Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 8

Wala nang Baha

Hindi nawaglit sa isipan ng Diyos si Noe at ang lahat ng hayop na kasama niya sa malaking barko. Kaya't pinaihip niya ang hangin, at nagsimulang humupa ang tubig. Huminto ang mga bukal at tumigil ang pagbuhos ng ulan. Patuloy na humupa ang tubig, at pagkaraan ng 150 araw ay mababa na ang baha. Sumadsad ang barko sa Bundok ng Ararat noong ikalabimpitong araw ng ikapitong buwan. Patuloy ang paghupa ng tubig at nang unang araw ng ikasampung buwan, lumitaw ang taluktok ng mga bundok.

Pagkalipas ng apatnapung araw, binuksan ni Noe ang bintana ng barko na kanyang ginawa. Pinalipad niya ang isang uwak at ito'y nagpabalik-balik hanggang matuyo ang tubig sa lupa. Pagkatapos nito, pinalipad naman niya ang isang kalapati upang tingnan kung wala nang tubig. Palibhasa'y laganap pa ang tubig, hindi makalapag ang kalapati, kaya't nagbalik ito at muling ipinasok ni Noe sa barko. 10 Pitong araw pang naghintay si Noe, at pagkatapos ay muli niyang pinalipad ang kalapati. 11 Pagbalik nito kinagabihan, ito'y may tangay nang sariwang dahon ng olibo. Kaya't natiyak ni Noe na kati na ang tubig. 12 Nagpalipas ng pitong araw si Noe saka pinalipad muli ang kalapati. Hindi na ito nagbalik.

13 Noon ay 601 taóng gulang na si Noe. Nang unang araw ng unang buwan, inalis ni Noe ang takip ng barko at nakita niyang natutuyo na ang lupa. 14 Nang ikadalawampu't pitong araw ng ikalawang buwan, tuyung-tuyo na ang lupa.

15 Sinabi ng Diyos kay Noe, 16 “Lumabas ka na sa barko kasama ng iyong asawa, mga anak at mga manugang. 17 Palabasin mo na rin ang lahat ng mga hayop na kasama mo—maamo at mailap, gumagapang at lumalakad sa lupa, at pati ang mga ibon. Hayaan mo silang dumami at manirahan sa buong daigdig.” 18 At lumabas na nga si Noe at ang kanyang asawa, mga anak at mga manugang. 19 Gayundin, sunud-sunod na lumabas ang lahat ng hayop, mailap at maamo, lahat ng gumagapang at lumalakad, pati ang mga ibon ayon sa kani-kanilang uri.

Naghandog si Noe

20 Si Noe ay nagtayo ng altar para kay Yahweh. Kumuha siya ng isa sa bawat malinis na hayop at ibon, at sinunog bilang handog. 21 Nang maamoy ni Yahweh ang mabangong samyo nito, sinabi niya sa sarili, “Hindi ko na susumpain ang lupa dahil sa gawa ng tao bagama't alam kong masama ang kanyang isipan mula sa kanyang kabataan. Hindi ko na lilipuling muli ang anumang may buhay kagaya ng ginawa ko ngayon.

22 Hanggang naririto't buo ang daigdig,
    tagtanim, tag-ani, palaging sasapit;
tag-araw, tag-ulan, tag-init, taglamig,
    ang araw at gabi'y hindi mapapatid.”

Mateo 8

Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(A)

Pagbaba ni Jesus mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao. Lumapit sa kanya ang isang taong may ketong,[a] lumuhod sa harapan niya, at sinabi, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.” Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Oo, nais ko. Maging malinis ka.” Gumaling at luminis nga agad ang ketongin. Pagkatapos,(B) sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip, pumunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog na iniuutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw nga'y magaling at malinis na.”

Ang Pagpapagaling sa Katulong ng Kapitang Romano(C)

Pagpasok ni Jesus sa Capernaum, lumapit sa kanya ang isang opisyal ng hukbong Romano at nakiusap, “Ginoo, ang aking katulong ay naparalisado. Siya po'y nakaratay sa bahay at lubhang nahihirapan.” Sinabi ni Jesus, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.” Ngunit sumagot sa kanya ang opisyal, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking katulong. Ako'y(D) nasa ilalim ng mga nakakataas na pinuno at may nasasakupan ding mga kawal. Kapag inutusan ko ang isa, ‘Pumunta ka roon!’ siya'y pumupunta; at ang isa naman, ‘Halika!’ siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa nga niya iyon.” 10 Namangha si Jesus nang marinig ito at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Tandaan ninyo: hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya sa buong Israel. 11 Tandaan(E) ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at sa kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. 12 Ngunit(F) ang mga taong dapat sana'y kasama sa kaharian ay itatapon sa kadiliman; mananangis sila doon at magngangalit ang kanilang mga ngipin.” 13 At sinabi ni Jesus sa opisyal, “Umuwi ka na; mangyayari ang hinihiling mo ayon sa iyong pananampalataya.” Sa oras ding iyon ay gumaling ang katulong ng kapitan.

Maraming Pinagaling si Jesus(G)

14 Pumunta si Jesus sa bahay ni Pedro at nakita niya roon ang biyenan nito na nakaratay at nilalagnat. 15 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Bumangon ang babae at naglingkod kay Jesus.

16 Nang gabing iyon, dinala kay Jesus ang maraming sinasapian ng mga demonyo. Sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng may karamdaman. 17 Sa(H) gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,

“Inalis niya ang ating mga kahinaan,
    pinagaling ang ating mga karamdaman.”

Ang Paglilingkod kay Jesus(I)

18 Nang makita ni Jesus ang mga tao[b] sa kanyang paligid, iniutos niya sa mga alagad na maghandang tumawid sa kabilang ibayo. 19 Lumapit sa kanya ang isang tagapagturo ng Kautusan at sinabi, “Guro, sasama po ako sa inyo saanman kayo pupunta.” 20 Ngunit sumagot si Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad ang mga ibon, ngunit wala man lamang matulugan o mapagpahingahan ang Anak ng Tao.” 21 Isa(J) naman sa mga alagad[c] ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, maaari po bang umuwi muna ako upang ipalibing ko ang aking ama?” 22 Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin at ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay.”

Pinatigil ni Jesus ang Bagyo sa Lawa(K)

23 Sumakay si Jesus sa bangka, kasama ng kanyang mga alagad. 24 Habang sila'y naglalayag sa lawa, si Jesus ay natutulog. Biglang bumugso ang isang malakas na unos at halos matabunan ng mga alon ang bangka. 25 Kaya nilapitan ng mga alagad si Jesus at ginising. “Panginoon, iligtas ninyo kami! Mamamatay kami!” sabi nila. 26 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natatakot? Napakaliit naman ng inyong pananampalataya!” Bumangon siya, pinatigil ang hangin at ang mga alon, at bumuti ang panahon. 27 Namangha silang lahat at sinabi, “Ano kayang uri ng tao ito? Maging ang hangin at ang lawa ay sumusunod sa kanya!”

Mga Gadarenong Pinalaya sa Pang-aalipin ng mga Demonyo(L)

28 Nang dumating si Jesus sa kabilang ibayo, sa lupain ng mga Gadareno,[d] sinalubong siya ng dalawang lalaking sinasapian ng mga demonyo. Sila ay nakatira sa libingan. Napakababangis nila kaya't walang sinuman ang dumaraan doon. 29 Biglang nagsisigaw ang dalawang lalaki, “Ano ang pakialam mo sa amin, Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang pahirapan kami kahit hindi pa panahon?” 30 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain. 31 Nakiusap sa kanya ang mga demonyo, “Kung palalayasin mo kami, papasukin mo kami sa mga baboy na iyon.” 32 Sinabi ni Jesus, “Sige, lumayas kayo.” Lumabas nga sila sa dalawang lalaki at pumasok sa mga baboy. Ang buong kawan ay biglang tumakbo papunta sa bangin, nahulog sa lawa at nalunod.

33 Nagtakbuhan papuntang bayan ang mga tagapag-alaga ng mga baboy. Pagdating doon, ipinamalita nila ang buong pangyayari, pati ang naganap sa mga lalaking sinapian ng mga demonyo. 34 Kaya't lumabas ang buong bayan upang salubungin si Jesus. Pagkakita sa kanya, ipinakiusap nilang lisanin niya ang kanilang lupain.

Ezra 8

Ang mga Bumalik Mula sa Babilonia

Ito ang listahan ng mga pinuno ng mga angkan na dinalang-bihag sa Babilonia at bumalik na kasama ni Ezra noong panahon ng paghahari ni Artaxerxes: Sa angkan ni Finehas ay si Gersom; sa angkan ni Itamar, si Daniel; sa angkan ni David ay si Hatus na anak ni Secanias; sa angkan ni Paros ay si Zacarias at ang mga kasama niyang 150 lalaki; sa angkan ni Pahat-moab ay si Eliehoenai na anak ni Zeraias at ang kasama nilang 200 lalaki; sa angkan ni Zatu[a] ay si Secanias na anak ni Jahaziel at ang kasama nilang 300 lalaki; sa angkan ni Adin ay si Ebed na anak ni Jonatan at ang kasama nilang limampung lalaki; sa angkan ni Elam ay si Isaya na anak ni Atalias at ang kasama nilang pitumpung lalaki; sa angkan ni Sefatias ay si Zebadias na anak ni Micael at ang kasama nilang walumpung lalaki; sa angkan ni Joab ay si Obadias na anak ni Jehiel at ang kasama nilang 218 lalaki; 10 sa angkan ni Bani[b] ay si Selomit na anak ni Josifias at ang kasama nilang 160 lalaki; 11 sa angkan ni Bebai ay si Zacarias na kanyang anak at ang kasama nilang dalawampu't walong lalaki; 12 sa angkan ni Azgad ay si Johanan na anak ni Hacatan at ang kasama nilang 110 lalaki; 13 sa angkan ni Adonikam ay sina Elifelet, Jeuel, at Semarias ang huling dumating, bukod sa kasama nilang animnapung lalaki; 14 sa angkan ni Bigvai ay sina Utai, Zacur at ang kasama nilang pitumpu.

Humanap si Ezra ng mga Levita

15 Sinabi ni Ezra,

“Tinipon ko sila sa ilog na umaagos papuntang Ahava at tatlong araw kaming tumigil doon. Nalaman ko roon na may mga pari sa grupo ngunit walang Levita. 16 Dahil dito, ipinatawag ko ang mga pinunong sina Eliezer, Ariel, Semaias, Elnatan, Jarib, Elnatan, Natan, Zacarias, at Mesulam at ang mga gurong sina Joiarib at Elnatan. 17 Isinugo ko silang lahat kay Ido na pinuno ng Casifia para hilingin sa kanya at sa kanyang mga kapanalig na manggagawa ng templo na magpadala ng mga taong maglilingkod sa Templo ng Diyos. 18 Sa tulong ng Diyos ay ipinadala nila sa amin si Serebias, isang matalinong lalaking Levita na mula sa angkan ni Mali. May mga kasama siyang anak at kapatid na ang kabuuang bilang ay labingwalo. 19 Ipinadala rin nila sina Hashabias at Jesaias na nagmula sa angkan ni Merari, dalawampung kamag-anak naman ang kasama nito. 20 Napadagdag pa sa kanila ang 220 trabahador ng templo na ang mga ninuno ay inatasan ni Haring David at ng kanyang mga opisyal upang tumulong sa mga Levita. Nakalista lahat ang kanilang mga pangalan.

Pinangunahan ni Ezra ang mga Tao sa Pag-aayuno at Pananalangin

21 “Doon sa pampang ng Ilog Ahava, sinabi ko sa buong grupo na kaming lahat ay mag-aayuno at maninikluhod sa harap ng aming Diyos upang hilingin sa kanya na patnubayan kami at ingatan sa paglalakbay, pati na ang aming mga anak at mga ari-arian. 22 Nahihiya akong humiling sa hari ng mga kawal na magbabantay sa amin laban sa mga kaaway habang kami'y naglalakbay sapagkat nasabi ko na sa hari na pinapatnubayan ng aming Diyos ang lahat ng nagtitiwala sa kanya. Napopoot siya at nagpaparusa sa mga nagtatakwil sa kanya. 23 Nag-ayuno nga kami at hiniling sa Diyos na nawa'y ingatan kami, at pinakinggan naman niya ang aming kahilingan.

Ang mga Handog para sa Templo

24 “Mula sa mga pangunahing pari ay pinili ko sina Serebias at Hashabias, at sampung iba pa na pawang mga kamag-anak din nila. 25 Pagkatapos ay tinimbang ko at ibinigay sa mga pari ang mga pilak, ginto, at lalagyang ipinagkaloob ng hari at ng kanyang mga tagapayo at mga pinuno, at ng buong Israel upang gamitin sa Templo. 26-27 Ang mga ibinigay ko sa kanila ay 22,750 kilong pilak; sandaang sisidlang pilak na may bigat na pitumpung kilo; 3,500 kilong ginto; dalawampung mangkok na ginto na ang timbang ay walong kilo at apat na guhit; at dalawang mangkok na yari sa pinong tanso na kasinghalaga ng mga mangkok na ginto.”

28 Sinabi ko sa kanila, “Kayo'y banal sa harap ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno; sagrado rin naman ang lahat ng pilak at gintong kagamitan na iniaalay kay Yahweh bilang mga kusang-loob na handog. 29 Ingatan ninyong mabuti ang mga ito hanggang sa makarating kayo sa Templo, sa silid ng mga pari, kung saan titimbangin ang mga ito sa harap ng mga punong pari, mga Levita at mga pinuno ng mga angkan ng Israel sa Jerusalem.” 30 Pinamahalaan nga ng mga pari at mga Levita ang mga ginto, ang mga pilak, at ang mga lalagyan. Kinuha nila ang mga ito at dinala sa Templo ng aming Diyos sa Jerusalem.

Ang Pagbalik sa Jerusalem

31 Umalis kami sa pampang ng Ilog Ahava at naglakbay patungong Jerusalem noong ika-12 araw ng unang buwan. Pinatnubayan kami ng aming Diyos at iningatan kami sa anumang pananalakay at pananambang ng mga kaaway. 32 Pagdating namin sa Jerusalem, tatlong araw kaming nagpahinga roon. 33 Noong ikaapat na araw, nagtungo na kami sa Templo at pagkatapos timbangin doon ang mga pilak, ang mga ginto, at ang mga lalagyan, ipinagkatiwala namin ang mga ito sa paring si Meremot na anak ni Urias, Eleazar na anak ni Finehas at sa mga Levitang sina Jozabad na anak ni Josue at Noadias na anak ni Binui. 34 Ang lahat ay binilang at tinimbang, at ang timbang ng bawat isa ay inilista.

35 Ang lahat ng bumalik mula sa pagkabihag ay nagdala ng mga handog na susunugin para sa Diyos ng Israel. Nag-alay sila ng labindalawang toro para sa buong Israel, siyamnapu't anim na tupang lalaki at pitumpu't pitong kordero; nag-alay din sila ng labindalawang kambing na lalaki bilang handog para sa kasalanan. Ang lahat ng ito'y sinunog bilang handog kay Yahweh. 36 Ibinigay din nila sa mga gobernador at mga pinuno ng lalawigan sa kanluran ng Ilog Eufrates ang nakasulat na utos ng hari. Sa bisa ng utos na ito ay tumulong ang mga pinuno sa buong bayang Israel at sa pagsamba sa Templo ng Diyos.

Mga Gawa 8

Inusig ni Saulo ang Iglesya

Sinang-ayunan ni Saulo ang pagpatay kay Esteban.

Nang araw na iyon, nagsimula ang matinding pag-uusig laban sa iglesya sa Jerusalem; at maliban sa mga apostol, ang lahat ng sumasampalataya ay nagkawatak-watak at napunta sa iba't ibang lugar sa lupain ng Judea at Samaria. Si Esteban nama'y inilibing ng mga taong may takot sa Diyos at tinangisan nang gayon na lamang.

Samantala,(A) sinikap ni Saulo na wasakin ang iglesya; pinasok niya ang mga bahay-bahay at kanyang kinaladkad at ibinilanggo ang mga sumasampalataya, maging lalaki o babae.

Ipinangaral sa Samaria ang Magandang Balita

Ipinangaral ng mga mananampalatayang nagkawatak-watak sa iba't ibang lugar ang Salita saan man sila magpunta. Nagpunta si Felipe sa lungsod[a] ng Samaria at ipinahayag doon ang Cristo. Nang marinig ng mga tao si Felipe at makita ang mga himalang ginawa niya, nakinig silang mabuti sa kanyang sinasabi. Ang masasamang espiritu ay lumabas sa mga taong sinapian nila at sumisigaw habang lumalabas. Maraming lumpo at pilay ang pinagaling kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon.

Doo'y may isang lalaking ang pangalan ay Simon. Noong una, pinapahanga niya ang mga Samaritano sa pamamagitan ng salamangka. Ipinagmamalaki niya na siya'y isang dakilang tao, 10 at pinapakinggan naman siya ng lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas sa lipunan, “Ang lalaking ito ang kapangyarihan ng Diyos na tinatawag na Dakila,” sabi nila. 11 Mahabang panahon ding sila'y pinahanga niya sa pamamagitan ng kanyang salamangka, kaya't siya'y patuloy na pinapakinggan nila. 12 Ngunit nang sumampalataya sila nang ipangaral ni Felipe ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos at tungkol kay Jesu-Cristo, nagpabautismo ang mga lalaki't babae. 13 Pati si Simon ay sumampalataya rin, at nang mabautismuhan ay patuloy siyang sumama kay Felipe. Humanga si Simon nang makita niya ang mga himala.

14 Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga Samaritano ang salita ng Diyos, isinugo nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating doon, ipinanalangin ng dalawang apostol ang mga Samaritano upang sila'y tumanggap din ng Espiritu Santo, 16 sapagkat hindi pa ito bumababa sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabautismuhan pa lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang kamay sa mga Samaritano at tumanggap ang mga ito ng Espiritu Santo.

18 Nakita ni Simon na ang Espiritu'y ipinagkakaloob sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay ng mga apostol, kaya't inalok niya ng salapi sina Pedro at Juan. 19 “Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito upang ang sinumang patungan ko ng kamay ay tumanggap ng Espiritu Santo,” sabi niya.

20 Sinagot siya ni Pedro, “Nawa'y mapapahamak ka kasama ng iyong salapi, sapagkat inakala mong mabibili ng salapi ang kaloob ng Diyos! 21 Wala kang bahagi ni karapatan sa bagay na ito, sapagkat hindi tama ang iyong puso sa paningin ng Diyos. 22 Pagsisihan mo ang kasamaan mong ito at manalangin ka sa Panginoon, na nawa'y patawarin ka niya sa iyong hangarin, 23 dahil nakikita kong puno ka ng inggit at bilanggo ng kasalanan.”

24 Sumagot si Simon, “Idalangin ninyo ako sa Panginoon, para hindi ko sapitin ang alinman sa mga sinabi ninyo!”

25 Pagkatapos magpatotoo at mangaral ng salita ng Panginoon, bumalik sa Jerusalem sina Pedro at Juan. Ipinangaral nila ang Magandang Balita tungkol kay Cristo sa maraming nayon ng Samaria na kanilang dinaanan.

Si Felipe at ang Pinunong Taga-Etiopia

26 Pagkatapos, sinabi ng isang anghel ng Panginoon kay Felipe, “Pumunta ka sa gawing timog sa daang mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” Halos hindi na iyon dinadaanan ngayon. 27 Pumunta nga doon si Felipe. Samantala, isang eunuko na pinunong taga-Etiopia, na ingat-yaman ng Candace, reyna ng Etiopia, ang nagtungo sa Jerusalem upang sumamba 28 at pauwi na noon, nakasakay sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. 29 “Sabayan mo ang sasakyang iyon,” utos ng Espiritu kay Felipe. 30 Kaya patakbong lumapit si Felipe at narinig niyang binabasa ng pinuno ang aklat ni Propeta Isaias. Tinanong ni Felipe ang pinuno, “Nauunawaan ba ninyo ang inyong binabasa?”

31 Sagot naman nito, “Paano ko mauunawaan ito kung walang magpapaliwanag sa akin?” At si Felipe ay inanyayahan niyang sumakay sa karwahe at umupo sa kanyang tabi. 32 Ito(B) ang bahagi ng kasulatang binabasa niya:

“Siya ay tulad ng isang tupang dinadala sa katayan;
    tulad ng isang korderong hindi tumututol kahit na gupitan.
    At hindi umiimik kahit kaunti man.
33 Siya'y hinamak at pinagkaitan ng katarungan.
    Walang sinumang makapagsasalaysay tungkol sa kanyang angkan,
    sapagkat kinitil nila ang kanyang buhay.”

34 Nagtanong kay Felipe ang pinuno, “Sabihin mo nga sa akin, sino ba ang tinutukoy dito ng propeta? Sarili ba niya o iba?”

35 Simula sa kasulatang ito ay isinalaysay sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. 36 Nagpatuloy sila sa paglalakbay, at dumating sa isang lugar na may tubig. Kaya't sinabi ng pinuno, “Tingnan mo, may tubig dito! Mayroon bang hadlang upang ako'y bautismuhan?” [37 Sinabi sa kanya ni Felipe, “Maaari, kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sumagot ang pinuno, “Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Diyos!”][b]

38 Pinatigil ng pinuno ang karwahe, lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. 39 Pagkaahon nila sa tubig, si Felipe ay kinuha ng Espiritu ng Panginoon at hindi na siya nakita pa ng pinuno. Ang pinuno ay tuwang-tuwang nagpatuloy sa paglalakbay. 40 Namalayan na lamang ni Felipe na siya'y nasa Azoto. Mula roon, ipinangaral niya ang Magandang Balita tungkol kay Jesus sa lahat ng bayang dinaraanan niya hanggang sa marating niya ang Cesarea.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.