kabukiran o lumakad kaya sa mga daan, sapagkat ang mga kaaway ay may mga sandata. Takot ang nadarama naming lahat.”
26 Sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan, “Kung gayon, magsuot kayo ng damit na panluksa, at gumulong kayo sa abo. Manangis na kayo nang buong pait, na parang nawalan ng bugtong na anak, sapagkat biglang sasalakay ang magwawasak sa inyo! 27 Jeremias, suriin mo ang aking bayan, gaya ng pagsuri sa bakal, upang malaman ang uri ng kanilang pagkatao. 28 Silang lahat ay mapaghimagsik, masasama, walang ginagawa kundi ang magkalat ng maling balita. Sintigas ng tanso at bakal ang kanilang kalooban, at pawang kabulukan ang ginagawa nila. 29 Matindi na ang init ng pugon at nalusaw na ng apoy ang tingga, ngunit hindi pa rin matunaw ang dumi ng pilak. Hindi na dapat ipagpatuloy ang pagdalisay sa aking bayan sapagkat hindi naman naihiwalay ang masasama. 30 Tatawagin silang pilak na patapon sapagkat akong si Yahweh ang nagtakwil sa kanila.”
Ang Talinghaga tungkol sa mga Manggagawa sa Ubasan
20 “Ang kaharian ng langit ay maitutulad sa isang taong lumabas nang maagang-maaga upang kumuha ng manggagawa para sa kanyang ubasan. 2 Nang magkasundo na sila sa upa na isang salaping pilak[a] sa maghapon, ang mga manggagawa ay pinapunta niya sa kanyang ubasan. 3 Lumabas siyang muli nang mag-aalas nuwebe ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa palengke. 4 Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.’ 5 At pumunta nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-aalas dose ng tanghali at nang mag-aalas tres ng hapon, at ganoon din ang ginawa niya. 6 Nang mag-aalas singko na ng hapon, siya'y lumabas muli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit tatayu-tayo lang kayo dito sa buong maghapon?’ 7 ‘Wala po kasing magbigay sa amin ng trabaho,’ sagot nila. Kaya't sinabi niya, ‘Kung gayon, pumunta rin kayo sa aking ubasan.’
8 “Nang(A) gumagabi na, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at bayaran mo sila magmula sa huli hanggang sa unang nagtrabaho.’ 9 Ang mga nagsimula nang mag-aalas singko ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang salaping pilak. 10 Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa'y binayaran din ng tig-iisang salaping pilak. 11 Nang magkagayo'y nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. 12 Sinabi nila, ‘Isang oras lamang nagtrabaho ang mga ito na huling dumating, samantalang maghapon kaming nagtrabaho at nagtiis sa nakakapasong init ng araw. Bakit naman pinagpare-pareho ninyo ang aming upa?’ 13 Sumagot ang may-ari ng ubasan sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba't pumayag ka sa isang salaping pilak? 14 Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Ano sa iyo kung ibig kong bayaran ang nahuli nang tulad ng ibinayad ko sa iyo? 15 Wala ba akong karapatang gawin sa ari-arian ko ang aking maibigan? Kayo ba'y naiinggit dahil ako'y nagmagandang-loob sa iba?’”
16 At(B) sinabi ni Jesus, “Ang nahúhulí ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli.”
Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus ng Kanyang Kamatayan(C)
17 Nang nasa daan na sila papuntang Jerusalem, ibinukod ni Jesus ang labindalawang alagad at sinabi sa kanila, 18 “Pupunta tayo sa Jerusalem. Doo'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan siya ng kamatayan 19 at ibibigay sa mga Hentil. Siya'y kukutyain, hahagupitin at ipapako sa krus ngunit muli siyang bubuhayin ng Diyos sa ikatlong araw.”
Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(D)
20 Lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedeo, kasama ang dalawa niyang anak na lalaki. Lumuhod siya sa harapan ni Jesus upang sabihin ang kanyang kahilingan.
21 “Ano ang gusto mo?” tanong ni Jesus.
Sumagot siya, “Kapag naghahari na po kayo, paupuin ninyo sa inyong tabi ang dalawa kong anak, isa sa kanan at isa sa kaliwa.”
22 “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Jesus sa kanila. “Kaya ba ninyong tiisin ang hirap na malapit ko nang danasin?”
“Opo,” tugon nila.
23 At sinabi ni Jesus, “Daranasin nga ninyo ang hirap na titiisin ko. Ngunit wala sa akin ang pagpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga upuang iyo'y para sa pinaglalaanan ng aking Ama.”
24 Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. 25 Dahil(E) dito, pinalapit ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ay itinataas ang kanilang sarili bilang mga panginoon sa kanila, at ang kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan ang siyang nasusunod. 26 Hindi(F) ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, kung nais ninyong maging dakila, dapat kayong maging lingkod sa iba, 27 at kung sinuman sa inyo ang nagnanais maging una, ay dapat maging alipin ninyo. 28 Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.”
Pinagaling ang Dalawang Bulag(G)
29 Pag-alis nila sa Jerico, si Jesus ay sinundan ng napakaraming tao. 30 Doon ay may dalawang bulag na nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig nilang dumaraan si Jesus, sila'y nagsisigaw, “Panginoon, Anak ni David,[b] mahabag po kayo sa amin!”
31 Pinagsabihan sila ng mga tao at pinatahimik, ngunit lalo silang nagsisigaw, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!”
32 Tumigil si Jesus, tinawag sila at tinanong, “Ano ang gusto ninyong gawin ko sa inyo?”
33 Sumagot sila, “Panginoon, gusto po naming makakita!”
34 Nahabag si Jesus sa kanila at hinipo ang kanilang mga mata. Agad silang nakakita,[c] at sila'y sumunod sa kanya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.