Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Levitico 2-3

Handog na Pagkaing Butil

“Kung may maghahandog ng pagkaing butil kay Yahweh, ang ihahandog niya'y ang mabuting uri ng harina. Bubuhusan niya ito ng langis ng olibo at bubudburan ng insenso bago dalhin sa mga pari. Ang paring namumuno sa paghahandog ay dadakot ng harina, kasama ang langis at lahat ng insenso para sunugin sa altar bilang tanda na ang lahat ng ito'y inihandog kay Yahweh. Ang usok nito'y magiging mabangong samyo kay Yahweh. Ang matitira sa handog na pagkaing butil ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ito ay ganap na sagrado sapagkat ito'y bahagi ng pagkaing handog sa akin.

“Kung luto sa pugon ang handog na pagkaing butil, kailangang ito'y yari sa mabuting uri ng harina at walang pampaalsa. Maaari itong masahin sa langis at lutuin nang makapal o kaya'y lutuin nang maninipis at pahiran ng langis.

“Kung luto naman sa palapad na kawali ang handog na pagkaing butil, kailangang mabuti ring uri ng harina ang gamitin, walang pampaalsa at minasa rin sa langis. Pagpipira-pirasuhin ito at bubuhusan ng langis; ito ay isang handog na pagkaing butil.

“Kung luto naman sa kawali ang handog na pagkaing butil, kailangang ito'y gawa din sa mabuting uri ng harina at langis ng olibo. Ang mga pagkaing butil na handog kay Yahweh ay dadalhin sa pari; dadalhin naman niya ito sa altar. Kukunin ng pari mula sa handog ang bahaging pang-alaala at susunugin sa ibabaw ng altar bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. 10 Ang matitira ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak; ito'y ganap na sagrado sapagkat kinuha sa pagkaing handog kay Yahweh.

11 “Huwag kayong maghahandog kay Yahweh ng anumang handog na pagkaing butil na may pampaalsa, sapagkat hindi kayo dapat magsunog ng pampaalsa o pulot kung ito'y ihahandog sa akin. 12 Kung unang bunga naman ng halaman ang inyong ihahandog, huwag ninyo itong susunugin sa altar. 13 Titimplahan ninyo ng asin ang lahat ng handog na pagkaing butil. Huwag ninyong kakalimutang lagyan ng asin ang inyong handog na pagkaing butil sapagkat ang asin ay tanda ng inyong kasunduan kay Yahweh. Kaya lalagyan ninyo ng asin ang lahat ng handog. 14 Kung ang handog na pagkaing butil ay trigong mula sa unang ani, kailangang gilingin ito o isangag. 15 Bubuhusan ninyo ng langis at bubudburan ng insenso. 16 Kukuha ang pari ng bahaging susunugin kasama ang langis at insenso bilang alaala. Ito ay isang handog na pagkaing butil na susunugin para kay Yahweh.”

Mga Handog na Pangkapayapaan

“Kung ang iaalay na handog pangkapayapaan ay isang baka, maging babae o lalaki man, kailangang ito'y walang kapintasan. Ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at ito'y papatayin sa may pintuan ng Toldang Tipanan. At ibubuhos ng pari ang dugo sa paligid ng altar. Sa handog na ito kukuha ang pari ng parteng susunugin para kay Yahweh. Kukunin niya ang tabang nakabalot sa laman-loob at lahat ng taba nito; gayundin ang dalawang bato, ang taba sa balakang at ang tabang bumabalot sa atay. Ang lahat ng ito'y ilalagay sa altar at susunugin ng mga pari bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh.

“Kung tupa o kambing ang handog pangkapayapaan, maging ito'y lalaki o babae, kailangang ito'y walang kapintasan. Kung tupa ang handog ng isang tao, ito'y dadalhin niya sa harapan ko. Ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at ito'y papatayin sa harap ng Toldang Tipanan. Ibubuhos ng mga pari ang dugo nito sa paligid ng altar. Kukunin niya ang lahat ng taba, pati ang nasa buntot hanggang sa gulugod at ang bumabalot sa mga laman-loob. 10 Kukunin din niya ang dalawang bato, pati ang taba nito sa balakang at ang tabang bumabalot sa atay. 11 Ang lahat ng ito'y ibibigay niya sa pari upang sunugin sa altar bilang pagkaing handog kay Yahweh.

12 “Kung kambing naman ang handog ng isang tao, ihaharap niya ito kay Yahweh. 13 Ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at ito'y papatayin sa harap ng Toldang Tipanan. Ibubuhos ng mga pari ang dugo nito sa paligid ng altar. 14 Kukunin niya ang lahat ng tabang bumabalot sa laman-loob, 15 ang dalawang bato at ang tabang bumabalot dito, ang taba sa ibabaw ng balakang at sa atay. 16 Lahat ng ito'y ibibigay niya sa pari at susunugin sa altar bilang pagkaing handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. Lahat ng taba ay kay Yahweh. 17 Ito ang tuntuning susundin ninyo habang panahon saanman kayo naroroon: ‘Huwag kayong kakain ng taba o dugo.’”

Juan 21

Ang Ikatlong Pagpapakita ni Jesus

21 Pagkatapos nito, muling nagpakita si Jesus sa mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Ganito ang nangyari: magkakasama sina Simon Pedro, Tomas na tinatawag na Kambal, Nathanael na taga-Cana sa Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pang alagad. Sinabi(A) sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.”

“Sasama kami,” sabi nila.

Umalis nga sila at sumakay sa isang bangka. Magdamag silang nangisda, subalit wala silang nahuli. Nang mag-uumaga na, tumayo si Jesus sa pampang ngunit siya'y hindi nila nakilala. Sinabi niya, “Mga anak, mayroon ba kayong huli?”

“Wala po,” sagot nila.

“Ihulog(B) ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makakahuli kayo,” sabi ni Jesus.

Inihulog nga nila ang lambat at nang hilahin nila ito ay hindi nila makaya sa dami ng huli. Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, “Ang Panginoon iyon!”

Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon iyon, nagsuot siya ng damit dahil nakahubad siya noon at saka lumusong sa tubig. Dumating sa pampang ang kasama niyang mga alagad, sakay ng bangka at hila-hila ang lambat na puno ng isda. Hindi sila gaanong malayo sa pampang, mga siyamnapung metro lamang. Pagkaahon nila sa pampang, nakakita sila roon ng isdang iniihaw sa nagbabagang uling, at ilang tinapay. 10 “Magdala kayo rito ng ilang isdang nahuli ninyo,” sabi ni Jesus. 11 Kaya't sumampa sa bangka si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda; isandaan at limampu't tatlo lahat ang nahuli nila. Hindi nasira ang lambat, kahit ganoon karami ang mga isda. 12 “Halikayo at mag-agahan kayo,” sabi ni Jesus. Isa man sa mga alagad ay hindi nangahas magtanong sa kanya kung sino siya sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. 13 Lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang kanyang ginawa sa isda.

14 Ito ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad pagkatapos na siya'y muling mabuhay.

Pakainin Mo ang Aking mga Tupa

15 Pagkakain nila, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito?”

“Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo,” tugon niya.

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon pakainin mo ang aking mga batang tupa.” 16 Muli siyang tinanong ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?”

Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo.” Sabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.”

17 Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?”

Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong beses siyang tinanong ng, “Mahal mo ba ako?”

At sumagot siya, “Panginoon, alam po ninyo ang lahat ng bagay; alam ninyong mahal ko kayo.”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa. 18 Pakatandaan mo: noong bata ka pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at pumupunta ka kung saan mo gusto. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo gusto.” 19 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano mamamatay si Pedro at kung paano niya luluwalhatiin ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin!”

Ang Alagad na Minamahal ni Jesus

20 Lumingon(C) si Pedro at nakita niyang sumusunod ang alagad na minamahal ni Jesus, ang siyang humilig sa dibdib ni Jesus nang sila'y naghahapunan at nagtanong, “Panginoon, sino po ang magkakanulo sa inyo?” 21 Nang makita siya ni Pedro ay tinanong nito si Jesus, “Panginoon, paano po naman ang taong ito?”

22 Sumagot si Jesus, “Kung nais kong mabuhay siya hanggang sa pagbabalik ko, ano sa iyo? Sumunod ka sa akin!” 23 Kumalat sa mga kapatid sa pananampalataya ang balitang hindi mamamatay ang alagad na ito. Ngunit hindi naman sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay, kundi, “Kung nais kong mabuhay siya hanggang sa pagbabalik ko, [ano sa iyo]?[a]

24 Siya ang alagad na nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na ito; siya rin ang sumulat ng mga ito at alam naming totoo ang kanyang pahayag.

Pagwawakas

25 At marami pang ginawa si Jesus na kung isusulat lahat, sa palagay ko'y hindi magkakasya kahit sa buong daigdig ang mga aklat na maisusulat.

Mga Kawikaan 18

18 Ang taong makasarili ay humihiwalay sa karamihan,
    at salungat sa lahat ng tamang isipan.
Walang saysay sa mangmang ang lahat ng bagay,
    ang nais lang niya'y ipakitang siya'y may alam.
Pagsipot ng kasamaan, kasunod ay kahihiyan;
    kapag nawala ang karangalan, kapalit ay kadustaan.
Ang wika ng tao ay bukal ng karunungan,
    parang dagat na malalim at malamig na batisan.
Ang pagkiling sa may sala ay isang kamalian;
    gayundin naman kung ipagkakait ang katarungan.
Ang labi ng mangmang, bunga ay alitan,
    at ang kanyang bibig, hatid ay kaguluhan.
Kanyang bibig, maghahatid sa sariling kasiraan;
    kanyang labi nama'y isang bitag na kahuhulugan.
Ang tsismis ay masarap pakinggan,
    gustung-gusto ng lahat na pag-uusapan.
Ang taong batugan ay sinsama ng taong mapanira.
10 Ang pangalan ni Yahweh ay matibay na tanggulan,
    kanlungan ng matuwid mula sa kapahamakan.
11 Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlungan,
    akala niya'y maililigtas siya nito sa oras ng kapahamakan.
12 Ang pagmamataas ay nagbubunga ng kapahamakan,
    ngunit ang pagpapakumbaba, ay karangalan.
13 Nakakahiya(A) at isang mangmang ang isang taong sumasagot sa tanong
    na hindi naman niya nalalaman.
14 Ang matatag na kalooban ay mabuti sa tao,
    ngunit kung mahina ang loob, anong mangyayari rito?
15 Ang matalino ay nagdaragdag ng kaalaman,
    ang may unawa'y namumulot pa ng karunungan.
16 Kung nais mapalapit sa maykapangyarihan,
    magdala ng regalo, sa kanya ay ibigay.
17 Ang unang pahayag ay inaakalang tama,
    hangga't hindi naririnig, tanong ng kabila.
18 Ang sigalot ay maaaring malutas sa palabunutan,
    at mapagkasundo ang mahigpit na magkaaway.
19 Ang kaibigang nasaktan ay higit pa sa lunsod na napapaderan,
    ang di pagkakaunawaan ay mas matibay pa kaysa isang tarangkahan.
20 Anumang sabihin ng tao ay kanyang pananagutan,
    ayon sa kanyang salita siya'y gagantimpalaan.
21 Ang buhay at kamatayan ay sa dila nakasalalay,
    makikinabang ng bunga nito ang dito ay nagmamahal.
22 Ang(B) mabuting maybahay ay isang kayamanan;
    siya'y pagpapala na si Yahweh lang ang may bigay.
23 Ang mahirap ay lumalapit sa diwa ng pakiusap,
    ngunit ang sagot ng mayama'y salitang mararahas.
24 May pagkakaibigang madaling lumamig,
    ngunit may kaibigang higit pa sa kapatid.

Colosas 1

Mula kay Pablo, apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, at mula rin sa kapatid nating si Timoteo:

Para sa mga taga-Colosas na hinirang ng Diyos at mga tapat na kapatid kay Cristo.

Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama.

Panalangin ng Pasasalamat

Tuwing ipinapanalangin namin kayo, lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos na Ama[a] ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sapagkat nabalitaan namin ang inyong pananalig kay Cristo Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng hinirang ng Diyos, dahil sa pag-asang makakamtan ninyo na inihanda para sa inyo sa langit. Nalaman ninyo ang tungkol sa pag-asang ito nang ipangaral sa inyo ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita na dumating sa inyo. Ito'y lumalaganap at nagdadala ng pagpapala sa buong daigdig, tulad ng nangyari sa inyo mula nang marinig at maunawaan ninyo ang katotohanan tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. Natutunan ninyo ito kay Epafras(A), ang aming kamanggagawa, isang tapat na lingkod ni Cristo at kinatawan ninyo.[b] Sa kanya namin nalaman ang inyong pag-ibig na naaayon sa Espiritu.

Kaya't mula nang marinig namin ito, patuloy naming idinadalangin sa Diyos na sana'y ipaunawa niya sa inyo nang lubusan ang kanyang kalooban, sa pamamagitan ng karunungan at pang-unawang kaloob ng Espiritu. 10 Sa gayon, makakapamuhay na kayo nang karapat-dapat at kalugud-lugod sa Panginoon, sasagana sa lahat ng uri ng mabubuting gawa, at lalawak ang inyong pagkakilala sa Diyos. 11 Idinadalangin din naming patatagin niya kayo sa tulong ng kanyang dakilang kapangyarihan, upang inyong matiis na masaya at may pagtitiyaga ang lahat ng bagay. 12 Lagi kayong magpasalamat sa Ama sapagkat minarapat niyang makabahagi kayo[c] sa mga pangako ng Diyos para sa mga hinirang na nasa liwanag. 13 Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak. 14 Sa(B) pamamagitan niya ay napalaya tayo, samakatuwid ay pinatawad ang ating mga kasalanan [sa pamamagitan ng kanyang dugo].[d]

Ang Likas at Gawain ni Cristo

15 Si(C) Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga espirituwal na kapangyarihan, paghahari, pamamahala, at pamumuno. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. 17 Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya. 18 Siya(D) ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pasimula, siya ang panganay na binuhay mula sa kamatayan, upang siya'y maging pangunahin sa lahat. 19 Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak, 20 at(E) sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa ay ipagkasundo sa kanya. Nakamtan ang kapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak na inialay sa krus.[e]

21 Dati, kayo'y malayo sa Diyos at naging kaaway niya dahil sa inyong paggawa at pag-iisip ng masasama. 22 Ngunit naging tao ang Anak ng Diyos at sa pamamagitan ng kanyang pagkamatay ay ipinagkasundo kayo sa Diyos. Nang sa gayon ay maiharap niya kayong banal, walang kapintasan at walang dungis. 23 Subalit kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya at huwag pabayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na inyong narinig. Niloob ng Diyos na akong si Pablo ay maging lingkod para sa Magandang Balitang ito na ipinangaral sa lahat ng tao sa buong daigdig.

Si Pablo'y Naglingkod sa Iglesya

24 Nagagalak ako sa aking paghihirap alang-alang sa inyo, sapagkat sa pamamagitan nito'y naipagpapatuloy ko ang paghihirap na kailangan pang gawin ni Cristo para sa iglesya na kanyang katawan. 25 Ako'y naging lingkod nito nang piliin ako ng Diyos upang ipahayag sa inyo ang kanyang salita, 26 ang hiwaga na sa mahabang panahon ay inilihim sa maraming sali't saling lahi, ngunit ngayo'y inihayag na sa kanyang mga hinirang. 27 Niloob ng Diyos na ihayag sa kanila kung gaano kadakila ang kamangha-manghang hiwagang ito para sa mga Hentil na walang iba kundi si Cristo na nasa inyo. Siya ang ating pag-asa na tayo'y makakabahagi sa kaluwalhatian ng Diyos. 28 Iyan ang dahilan kung bakit ipinapangaral namin si Cristo. Ang lahat ay aming binabalaan at tinuturuan nang may buong kaalaman upang maiharap namin sa Diyos ang bawat isa nang ganap at walang kapintasan dahil sa kanilang pakikipag-isa kay Cristo. 29 Ito ang aking pinagsisikapang matupad sa pamamagitan ng kalakasang kaloob sa akin ni Cristo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.