M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Hagar at si Ismael
16 Hindi magkaanak si Sarai na asawa ni Abram. Ngunit mayroon siyang aliping babae na taga-Egipto na ang pangalan ay Hagar. 2 Sinabi niya, “Abram, dahil pinagkaitan ako ni Yahweh ng anak, ang alipin ko ang sipingan mo. Baka sakaling magkaanak siya para sa akin!” Pumayag si Abram sa sinabi ni Sarai. 3 At ipinaubaya nga ni Sarai sa kanyang asawa si Hagar upang maging asawang-lingkod. Sampung taon na si Abram na naninirahan sa Canaan nang ito'y nangyari. 4 Matapos sipingan ni Abram si Hagar, nagdalang-tao nga ito. Subalit nagmalaki si Hagar at hinamak nito si Sarai.
5 Dahil dito, sinabi ni Sarai kay Abram, “Ikaw ang dahilan ng paghamak ni Hagar sa akin! Alam mong ako ang nagkaloob sa iyo ng alipin kong ito; bakit niya ako hinahamak ngayong siya'y nagdadalang-tao? Si Yahweh na ang humatol kung sino sa atin ang tama!”
6 At sumagot si Abram, “Alipin mo naman siya, kaya gawin mo sa kanya ang gusto mo.” Pinagmalupitan nga ni Sarai si Hagar, kaya ito'y tumakas.
7 Sinalubong siya ng anghel ni Yahweh sa tabi ng isang bukal sa ilang na malapit sa daang patungo sa Shur. 8 “Hagar, alipin ni Sarai, saan ka nanggaling at saan ka pupunta?” tanong ng anghel.
“Tumakas po ako sa aking panginoon,” ang sagot ni Hagar.
9 Sinabi ng anghel, “Magbalik ka at muling magpasakop sa kanya.
10 Mga anak mo ay aking pararamihin,
at sa karamiha'y di kayang bilangin;
11 di na magtatagal, ika'y magsisilang,
Ismael[a] ang sa kanya'y iyong ipangalan,
sapagkat dininig ni Yahweh ang iyong karaingan.
12 Ngunit ang anak mo'y magiging mailap, hayop na asno ang makakatulad;
maraming kalaban, kaaway ng lahat,
di makikisama sa mga kaanak.”
13 Kaya't nasabi ni Hagar sa sarili, “Talaga bang nakita ko rito ang Diyos na nakakakita sa akin at hanggang ngayo'y buháy pa rin ako?” Kaya't tinawag niya si Yahweh nang ganito: “Ikaw ang Diyos na Nakakakita.” 14 Kaya't ang balon sa pagitan ng Kades at Bered ay tinawag nilang, “Balon ng Diyos na Buháy at Nakakakita sa Akin.”
15 Nagsilang(A) nga si Hagar ng isang anak na lalaki kay Abram at ito'y pinangalanan nitong Ismael. 16 Noo'y walumpu't anim na taon na si Abram.
Mga Minanang Katuruan(A)
15 Pagkatapos, lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, at siya'y tinanong nila, 2 “Bakit nilalabag ng mga alagad mo ang mga katuruang minana natin sa ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa tamang paraan!”
3 Sinagot sila ni Jesus, “Bakit naman ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa inyong mga tradisyon? 4 Sinabi(B) ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’ at, ‘Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.’ 5 Ngunit itinuturo ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay naihandog ko na sa Diyos,’ 6 hindi na niya kailangang tulungan ang kanyang ama [at ang kanyang ina].[a] Pinawawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos masunod lamang ninyo ang inyong minanang mga katuruan. 7 Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni propeta Isaias tungkol sa inyo,
8 ‘Ang(C) paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang,
sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.
9 Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba,
sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.’”
Ang Nagpaparumi sa Tao(D)
10 Pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo at unawain ang aking sasabihin. 11 Ang lumalabas sa bibig ng tao, hindi ang pumapasok, ang siyang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos.”
12 Pagkatapos, lumapit naman ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Hindi po ba ninyo alam na nasaktan ang mga Pariseo sa sinabi ninyo?”
13 Sumagot siya, “Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin. 14 Hayaan(E) ninyo sila. Sila'y mga bulag na taga-akay [ng mga bulag;][b] at kapag bulag ang umakay sa kapwa bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.”
15 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Ipaliwanag nga po ninyo sa amin ang talinghagang [ito.]”[c]
16 At sinabi ni Jesus, “Pati ba kayo'y wala ring pang-unawa? 17 Hindi ba ninyo nalalaman na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan at pagkatapos ay idinudumi? 18 Ngunit(F) ang lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso. Iyan ang nagpaparumi sa tao. 19 Sapagkat sa puso nanggagaling ang masasamang kaisipan, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagiging saksi para sa kasinungalingan, at paninirang-puri. 20 Iyan ang nagpaparumi sa tao sa paningin ng Diyos. Hindi nagiging marumi ang isang tao kung siya man ay kumain nang hindi muna naghuhugas ng kamay.”
Ang Pananalig ng Isang Cananea(G)
21 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. 22 Isang Cananea na nakatira doon ang lumapit sa kanya na sumisigaw, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay sinasapian ng demonyo at labis na pinapahirapan nito.”
23 Ngunit hindi sumagot si Jesus. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi kay Jesus, “Paalisin na nga po ninyo siya. Napakaingay niya at sunod nang sunod sa atin.” 24 Sumagot si Jesus, “Sa mga naliligaw na tupa ng sambahayan ng Israel lamang ako isinugo.” 25 Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod ito at nagmakaawa, “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.”
26 Sumagot si Jesus, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso.”
27 “Totoo nga, Panginoon. Ngunit ang mga aso man po ay kumakain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon,” tugon ng babae. 28 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ginang, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon di'y gumaling ang kanyang anak.
Maraming Pinagaling si Jesus
29 Pag-alis doon, naglakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon. 30 Nagdatingan naman ang napakaraming taong may dalang mga pilay, bulag, lumpo, pipi, at marami pang ibang maysakit. Dinala nila ang mga ito sa paanan ni Jesus at sila'y pinagaling niya. 31 Kaya't namangha ang mga tao nang makita nilang nakapagsasalita na ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya't pinuri nila ang Diyos ng Israel.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(H)
32 Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Nahahabag ako sa mga taong ito. Tatlong araw na ngayong kasama natin sila at wala na silang pagkain. Ayokong paalisin sila nang gutom, baka sila mahilo sa daan.”
33 Sinabi naman ng mga alagad, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain para sa ganito karaming tao sa ilang na ito?”
34 “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Jesus sa kanila.
“Pito po, at mayroon pang ilang maliliit na isda,” sagot nila.
35 Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat siya sa Diyos. Pagkatapos, pinaghati-hati niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 37 Nakakain at nabusog ang lahat, at nang ipunin ng mga alagad ang tinapay na lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing. 38 May apat na libong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata.
39 Nang napauwi na ni Jesus ang mga tao, sumakay siya sa bangka at nagtungo sa lupain ng Magadan.[d]
Pang-aapi sa Mahihirap
5 Dumating ang panahon na ang mga mamamayan, lalaki man o babae, ay nagreklamo laban sa kanilang kapwa Judio. 2 Sinabi ng ilan, “Malaki ang aming pamilya at kailangan namin ng trigong makakain upang mabuhay.” 3 Sinabi naman ng iba na nakapagsangla sila ng kanilang mga bukirin, ubasan at mga bahay, huwag lamang silang magutom. 4 May nagsasabi namang, “Nakapangutang kami makapagbuwis lamang sa hari para sa aming mga bukirin at ubasan. 5 Kami'y mga Judio rin at ang mga anak namin ay tulad din ng kanilang mga anak! Ngunit ipinapaalila namin ang aming mga anak. Sa katunayan, ang ilan sa mga anak naming babae ay naipagbili na namin para maging alipin. Wala kaming magawâ sapagkat ang aming mga bukirin at ubasan ay kinamkam na sa amin.”
6 Labis akong nagalit nang marinig ko ang mga reklamong ito. 7 Nagpasya(A) akong harapin ang mga pinuno at mga hukom. Pinaratangan ko sila ng ganito: “Ano't nagawa ninyong magpautang nang may tubo sa inyong mga kababayan?”
Kaya't tinipon ko ang mga tao sa isang pangkalahatang pulong. 8 Sinabi ko, “Sinikap nating mapalaya ang ating kapwa-Judio na naipagbili sa ibang bansa. Ngayon nama'y kayo ang nanggigipit sa kanila upang ipagbili ang kanilang sarili sa inyo na mga kapwa nila Judio!” Hindi makapagsalita ang mga pinuno. 9 “Mali ang inyong ginagawa,” patuloy ko. “Dapat kayong matakot sa Diyos at gumawa nang mabuti upang hindi tayo hamakin ng mga pagano. 10 Ang mga kababayan nating nagigipit ay pinahiram ko na ng salapi at pagkain. Ganoon din ang ginawa ng aking mga kamag-anak at mga tauhan. Huwag na natin silang pagbayarin ng interes ng kanilang pagkakautang. 11 Ngayon di'y ibalik ninyo ang mga bukirin at ubasan sa mga may utang sa inyo, pati ang kanilang mga taniman ng olibo, at tahanan. Ibalik din ninyo ang naging interes ng perang ipinahiram ninyo, gayundin ang mga trigo, alak at langis na ipinahiram ninyo sa kanila.”
12 “Ibabalik namin ang lahat ng iyon sa kanila,” sagot nila. “Hindi na namin sila sisingilin. Tutuparin namin ang hinihingi mo.” Ipinatawag ko ang mga pari at pinanumpa sa harap nila ang mga pinuno upang tuparin ng mga ito ang kanilang pangako. 13 Ipinagpag ko ang aking kasuotan at sinabi ko, “Ganyan nawa ang gawin ng Diyos sa mga ari-arian ng mga taong hindi tumupad sa kanyang pangako. Ipagpag din sana silang tulad nito at maghirap.”
Lahat ng naroo'y sumang-ayon at sinabi, “Mangyari nawa ang sinabi ninyo.” Pinuri nila si Yahweh at tinupad ng mga tao ang kanilang pangako.
Si Nehemias ay Hindi Makasarili
14 Sa loob ng labindalawang taon na naglingkod ako bilang gobernador ng Juda, mula nang ika-20 taon ng paghahari ni Artaxerxes hanggang ika-32 taon, ako, ni ang aking mga kamag-anak ay hindi kumain ng pagkaing nauukol sa gobernador. 15 Ang mga naunang gobernador sa Juda ay naging pabigat sa mga tao na hinihingan nila ng pagkain at ng alak bukod pa sa apatnapung pirasong pilak. Maging ang mga katulong nila'y katulong din sa pagpapahirap. Ngunit hindi ko ginawa iyon, sapagkat ako'y may takot sa Diyos. 16 Ginawa ko ang lahat upang muling maitayo ang pader sa tulong ng aking mga tauhan. Hindi ako naghangad ng anumang ari-arian. 17 Ako'y laging nagpapakain ng 150 panauhing Judio, gayundin ng aming mga pinuno bukod sa mga taong dumarating mula sa mga malalapit na bansa. 18 Araw-araw ay nagpapakatay ako ng isang toro, anim na matatabang tupa, at maraming manok at tuwing ikasampung araw ay naglalabas ako ng maraming alak. Sa kabila ng lahat ng ito, hindi ko pa rin kinuha ang pagkaing nauukol sa gobernador, sapagkat alam kong ang mga tao'y naghihirap. 19 Alalahanin mo ako, O Diyos, sa lahat ng aking ginawa alang-alang sa sambayanang ito.
Ang Pagpupulong sa Jerusalem
15 May(A) dumating doon na ilang taong mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid, “Kapag hindi kayo nagpatuli ayon sa kaugaliang itinuturo ni Moises, hindi kayo maliligtas.”
2 Mahigpit itong tinutulan nina Pablo at Bernabe at naging mainitan ang kanilang pagtatalo. Kaya't napagpasyahang papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ilan pang kapatid na taga-Antioquia, upang ang suliraning ito ay isangguni sa mga apostol at sa matatandang pinuno ng iglesya.
3 Isinugo nga sila ng iglesya at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, ibinalita nila roon na marami nang mga Hentil ang nahikayat sa pananampalataya. Ito nama'y labis na ikinagalak ng mga kapatid. 4 Pagdating nila sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng mga apostol, ng mga matatandang pinuno, at ng buong iglesya. Isinalaysay nila ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. 5 Ngunit tumayo naman ang ilang mananampalatayang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo at kanilang sinabi, “Kailangang tuliin at utusang tumupad sa Kautusan ni Moises ang mga Hentil na sumasampalataya.”
6 Nagpulong ang mga apostol at ang matatandang namumuno sa iglesya upang pag-aralan ang suliraning ito. 7 Pagkatapos(B) ng mahabang pagtatalo, tumayo si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga nakaraang araw, hinirang ako ng Diyos upang mangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, at sila naman ay sumampalataya. 8 Ang(C) Diyos na nakakasaliksik ng puso ang nagpatotoo na sila'y tinatanggap niya nang ipagkaloob niya sa kanila ang Espiritu Santo tulad ng pagkakaloob niya sa atin. 9 Walang pagkakaiba ang pagtingin ng Diyos sa kanila at sa atin; nilinis din niya ang kanilang puso sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya. 10 Bakit sinusubok ninyo ang Diyos? Bakit ninyo iniaatang sa mga mananampalataya ang isang pasaning hindi nakayang dalhin ng ating mga ninuno at hindi rin natin kayang pasanin? 11 Sumasampalataya tayo na tayo'y maliligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Jesus at gayundin sila.”
12 Tumahimik ang buong kapulungan at nakinig sila habang isinasalaysay nina Bernabe at Pablo ang mga himalang ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan nila.
13 Pagkatapos, si Santiago naman ang nagsalita, “Mga kapatid, makinig kayo sa akin. 14 Katatapos pa lamang isalaysay ni Simon kung paano unang ipinamalas ng Diyos ang kanyang pagkalinga sa mga Hentil upang mula sa kanila ay may mga mapabilang sa kanyang bayan. 15 Ito ay sumasang-ayon sa ipinahayag ng mga propeta, tulad ng nasusulat,
16 ‘Pagkatapos(D) nito ay babalik ako,
at muli kong itatayo ang bumagsak na kaharian ni David.
Muli ko itong ibabangon mula sa kanyang pagkaguho,
17 upang ang Panginoon ay hanapin ng iba pang mga tao,
ng lahat ng mga Hentil na tinawag ko upang maging akin.
18 Ganoon ang sinabi ng Panginoon na nagpahayag ng mga bagay na ito mula pa noong una.’”
19 Nagpatuloy si Santiago, “Kaya't ang pasya ko'y huwag nating pahirapan ang mga Hentil na lumalapit sa Diyos. 20 Sa(E) halip, sulatan natin sila na huwag kumain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag makikiapid, at huwag kakain ng hayop [na binigti][a] at ng dugo. 21 Sapagkat mula pa noong unang panahon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa na sa mga sinagoga tuwing Araw ng Pamamahinga at ang aral niya ay itinuturo sa bawat bayan.”
Ang Sulat sa mga Hentil na Sumasampalataya
22 Kaya't minabuti ng mga apostol, ng matatandang pinuno ng iglesya, at ng buong iglesya na pumili ng ilan sa kanila upang suguin sa Antioquia, kasama nina Pablo at Bernabe. Ang mga napili nila ay si Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas, na mga lalaking iginagalang ng mga kapatid. 23 Ipinadala nila sa kanila ang sulat na ganito ang nilalaman:
“Kaming mga apostol at ang matatandang pinuno ng iglesya, inyong mga kapatid, ay bumabati sa mga kapatid naming Hentil na nasa Antioquia, sa Siria at sa Cilicia. 24 Nabalitaan naming ginugulo kayo ng ilang kasamahan naming galing dito, kahit na hindi namin sila inutusan. At binabagabag nila kayo sa pamamagitan ng kanilang itinuturo, 25 kaya't napagkaisahan naming magpadala sa inyo ng mga sugo. Kasama sila ng ating minamahal na sina Bernabe at Pablo, 26 mga taong hindi nag-atubiling itaya ang kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 27 Isinugo namin sa inyo sina Judas at Silas upang ipaliwanag ang sinasabi sa sulat na ito. 28 Sapagkat minabuti namin at ng Espiritu Santo na huwag na kayong atangan ng iba pang pasanin maliban sa mga bagay na ito na talagang kailangan: 29 huwag kayong kakain ng anumang inihandog sa mga diyus-diyosan, ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag kayong makikiapid. Layuan ninyo ang mga iyan para sa ikabubuti ninyo. Paalam.”
30 At pinalakad nila ang mga sugo. Pagdating sa Antioquia, tinipon ng mga ito ang mga kapatid at ibinigay ang sulat. 31 Pagkabasa sa sulat, nagalak ang lahat dahil sa mensaheng nagpalakas ng kanilang loob. 32 Sina Judas at Silas, na mga propeta rin, ay maraming itinuro sa mga kapatid na nakapagpasigla at nakapagpatibay ng kanilang pananampalataya. 33 Ang dalawa'y tumigil doon nang kaunting panahon. Pagkatapos, sila'y pinabalik na taglay ang pagbati ng mga kapatid para sa mga nagsugo sa kanila. [34 Ngunit minabuti ni Silas ang manatili doon.][b]
35 Subalit nanatili sina Pablo at Bernabe sa Antioquia, at kasama ng marami pang iba ay nagturo at nangaral ng salita ng Panginoon.
Ang Paghihiwalay nina Pablo at Bernabe
36 Makalipas ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa mga bayan kung saan tayo nangaral ng salita ng Panginoon at tingnan natin kung ano ang kalagayan nila.” 37 Nais ni Bernabe na isama si Juan na tinatawag ding Marcos. 38 Ngunit(F) ayaw ni Pablo, sapagkat hindi ito nagpatuloy na sumama sa kanilang gawain, sa halip, ito'y humiwalay sa kanila sa Pamfilia. 39 Nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo kaya't naghiwalay sila. Isinama ni Bernabe si Marcos at naglayag sila papuntang Cyprus. 40 Isinama naman ni Pablo si Silas at sila'y umalis, matapos silang ipagkatiwala ng mga kapatid sa pag-iingat ng Panginoon. 41 Naglakbay sila sa Siria at Cilicia at pinatatag ang mga iglesya roon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.