Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Josue 10

Nalupig ang mga Amoreo

10 Nabalitaan ni Adonizedec, hari ng Jerusalem, na sinakop at tinupok ni Josue ang lunsod ng Ai. Nabalitaan din niya ang ginawa ni Josue sa hari at mga mamamayan ng Ai, at ang ginawa niya sa hari ng Jerico at sa mga tagaroon. Nalaman din niya na ang mga taga-Gibeon ay nakipagkasundo at naninirahang kasama ng mga Israelita. Labis itong ikinabahala ng mga taga-Jerusalem, sapagkat ang Gibeon ay kasinlaki ng mga lunsod na may sariling hari, higit na malaki kaysa Ai, at magigiting ang mga mandirigma nito. Kaya nagpadala ng mensahe si Adonizedec kay Hoham, hari ng Hebron; kay Piream, hari ng Jarmut; kay Jafia, hari ng Laquis; at kay Debir, hari ng Eglon. Ganito ang kanyang ipinasabi: “Kailangan namin ang inyong tulong. Kailangang salakayin natin ang Gibeon sapagkat ang mga tagaroon ay nakipagkasundo kay Josue at sa mga Israelita.” Nagkaisa nga ang limang haring Amoreo; ang mga hari ng Jerusalem, ng Hebron, ng Jarmut, ng Laquis at ng Eglon, at pinaligiran nila at sinalakay ang Gibeon.

Tinulungan ni Josue ang mga Taga-Gilgal

Nagpasabi naman kay Josue sa kampo ng Gilgal ang mga taga-Gibeon, “Huwag po ninyong pabayaan itong inyong mga abang alipin! Pumarito po kayong madali upang kami'y saklolohan. Iligtas ninyo kami! Pinagtutulung-tulungan po kami ng lahat ng mga haring Amoreong naninirahan sa kaburulan.”

Kaya nga't dumating si Josue buhat sa Gilgal, kasama ang kanyang buong hukbo pati ang magigiting niyang mandirigma. Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Ibinigay ko na sila sa iyong mga kamay. Wala ni isa man sa kanilang makakatalo sa inyo.” Magdamag na naglakbay si Josue at ang kanyang hukbo buhat sa Gilgal at bigla nilang sinalakay ang mga Amoreo. 10 Niloob ni Yahweh na magulo ang mga ito dahil sa takot nang makita ang hukbo ng Israel. Nilipol sila ng mga Israelita sa Gibeon; hinabol sila sa paglusong ng Beth-horon hanggang sa Azeka at sa Makeda. 11 Samantalang tumatakas sila sa paghabol ng mga Israelita, pinaulanan sila ni Yahweh ng malalaking tipak ng yelo buhat sa langit; umabot ito hanggang sa Azeka at napakaraming namatay. Mas marami pa ang namatay sa pagbagsak ng yelo kaysa tabak ng mga Israelita.

Tumigil ang Araw at ang Buwan

12 Noong araw na ang mga Israelita'y pinagtagumpay ni Yahweh laban sa mga Amoreo, nakipag-usap si Josue kay Yahweh. Ito ang sinabi niya na naririnig ng buong bayan:

“Huminto ka, Araw, sa tapat ng Gibeon,
at ikaw rin, Buwan, sa Libis ng Ayalon.”

13 Tumigil(A) nga ang araw at hindi gumalaw ang buwan hanggang sa matalo ng mga Israelita ang kanilang mga kaaway. Hindi ba't nasusulat ito sa Aklat ni Jasher? Tumigil ang araw sa gitna ng langit at hindi lumubog sa buong maghapon. 14 Kailanma'y hindi pa nangyari at hindi na muling mangyayari na si Yahweh ay sumunod sa isang tao at nakipaglaban sa panig ng Israel.

Pinuksa ang mga Amoreo

15 Pagkatapos nito, si Josue at ang mga tauhan niya ay bumalik sa Gilgal.

16 Nakatakas ang limang hari at nagtago sa yungib ng Makeda. 17 Ngunit may nakaalam na doon sila nagtago, at ito'y ipinasabi kay Josue. 18 Kaya't iniutos ni Josue, “Takpan ninyo ng malalaking bato ang bunganga ng yungib at inyong pabantayan iyon. 19 Ngunit huwag kayong titigil doon. Habulin ninyo ang kaaway, unahan sila at harangin upang huwag makapasok sa kani-kanilang lunsod. Inilagay na sila ni Yahweh sa inyong kapangyarihan.” 20 At sila nga'y pinuksa ni Josue at ng kanyang mga kawal kahit may ilang nakatakbo at nakapasok sa mga napapaderang lunsod. 21 At bumalik na sa kampo sa Makeda ang lahat ng mga kawal ni Josue.

Buhat noon, wala nang nangahas magsalita laban sa mga Israelita.

22 Iniutos ni Josue sa kanyang mga tauhan, “Alisin ninyo ang nakatakip na bato sa bunganga ng yungib, ilabas ninyo ang limang haring iyon at iharap sa akin.” 23 Ganoon nga ang ginawa nila. Inilabas sa yungib ang mga hari ng Jerusalem, ng Hebron, ng Jarmut, ng Laquis at ng Eglon. 24 Nang nasa harapan na ni Josue ang limang hari, tinipon niya ang kanyang mga mandirigma at iniutos sa mga pinuno, “Halikayo! Tapakan ninyo sa leeg ang mga haring ito.” At ganoon nga ang ginawa nila. 25 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matatakot o panghihinaan ng loob. Ganito ang gagawin ni Yahweh sa lahat ng inyong mga kaaway.” 26 Ang limang hari ay ipinapatay ni Josue at maghapong ibinitin sa limang punongkahoy. 27 Nang palubog na ang araw, iniutos ni Josue na ibaba sila sa pagkakabitin at ipinatapon sa yungib na pinagtaguan nila. Ang bunganga ng yungib ay pinatakpan ng malalaking bato na naroroon pa magpahanggang ngayon.

Sinakop ni Josue ang Buong Bayan ng mga Amoreo

28 Nang araw ding iyon, nasakop ni Josue ang Makeda at pinatay ang hari roon. Nilipol din niya ang buong bayan at wala siyang itinirang buháy isa man. Ginawa niya sa hari ng Makeda ang ginawa niya sa hari ng Jerico.

29 Buhat sa Makeda, sinalakay naman ni Josue at ng mga Israelita ang Libna. 30 Ibinigay rin ni Yahweh sa kanilang kapangyarihan ang hari at ang lahat ng mamamayan doon. Pinatay nilang lahat ang mga tagaroon, at walang itinira isa man. Ginawa ni Josue sa hari ng Libna ang ginawa niya sa hari ng Jerico.

31 Pagkatapos nito, kinubkob naman at sinalakay ni Josue at ng mga Israelita ang Laquis. 32 Sa ikalawang araw ng labanan, muli silang pinagtagumpay ni Yahweh. Nilipol din nila ang lahat ng tagaroon tulad ng ginawa nila sa Libna. 33 Si Horam, na hari ng Gezer, ay sumaklolo sa mga taga-Laquis. Ngunit tinalo rin sila ni Josue at walang itinirang buháy sa kanyang mga tauhan.

34 Buhat sa Laquis, kinubkob at sinalakay ni Josue at ng mga Israelita ang Eglon. 35 Sa araw ring iyon, nasakop nila ang Eglon at pinatay ang lahat ng tagaroon, tulad ng ginawa nila sa Laquis.

36 Pagkatapos nito, si Josue at ang buong hukbo ng Israel ay umakyat sa mga bulubundukin at sinalakay nila ang Hebron. 37 Nasakop nila ang lunsod at pinatay ang lahat ng tagaroon, buhat sa hari hanggang sa kahuli-hulihang mamamayan. Gayundin ang ginawa nila sa mga karatig-bayan ng Hebron. Sinunog nila ang lunsod at walang iniwang buháy, gaya nang ginawa nila sa Eglon.

38 Hinarap naman ni Josue at ng buong hukbo ng Israel ang Debir. 39 Sinakop nila ang lunsod at ang mga karatig-bayan nito. Pinatay nila ang hari at nilipol ang lahat ng mamamayan. Ginawa rin nila sa Debir ang ginawa nila sa Hebron, sa Libna, at sa kanilang mga hari.

40 Sinakop nga ni Josue ang buong lupain: ang kaburulan sa silangan, ang mga nasa paanan ng mga bundok sa kanluran, pati ang mga lupain sa katimugan. Natalo nila ang mga hari sa mga lugar na ito at nilipol ang lahat ng naninirahan doon, at walang itinirang buháy ayon sa ipinag-utos ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 41 Sinakop ni Josue ang lahat ng lupain buhat sa Kades-barnea hanggang sa Gaza, pati ang nasasakupan ng Goshen hanggang sa Gibeon sa dakong hilaga. 42 Sinakop niya ang lahat ng mga lupain at mga kahariang ito sa loob lamang ng isang tuluy-tuloy na pananalakay sapagkat si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay kasama ng mga Israelita sa kanilang pakikipaglaban. 43 Pagkatapos, bumalik si Josue at ang buong hukbo ng Israel sa kampo ng Gilgal.

Mga Awit 142-143

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang(A) Maskil[a] ni David, nang siya'y nasa kuweba. Ito'y isa ring panalangin.

142 O Yahweh, ako ay humingi ng tulong,
    ako'y maghihintay sa iyong pagtugon;
ang aking dinala'y lahat kong hinaing,
    at ang sinabi ko'y pawang suliranin.
Nang ako ay halos wala nang pag-asa,
    ang dapat kong gawi'y nalalaman niya.
Sa landas na aking pinagdaraanan,
    may handang patibong ang aking kaaway.
Sa aking paligid, nang ako'y lumingon,
    wala ni isa man akong makatulong;
    wala kahit isa na magsasanggalang,
ni magmalasakit na kahit sinuman.

Ako ay humibik, kay Yahweh dumaing,
    sa Tagapagligtas, ako'y dumalangin;
    tunay na ikaw lang mahalaga sa akin.
Dinggin ang hibik ko, ako ay tulungan,
    pagkat halos ako'y di makagulapay;
iligtas mo ako sa mga kaaway,
    na mas malalakas ang mga katawan.
Sa suliranin ko, ako ay hanguin,
    at ang pangalan mo'y aking pupurihin, sa gitna ng madlang mga lingkod mo rin
    sa kabutihan mong ginawa sa akin!

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Awit ni David.

143 Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,
    tapat ka't matuwid, kaya ako'y dinggin.
Itong(B) iyong lingkod, huwag mo nang subukin,
    batid mo nang lahat, kami ay salarin.

Ako ay tinugis ng aking kaaway,
    lubos na nilupig ng aking kalaban;
sa dilim na dako, ako ay nakulong,
    tulad ko'y patay nang mahabang panahon.
Ang kaluluwa ko'y halos sumuko na,
    sapagkat ang buhay ko'y wala nang pag-asa.

Araw na lumipas, aking nagunita,
    at naalala ang iyong ginawa,
    sa iyong kabutihan, ako ay namangha!
Ako'y dumalangin na taas ang kamay,
    parang tuyong lupa ang diwa kong uhaw. (Selah)[b]

Nawala nang lahat ang aking pag-asa,
    kaya naman, Yahweh, ako'y dinggin mo na!
Kung ika'y magkubli, baka ang hantungan
    ako ay ituring na malamig na bangkay,
    at ang tunguhin ko'y madilim na hukay.
Ako ay umasa, sa iyo nagtiwala, sa pagsapit ng umaga ay ipagugunita
    yaong pag-ibig mo na lubhang dakila.
Ang aking dalangin na sa iyo'y hibik,
    patnubayan ako sa daang matuwid.

Iligtas mo ako sa mga kalaban,
    ikaw lang, O Yahweh, ang aking kanlungan.
10 Ikaw ang aking Diyos, ako ay turuan
    na aking masunod ang iyong kalooban;
ang Espiritu[c] mo'y maging aking tanglaw sa aking paglakad sa ligtas na daan.
11 Ikaw ay nangakong ako'y ililigtas, pagkat dakila ka, iligtas mo agad;
    iligtas mo ako sa mga bagabag.
12 Dahilan sa iyong pagtingin sa akin, ang mga kaaway ko'y iyong lipulin;
    ang nagpapahirap sa aki'y wasakin,
    yamang ang lingkod mo ay iyong alipin.

Jeremias 4

Isang Panawagan Upang Magsisi

Ganito ang sabi ni Yahweh: “Mga taga-Israel, kung kayo'y manunumbalik at lalapit kayo sa akin; kung inyong tatalikuran ang mga diyus-diyosan at mananatili kayong tapat sa akin, magiging totoo at makatuwiran ang inyong panunumpa sa aking pangalan. Dahil dito'y hihilingin ng lahat ng bansa na sila'y aking pagpalain at pupurihin naman nila ako.”

Ganito(A) naman ang sabi ni Yahweh sa mga taga-Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem: “Bungkalin ninyong muli ang napabayaang lupa; huwag ninyong ihasik ang binhi sa gitna ng dawagan. Tuparin ninyo ang inyong pangako sa akin, at italaga ang inyong buhay sa paglilingkod. Kung hindi, sisiklab ang aking poot dahil sa inyong mga nagawang kasamaan.”

Binantaang Sakupin ang Juda

Hipan ang trumpeta sa buong lupain!
    Isigaw nang malinaw at malakas:
“Mga taga-Juda at taga-Jerusalem,
    magsipasok kayo sa inyong mga kublihang lunsod.
Ituro ang daang patungo sa Zion!
    Magtago na kayo at huwag magpaliban!
Mula sa hilaga'y magpapadala si Yahweh
    ng lagim at pagkawasak.
Parang leong lumitaw ang magwawasak ng mga bansa.
Lumakad na siya upang wasakin ang Juda.
Ang mga lunsod nito'y duduruging lahat
    at wala nang maninirahan doon.
Magsuot kayo ng damit na panluksa, lumuha kayo at manangis,
    sapagkat ang poot ni Yahweh sa Juda'y hindi makakalimutan.”

Ang sabi ni Yahweh, “Sa araw na iyon, masisiraan ng loob at matatakot ang mga hari at mga pinuno, ang mga pari ay masisindak, at magugulat ang mga propeta.”

10 Pagkatapos ay sinabi ko, “Panginoong Yahweh! Nilinlang ninyo ang mga taga-Jerusalem! Sinabi ninyong iiral ang kapayapaan ngunit ngayon, isang tabak ang nakaamba sa kanila.”

11 Sa panahong iyon ay sasabihin sa mga taga-Jerusalem: “Umiihip mula sa disyerto ang nakakapasong hangin patungo sa kaawa-awa kong bayan. Hindi upang linisin silang tulad ng trigo kung pinahahanginan. 12 Mas malakas ang hanging aking padala upang hampasin ang bayan ko. Ako, si Yahweh, ang nagpaparusa ngayon sa kanila.”

Napaligiran ng mga Kaaway ang Juda

13 Masdan ninyo! Dumarating na parang mga ulap ang kaaway. Parang ipu-ipo ang kanilang mga karwaheng pandigma; mabilis pa sa agila ang kanilang mga kabayo. Matatalo tayo! Ito na ang ating wakas! 14 Talikdan mo na Jerusalem, ang iyong mga kasalanan, upang maligtas ka. Hanggang kailan ka mag-iisip ng masama?

15 Dumating ang mga tagapagbalita mula sa Dan at sa kabundukan ng Efraim, dala ang malagim na balita. 16 Upang bigyang babala ang mga bansa at sabihin sa mga taga-Jerusalem: “Dumarating na ang mga kaaway mula sa malayong lupain, at sumisigaw ng pakikidigma laban sa mga lunsod ng Juda!” 17 Paliligiran nila ang Jerusalem, parang bukid na ligid ng mga bantay; sapagkat ang mga tagaroon ay naghimagsik laban kay Yahweh. 18 Ikaw na rin, Juda, ang dapat sisihin sa parusang darating sa iyo dahil sa iyong mga kasalanan. Tatagos sa iyong buong katawan ang paghihirap ng iyong puso.

Nagdalamhati si Jeremias Dahil sa Kanyang mga Kababayan

19 Ang hapdi ay hindi ko halos matagalan!
Kumakabog ang aking dibdib!
Hindi ako mapalagay;
naririnig ko ang tunog ng mga trumpeta at ang sigaw ng digmaan.
20 Sunud-sunod ang mga kapahamakang dumarating sa bayan.
Bigla na lamang bumabagsak ang aming mga tolda
    at napupunit ang mga tabing.
21 Hanggang kailan magtatagal ang paglalaban
    at maririnig ang tunog ng mga trumpeta?
22 At sinabi ni Yahweh, “Napakahangal ng aking bayan;
    hindi nila ako nakikilala.
Tulad nila'y mga batang wala pang pang-unawa.
Sanay sila sa paggawa ng masama
    ngunit bigo sa paggawa ng mabuti.”

Ang Pangitain ni Jeremias tungkol sa Darating na Pagkawasak

23 Pagkatapos ay tiningnan ko ang daigdig; wala itong hugis o anumang kaanyuan,
    at sa langit ay walang anumang tanglaw.
24 Tumingin ako sa mga bundok at mga burol;
    ang mga ito'y nayayanig dahil sa lindol.
25 Wala akong makitang tao, wala kahit isa;
    pati mga ibon ay nagliparan na.
26 Ang masaganang lupain ay naging disyerto;
    wasak ang mga lunsod nito
    dahil sa matinding poot ng Diyos.

27 Sinabi ni Yahweh, “Masasalanta ang buong lupain ngunit hindi ko lubusang wawasakin.”

28 Magluluksa ang sanlibutan,
    magdidilim ang kalangitan.
Sinabi ni Yahweh ang ganito
    at ang isip niya'y di magbabago.
Nakapagpasya na siya
    at hindi na magbabago pa.
29 Sa yabag ng mangangabayo at mamamana,
    magtatakbuhan ang lahat;
ang ilan ay magtatago sa gubat;
    ang iba nama'y sa kabatuhan aakyat.
Lilisanin ng lahat ang kabayanan,
    at walang matitira isa man.
30 Jerusalem, ikaw ay hinatulan na!
    Bakit nakadamit ka pa ng matingkad na pula?
    Ano't nagsusuot ka pa ng mga alahas, at ang mga mata mo'y may pintang pampaganda?
Pagpapaganda mo'y wala nang saysay!
    Itinakwil ka na ng iyong mga kasintahan;
    at balak ka pa nilang patayin.
31 Narinig ko ang daing,
    gaya ng babaing malapit nang manganak.
Ito ang taghoy ng naghihingalong Jerusalem
    na nakadipa ang mga kamay:
“Ito na ang wakas ko,
    hayan na sila upang patayin ako!”

Mateo 18

Sino ang Pinakadakila?(A)

18 Nang(B) mga sandaling iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Tumawag si Jesus ng isang bata, pinatayo sa gitna nila at(C) sinabi, “Tandaan ninyo: kapag hindi kayo nagbago at naging katulad ng mga bata, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. Ang sinumang tumatanggap sa isang batang katulad nito alang-alang sa akin, ako ang kanyang tinatanggap.”

Mga Sanhi ng Pagkakasala(D)

“Mas mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at ihulog sa kailaliman ng dagat kaysa siya'y maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin. Kahabag-habag ang daigdig sa dami ng mga tuksong nagiging sanhi ng pagkakasala! Hindi nga maiiwasan ang pagdating ng tukso, ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong pinanggagalingan nito.

“Kung(E) ang iyong kamay o paa ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo iyon at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na walang hanggan na putol ang isang kamay o isang paa, kaysa kumpleto ang iyong dalawang kamay at dalawang paa na itatapon sa apoy na hindi namamatay. Kung(F) ang mata mo naman ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na walang hanggan na bulag ang isang mata, kaysa may dalawang mata kang itapon sa apoy ng impiyerno.”

Ang Talinghaga tungkol sa Nawawalang Tupa(G)

10 “Pakaingatan(H) ninyong huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harap ng aking Ama na nasa langit. [11 Sapagkat(I) naparito ang Anak ng Tao upang iligtas ang napahamak.][a]

12 “Ano sa palagay ninyo ang gagawin ng isang taong may sandaang tupa kung nawala ang isa sa mga iyon? Hindi ba't iniiwan niya ang siyamnapu't siyam na nasa bundok upang hanapin ang naligaw? 13 Tandaan ninyo: kapag ito'y kanyang natagpuan, higit niyang ikagagalak ang isang ito kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman hindi ayon sa kalooban ng inyong Ama[b] na nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito.”

Kung Magkasala ang Isang Kapatid

15 “Kung(J) magkasala [sa iyo][c] ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan tungkol sa kanyang kamalian. Kapag nakinig siya sa iyo, naibalik mo na ang inyong pagsasamahan bilang magkapatid. 16 Ngunit(K) kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. 17 Kung ayaw niyang makinig sa kanila, sabihin mo sa iglesya ang nangyari. At kung ayaw pa rin niyang makinig sa iglesya, ituring mo siyang parang Hentil o isang maniningil ng buwis.”

Kapangyarihang Magbawal o Magpahintulot

18 “Tandaan(L) ninyo: anumang ipagbawal ninyo dito sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot ninyo dito sa lupa ay ipahihintulot sa langit.

19 “Tandaan din ninyo: kung ang dalawa sa inyo ay nagkaisa dito sa lupa sa paghingi ng anuman, ito'y ipagkakaloob sa inyo ng aking Ama na nasa langit. 20 Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila.”

Ang Talinghaga tungkol sa Lingkod na Di Marunong Magpatawad

21 Lumapit(M) si Pedro at nagtanong kay Jesus, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang aking kapatid na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?”

22 Sinagot(N) siya ni Jesus, “Hindi pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito.[d] 23 Sapagkat ang kaharian ng langit ay katulad nito: ipinasya ng isang hari na hingan ng ulat ang kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang. 24 Nang simulan niyang magkwenta, dinala sa kanya ang isang lingkod na may utang na milyun-milyong piso.[e] 25 Dahil sa siya'y walang maibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, pati ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng kanyang ari-arian, upang siya'y makabayad. 26 Lumuhod ang lingkod sa harapan ng hari at nagmakaawa, ‘Bigyan pa po ninyo ako ng panahon at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ 27 Naawa sa kanya ang hari kaya't pinatawad siya sa kanyang pagkakautang at pinalaya.

28 “Ngunit pagkaalis roon ay nakita niya ang isa niyang kapwa lingkod na may utang sa kanya na ilang daang piso.[f] Sinakal niya ito, sabay sabi, ‘Magbayad ka ng utang mo!’ 29 Lumuhod ito at nagmakaawa sa kanya, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ 30 Ngunit hindi siya pumayag. Sa halip, ito'y ipinabilanggo niya hanggang sa makabayad.

31 “Sumama ang loob ng ibang mga lingkod ng hari sa pangyayaring iyon, kaya't pumunta sila sa hari at nagsumbong. 32 Ipinatawag ng hari ang lingkod na iyon. ‘Napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. 33 Naawa ako sa iyo. Hindi ba't dapat ka rin sanang nahabag sa kapwa mo?’ 34 At sa galit ng hari, siya'y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran nang buo ang kanyang utang. 35 Gayundin ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo taos pusong patatawarin ang inyong kapatid.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.