Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 17

Ang Pagtutuli, Palatandaan ng Kasunduan

17 Nang siyamnapu't siyam na taon na si Abram, nagpakita sa kanya si Yahweh at sinabi, “Ako ang Makapangyarihang Diyos. Sumunod ka sa akin at ingatan mong walang dungis ang iyong sarili habang ikaw ay nabubuhay. Ako'y makikipagtipan sa iyo at lubhang pararamihin ko ang iyong lahi.” Pagkarinig nito'y nagpatirapa si Abram. Sinabi pa sa kanya ng Diyos, “Ito ang aking tipan sa iyo: Ikaw ay magiging ama ng maraming bansa. Hindi(A) na Abram ang itatawag sa iyo kundi Abraham,[a] sapagkat ngayo'y ginagawa kitang ama ng maraming bansa. Pararamihin ko nga ang iyong lahi at magtatatag sila ng mga bansa; at may magiging hari sa kanila.

“Tutuparin(B) ko ang aking pangako sa iyo at sa iyong lahi habang panahon, at ako'y magiging Diyos ninyo. Ibibigay(C) ko sa iyo at sa iyong magiging lahi ang lupaing ito ng Canaan na iyong tinitirhan ngayon bilang isang dayuhan. Ito ang magiging pag-aari nila sa habang panahon, at ako ang kanilang magiging Diyos.”

Sinabi pa ng Diyos kay Abraham, “Ikaw at ang lahat ng susunod mong salinlahi ay dapat maging tapat sa ating kasunduan. 10 Ganito(D) ang inyong gagawin: lahat ng lalaki sa inyo ay tutuliin, 11 at iyan ang magiging palatandaan ng ating tipan. 12 Lahat ng lalaki na isisilang sa inyong lahi ay tutuliin pagsapit ng ikawalong araw, kasama rito ang mga aliping isinilang sa inyong sambahayan, gayundin ang mga aliping binili sa dayuhan. 13 Ang palatandaang ito sa inyong katawan ang magiging katibayan ng ating walang katapusang kasunduan. 14 Ang sinumang lalaking hindi tuli ay ititiwalag sa iyong lahi sapagkat hindi siya tumupad sa ating kasunduan.”

15 Sinabi pa rin ng Diyos kay Abraham, “Hindi na Sarai ang itatawag mo sa iyong asawa kundi Sara[b] 16 sapagkat siya'y pagpapalain ko. Magkakaanak ka sa kanya at siya'y magiging ina ng maraming bansa; may magiging hari mula sa kanyang mga salinlahi.”

17 Muling nagpatirapa si Abraham, ngunit napatawa siya nang kanyang maisip na siya'y matanda na. Nasabi niya sa sarili, “Magkakaanak pa ba ang isang lalaki na sandaang taóng gulang na? At si Sara! Maglilihi pa ba siya gayong siya'y siyamnapung taon na?” 18 At sinabi niya sa Diyos, “Bakit hindi na lang po si Ismael ang magmana ng mga ipinangako ninyo sa akin?”

19 Kaya't sumagot ang Diyos, “Hindi; ang asawa mong si Sara ay magkakaanak ng isang lalaki at tatawagin mo siyang Isaac.[c] Makikipagtipan ako sa kanya at sa kanyang lahi magpakailanman. 20 Tungkol naman kay Ismael, ipagkakaloob ko ang kahilingan mo: Pagpapalain ko siya at pararamihin ko rin ang kanyang lahi. Magkakaanak siya ng labindalawang prinsipe, at magiging bansang makapangyarihan ang kanyang salinlahi. 21 Ngunit ang aking tipan sa iyo ay matutupad kay Isaac, na isisilang ni Sara sa isang taon, sa ganito ring panahon.” 22 Pagkasabi nito, nilisan ng Diyos si Abraham.

23 Nang araw ring iyon, ayon sa utos ng Diyos, tinuli ni Abraham si Ismael at lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan, maging ang aliping ipinanganak doon o binili. 24 Si Abraham ay siyamnapu't siyam na taon na nang tuliin, 25 si Ismael naman ay labingtatlo. 26 Tinuli sila sa parehong araw, 27 at noon ding araw na iyon tinuli ang kanyang mga alipin.

Mateo 16

Hiningan ng Tanda si Jesus(A)

16 Lumapit(B) kay Jesus ang ilang Pariseo at Saduseo. Upang siya'y subukin, humingi sila sa kanya ng isang himala mula sa langit. Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, [“Kapag dapit-hapon ay sinasabi ninyo, ‘Magiging maganda ang panahon dahil maaliwalas ang langit.’ At kapag umaga nama'y sinasabi ninyo, ‘Uulan ngayon dahil madilim ang langit.’ Nakakabasa kayo ng palatandaan sa langit, ngunit hindi ninyo mabasa ang mga palatandaan ng kasalukuyang panahon.][a] Lahing(C) masama at taksil sa Diyos! Humihingi kayo ng palatandaan, ngunit walang ibibigay sa inyo maliban sa himalang nangyari kay Jonas!”

Pagkatapos nito, umalis si Jesus.

Ang Pampaalsang Ginagamit ng mga Pariseo at mga Saduseo(D)

Nang tumawid sa ibayo ang mga alagad, nakalimutan nilang magdala ng tinapay. Sinabi(E) ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at mga Saduseo.”

Nag-usap-usap ang mga alagad, “Wala kasi tayong dalang tinapay, kaya sinabi niya iyon.”

Alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila kaya't sila'y tinanong, “Bakit ninyo pinag-uusapang wala kayong dalang tinapay? Napakaliit ng inyong pananampalataya! Hindi(F) pa ba ninyo nauunawaan hanggang ngayon? Nakalimutan na ba ninyo ang limang tinapay na pinaghati-hati para sa limanlibong tao? Ilang kaing na tinapay ang lumabis? 10 Gayundin(G) ang pitong tinapay para sa apat na libo. Ilang kaing na tinapay ang lumabis? 11 Hindi tungkol sa tinapay ang sinasabi ko nang sabihin ko sa inyong mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at mga Saduseo! Hindi ba ninyo maunawaan ito?” 12 At naunawaan nila na sila'y pinag-iingat niya sa mga katuruan ng mga Pariseo at mga Saduseo, at hindi sa pampaalsang ginagamit sa tinapay.

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(H)

13 Nang dumating si Jesus sa bayan ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” 14 At(I) sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo si Juan na Tagapagbautismo. Sabi po naman ng iba, kayo si Elias. At may nagsasabi pong kayo si Jeremias, o isa sa mga propeta.” 15 Tinanong ulit sila ni Jesus, “Ngunit para sa inyo, sino ako?” 16 Sumagot(J) si Simon Pedro, “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” 17 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit. 18 At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro,[b] at sa ibabaw ng batong[c] ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang kapangyarihan ng kamatayan ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. 19 Ibibigay(K) ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit.” 20 At mahigpit niyang iniutos sa kanyang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya nga ang Cristo.

Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan at Muling Pagkabuhay(L)

21 Mula noon ay ipinaalam na ni Jesus sa kanyang mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Dapat akong magtungo sa Jerusalem at magdanas ng maraming hirap sa kamay ng mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Ako'y papatayin, ngunit sa ikatlong araw ako'y muling mabubuhay.”

22 Dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan, “Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos! Kailanma'y hindi iyan mangyayari sa inyo.”

23 Ngunit hinarap siya ni Jesus at sinabihan, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo'y hindi sa Diyos kundi sa tao.”

24 Sinabi(M) ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 25 Ang(N) naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. 26 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kanyang buhay? 27 Sapagkat(O) darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel, at taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama. Sa panahong iyo'y gagantimpalaan niya ang bawat tao ayon sa ginawa nito. 28 Tandaan ninyo: may ilan sa inyong naririto na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikita ang Anak ng Tao na dumarating bilang hari.”

Nehemias 6

Masamang Balak kay Nehemias

Nabalitaan nina Sanbalat, Tobias at ni Gesem na taga-Arabia, pati ng iba naming mga kaaway, na naitayo ko na ang pader at wala na itong butas bagaman hindi ko pa nailalagay ang mga pinto nito. Inanyayahan ako nina Sanbalat at Gesem na makipag-usap sa kanila sa isang nayon sa Kapatagan ng Ono. Alam kong may masama silang balak sa akin. Kaya't nagpadala ako ng mga sugo para sabihin sa kanila, “Mahalaga ang aking ginagawa rito kaya hindi ako makakapunta riyan. Hindi ko maaaring ipatigil ang trabaho rito para makipagkita lamang sa inyo.” Apat na beses nila akong inanyayahan at apat na beses ko rin silang tinanggihan. Sa ikalimang pagkakataon ay inanyayahan akong muli ni Sanbalat sa pamamagitan ng isang bukás na liham na ganito ang mensahe:

“Balitang-balita sa iba't ibang bansa at pinapatunayan ni Gesem[a] na ikaw at ang mga Judio ay nagbabalak maghimagsik, kaya itinatayo mong muli ang pader. May balita pang gusto mong maging hari. Sinasabi pang may mga propeta kang inutusan upang ipahayag sa Jerusalem na ikaw na ang hari ng Juda. Tiyak na alam na ito ng hari, kaya pumarito ka agad at pag-usapan natin ang bagay na ito.”

Ito naman ang sagot ko, “Walang katotohanan ang mga pinagsasasabi mo. Gawa-gawa mo lamang ang mga iyan.” Tinatakot nila kami upang itigil ang gawain. Nanalangin ako, “O Diyos, palakasin po ninyo ako.”

10 Minsan ay dinalaw ko si Semaya na anak ni Delaias at apo ni Mehetabel, sapagkat hindi siya makaalis sa kanyang bahay. Sinabi niya sa akin, “Halika. Pumunta tayo doon sa Templo, sa tahanan ng Diyos, at doon ka magtago. Sapagkat anumang oras ngayong gabi ay papatayin ka nila.”

11 Ngunit sumagot ako, “Hindi ako ang lalaking tumatakbo o nagtatago! Akala mo ba'y magtatago ako sa Templo para iligtas ang aking sarili? Hindi ko gagawin iyon.”

12 Napag-isip-isip kong hindi isinugo ng Diyos si Semaya. Binayaran lamang siya nina Sanbalat at Tobias upang ako'y bigyan niya ng babala. 13 Sinuhulan lamang nila siya upang takutin ako at itulak sa pagkakasala. Sa ganoong paraan, masisira nila ang aking pangalan at ilagay ako sa kahihiyan.

14 Nanalangin ako, “O Diyos, parusahan po ninyo sina Tobias at Sanbalat sa ginawa nila sa akin. Gayundin po ang gawin ninyo kay Noadias, ang babaing propeta at iba pang mga propeta na nagtangkang takutin ako.”

Natapos ang Trabaho

15 Pagkaraan ng limampu't dalawang araw na paggawa, natapos ang pader noong ikadalawampu't limang araw ng ikaanim na buwan. 16 Nang mabalitaan ng aming mga kaaway sa mga bansang nakapaligid na tapos na ang aming trabaho, napahiya sila at napag-isip-isip nilang ito'y nagawa namin dahil sa tulong ng aming Diyos.

17 Nang panahong iyon, nagsusulatan sina Tobias at ang mga pinuno sa Juda. 18 Maraming taga-Juda ang pumanig sa kanya sapagkat siya'y manugang ng Judiong si Secanias na anak ni Arah. Bukod dito, napangasawa ng anak niyang si Jehohanan ang anak na dalaga ni Mesulam na anak ni Berequias. 19 Sa harapan ko'y lagi nilang pinupuri ang ginawa ni Tobias at lagi nilang ibinabalita sa kanya ang aking sinasabi. At patuloy siyang nagpapadala ng sulat sa akin upang ako'y takutin.

Mga Gawa 16

Sumama si Timoteo kina Pablo at Silas

16 Nagpunta rin si Pablo sa Derbe at sa Listra. May isang alagad doon na ang pangala'y Timoteo. Ang kanyang ina ay isang mananampalatayang Judio at ang kanyang ama nama'y isang Griego. Mataas ang pagtingin ng mga kapatid sa Listra at sa Iconio kay Timoteo. Ibig isama ni Pablo si Timoteo kaya't tinuli niya ito alang-alang sa mga Judio sa lungsod na iyon, dahil alam nilang lahat na ang kanyang ama ay isang Griego. Sa bawat lungsod na kanilang dalawin, ipinaaalam nila sa mga kapatid ang pasya ng mga apostol at mga pinuno ng iglesya sa Jerusalem, at iniutos na sundin iyon. Kaya't tumibay sa pananampalataya ang mga kaanib ng mga iglesya, at araw-araw ay nadagdagan ang kanilang bilang.

Ang Pangitain ni Pablo sa Troas

Sapagkat binawalan sila ng Espiritu Santo na mangaral sa lalawigan ng Asia[a], naglakbay sina Pablo sa lupain ng Frigia at Galacia. Pagdating sa hangganan ng Misia, papasok na sana sila sa Bitinia, subalit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus. Kaya't dumaan sila ng Misia at nagpunta sa Troas. Kinagabihan, nagkaroon si Pablo ng isang pangitain; isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo at nakikiusap sa kanya, “Pumarito kayo sa Macedonia at tulungan ninyo kami.” 10 Pagkatapos ng pangitaing ito, gumayak agad kami sapagkat natiyak naming kami'y tinatawag ng Diyos upang ipangaral sa Macedonia ang Magandang Balita.

Sumampalataya si Lydia

11 Mula sa Troas, tuluy-tuloy kaming naglayag papuntang Samotracia, at kinabukasa'y sa Neapolis. 12 Mula naman roo'y nagpunta kami sa Filipos, isang pangunahing lungsod na sakop ng mga Romano sa dakong iyon ng Macedonia. Nanatili kami roon nang ilang araw. 13 At nang Araw ng Pamamahinga, lumabas kami ng lungsod at nagpunta sa tabing-ilog, sa pag-aakalang doon ay may pinagtitipunan ang mga Judio upang manalangin. Naupo kami at nakipag-usap sa mga babaing nagkakatipon doon. 14 Kabilang sa mga nakikinig ang isang sumasamba sa Diyos na nagngangalang Lydia na taga-Tiatira; siya'y isang negosyante na nagtitinda ng mamahaling telang kulay ube. Binuksan ng Panginoon ang kanyang isip upang kanyang pakinggan ang ipinapangaral ni Pablo. 15 Nagpabautismo siya at ang kanyang buong pamilya. Pagkatapos, sinabi niya, “Kung itinuturing po ninyo akong tunay na lingkod ng Panginoon, doon na kayo tumuloy sa amin.” Mahigpit ang kanyang anyaya kaya't hindi namin napahindian.

Sa Bilangguan sa Filipos

16 Isang araw, nang kami'y papunta sa pook-dalanginan, nasalubong namin ang isang batang babaing alipin. Sinasapian siya ng masamang espiritu kaya siya nakakapanghula. Malaki ang kinikita ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula. 17 Sinundan-sundan niya kami nina Pablo, at sumisigaw ng ganito: “Ang mga taong ito'y lingkod ng Kataas-taasang Diyos! Ipinapahayag nila sa inyo kung paano kayo maliligtas!”

18 Marami nang araw na ginagawa niya iyon kaya't nainis na si Pablo. Hinarap niya ang bata at sinabi sa espiritu, “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Cristo, lumabas ka sa babaing iyan!” At noon di'y lumabas ang espiritu.

19 Nang makita ng mga amo ng bata na nawala na ang kanilang pinagkakakitaan, sinunggaban nila sina Pablo at Silas, kinaladkad sa liwasang-bayan at iniharap sa mga maykapangyarihan. 20 Iniharap sila sa mga pinuno ng lungsod at pinaratangan ng ganito: “Nanggugulo po sa lungsod ang mga Judiong ito. 21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang labag sa kautusan nating mga Romano. Hindi natin maaaring sundin ang mga itinuturo nila.” 22 Nakisali ang mga tao sa pananakit sa kanila, at pinahubaran sila ng mga pinuno at ipinahagupit. 23 Pagkatapos hampasin nang paulit-ulit, sila'y ipinabilanggo at pinabantayang mabuti. 24 Ipinasok sila ng bantay sa kaloob-looban ng bilangguan at inilagay ang kanilang mga paa sa pagitan ng dalawang mabibigat na kahoy.

25 Nang maghahatinggabi na, sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga himno sa Diyos, at nakikinig naman ang ibang mga bilanggo. 26 Walang anu-ano'y lumindol nang malakas at nayanig pati ang mga pundasyon ng bilangguan. Biglang nabuksan ang mga pinto at nakalag ang mga tanikala ng lahat ng bilanggo. 27 Nagising ang bantay ng bilangguan, at nang makita niyang bukás ang mga pinto, inakala niyang nakatakas ang mga bilanggo. Dahil dito'y binunot niya ang kanyang tabak at magpapakamatay na sana. 28 Ngunit sumigaw si Pablo, “Huwag mong saktan ang iyong sarili! Narito kaming lahat!”

29 Humingi ng ilaw ang bantay, patakbong pumasok at nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Sila ay inilabas niya at sinabi, “Mga ginoo, ano po ang dapat kong gawin upang ako'y maligtas?”

31 Sumagot naman sila, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.” 32 At ang salita ng Panginoon ay ipinahayag nila sa kanya at sa lahat ng nasa kanyang bahay. 33 Nang oras ding iyon, hinugasan ng bantay ang kanilang mga sugat at siya'y nagpabautismo, pati ang buo niyang sambahayan. 34 Pagkatapos, sila ay isinama niya sa kanyang tahanan at ipinaghanda ng pagkain. Masayang-masaya ang bantay at ang kanyang buong sambahayan, sapagkat sila'y sumampalataya sa Diyos.

35 Kinaumagahan, inutusan ng mga pinuno ng lungsod ang mga kawal na palayain sina Pablo at Silas. 36 Kaya't sinabi ng bantay ng bilangguan kay Pablo, “Iniutos po ng mga pinuno na palayain na kayo. Lumabas na kayo at umalis nang mapayapa.”

37 Subalit sinabi ni Pablo sa mga kawal, “Ipinahagupit nila kami nang hayagan at ipinabilanggo nang hindi man lang nilitis gayong kami'y mga mamamayang Romano! At ngayo'y palihim nila kaming palalayain? Hindi maaari! Sila ang pumarito at magpalaya sa amin.” 38 Ipinaalam ng mga kawal sa mga pinuno ng lungsod ang sinabi ni Pablo, at natakot ang mga iyon nang malamang sina Pablo at Silas pala ay mamamayang Romano. 39 Kaya't sila'y pumunta sa bilangguan at humingi ng paumanhin sa dalawa. Inilabas nila sina Pablo at Silas at pinakiusapang lisanin ang lungsod. 40 Pagkalabas ng bilangguan, sina Pablo at Silas ay nagtuloy sa bahay ni Lydia at dinatnan nila roon ang mga kapatid. Bago umalis ang dalawa, pinagbilinan nila ang mga kapatid na magpakatatag sa pananampalataya.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.