M’Cheyne Bible Reading Plan
28 Kaya tinawag ni Isaac si Jacob at matapos basbasan ay pinagbilinan, “Huwag kang mag-aasawa ng Cananea. 2 Pumunta ka sa Mesopotamia, sa bayan ng iyong Lolo Bethuel. Doon ka pumili ng mapapangasawa sa mga pinsan mo, sa mga anak ng iyong Tiyo Laban. 3 Sa iyong pag-aasawa, pagpalain ka ng Makapangyarihang Diyos, at nawa'y magkaroon ka ng maraming anak upang ikaw ay maging ama ng maraming bansa. 4 Pagpalain(A) ka nawa niya, gayundin ang iyong lahi, tulad ng ginawa niya kay Abraham. Mapasaiyo nawa ang lupaing ito na iyong tinitirhan, ang lupang ipinangako ng Diyos kay Abraham.” 5 Pinapunta nga ni Isaac si Jacob sa Mesopotamia, sa kanyang Tiyo Laban na anak ni Bethuel na taga-Aram. Si Laban ay kapatid ni Rebeca na ina nina Jacob at Esau.
Nag-asawa si Esau ng Isa pa
6 Nalaman ni Esau na pinapunta ni Isaac si Jacob sa Mesopotamia upang doon mag-asawa. Nalaman din niya na pagkatapos basbasan si Jacob ay pinagbawalan itong mag-asawa ng babaing taga-Canaan. 7 Nalaman din niyang sinunod ni Jacob ang kanyang ama't ina at nagpunta nga sa Mesopotamia. 8 Nang mabatid ni Esau na ayaw ng kanyang ama sa babaing Cananea, 9 nagpunta siya sa kanyang Tiyo Ismael na anak din ng kanyang Lolo Abraham. Nag-asawa siya ng isa pa, ang pinsan niyang si Mahalat na kapatid ni Nebayot at anak ni Ismael.
Nanaginip si Jacob sa Bethel
10 Umalis(B) nga si Jacob sa Beer-seba at nagpunta sa Haran. 11 Inabot siya nang paglubog ng araw sa isang lugar at minabuti niyang doon na magpalipas ng gabi. Isang bato ang inunan niya sa kanyang pagtulog. 12 Nang(C) gabing iyon, siya'y nanaginip. May nakita siyang hagdan na abot sa langit at nagmamanhik-manaog doon ang mga anghel ng Diyos. 13 Walang(D) anu-ano'y nakita niya si Yahweh sa tabi niya. Wika sa kanya, “Ako si Yahweh, ang Diyos ni Abraham at ni Isaac. Ang lupang ito na iyong hinihigan ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong lahi. 14 Darami(E) sila na parang alikabok sa lupa at lalaganap sila sa apat na sulok ng daigdig. Sa pamamagitan mo at ng iyong lahi ay pagpapalain ang lahat ng bansa.[a] 15 Tandaan mo, susubaybayan kita at ipagtatanggol saan ka man magpunta, at ibabalik kita sa lupaing ito. Hindi kita iiwan hanggang sa matupad ang lahat ng sinabi ko sa iyo.”
16 Nagising si Jacob at ang sabi, “Hindi ko alam na narito pala si Yahweh! 17 Nakakapangilabot ang lugar na ito! Tiyak na ito ang tahanan ng Diyos at ang pintuan ng kalangitan.”
18 Maagang gumising si Jacob nang umagang iyon. Kinuha niya ang inunang bato at itinayo bilang isang alaala. Binuhusan niya ito ng langis at itinalaga sa Diyos. 19 Tinawag niyang Bethel[b] ang lugar na iyon na dati'y tinatawag na Luz. 20 Nangako si Jacob nang ganito: “O Yahweh, kung ako'y sasamahan ninyo at iingatan sa paglalakbay na ito, pakakainin at dadamitan, 21 at makakabalik na muli sa bahay ng aking ama, kayo po ang aking magiging Diyos. 22 Sasambahin kayo sa lugar na ito na pinagtayuan ko ng batong alaalang ito, at ibabalik ko sa inyo ang ikasampung bahagi ng lahat ng ipinagkakaloob ninyo sa akin.”
Dinala si Jesus kay Pilato(A)
27 Kinaumagahan, nagpulong ang mga punong pari at mga pinuno ng bayan[a] kung paano nilang maipapapatay si Jesus. 2 Siya'y kanilang iginapos at dinala kay Pilato na gobernador.
Ang Pagkamatay ni Judas(B)
3 Nang(C) malaman ng taksil na si Judas na si Jesus ay nahatulang mamatay, nagsisi siya at isinauli sa mga punong pari at mga pinuno ng bayan ang tatlumpung pirasong pilak. 4 Sinabi niya, “Nagkasala ako! Ipinagkanulo ko ang dugo ng taong walang kasalanan.”
“Ano ang pakialam namin sa iyo? Bahala ka sa buhay mo!” sagot nila.
5 Inihagis ni Judas sa loob ng Templo ang tatlumpung pirasong pilak, at pagkaalis doon, siya'y nagbigti.
6 Pinulot ng mga punong pari ang mga pirasong pilak. Sinabi nila, “Labag sa Kautusan na ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng Templo sapagkat bayad ito sa buhay ng isang tao.” 7 Nagkaisa sila na ang salaping iyon ay ibili ng bukid ng isang magpapalayok, upang gawing libingan ng mga dayuhan. 8 Mula noon hanggang ngayon, ang bukid na iyon ay tinatawag na “Bukid ng Dugo.”
9 Sa(D) gayon, natupad ang sinabi ni propeta Jeremias: “Kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, ang halagang katumbas niya ayon sa mga Israelita, 10 at ginamit ito upang bilhin ang bukid ng isang magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.”
Si Jesus sa Harap ni Pilato(E)
11 Iniharap si Jesus sa gobernador at siya'y tinanong nito, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?”
Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang may sabi.” 12 Ngunit nang paratangan siya ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan, hindi siya umimik.
13 Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, “Hindi mo ba naririnig ang marami nilang paratang laban sa iyo?” 14 Ngunit hindi pa rin siya umimik kaya't labis na nagtaka ang gobernador.
Hinatulang Mamatay si Jesus(F)
15 Nakaugalian na ng gobernador na tuwing Paskwa ay magpalaya ng isang bilanggo na hinihiling ng taong-bayan. 16 Noon ay may isang kilalang bilanggo na kilala sa kasamaan na ang pangalan ay [Jesus] Barabbas.[b] 17 Nang magkatipon ang mga tao ay tinanong sila ni Pilato, “Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Jesus Barabbas, o si Jesus na tinatawag na ‘Cristo’?” 18 Alam ni Pilato na naiinggit lamang sila kaya nila isinakdal si Jesus.
19 Bukod dito, nang si Pilato ay nakaupo sa hukuman, nagpasabi ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa usapin ng taong iyan. Wala siyang kasalanan. Labis akong nahirapan dahil sa aking panaginip kagabi tungkol sa kanya.”
20 Ang mga tao nama'y hinikayat ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan[c] na hilingin kay Pilato na si Barabbas ang palayain at si Jesus ay ipapatay. 21 Muli silang tinanong ng gobernador, “Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko?”
“Si Barabbas!” sigaw ng mga tao.
22 Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Jesus, na tinatawag na Cristo?”
At sumagot ang lahat, “Ipako siya sa krus!”
23 “Bakit? Ano ang nagawa niyang masama?” tanong ni Pilato.
Ngunit lalo pang lumakas ang kanilang sigawan, “Ipako siya sa krus!”
24 Nang(G) makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pa'y magkagulo, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao. “Wala akong pananagutan sa dugo[d] ng taong ito. Ito'y pananagutan ninyo!” sabi niya.
25 Sumagot naman ang mga tao, “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang dugo[e] niya.”
26 Pinalaya nga ni Pilato si Barabbas at ipinahagupit naman si Jesus. Pagkatapos, ibinigay siya sa kanila upang ipako sa krus.
Hinamak ng mga Kawal si Jesus(H)
27 Si Jesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa palasyo nito,
at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. 28 Siya'y hinubaran nila at sinuotan ng isang balabal na matingkad na pula. 29 Kumuha sila ng matitinik na baging, ginawa itong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, pinahawak sa kanyang kanang kamay ang isang tangkay ng tambo. Siya'y niluhud-luhuran nila at kinutya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 30 Siya'y pinagduduraan pa nila. Kinuha nila ang tambo at ito'y inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos kutyain, hinubad nila ang balabal at muling sinuotan ng sarili niyang damit. Pagkatapos, inilabas siya upang ipako sa krus.
Ipinako sa Krus si Jesus(I)
32 Paglabas ng lungsod, nakita ng mga sundalo si Simon na taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 33 Dumating sila sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang kahulugan ay “Pook ng Bungo.” 34 Binigyan(J) nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, ngunit nang matikman niya iyon ay hindi niya ininom.
35 Nang(K) maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian ng mga kawal ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan, 36 naupo sila at siya'y binantayan. 37 Inilagay nila sa kanyang ulunan ang paratang laban sa kanya na may nakasulat na ganito, “Ito'y si Jesus na Hari ng mga Judio.” 38 At may dalawang magnanakaw na ipinako rin sa krus, isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa.
39 Kinukutya(L) siya ng mga nagdaraan. Pailing-iling nilang 40 sinasabi,(M) “Di ba't ikaw ang gigiba ng Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumabâ ka sa krus!”
41 Kinutya rin siya ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan.[f] Sinabi nila, 42 “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya mailigtas ang sarili! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumabâ lang siya ngayon sa krus ay maniniwala na kami sa kanya! 43 Nananalig(N) siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Tingnan natin kung ililigtas siya ng Diyos!”
44 Nilait din siya ng mga magnanakaw na ipinakong kasama niya.
Ang Pagkamatay ni Jesus(O)
45 Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. 46 Nang(P) mag-aalas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eli, Eli, lema sabachthani?” na ang ibig sabihi'y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
47 Ito'y narinig ng ilan sa mga nakatayo roon kaya't sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!” 48 May(Q) isang tumakbo kaagad at kumuha ng espongha, binasâ ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus.
49 Sinabi naman ng iba, “Hintay muna, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!”
50 Muling sumigaw si Jesus nang malakas at siya'y nalagutan ng hininga.
51 Biglang(R) nahati ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa at nabiyak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan at muling nabuhay ang maraming banal na namatay. 53 Lumabas sila ng libingan, at pagkatapos na muling mabuhay si Jesus, sila'y pumasok sa banal na lungsod at doo'y marami ang nakakita sa kanila.
54 Nasindak ang opisyal at ang mga kawal na nagbabantay kay Jesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. Sabi nila, “Tunay na siya'y Anak ng Diyos!”
55 Naroon(S) din ang maraming mga babaing nakatanaw mula sa malayo. Sila'y sumunod kay Jesus mula pa sa Galilea, at naglingkod sa kanya. 56 Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at ni Jose, at ang asawa ni Zebedeo.
Ang Paglilibing kay Jesus(T)
57 Pagsapit ng dilim, dumating si Jose, isang mayamang taga-Arimatea na tagasunod din ni Jesus. 58 Hiningi niya kay Pilato ang bangkay ni Jesus, kaya't iniutos ni Pilato na ibigay ito kay Jose. 59 Nang makuha na ang bangkay, binalutan niya ito ng malinis na tela ng lino. 60 Inilagay niya ito sa kanyang bagong libingan na ipinauka niya sa bato. Pagkatapos, iginulong niya sa pintuan ang isang malaking batong panakip, at saka umalis. 61 Naroon sina Maria Magdalena at ang isa pang Maria na nakaupo sa tapat ng libingan.
Ang mga Bantay sa Libingan
62 Kinabukasan, pagkatapos ng Araw ng Paghahanda, sama-samang nagpunta kay Pilato ang mga punong pari at ang mga Pariseo. 63 Sinabi(U) nila, “Naalala po namin na sinabi ng mapagpanggap na iyon noong siya'y nabubuhay pa, na siya'y muling mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw. 64 Kaya pabantayan po sana ninyong mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw. Baka pumunta doon ang kanyang mga alagad at kunin ang bangkay at pagkatapos ay ipamalitang siya'y muling nabuhay. Ang pandarayang ito ay magiging masahol pa kaysa una.”
65 Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kumuha kayo ng mga kawal at pabantayan ninyong mabuti ang libingan.”
66 Kaya pumunta nga sila roon at tiniyak na hindi mabubuksan ang libingan, nilagyan ng tatak ang batong panakip sa libingan, at pinabantayan ito sa kawal.
Pinakiusapan ni Mordecai si Ester na Mamagitan
4 Nang malaman ni Mordecai ang lahat ng nangyari, pinunit niya ang kanyang kasuotan. Nagsuot siya ng damit panluksa, naglagay ng abo sa ulo, at naglibot sa buong lunsod, at malakas na tumatangis. 2 Naupo siya sa labas ng pintuan ng palasyo sapagkat hindi pinapayagang pumasok doon ang sinumang nakasuot ng damit panluksa. 3 Ang mga Judio naman sa bawat lalawigang naabot ng utos ng hari ay nanangis nang buong kapaitan, nag-ayuno at nagluksa. Karamihan sa kanila'y nagsuot ng damit panluksa at naglagay ng abo sa ulo.
4 Lubos na nabahala si Reyna Ester nang malaman niya ang pangyayari mula sa kanyang mga katulong na babae at mga eunuko. Kaya pinadalhan niya ng bihisan si Mordecai, ngunit ayaw nitong tanggapin iyon. 5 Dahil dito, ipinatawag niya si Hatac, isa sa mga eunuko ng hari at itinalagang katulong niya. Pinapunta niya ito kay Mordecai at ipinatanong kung bakit siya nagkakaganoon. 6 Pinuntahan nga ni Hatac si Mordecai sa labas ng palasyo. 7 Sinabi naman nito sa kanya ang buong pangyayari, pati ang halagang ibibigay ni Haman sa kabang-yaman ng hari mapatay lamang ang mga Judio. 8 Binigyan pa siya ni Mordecai ng isang kopya ng sulat ng hari para ipakita kay Ester. Ipinakiusap din niyang ipaliwanag kay Ester ang buong pangyayari upang ipagbigay-alam iyon sa hari.
9 Pagkatapos ng kanilang pag-uusap, nagbalik si Hatac kay Ester at isinaysay ang lahat ng sinabi ni Mordecai. 10 Si Hatac ay pinabalik ni Ester kay Mordecai at ganito ang ipinasabi: 11 “Alam na alam ng lahat na walang itinatangi ang batas ng kaharian. Sinumang lumapit sa hari, maging lalaki o babae, nang hindi ipinapatawag ay papatayin maliban kung ipatong sa kanya ang gintong setro. Tatlumpung araw na akong hindi ipinapatawag ng hari.”
12 Nang matanggap ni Mordecai ang sagot ni Ester, 13 ganito naman ang ipinasabi niya: “Huwag mong aakalaing dahil nakatira ka sa palasyo ay ikaw lamang ang makakaligtas sa lahat ng mga Judio. 14 Kapag ipinagwalang-bahala mo ang pangyayaring ito, tiyak na may magliligtas din sa mga Judio, ngunit malilipol ka at ang iyong angkan. Anong malay mo? Baka nga napunta ka riyan para maging kasangkapan sa ganitong pagkakataon!”
15 Dahil dito, ipinasabi ni Ester kay Mordecai, 16 “Tipunin mo ang lahat ng Judio rito sa Susa at ipag-ayuno ninyo ako. Huwag kayong kakain o iinom sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. Mag-aayuno rin kami ng aking mga katulong na babae. Pagkatapos, pupunta ako sa hari kahit ito'y labag sa batas, at kung dapat akong mamatay, ako nga ay mamamatay.” 17 Umalis si Mordecai at ginawa ang lahat ng tagubilin ni Ester.
Naglakbay si Pablo Papuntang Roma
27 Nang mapagpasyahang dapat kaming maglayag papuntang Italia, si Pablo at ang ilan pang bilanggo ay ipinailalim sa pamamahala ni Julio, isang kapitan ng hukbong Romano na tinatawag na “Batalyon ng Emperador.” 2 Sumakay kami sa isang barkong galing sa Adramicio, papunta sa lalawigan ng Asia, at naglakbay kami kasama si Aristarco, na isang taga-Macedonia na nagmula sa Tesalonica. 3 Kinabukasan, dumaong kami sa Sidon. Mabuti ang pakikitungo ni Julio kay Pablo; pinahintulutan niya itong makadalaw sa kanyang mga kaibigan upang matulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. 4 Mula roon ay naglakbay kaming muli, at dahil sa pasalungat ang hangin, kami'y namaybay sa gawing silangan ng Cyprus upang kumubli. 5 Dumaan kami sa tapat ng Cilicia at Pamfilia, at kami'y dumating sa Mira, isang lungsod ng Licia. 6 Ang kapitan ng mga sundalo ay nakakita roon ng isang barkong mula sa Alejandria papuntang Italia, at inilipat niya kami roon.
7 Mabagal ang aming paglalakbay. Tumagal ito ng maraming araw, at nahirapan kami bago nakarating sa tapat ng Cinido. Buhat dito'y hindi namin matawid ang kalawakan ng dagat sapagkat pasalungat kami sa hangin. Kaya't nagpunta kami sa panig ng Creta na kubli sa hangin, sa tapat ng Salmone. 8 Nahirapan kaming namaybay sa tabi hanggang sa marating namin ang pook na tinatawag na Mabuting Daungan na malapit sa bayan ng Lasea.
9 Mahabang panahon na kaming naglalakbay. Mapanganib na ang magpatuloy dahil nakaraan na ang Araw ng Pag-aayuno,[a] kaya't pinayuhan sila ni Pablo. 10 Sabi niya, “Mga ginoo, sa tingin ko'y mapanganib na ang maglakbay mula ngayon, at mapipinsala ang mga kargamento at ang barko, at manganganib pati ang buhay natin.”
11 Ngunit higit na pinahalagahan ng kapitan ng mga sundalo ang salita ng may-ari at kapitan ng barko kaysa sa payo ni Pablo. 12 Dahil hindi mabuting tigilan ang daungang iyon kung panahon ng taglamig, minabuti ng nakararami na magpatuloy sila sa kanilang paglalakbay, sa pag-asang makarating sila sa Fenix at doon magpalipas ng taglamig. Ito'y isang daungan sa Creta, na nakaharap sa hilagang-kanluran at timog-kanluran.
Ang Bagyo sa Dagat
13 Umihip nang marahan ang hangin buhat sa timog kaya't inakala nilang maaari na silang umalis. Isinampa nila ang angkla at sila'y namaybay sa Creta. 14 Ngunit di nagtagal, bumugso mula sa pulo ang isang malakas na hangin na tinatawag na Hanging Hilagang-silangan. 15 Hinampas nito ang barko, at dahil hindi kami makasalungat, nagpatangay na lamang kami sa hangin. 16 Nang makakubli kami sa isang maliit na pulo na tinatawag na Cauda, naisampa namin ang bangka ng barko, ngunit nahirapan kami bago nagawa iyon. 17 Nang maisampa na ito, tinalian nila ng malalaking lubid ang barko. Ngunit natakot silang sumadsad sa buhanginan ng Sirte, kaya't ibinabâ nila ang layag at kami'y nagpaanod na lamang. 18 Patuloy na lumakas ang bagyo; kaya't kinabukasa'y sinimulan nilang itapon sa dagat ang mga kargamento. 19 At nang sumunod na araw, itinapon din nila ang mga kagamitan ng barko. 20 Matagal naming di nakita ang araw at ang mga bituin, at hindi rin humuhupa ang napakalakas na bagyo, kaya't nawalan na kami ng pag-asang makakaligtas pa.
21 Dahil matagal nang hindi kumakain ang mga nasa barko, tumayo si Pablo at nagsalita, “Mga kasama, kung nakinig lamang kayo sa akin at di tayo umalis sa Creta, hindi sana natin inabot ang ganitong pinsala. 22 Ito ngayon ang payo ko, lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat walang mamamatay isa man sa inyo! Kaya nga lamang, mawawasak ang barko. 23 Nagpakita sa akin kagabi ang isang anghel ng Diyos, ang Diyos na nagmamay-ari sa akin at siya kong pinaglilingkuran. 24 Sinabi niya sa akin, ‘Huwag kang matakot, Pablo! Dapat kang humarap sa Emperador. Alang-alang sa iyo'y ililigtas ng Diyos ang lahat ng mga kasama mong naglalakbay.’ 25 Kaya, tibayan ninyo ang inyong loob, mga kasama! Nananalig ako sa Diyos na mangyayari ang lahat ayon sa sinabi niya sa akin. 26 Kaya lamang, mapapadpad tayo sa isang pulo.”
27 Ikalabing-apat na gabi na noon na kami'y napapadpad sa gitna ng Dagat Mediteraneo. Nang maghahatinggabi na, napuna ng mga mandaragat na nalalapit na kami sa pampang. 28 Gamit ang isang panaling may pabigat sa dulo, sinukat nila ang lalim ng tubig at nakitang may apatnapung metro ito. Pagsulong pa nila nang bahagya ay muli nilang sinukat, at nakitang may tatlumpung metro na lamang. 29 Sa takot na sumadsad kami sa batuhan, inihulog nila ang apat na angkla sa hulihan ng barko at ipinanalanging mag-umaga na sana. 30 Tinangka ng mga mandaragat na tumakas mula sa barko kaya't ibinabâ nila sa tubig ang bangka, at kunwari'y maghuhulog ng angkla sa unahan ng barko. 31 Ngunit sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga sundalo, “Kapag hindi nanatili sa barko ang mga taong iyan, hindi kayo makakaligtas.” 32 Kaya't nilagot ng mga kawal ang lubid ng bangka at hinayaan itong mahulog.
33 Nang mag-uumaga na, silang lahat ay hinimok ni Pablo upang kumain. “Labing-apat na araw na ngayong kayo'y hindi kumakain dahil sa pagkabalisa at paghihintay. 34 Kumain na kayo! Kailangan ninyo ito upang kayo'y makaligtas. Hindi mapapahamak ang sinuman sa inyo!” 35 At pagkasabi nito, kumuha siya ng tinapay, at sa harapan ng lahat ay nagpasalamat sa Diyos, pinagpira-piraso ang tinapay at kumain. 36 Lumakas ang loob ng lahat at sila'y kumain din. 37 Kaming lahat ay dalawang daan at pitumpu't anim[b] na katao. 38 Nang mabusog sila, itinapon nila sa dagat ang kargang trigo upang gumaan ang barko.
Ang Pagkawasak ng Barko
39 Nang mag-umaga na, nakatanaw sila ng lupa, ngunit hindi nila alam kung anong lugar iyon. Napansin nila ang isang look na may dalampasigan, at binalak nilang igawi doon ang barko kung maaari. 40 Kaya't pinutol nila ang tali ng mga angkla at iniwanan ang mga ito sa dagat. Kinalag din nila ang mga tali ng timon at itinaas ang layag sa unahan upang ang barko'y itulak ng hangin papunta sa dalampasigan. 41 Ngunit nasadsad ang barko sa parteng mababaw. Bumaon ang unahan ng barko kaya't hindi makaalis. Samantala, ang hulihan naman ay nawasak dahil sa kahahampas ng malalakas na alon.
42 Binalak ng mga kawal na patayin ang mga bilanggo upang walang makalangoy at makatakas. 43 Subalit nais ng kapitan ng mga kawal na iligtas si Pablo kaya pinagbawalan nito ang mga kawal. Sa halip, pinatalon niya sa tubig ang lahat ng marunong lumangoy upang makarating sa pampang. 44 Ang iba'y inutusan niyang sumunod na nakahawak sa mga tabla o piraso ng barko. At sa gayon, kaming lahat ay nakarating sa dalampasigan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.