Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 24

Nag-asawa si Isaac

24 Matandang-matanda na noon si Abraham, at pinagpapalang mabuti ni Yahweh. Sinabi niya sa pinakamatanda niyang alipin na kanyang katiwala, “Ilagay mo ang iyong kamay sa pagitan ng aking mga hita at manumpa ka. Sumumpa ka sa akin sa pangalan ni Yahweh, ang Diyos ng langit at ng lupa, na hindi ka rito sa Canaan pipili ng mapapangasawa ng aking anak na si Isaac. Pumunta ka sa bayan kong tinubuan, at pumili ka sa aking mga kamag-anak doon ng mapapangasawa niya.”

“Kung ayaw pong sumama ng mapipili ko, maaari po bang si Isaac na ang papuntahin doon?” tanong ng alipin.

“Aba, hindi! Huwag mong papupuntahin doon si Isaac,” tugon ni Abraham. “Nilisan ko ang tahanan ng aking ama at iniwan ang lupain ng aking mga kamag-anak sapagkat dito ako pinapunta ni Yahweh, ang Diyos ng kalangitan. Nangako siyang ibibigay ang lupaing ito sa aking lahi. Magsusugo siya ng kanyang anghel na mauuna sa iyo upang tulungan ka sa pagpili ng mapapangasawa ng aking anak. Ngayon, kung ayaw sumama ng mapipili mo, wala ka nang pananagutan sa akin. Ngunit huwag mong papuntahin doon ang anak ko!” Kaya't inilagay ng alipin ang kanyang kamay sa pagitan ng hita ng panginoon niyang si Abraham, at nanumpang susundin ito.

10 Naghanda ang alipin ng sampung kamelyo ng kanyang panginoon. Matapos kargahan ng maraming panregalo, naglakbay siya patungong Mesopotamia, sa lunsod na tinitirhan ni Nahor. 11 Pagsapit sa labas ng lunsod, huminto siya at pinaluhod ang mga kamelyo sa tabi ng balon ng tubig na naroon. Sa gayong oras, tuwing magdarapit-hapon, dumarating ang mga babae para umigib. 12 Siya'y nanalangin nang ganito: “Yahweh, Diyos ng panginoon kong si Abraham, maging matagumpay nawa ang aking lakad; tuparin po ninyo ang inyong pangako sa aking panginoong si Abraham. 13-14 Tatayo po ako rito sa tabi ng balon at hihintayin ang pagdating ng mga babae buhat sa lunsod, para umigib. Ako po'y makikiinom sa isa sa kanila. Kapag sinabi niyang, ‘Uminom ka, at paiinumin ko rin ang iyong mga kamelyo,’ iyon na sana ang babaing inihanda ninyo para sa inyong aliping si Isaac. Sa gayon malalaman kong tinupad na ninyo ang inyong pangako sa aking panginoon.”

15 Hindi pa natatapos ang kanyang panalangin, dumating si Rebeca na may pasan na banga ng tubig. Siya ay anak ni Bethuel at apo ni Milca na asawa ni Nahor na kapatid ni Abraham. 16 Siya'y dalaga pa at napakaganda. Lumusong siya sa kinaroroonan ng balon, pinuno ang kanyang banga, at umahon. 17 Sumalubong agad ang alipin at sinabi, “Maaari bang makiinom?”

18 “Aba, opo,” sagot ng babae. At inalalayan niya ang banga habang umiinom ang alipin. 19 Nang ito'y makainom na ay sinabi pa ng dalaga, “Paiinumin ko na rin po ang inyong mga kamelyo hanggang gusto nila.” 20 Isinalin niya sa painuman ang laman ng banga at pabalik-balik siyang sumalok hanggang sa mapainom ang lahat ng kamelyo. 21 Tahimik na pinagmasdan ng alipin ang dalaga at iniisip kung iyon na kaya ang sagot ni Yahweh sa kanyang panalangin.

22 Matapos makainom ang mga kamelyo, inilabas ng alipin ang dala niyang mamahaling singsing[a] at dalawang pulseras na pawang lantay na ginto, at ibinigay sa dalaga. 23 Pagkatapos, ito'y tinanong niya, “Sino ba ang iyong mga magulang? Maaari ba kaming makituloy sa inyo ngayong gabi?”

24 Sumagot ang babae, “Ako po'y anak ni Bethuel na anak nina Nahor at Milca. 25 Maluwag po sa amin at maraming pagkain para sa inyong mga hayop.”

26 Pagkarinig niyon, lumuhod ang alipin at sumamba kay Yahweh, 27 “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng panginoon kong si Abraham! Hindi siya sumira sa kanyang pangako. Pinatnubayan niya ako sa pagpunta sa bahay ng mga kamag-anak ng aking panginoon.”

28 Nagmamadaling umuwi ang dalaga at isinalaysay ang buong pangyayari sa tahanan ng kanyang ina. 29 Si Rebeca ay may kapatid na lalaki na ang pangalan ay Laban. Patakbo siyang pumunta sa balong kinaroroonan ng lalaki 30 nang marinig niya ang salaysay ng kanyang kapatid, at makita ang singsing[b] at ang mga pulseras na suot nito. Nakita nga niya ang tao sa tabi ng balon, pati ang kanyang mga kamelyo. 31 Sinabi ni Laban, “Bakit nandiyan po kayo sa labas? Tayo na po sa amin, lalaking pinagpala ni Yahweh! Nakahanda na po ang pagpapahingahan ninyo at ang sisilungan ng inyong mga kamelyo.”

32 Sumama nga ang alipin. Pagdating sa bahay, ibinabâ ni Laban ang karga ng mga kamelyo at pinakain ang mga hayop. Ang alipin nama'y binigyan niya ng tubig upang maghugas ng paa pati ang mga kasama nito. 33 Binigyan siya ng pagkain, ngunit sinabi ng alipin, “Sasabihin ko muna ang aking pakay bago ako kumain.”

“Sige, sabihin ninyo,” sabi ni Laban.

34 Ganito ang salaysay niya: “Ako po'y alipin ni Abraham. 35 Pinagpala ni Yahweh ang aking panginoon. Pinarami ang kanyang mga kawan ng tupa, kambing at baka. Pinagkalooban rin siya ng maraming pilak at ginto, mga aliping babae at lalaki, mga kamelyo at asno. 36 Ang asawa niyang si Sara ay nagkaanak pa kahit siya'y matanda na. Ang anak na ito ang tanging tagapagmana ng kanilang kayamanan. 37 Ako po'y pinanumpa ng panginoon kong si Abraham na hindi ako kukuha sa Canaan ng mapapangasawa ng anak niyang ito. 38 Dito po niya ako pinapunta sa mga kamag-anak ng kanyang mga magulang upang ihanap ng mapapangasawa ang kanyang anak. 39 Tinanong ko po siya ng ganito: ‘Kung ang babaing mapili ko ay hindi sumama sa akin, ano po naman ang aking gagawin?’ 40 Ang sagot po niya'y sasamahan ako ng anghel ni Yahweh upang magtagumpay sa aking lakad. Dito raw sa angkan ng kanyang ama ako kumuha ng mapapangasawa ng kanyang anak. Iyan po ang utos sa akin. 41 Ang sabi pa niya sa akin, ‘Kung sundin mo ito, natupad mo na ang iyong tungkulin. Kung tanggihan ka naman ng aking mga kamag-anak, wala ka nang pananagutan sa akin.’

42 “Pagdating ko po sa may balon kanina, ako'y nanalangin nang ganito: ‘O Yahweh, Diyos ng panginoon kong si Abraham, panagumpayin mo ang aking gagawin! 43 Tatayo po ako sa may tabi ng balong ito at kapag may dumating na dalaga upang umigib, ako'y makikiinom. 44 Kapag ako'y pinainom pati ang aking mga kamelyo, iyon na po sana ang pinili ninyo upang mapangasawa ng anak ng aking panginoon.’ 45 Hindi pa natatapos ang aking panalangin, dumating nga si Rebeca na pasan ang isang banga. Lumusong siya sa bukal at sumalok ng tubig. Nakiusap po ako sa kanyang ako'y painumin. 46 At hindi lamang ako ang pinainom, pati po ang aking mga kamelyo. 47 Tinanong ko po siya, ‘Kanino kang anak?’ Ang sagot po'y, ‘Kay Bethuel na anak ng mag-asawang Nahor at Milca.’ Kaya't kinabitan ko siya ng hikaw sa ilong at sinuotan ng mga pulseras sa braso. 48 Pagkatapos, ako'y lumuhod at sumamba kay Yahweh, sa Diyos ng panginoon kong si Abraham, sapagkat pinatnubayan niya ako at inihatid sa tahanang ito. At dito ko nga natagpuan ang dalagang dapat mapangasawa ng kanyang anak. 49 Kaya hinihiling kong sabihin ninyo sa akin kung sang-ayon kayo sa hangad ng aking panginoon. Kung hindi naman, sabihin din ninyo at nang malaman ko naman kung ano ang aking gagawin.”

50 Sumagot ang mag-amang Bethuel at Laban, “Dahil ang bagay na ito'y mula kay Yahweh, wala na kaming masasabing anuman. 51 Isama mo si Rebeca pag-uwi mo upang mapangasawa ng anak ng iyong panginoon, ayon sa sinabi ni Yahweh.” 52 Pagkarinig nito, ang alipin ni Abraham ay muling nagpatirapa at nagpuri kay Yahweh. 53 At inilabas niya ang mga damit at mga hiyas na ginto't pilak para kay Rebeca. Binigyan din niya ng mamahaling regalo ang kapatid nitong si Laban at ang kanilang ina.

54 Pagkatapos, ang alipin at ang mga kasama nito ay kumain na at uminom, at doon na nga nagpalipas ng gabi. Kinabukasa'y nagpaalam na siya. 55 Ngunit hiniling ng ina at ng kapatid ni Rebeca na magpalipas muna ng isang linggo o sampung araw bago umalis.

56 Ngunit sinabi ng alipin, “Sapagkat pinagtagumpay ako ni Yahweh sa aking lakad, pahintulutan na po ninyo akong magbalik sa aking panginoon.”

57 “Kung gayon,” sabi nila, “tawagin natin si Rebeca at tanungin kung ano ang kanyang pasya.” 58 “Sasama ka na ba sa taong ito?” tanong nila.

“Opo,” tugon niya. 59 Kaya si Rebeca at ang kanyang yaya ay pinahintulutan nilang sumama sa alipin ni Abraham at sa mga kasama nito, 60 matapos basbasan nang ganito:

“Ikaw nawa, O Rebeca ay maging ina ng marami,
at sa lunsod ng kaaway, ang iyong lahi ang magwagi.”

61 Nang handa na ang lahat, si Rebeca at ang mga utusan niyang babae ay sumakay sa kamelyo, at umalis kasunod ng alipin ni Abraham.

62 Nang panahong iyon, si Isaac ay naninirahan sa lupain ng Negeb. Minsan, napadako siya sa ilang ng Beer-lahai-roi. 63 Nang magtatakipsilim, siya'y namasyal sa kaparangan at nakita niyang may dumarating na mga kamelyo. 64 Natanaw ni Rebeca si Isaac kaya't bumabâ siya sa sinasakyang kamelyo, 65 lumapit sa aliping sumundo sa kanya at nagtanong, “Sino ang lalaking iyan na papalapit sa atin?”

“Siya po ang aking panginoon,” sagot nito. Kumuha ng belo si Rebeca at tinakpan ang kanyang mukha.

66 Isinalaysay ng alipin kay Isaac ang mga ginawa niya. 67 Pagkatapos, dinala ni Isaac si Rebeca sa tolda ni Sara na kanyang ina at ito'y naging asawa niya. Minahal ni Isaac si Rebeca at siyang naging kaaliwan niya sa pagkamatay ng kanyang ina.

Mateo 23

Ang Katuruan tungkol sa Pagpapakumbaba(A)

23 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, “Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises.[a] Kaya't gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos, ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang ginagawa sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinapangaral. Nagpapataw sila ng mabibigat na pasanin sa mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagpasan ng mga iyon. Pawang(B) pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang mga lalagyan ng talata sa kanilang noo at braso, at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit.[b] Ang nais nila ay ang mga upuang pandangal sa mga handaan at ang mga pangunahing upuan sa sinagoga. Gustung-gusto nilang binabati sila sa mga palengke, at tawaging ‘guro.’ Ngunit, huwag kayong patawag na ‘guro,’ sapagkat iisa ang inyong Guro at kayong lahat ay magkakapatid. Huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Ama na nasa langit. 10 Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong tagapagturo, ang Cristo. 11 Ang(C) pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo. 12 Ang(D) nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas.”

Tinuligsa ni Jesus ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo(E)

13 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Hinahadlangan ninyo ang mga tao upang hindi sila makapasok sa kaharian ng langit. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga nais pumasok! [14 Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Inuubos ninyo ang kabuhayan ng mga biyuda at ang idinadahilan ninyo'y ang pagdarasal ng mahahaba! Dahil dito'y lalo pang bibigat ang parusa sa inyo!][c]

15 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang karagatan at ginagalugad ang buong daigdig makahikayat lamang kayo ng kahit isang Hentil sa pananampalatayang Judio. Ngunit kapag ito'y nahikayat na, ginagawa ninyo siyang masahol pa at lalong dapat parusahan sa impiyerno kaysa sa inyo.

16 “Kahabag-habag kayo, mga bulag na taga-akay! Itinuturo ninyo na kung gagamitin ninuman ang Templo sa panunumpa, walang halaga ito. Ngunit kung ang gagamitin niya sa panunumpa ay ang ginto ng Templo, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. 17 Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto, o ang Templong nagpapabanal sa ginto? 18 Sinasabi rin ninyo na kung gagamitin ninuman ang dambana sa panunumpa, walang halaga ito. Ngunit kung ang gagamitin niya ay ang handog na nasa dambana, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog? 20 Kaya nga, kapag nanumpa ang sinuman na saksi ang dambana, ginagawa niyang saksi ito at ang lahat ng handog dito. 21 Kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang Templo, ginagawa niyang saksi ito at ang Diyos na nasa Templo. 22 At(F) kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang langit, ginagawa niyang saksi ang trono ng Diyos at ang Diyos na nakaupo doon.

23 “Kahabag-habag(G) kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nagbibigay kayo ng ikasampung bahagi ng maliliit na halamang tulad ng yerbabuena, ruda at linga ngunit kinakaligtaan naman ninyong isagawa ang mas mahahalagang turo sa Kautusan: ang katarungan, ang pagkahabag, at ang katapatan. Dapat ninyong gawin ang mga ito nang hindi kinakaligtaan ang ibang utos. 24 Mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang kulisap sa inyong inumin, ngunit nilulunok naman ninyo ang kamelyo!

25 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, ngunit ang mga iyon ay puno ng kasakiman at pagiging makasarili. 26 Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang nasa loob ng tasa [at pinggan][d] at magiging malinis din ang labas nito!

27 “Kahabag-habag(H) kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, ngunit ang loob ay bulok at puno ng kalansay. 28 Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao'y mabubuti, ngunit ang totoo'y punung-puno kayo ng pagkukunwari at kasamaan.”

Paparusahan ang mga Mapagkunwari(I)

29 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nagpapagawa kayo ng libingan para sa mga propeta, at pinapaganda ang mga puntod ng mga taong namuhay nang matuwid. 30 Sinasabi pa ninyo, ‘Kung kami sana'y nabuhay sa kapanahunan ng aming mga ninuno, hindi kami makikiisa sa pagpatay sa mga propeta.’ 31 Sa sinabi ninyong iyan, inaamin ninyong kayo'y mga anak ng mga pumaslang sa mga propeta! 32 Sige! Tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno! 33 Mga(J) ahas! Lahi ng mga ulupong! Hindi kayo makakaiwas na maparusahan sa impiyerno! 34 Kaya nga, magsusugo ako sa inyo ng mga propeta, mga matatalinong tao at mga tagapagturo! Papatayin ninyo ang ilan sa kanila, at ang iba'y ipapako sa krus. Ang iba'y hahagupitin ninyo sa inyong mga sinagoga at uusigin sa bayan-bayan. 35 Kaya(K) nga, paparusahan kayo dahil sa pagkamatay ng lahat ng taong pinatay na walang sala, magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na anak ni Baraquias. Pinaslang ninyo si Zacarias sa pagitan ng Templo at ng dambanang sunugan ng mga handog. 36 Tandaan ninyo: ang parusa sa lahat ng mga pagpatay na iyon ay babagsak sa salinlahing ito.”

Ang Pag-ibig ni Jesus sa Jerusalem(L)

37 “Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinugo sa iyo! Ilang ulit kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, kung paano tinitipon ng isang inahin ang kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo. 38 Kaya't(M) ang inyong Templo ay iiwan na lubusang pinabayaan. 39 Sinasabi(N) ko sa inyo, hindi na ninyo ako makikita hanggang dumating ang oras na sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’”

Nehemias 13

Paghiwalay sa mga Dayuhan

13 Nang(A) araw na binasa sa harap ng mga tao ang Kautusan ni Moises, natuklasan nila roon na mahigpit na ipinagbabawal sa mga Israelita ang makihalubilo sa mga Ammonita o Moabita. Ipinagbawal(B) ito, sapagkat hindi sila binigyan ng pagkain at inumin ng mga Ammonita at Moabita nang dumaan ang mga Israelita sa lupain ng mga ito noong lumabas sila sa Egipto. Sa halip, inupahan pa ng mga ito si Balaam upang sumpain ang Israel, subalit ang sumpang iyon ay ginawa ng Diyos natin na isang pagpapala. Nang ito'y marinig ng mga tao, pinaalis nila ang mga dayuhan.

Ang mga Repormang Ginawa ni Nehemias

Noon si Eliasib ang paring namamahala sa mga bodega sa Templo. Maganda ang pakikitungo niya kay Tobias, palibhasa'y matagal na silang magkaibigan. Kaya't pinahintulutan ni Eliasib si Tobias na gamitin ang malaking silid sa Templo. Ang silid na iyo'y taguan ng mga handog na pagkaing butil, insenso, mga kagamitan sa Templo, mga handog para sa mga pari, ikasampung bahagi ng handog na butil, alak at langis na para sa mga Levita, sa mga mang-aawit at sa mga bantay sa Templo. Habang nagaganap iyon, wala ako noon sa Jerusalem, sapagkat nang si Haring Artaxerxes, hari ng Babilonia ay nasa ika-32 taon ng paghahari, nagpunta ako sa kanya upang mag-ulat. Hindi nagtagal at ako'y pinahintulutan niyang makabalik sa Jerusalem. Noon ko natuklasang binigyan pala ni Eliasib si Tobias ng silid sa loob ng Templo. Labis ko itong ikinagalit at itinapon ko sa labas ang lahat ng kagamitan ni Tobias. Pagkatapos, iniutos kong linisin ang silid at ibalik doon ang mga kagamitan sa Templo pati ang handog na pagkaing butil at insenso.

10 Nalaman(C) ko rin na ang mga Levita at ang mga mang-aawit sa Templo ay umuwi na sa kanilang mga bukirin, sapagkat hindi sila tumatanggap ng bahaging nauukol sa kanila. 11 Nagalit ako sa mga namamahala at sinabi ko, “Bakit pinabayaan ninyo ang Templo ng Diyos?” Kaya't pinabalik ko ang mga Levita at ang mga mang-aawit sa Templo at muling pinagtrabaho sa kani-kanilang tungkulin. 12 Dahil(D) dito, ang lahat ng mamamayan ng Juda ay muling nagdala ng ikasampung bahagi ng kanilang mga inaning butil, alak at langis, at inipon ang mga ito sa mga bodega. 13 Pinamahala ko ang paring si Selemias, si Zadok na dalubhasa sa Kautusan, at si Pedaias na isang Levita. Pinatulong ko sa kanila si Hanan, anak ni Zacur at apo ni Matanias. Alam kong mapagkakatiwalaan sila na mamahagi ng mga pangangailangan ng kanilang mga kasamahan. 14 Alalahanin po ninyo, Diyos ko, ang mga ginawa kong ito para sa Templo at sa pananambahan doon.

15 Noon(E) ko rin nakita na ang mga taga-Juda ay nagpipisa ng ubas sa Araw ng Pamamahinga. Mayroon din namang mga nagkakarga sa mga asno ng mga trigo, alak, ubas, igos at iba pang bagay, at dinadala sa Jerusalem. Binalaan ko silang huwag magtinda ng anuman sa Araw ng Pamamahinga. 16 Ang mga taga-Tiro na nasa lunsod ay nagdadala naman ng isda at lahat ng uri ng paninda, at sa Araw din ng Pamamahinga nila ipinagbibili sa mga taga-Juda na nasa Jerusalem. 17 Dahil dito, pinagalitan ko ang mga namumuno sa Juda. Pinagsabihan ko sila, “Masama ang ginagawa ninyong ito. Nilalapastangan ninyo ang Araw ng Pamamahinga. 18 Ito mismo ang dahilan kaya pinarusahan ng Diyos ang inyong mga ninuno at winasak ang lunsod na ito. Lalo ninyong ginagalit ang Diyos sa ginagawa ninyong paglapastangan sa Araw ng Pamamahinga!”

19 Kaya't iniutos kong mula noon, pagsapit ng Araw ng Pamamahinga, ang mga pintuan ng lunsod ay sarhan bago lumubog ang araw at huwag bubuksan hanggang hindi natatapos ang araw na iyon. Pinabantayan ko sa aking mga tauhan ang mga pintuan upang matiyak na walang anumang panindang maipapasok sa Araw ng Pamamahinga. 20 Kung minsan, ang mga mangangalakal sa Jerusalem ay sa labas ng pader natutulog. 21 Binalaan ko sila na kapag umulit pa sila ay gagamitan ko na sila ng dahas. Mula noo'y hindi na sila dumarating kapag Araw ng Pamamahinga. 22 Iniutos ko sa mga Levita na dapat nilang linisin ang kanilang sarili ayon sa Kautusan at magbantay sa mga pinto upang maingatang banal ang Araw ng Pamamahinga.

Alalahanin po ninyo ako O Diyos, sa ginawa kong ito at huwag ninyo akong parusahan sapagkat dakila ang iyong pag-ibig.

23 Nalaman(F) ko rin noon na maraming mga Judio ang nag-asawa ng mga babaing taga-Asdod, Ammon at Moab. 24 Dahil dito, kalahati ng kanilang mga anak ang nagsasalita ng wikang Asdod at iba pang mga wikang banyaga, ngunit hindi sila nakakapagsalita ng wika ng Juda. 25 Pinagalitan ko ang mga kalalakihan, isinumpa sila, pinalo at sinabunutan. Pagkatapos, pinapanumpa ko sila sa pangalan ng Diyos na sila at ang kanilang mga anak ay hindi na mag-aasawa ng mga dayuhan. 26 “Hindi(G) ba iyan ang sanhi ng pagkakasala ni Solomon?” sinabi ko sa kanila. “Walang sinumang hari saanmang bansa na tulad niya. Mahal siya ng Diyos at ginawang hari sa buong Israel. Subalit nagkasala siya dahil sa mga babaing banyaga. 27 Susundin ba namin ang inyong masamang halimbawa at susuway sa Diyos dahil sa pag-aasawa ng mga dayuhan?”

28 Isa(H) sa mga anak ni Joiada (na anak ng pinakapunong pari na si Eliasib) ay nag-asawa ng isang babae mula sa angkan ni Sanbalat na Horonita; kaya't pinalayas ko siya sa Jerusalem. 29 Alalahanin po ninyo, O aking Diyos, ang paglapastangan nila sa tungkulin ng pagiging pari at sa kasunduang ginawa ninyo sa mga pari at sa mga Levita.

30 Nilinis ko ang sambayanan sa lahat ng pakikitungo nila sa mga dayuhan. Gumawa ako ng mga tuntunin para sa mga pari at mga Levita upang malaman nila ang kanilang mga tungkulin. 31 Isinaayos ko rin ang pagdadala sa takdang oras ng mga kahoy na gagamiting panggatong sa pagsunog ng mga handog, gayundin ang pagdadala ng mga tao sa mga unang ani ng butil at bungangkahoy.

Alalahanin ninyo, O aking Diyos, ang lahat ng ito at ako po'y pagpalain ninyo.

Mga Gawa 23

23 Tumingin si Pablo sa kanila, at sinabi, “Mga kapatid, namumuhay akong malinis ang budhi sa harap ng Diyos hanggang sa araw na ito.”

Pagkarinig nito'y iniutos ng pinakapunong pari na si Ananias sa mga taong nakatayo sa tabi ni Pablo na sampalin ito sa bibig. Sinabi(A) ni Pablo, “Hahampasin ka ng Diyos, ikaw na mapagkunwari! Nakaluklok ka riyan upang hatulan ako ayon sa Kautusan, ngunit labag sa Kautusan ang ipasampal mo ako.”

Sinabi ng mga nakatayo roon, “Nilalapastangan mo ang pinakapunong pari ng Diyos!”

Sumagot(B) si Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang pinakapunong pari. Sapagkat nasusulat nga, ‘Huwag kang magsalita ng masama laban sa pinuno ng iyong bayan.’”

Nang makita ni Pablo na may mga Saduseo at mga Pariseo sa kapulungan, sinabi niya nang malakas, “Mga kapatid, ako'y Pariseo, at anak ng mga Pariseo, at dahil sa pag-asa kong muling mabubuhay ang mga patay kaya ako'y nililitis ngayon.”

Nang sabihin ito ni Pablo, nagtalu-talo ang mga Pariseo at ang mga Saduseo, at nahati ang kapulungan. Sapagkat(C) naniniwala ang mga Saduseo na hindi na muling mabubuhay ang mga patay at walang anghel o espiritu. Subalit ang mga Pariseo nama'y naniniwala sa lahat ng ito. At lumakas ang kanilang sigawan. Tumayo ang ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan na kapanig ng mga Pariseo at malakas na tumutol, “Wala kaming makitang pagkakasala sa taong ito. Anong malay natin, baka nga kinausap siya ng isang espiritu o isang anghel!”

10 Naging mainitan ang kanilang pagtatalo, at natakot ang pinuno ng mga sundalo na baka magkaluray-luray si Pablo. Pinapanaog niya ang mga kawal, ipinakuha si Pablo at ipinapasok muli sa himpilan.

11 Kinagabihan, nagpakita ang Panginoon kay Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Kung paanong nagpatotoo ka tungkol sa akin dito sa Jerusalem, kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.”

Pinagtangkaan ang Buhay ni Pablo

12 Kinaumagahan, nagkasundo ang mga Judio at ang bawat isa ay sumumpa na hindi kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. 13 Mahigit na apatnapung lalaki ang nanumpa ng ganoon. 14 Pumunta sila sa mga punong pari at sa matatandang pinuno ng bayan, at sinabi nila, “Kami ay sumumpang hindi kakain at hindi iinom hangga't hindi namin napapatay si Pablo. 15 Kaya, hilingin ninyo at ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio sa pinuno ng mga sundalo na dalhin muli rito si Pablo. Idahilan ninyong sisiyasatin ninyong mabuti ang kanyang kaso. At sa daan pa lamang ay papatayin na namin siya.”

16 Ang balak na ito'y nalaman ng lalaking anak ng kapatid na babae ni Pablo. Kaya't nagpunta ito sa himpilan at sinabi kay Pablo ang balak na pagpatay sa kanya. 17 Tinawag naman ni Pablo ang isa sa mga kapitan at sinabi, “Samahan nga po ninyo ang binatilyong ito sa inyong pinuno sapagkat mayroon siyang gustong sabihin.”

18 Sinamahan nga ng kapitan ang binatilyo sa pinuno ng mga sundalo. Sinabi niya, “Tinawag po ako ng bilanggong si Pablo at pinasamahan sa inyo ang binatilyong ito, sapagkat may sasabihin daw siya sa inyo.”

19 Hinawakan ng pinuno sa kamay ang binatilyo, dinala sa isang tabi at tinanong, “Ano ba ang sasabihin mo sa akin?”

20 Sumagot siya, “Pinagkasunduan po ng mga Judio na hilingin sa inyo na iharap si Pablo sa Kapulungan bukas at kunwari'y sisiyasatin nila siya nang mas mabuti. 21 Ngunit huwag po kayong maniniwala. Tatambangan po siya ng mahigit sa apatnapung lalaki na nanumpang hindi kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. Handang-handa na po sila ngayon at pasya na lamang ninyo ang hinihintay.”

22 “Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinaalam mo ito sa akin,” sabi ng pinuno ng mga sundalo. At pinauwi niya ang binatilyo.

Ipinadala si Pablo kay Gobernador Felix

23 Ang pinuno ay tumawag ng dalawang kapitan at sinabi sa mga ito, “Maghanda kayo ng dalawandaang sundalo at pitumpung kawal na nakakabayo at dalawandaang kawal na may sibat upang magtungo sa Cesarea ngayong alas nuwebe ng gabi. 24 Maghanda rin kayo ng mga kabayong sasakyan ni Pablo at ihatid ninyo siya kay Gobernador Felix. Ingatan ninyo siyang mabuti!”

25 At sumulat siya ng ganito,

26 “Sa Kagalang-galang na Gobernador Felix, maligayang bati mula kay Claudio Lisias! 27 Ang lalaking ito'y hinuli ng mga Judio at papatayin na sana. Nalaman kong siya'y isang mamamayang Romano, kaya't nagsama ako ng mga kawal at iniligtas siya. 28 Sa hangad kong malaman kung ano ang sakdal laban sa kanya, pinaharap ko siya sa Kapulungan. 29 Nalaman kong ang paratang sa kanya'y tungkol sa ilang usaping may kinalaman sa kanilang kautusan, at hindi sapat na dahilan upang siya'y ipapatay o ipabilanggo. 30 At nang malaman kong siya'y pinagtatangkaang patayin ng mga Judio, agad ko siyang ipinadala sa inyo. Sinabi ko sa mga taong nagsasakdal na sa inyo sila magharap ng reklamo laban sa kanya.”

31 Sinunod nga ng mga kawal ang utos sa kanila. Kinagabiha'y kinuha nila si Pablo at dinala sa Antipatris. 32 Kinabukasan, nagbalik na sa himpilan ang mga kawal, at hinayaan ang mga sundalong nakakabayo na magpatuloy sa paglalakbay kasama si Pablo. 33 Pagdating sa Cesarea iniharap nila si Pablo sa gobernador at ibinigay ang sulat na dala nila. 34 Pagkabasa sa sulat, tinanong ng gobernador si Pablo kung saang lalawigan siya nagmula. At nang malamang siya'y taga-Cilicia, 35 kanyang sinabi, “Diringgin ko ang kaso mo pagdating ng mga nagsasakdal sa iyo.” At pinabantayan niya si Pablo sa palasyo ng gobernador.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.