Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 18

Ipinangako ang Pagsilang ni Isaac

18 Nagpakita si Yahweh kay Abraham sa may tabi ng mga sagradong puno ni Mamre. Noo'y kainitan ng araw at nakaupo siya sa pintuan ng kanyang tolda. Walang(A) anu-ano'y may nakita siyang tatlong lalaking nakatayo sa di kalayuan. Patakbo niyang sinalubong ang mga ito, at sa kanila'y yumuko nang halos sayad sa lupa ang mukha, at sinabi, “Mga ginoo, kung inyong mamarapatin, tumuloy po muna kayo sa amin. Magpahinga muna kayo rito sa lilim ng puno, at ikukuha ko kayo ng tubig na panghugas sa inyong mga paa. Ipaghahanda ko na rin kayo ng makakain para lumakas kayo bago kayo maglakbay. Ikinagagalak ko kayong paglingkuran habang naririto kayo sa amin.”

Sila'y tumugon, “Salamat, ikaw ang masusunod.”

Dali-daling pumasok sa tolda si Abraham at sinabi kay Sara, “Dali, kumuha ka ng tatlong takal ng magandang harina, at gumawa ka ng tinapay.” Pumili naman si Abraham ng isang matabang guya mula sa kawan, at ipinaluto kaagad sa isang alipin. Kumuha rin siya ng keso at gatas, kasama ang nilutong karne, at inihain sa mga panauhin. Hindi siya lumalayo sa tabi ng mga panauhin habang kumakain ang mga ito.

Tinanong nila si Abraham, “Nasaan ang asawa mong si Sara?”

“Naroon po sa tolda,” sagot naman niya.

10 Sinabi(B) ng isa sa mga panauhin, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at pagbalik ko'y may anak na siya.”

Noon ay kasalukuyang nakikinig si Sara sa may pintuan ng tolda sa likuran ng panauhin. 11 Ang mag-asawang Abraham at Sara ay parehong matanda na at hindi na nga dinaratnan si Sara. 12 Lihim(C) na natawa si Sara at nagwika sa sarili, “Ngayong ako'y matanda na pati ang aking asawa, masisiyahan pa kaya ako sa pakikipagtalik?”

13 “Bakit natawa si Sara, at nagsabing kung kailan pa siya tumanda saka siya magkakaanak?” tanong ni Yahweh kay Abraham. 14 “Mayroon(D) bang hindi kayang gawin si Yahweh? Tulad ng sinabi ko, babalik ako sa isang taon at pagbalik ko'y may anak na siya.”

15 Dahil sa takot, nagkaila si Sara at ang wika, “Hindi po ako tumawa.”

Ngunit sinabi niya, “Huwag ka nang magkaila, talagang tumawa ka.”

Nanalangin si Abraham Alang-alang sa Sodoma

16 Pagkatapos, umalis ang tatlong lalaki at inihatid sila ni Abraham hanggang sa isang dako na natatanaw na ang Sodoma. 17 Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko dapat ilihim kay Abraham ang aking gagawin, 18 sapagkat pinili ko siya upang maging ama ng isang malaki at makapangyarihang bansa. Sa pamamagitan niya, ang lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain. 19 Pinili ko si Abraham upang turuan niya ang kanyang lahi na sumunod sa aking mga utos, sa pamamagitan ng paggawa ng matuwid at pagpapairal ng katarungan. Kapag nangyari iyon, tutuparin ko ang aking pangako sa kanya.”

20 Kaya't sinabi ni Yahweh, “Katakut-takot na ang sumbong sa akin laban sa Sodoma at Gomorra, at napakalaki ng kanilang kasalanan. 21 Kaya't bababâ ako roon at aalamin ko kung totoo o hindi ang paratang laban sa kanila.”

22 Umalis nga ang mga lalaki at nagpunta sa Sodoma, ngunit naroon pa rin si Yahweh sa tabi ni Abraham. 23 Itinanong ni Abraham, “Lilipulin po ba ninyo ang lahat ng tao, ang mabubuti kasama ng masasama? 24 Sakali pong may limampung mabubuting tao sa lunsod, wawasakin pa rin ba ninyo iyon? Hindi po ba ninyo patatawarin ang lunsod alang-alang sa limampung iyon? 25 Naniniwala po akong hindi ninyo idaramay ang mabubuti. Hindi ninyo gagawin iyon sapagkat kung ganito ang mangyayari, parehong magdurusa ang masama at ang mabuti. Hindi ninyo magagawa iyon! Makatarungan ang Hukom ng buong daigdig!”

26 At sumagot si Yahweh, “Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa limampung mabubuting tao.”

27 “Ipagpaumanhin po ninyo ang aking kapangahasan,” wika ni Abraham, “wala po akong karapatang magsalita sa inyo, sapagkat ako'y isang hamak na tao lamang. 28 Kung wala pong limampu, at apatnapu't lima lamang ang mabubuti, wawasakin pa rin ba ninyo ang lunsod?”

“Hindi, hindi ko wawasakin alang-alang sa apatnapu't limang iyon,” tugon ni Yahweh.

29 Nagtanong muli si Abraham, “Kung apatnapu lamang?”

“Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa apatnapung iyon,” tugon sa kanya.

30 “Huwag sana kayong magagalit, magtatanong pa ako. Kung tatlumpu lamang ang mabuting tao roon, wawasakin ba ninyo?”

Sinagot siya, “Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa tatlumpung iyon.”

31 Sinabi pa ni Abraham, “Mangangahas po uli ako. Kung dalawampu na lamang ang mabubuting tao roon?”

“Hindi ko pa rin wawasakin ang lunsod alang-alang sa dalawampung iyon,” muling sagot sa kanya.

32 Sa huling pagkakataon ay nagtanong si Abraham, “Ito na po lamang ang itatanong ko: Paano po kung sampu lamang ang mabubuting tao roon?”

“Hindi ko pa rin wawasakin ang lunsod alang-alang sa sampung iyon,” sagot ni Yahweh. 33 Pagkasabi nito, umalis na si Yahweh at umuwi naman si Abraham.

Mateo 17

Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(A)

17 Pagkaraan(B) ng anim na araw, isinama ni Jesus si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila'y umakyat sa isang mataas na bundok. Habang sila'y naroroon, nakita nilang nagbago ang anyo ni Jesus, nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha at nagningning sa kaputian ang kanyang damit. At nakita ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti't naririto kami. Kung gusto ninyo, magtatayo ako ng tatlong tolda, isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Habang(C) nagsasalita pa si Pedro, nililiman sila ng napakaliwanag na ulap. Mula rito'y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” Nang marinig ng mga alagad ang tinig, labis silang natakot at nagpatirapa. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinawakan. “Tumayo kayo, huwag kayong matakot!” sabi niya. Nang tumingin sila, si Jesus na lamang ang kanilang nakita.

Habang sila'y bumababa sa bundok, iniutos sa kanila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang tungkol sa pangitain hangga't hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.” 10 Tinanong(D) siya ng mga alagad, “Bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?” 11 Sumagot(E) siya, “Darating nga si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. 12 At(F) sinasabi ko sa inyo, dumating na si Elias ngunit hindi siya kinilala ng mga tao, at ginawa nila kay Elias ang gusto nila. Kaya't tulad ng ginawa sa kanya, pahihirapan din nila ang Anak ng Tao.” 13 Naunawaan ng mga alagad na si Juan na Tagapagbautismo ang tinutukoy niya.

Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Demonyo(G)

14 Pagbalik nila sa maraming tao, lumapit kay Jesus ang isang lalaki at lumuhod ito sa harap niya, at nagsabi, 15 “Ginoo, maawa po kayo sa anak ko! Siya po'y may epilepsya at lubhang nahihirapan. Madalas po siyang mabuwal sa apoy o kaya'y mahulog sa tubig. 16 Dinala ko po siya sa inyong mga alagad ngunit siya'y hindi nila mapagaling.”

17 Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!” 18 Inutusan ni Jesus ang demonyo na lumabas sa bata, at ang bata'y gumaling agad.

19 Pagkatapos, nang sila-sila na lamang, lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, “Bakit hindi po namin mapalayas ang demonyo?” 20 Sumagot(H) siya, “Dahil sa maliit ang inyong pananampalataya. Tandaan ninyo: kung kayo'y may pananampalataya sa Diyos na sinlaki ng buto ng mustasa, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon!’ at ito'y lilipat nga. Tunay na walang bagay na hindi ninyo magagawa.” [21 Ngunit ang ganitong uri ng demonyo ay hindi mapapalayas kundi sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno.][a]

Muling Binanggit ni Jesus ang Kanyang Kamatayan at Muling Pagkabuhay(I)

22 Nang magkatipon sa Galilea ang mga alagad, sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo 23 at papatayin, ngunit siya'y muling bubuhayin sa ikatlong araw.” At sila'y lubhang nalungkot.

Pagbabayad ng Buwis para sa Templo

24 Pagdating(J) nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis para sa templo. “Nagbabayad ba ng buwis para sa templo ang inyong guro?” tanong nila.

25 “Opo,” sagot ni Pedro. Nang pumasok siya sa bahay, tinanong siya ni Jesus, “Ano sa palagay mo, Simon? Sino ba ang nagbabayad ng buwis sa mga hari dito sa mundo, ang mga mamamayan[b] ba, o ang mga dayuhan?” 26 “Ang mga dayuhan po,” tugon ni Pedro. Sinabi ni Jesus, “Kung gayon, hindi dapat magbayad ang mga mamamayan. 27 Gayunman, para wala silang masabi sa atin, pumunta ka sa lawa at mamingwit ka. Kunin mo ang unang isdang mahuli mo, ibuka mo ang bibig niyon, at may makikita kang isang salaping pilak.[c] Kunin mo iyon at ibayad mo para sa buwis nating dalawa.”

Nehemias 7

Naglagay ng mga Pinuno sa Jerusalem

Natapos ang pader ng lunsod at naikabit na ang mga pintuan nito. May itinalaga na ring mga bantay, mga mang-aawit, at mga Levita. Pagkatapos nito, ang Jerusalem ay inilagay ko sa pamamahala ng dalawang kalalakihan, si Hanani na aking kapatid at si Hananias na pinuno ng mga bantay sa kuta. Si Hananias ay mapagkakatiwalaan at malaki ang takot sa Diyos kaysa iba. Iniutos kong ang mga pintuan ng Jerusalem ay bubuksan lamang kapag mataas na ang araw, isasara at ikakandado agad paglubog ng araw bago magpahinga ang mga bantay. Iniutos ko ring maglagay sila ng mga bantay-pintuan na taga-Jerusalem. Itinalaga nila ang ilan sa mga ito sa mga bantayan at ang iba nama'y sa malapit sa kani-kanilang bahay.

Ang Listahan ng mga Bumalik Mula sa Pagkabihag(A)

Bagama't malaki ang lunsod ng Jerusalem, kakaunti pa lamang ang mga tao dito at hindi pa nagagawang lahat ang mga bahay. Pinangunahan ako ng Diyos upang tipunin ang mga tao at ang kanilang mga pinuno at mga hukom para suriin ang listahan ng kanilang mga angkan. Natagpuan ko ang listahan ng mga angkan na unang nagbalik mula sa pagkabihag sa Babilonia. Ito ang mga Judiong nabihag ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia at muling nakabalik sa Jerusalem at sa kani-kanilang bayan sa Juda: Ang mga pinuno nila ay sina Zerubabel, Josue, Nehemias, Azarias, Raamias, Nahamani, Mordecai, Bilsan, Misperet, Bigvai, Nehum at Baana. 8-25 Ito ang listahan ng mga angkan ng Israel at ng bilang ng bawat angkan na bumalik mula sa pagkabihag:

AngkanBilang
Paros2,172
Sefatias372
Arah652
Pahat-moab na mula sa angkan ni Jeshua at Joab2,818
Elam1,254
Zatu845
Zacai760
Binui648
Bebai628
Azgad2,322
Adonikam667
Bigvai2,067
Adin655
Ater na tinatawag ding Hezekias98
Hasum328
Bezai324
Harif112
Gibeon95

26-38 Ito naman ang listahan ng mga bumalik ayon sa bayang pinagmulan ng kanilang mga ninuno:

BayanBilang
Bethlehem at Netofa188
Anatot128
Beth-azmavet42
Jearim, Quefira, at Beerot743
Rama at Geba621
Micmas122
Bethel at Ai123
Nebo52
Elam1,254
Harim320
Jerico345
Lod, Hadid at Ono721
Senaa3,930

39-42 Ito ang listahan ng mga angkan ng mga pari na nagbalik mula sa pagkabihag: angkan ni Jedaias mula sa lipi ni Jeshua, 973; angkan ni Imer, 1,052; angkan ni Pashur, 1,247; angkan ni Harim, 1,017.

43 Ito ang listahan ng mga angkan ng mga Levita na nagbalik mula sa pagkabihag: angkan nina Jeshua at Kadmiel mula sa lipi ni Hodavias, 74.

44 Mga mang-aawit sa Templo: angkan ni Asaf, 148.

45 Mga bantay sa Templo: angkan nina Sallum, Ater, Talmon, Akub, Hatita at Sobai, 138.

46-56 Ito naman ang listahan ng mga angkan ng mga manggagawa sa Templo na nagbalik mula sa pagkabihag:

Ziha, Hasufa, Tabaot,

Keros, Sia, Padon,

Lebana, Hagaba, Salmai,

Hanan, Gidel, Gahar,

Reaias, Rezin, Nekoda,

Gazam, Uza, Pasea,

Besai, Meunim, Nefusesim,

Bakbuk, Hakufa, Harhur,

Bazlit, Mehida, Harsa,

Barkos, Sisera, Tema,

Nezias at Hatifa.

57-59 Ito ang listahan ng angkan ng mga lingkod ni Solomon na bumalik mula sa pagkabihag: mga angkan nina Sotai, Soferet, Perida, Jaala, Darkon, Gidel, Sefatias, Hatil, Poqueret-hazebaim at Ammon.

60 Ang kabuuang bilang ng mga nakabalik na mga manggagawa sa Templo na mga anak ng mga lingkod ni Solomon ay 392.

61-62 Ito naman ang mga nakabalik mula sa Tel-mela, Tel-harsa, Querub, Adon at Imer ngunit hindi nila napatunayang sila'y mga Israelita: mga angkan nina Delaias, Tobias at Nekoda, 642.

63 Ito naman ang mga nakabalik sa mga angkan ng pari, ngunit hindi nila napatunayan ang pinagmulan nilang angkan: angkan nina Hobaias, Hakoz at Barzilai. Ang ninuno ng mga paring mula sa angkan ni Barzilai ay napangasawa ng anak na babae ni Barzilai na taga-Gilead, at siya ay tinawag sa pangalan ng kanyang biyenan. 64 Hinanap nila ang kanilang angkan sa listahan ng mga angkan ngunit hindi nakita, kaya sila'y hindi kinilalang mga pari. 65 Pinagbawalan(B) sila ng gobernador na kumain ng pagkaing inialay sa Diyos, hanggang wala pang paring gumagamit ng Urim at Tumim.

66 Ang kabuuan ng mga bihag na nakabalik ay 42,360. 67 Ang mga aliping lalaki at babae ay 7,337 at ang mga mang-aawit na babae at lalaki ay 245.

68-69 May naibalik ding 736 na kabayo, 245 mola,[a] 435 kamelyo at 6,720 asno.

70-72 Ilan sa mga pinuno ng mga angkan ang nagbigay ng ambag para ipagawang muli ang templo. Ang gobernador ay nagbigay ng walong kilong ginto, limampung mangkok na pilak na ginagamit sa pagsamba at 530 kasuotan ng mga pari. May iba pang mga pinuno ng angkan na nagbigay ng 168 kilong ginto at 1,250 kilong pilak. Ang kabuuang ipinagkaloob ng iba pang mga tao ay 168 kilong ginto, 140 kilong pilak at 67 na kasuotan ng mga pari.

73 Ang(C) mga pari, mga Levita, mga bantay ng Templo, mga mang-aawit, mga lingkod sa Templo at lahat ng Israelita ay tumira sa mga bayan at lunsod ng Juda.

Mga Gawa 17

Sa Tesalonica

17 Dumaan sina Pablo at Silas sa Amfipolis at Apolonia, hanggang sa makarating sa Tesalonica. Sa lungsod na ito'y may sinagoga ang mga Judio, at ayon sa kinaugalian ni Pablo, siya'y pumasok doon. Sa loob ng tatlong magkakasunod na Araw ng Pamamahinga, siya ay nakipagpaliwanagan sa kanila. Mula sa Kasulatan ipinaliwanag niya at pinatunayan na kinailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay. Sinabi niya, “Ang Jesus na ito, na ipinapahayag ko sa inyo, ay ang Cristo!” Naniwala at nahikayat na sumama kina Pablo at Silas ang ilan sa kanila, gayundin ang maraming kababaihang kinikilala sa lungsod, at ang napakaraming debotong Griego.

Ngunit nainggit ang mga Judio, kaya't tinipon nila ang mga palaboy sa lansangan at sila'y gumawa ng gulo sa lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason at pilit na hinanap sina Pablo at Silas upang iharap sa bayan. Nang hindi nila matagpuan ang dalawa, kinaladkad nila si Jason at ilan sa mga kapatid at iniharap sa mga pinuno ng lungsod. Ganito ang kanilang sigaw: “Ang ating lungsod ay napasok ng mga taong nanggugulo kahit saan makarating, at sila'y pinatuloy ni Jason. Nilalabag nilang lahat ang mga batas ng Emperador. Sinasabi nilang may iba pang hari na ang pangala'y Jesus.” Kaya't nagulo ang taong-bayan at ang mga pinuno ng lungsod dahil sa sigawang ito. Si Jason at ang kanyang mga kasama'y pinagmulta ng mga pinuno bago pinalaya.

Sa Berea

10 Nang gabi ring iyon ay pinapunta ng mga kapatid sina Pablo at Silas sa Berea. Pagdating doon, sila'y pumasok sa sinagoga ng mga Judio. 11 Mas bukás ang isipan ng mga Judiong tagaroon kaysa sa mga Judiong taga-Tesalonica. May pananabik silang nakinig sa mga paliwanag ni Pablo, at sinaliksik nila araw-araw ang mga Kasulatan upang tingnan kung totoo nga ang sinasabi niya. 12 Sumampalataya ang maraming Judio roon, gayundin ang mga Griego, pawang mga lalaki at mga babaing kilala sa lipunan.

13 Subalit nang mabalitaan ng mga Judio sa Tesalonica na ipinapangaral din ni Pablo sa Berea ang salita ng Diyos, sila'y nagpunta roon at sinulsulan ang taong-bayan upang gumawa ng gulo. 14 Kaya't si Pablo'y dali-daling pinaalis ng mga kapatid at pinapunta sa tabing-dagat. Ngunit naiwan sina Silas at Timoteo. 15 Ang mga naghatid kay Pablo ay sumama sa kanya hanggang sa Atenas. Pagkatapos, nagbalik sila sa Berea taglay ang bilin ni Pablo kina Silas at Timoteo na sumunod sa kanya sa lalong madaling panahon.

Sa Atenas

16 Habang sina Silas at Timoteo'y hinihintay ni Pablo sa Atenas, napansin niyang puno ng mga diyus-diyosan ang lungsod kaya't nabagabag ang kanyang espiritu. 17 Kaya't nakipagpaliwanagan siya sa loob ng mga sinagoga roon, sa mga Judio at sa mga Hentil na sumasamba sa Diyos, at sa sinumang makatagpo niya sa liwasang-bayan araw-araw. 18 Nakipagtalo rin sa kanya ang ilang mga pilosopong Griego na mga Epicureo at Estoico. “Ano ba ang sinasabi sa atin ng nagmamarunong na iyan?” sabi ng ilan. Sabi naman ng iba, “Nangangaral yata tungkol sa ibang mga diyos.” Sinabi nila iyon dahil nangaral si Pablo tungkol kay Jesus at sa muling pagkabuhay. 19 Siya'y isinama nila at iniharap sa kapulungan ng Areopago at tinanong, “Maaari bang malaman namin kung ano itong bagong aral na itinuturo mo? 20 Bago sa aming pandinig ang sinasabi mo, kaya't nais naming malaman ang kahulugan nito.” 21 Sapagkat walang ginagawa ang mga taga-Atenas at mga dayuhang naninirahan doon kundi ang mag-usap-usap at makinig tungkol sa mga bagong turo.

22 Tumayo si Pablo sa harap ng kapulungan ng Areopago at nagsalita, “Mga taga-Atenas, napapansin kong kayo'y lubos na napaka-relihiyoso sa maraming bagay. 23 Sapagkat(A) sa paglalakad ko sa lungsod at pagmamasid sa inyong mga sinasamba, nakakita ako ng isang dambana na may nakasulat, ‘Sa Diyos na hindi kilala.’ Ang Diyos na inyong sinasamba kahit hindi ninyo nakikilala ang siya kong ipinapahayag sa inyo. 24 Ang(B) Diyos na gumawa ng sanlibutan at lahat ng naririto ay ang Panginoon ng langit at ng lupa, at hindi naninirahan sa mga templong ginawa ng tao. 25 Hindi(C) rin siya nangangailangan ng anumang tulong o paglilingkod ng tao, sapagkat siya mismo ang nagbibigay ng buhay, hininga at lahat ng bagay sa sangkatauhan. 26 Mula(D) sa isang tao'y nilikha niya ang lahat ng lahi sa buong mundo. Itinakda niya sa simula't simula pa ang kani-kanilang panahon at hangganan. 27 Ginawa(E) niya iyon upang hanapin nila ang Diyos; baka sakaling sa kanilang paghahanap, siya ay matagpuan nila. Ang totoo, hindi naman siya talagang malayo sa bawat isa sa atin; 28 sapagkat,

‘Nakasalalay sa kanya ang ating buhay, pagkilos at pagkatao.’

Tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata,

‘Tayo nga'y mga anak niya.’

29 Sapagkat tayo'y mga anak ng Diyos, huwag nating akalain na ang kanyang pagka-Diyos ay mailalarawan ng ginto, pilak, o bato na pawang likha ng isip at gawa ng kamay ng tao. 30 Sa mga nagdaang panahon ay pinalampas ng Diyos ang di pagkakilala sa kanya ng mga tao, ngunit ngayon ay iniuutos niya sa lahat ng tao sa bawat lugar na magsisi't talikuran ang kanilang masamang pamumuhay. 31 Sapagkat itinakda na niya ang araw ng paghuhukom sa sanlibutan, at ito'y buong katarungan niyang gagawin sa pamamagitan ng isang tao na kanyang hinirang. Pinatunayan niya ito sa lahat nang muli niyang binuhay ang taong iyon.”

32 Nang marinig nila ang sinabi ni Pablo tungkol sa muling pagkabuhay, tinuya siya ng ilan. Sinabi naman ng iba, “Nais naming mapakinggan kang muli tungkol dito.” 33 At iniwan ni Pablo ang mga tao. 34 May ilang sumama sa kanya at sumampalataya sa Diyos. Kabilang dito sina Dionisio na kaanib ng kapulungan ng Areopago, isang babaing nagngangalang Damaris, at mga iba pa.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.