M’Cheyne Bible Reading Plan
Hinirang sa Pagkapari sina Aaron(A)
29 “Ganito ang gagawin mo sa paglalagay kay Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki sa tungkulin bilang mga pari: Kumuha ka ng isang batang toro at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan. 2 Kumuha ka rin ng tinapay na walang pampaalsa, bibingkang walang pampaalsa at minasa sa langis, at manipis na tinapay na wala ring pampaalsa at pinahiran ng langis. Lahat ng ito'y kailangang yari sa pinakamainam na harinang trigo. 3 Ilagay mo ito sa isang basket at ihandog sa akin, kasama ng batang toro at ng dalawang lalaking tupa.
4 “Isama mo si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki sa pintuan ng Toldang Tipanan at maligo sila roon. 5 Isuot mo sa kanya ang mahabang panloob na kasuotan, ang damit bago ang efod, ang efod at ang pektoral, saka itali ang pamigkis ng efod. 6 Isuot mo kay Aaron ang turbante at ikabit rito ang koronang kinasusulatan ng katagang “Inilaan kay Yahweh”. 7 Bilang pagtatalaga, kunin mo ang langis na pantalaga at buhusan mo ang kanyang ulo.
8 “Pagkatapos ni Aaron, ang kanyang mga anak naman ang iyong itatalaga. Isuot mo sa kanila ang mahabang panloob na kasuotan, 9 itali ang mga pamigkis sa kanilang baywang, at ilagay ang turbante sa kanilang mga ulo. Sa gayon, magiging pari sila sa bisa ng aking utos. Ganyan ang gagawin mo sa pagtatalaga kay Aaron at sa kanyang mga anak.
10 “Dalhin mo sa harap ng Toldang Tipanan ang batang toro. Ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng torong ito. 11 Papatayin mo ang batang toro sa harapan ni Yahweh, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 12 Kumuha ka ng kaunting dugo nito at sa pamamagitan ng iyong daliri, pahiran mo ng dugo ang mga sungay ng altar. Ang matitirang dugo ay ibuhos mo sa paanan ng altar. 13 Pagkatapos, kunin mo ang taba ng mga laman-loob, ang taba ng atay at ang dalawang bato kasama ng taba nito, at sunugin mo sa altar bilang handog. 14 Ang balat, ang karne at ang dumi ay susunugin sa labas ng kampo sapagkat ito'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan.
15 “Kunin mo ang isa sa dalawang lalaking tupa at ipatong sa ulo nito ang kamay ni Aaron at ng kanyang mga anak. 16 Patayin mo ang tupa, kumuha ka ng kaunting dugo at iwisik mo sa mga gilid ng altar. 17 Pagkatapos, katayin mo ang tupa, hugasan ang mga laman-loob nito pati ang mga paa, at ipatong mo ito sa altar kasama ang ibang bahagi nito at ang ulo. 18 Sunugin(B) mo ang mga ito sa altar upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para kay Yahweh.
19 “Kunin mo ang isa pang tupa at ipapatong din sa ulo nito ang kamay ni Aaron at ng kanyang mga anak. 20 Patayin mo ang tupa at sahurin ang dugo. Pahiran mo nito ang lambi ng kanang tainga ni Aaron at ng kanyang mga anak at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa. Ang dugong matitira ay iwisik mo sa lahat ng gilid ng altar. 21 Kumuha ka ng kaunting dugo sa altar at kaunting langis na pantalaga. Iwisik mo ito kay Aaron at sa kanyang mga anak, pati sa kanilang kasuotan. Sa ganitong paraan, siya at ang kanyang mga anak pati ang kanilang kasuotan ay nakalaan para kay Yahweh.
22 “Kunin mo ang taba ng tupa: ang taba sa buntot, ang tabang nakabalot sa laman-loob, ang taba ng atay, ang dalawang bato kasama ang taba at ang kanang hita. 23 Kumuha ka ng isang tinapay, isang tinapay na hinaluan ng langis, at isang manipis na tinapay. Ang mga tinapay na ito ay walang pampaalsa at nakalagay sa basket na nasa altar ni Yahweh. 24 Lahat ng ito'y pahawakan mo kay Aaron at sa kanyang mga anak upang ialay nila bilang natatanging handog kay Yahweh. 25 Pagkatapos, kunin mo ito sa kanila at sunugin sa altar, sa ibabaw ng handog na sinusunog, upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin.
26 “Kunin mo ang parteng dibdib ng tupang ito, at ialay mo bilang natatanging handog kay Yahweh; ito naman ang bahaging nakalaan para sa iyo.
27 “Iaalay mo bilang natatanging handog ang dibdib at ang hitang para kay Aaron at sa kanyang mga anak. 28 Ito ay magiging tuntuning magpakailanman para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ang mga bahaging nabanggit na para sa kanila ay mula sa handog pangkapayapaan ng mga Israelita.
29 “Pagkamatay ni Aaron, ang sagrado niyang kasuotan ay ibibigay sa kanyang mga anak. Ang kasuotang ito ang gagamitin nila sa panahon na sila ay italaga at buhusan ng langis. 30 Pitong araw na isusuot ito ng sinumang hahalili kay Aaron pagpasok nito upang maglingkod sa Toldang Tipanan.
31 “Kunin mo ang tupang ginamit sa pagtatalaga at ilaga mo ito sa isang sagradong lugar. 32 Ipakain mo ito kay Aaron at sa kanyang mga anak, kasama ng tinapay na nasa basket, doon sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 33 Kakainin nila ang inihandog para sa kapatawaran ng kasalanan nang sila'y italaga. Mga pari lamang ang kakain nito sapagkat ito'y sagrado. 34 Kung hindi maubos ang tupa o ang tinapay, sunugin ito kinaumagahan at huwag kakainin sapagkat ito'y sagrado.
35 “Sundin mong lahat ang iniutos ko sa iyo tungkol sa pagtatalaga kay Aaron at sa kanyang mga anak; pitong araw mo itong gagawin. 36 Araw-araw, maghahandog ka ng isang bakang lalaki para sa pagpapatawad ng kasalanan. Gagawin mo ito upang maalis ang kasalanan sa altar. Pagkatapos, buhusan mo ito ng langis upang maging sagrado. 37 Pitong araw kang maghahandog ukol sa kasalanan at pagtatalaga. Pagkatapos, ito'y ituturing na ganap na sagrado at anumang malagay rito ay magiging sagrado.
Ang Paghahandog Araw-araw(C)
38 “Ganito ang gagawin mong paghahandog sa altar araw-araw: kumuha ka ng dalawang tupang isang taon ang gulang at iyong ihandog, 39 isa sa umaga, isa sa hapon. 40 Ang ihahandog sa umaga ay samahan mo ng kalahating salop na pinakamainam na harinang minasa sa isang litrong langis. Maglagay ka rin ng isang litrong alak bilang handog na inumin. 41 Ang ihahandog naman sa hapon ay samahan mo rin ng handog na pagkaing butil at inumin upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para kay Yahweh. 42 Ang paghahandog na ito'y gagawin ninyo habang panahon. Gaganapin ninyo ito sa harapan ko, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Doon ko kayo tatagpuin. Doon ako makikipag-usap sa inyo. 43 Doon ko nga tatagpuin ang mga Israelita at ang pook na iyon ay pababanalin ng aking kaluwalhatian. 44 Gagawin kong sagrado ang Toldang Tipanan, ganoon din ang altar, at ibubukod ko si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki upang maglingkod sa akin bilang mga pari. 45 Ako'y makakasama nila at ako ang magiging Diyos nila. 46 Makikilala nilang ako si Yahweh, ang Diyos na nagligtas sa kanila sa Egipto. Maninirahan akong kasama nila; ako si Yahweh, ang kanilang Diyos.
8 Si Jesus naman ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. 2 Kinabukasan, maaga pa'y nagbalik na siya sa Templo. Lumapit sa kanya ang lahat ng mga tao. Umupo siya at nagsimulang magturo. 3 Dumating noon ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Iniharap nila ito sa karamihan, 4 at sinabi kay Jesus, “Guro, ang babaing ito'y nahuli sa aktong pangangalunya. 5 Ayon(A) sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga katulad niya. Ano naman ang masasabi ninyo?” 6 Itinanong nila ito upang subukin siya, at nang may maiparatang sila laban sa kanya.
Ngunit yumuko lamang si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri.
7 Patuloy(B) sila sa pagtatanong kaya't tumayo si Jesus at nagsalita, “Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.” 8 At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa.
9 Nang marinig nila iyon, sila'y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Iniwan nila ang babaing nakatayo sa harap ni Jesus. 10 Tumayo si Jesus at tinanong ang babae, “Nasaan sila? Wala na bang humahatol sa iyo?”
11 “Wala po, Ginoo,” sagot ng babae.
Sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita hahatulan. Umuwi ka na, at mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.”][a]
Patotoo tungkol kay Jesus
12 Muling(C) nagsalita si Jesus sa mga tao. Sinabi niya, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay magkakaroon ng ilaw sa kanyang buhay at di na lalakad sa kadiliman.”
13 Sinabi(D) sa kanya ng mga Pariseo, “Ikaw lang ang nagpapatotoo tungkol sa iyong sarili; walang katotohanan ang ganyang patotoo.”
14 Sumagot si Jesus, “Kung nagpapatotoo man ako tungkol sa aking sarili, totoo ang aking sinasabi, sapagkat alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Ngunit hindi ninyo alam ang aking pinanggalingan at ang aking pupuntahan. 15 Humahatol kayo ayon sa mga pamantayan ng tao, ngunit hindi ako humahatol kaninuman. 16 At humatol man ako, tama ang aking paghatol, sapagkat hindi ako nag-iisa sa aking paghatol, kundi kasama ko ang Ama na nagsugo sa akin. 17 Nasusulat(E) sa inyong Kautusan na dapat tanggapin ang patotoo ng dalawang saksi. 18 Nagpatotoo ako tungkol sa aking sarili, at nagpapatotoo rin ang Ama na nagsugo sa akin.”
19 Siya'y tinanong nila, “Nasaan ang iyong ama?”
Sumagot si Jesus, “Hindi ninyo ako kilala, at hindi rin ninyo kilala ang aking Ama. Kung kilala ninyo ako, kilala rin ninyo siya.”
20 Ito'y sinabi ni Jesus nang siya'y nagtuturo sa Templo, sa may lalagyan ng mga alay. Ngunit walang nangahas na humuli sa kanya sapagkat hindi pa dumating ang kanyang takdang oras.
Ang Nagsugo kay Jesus
21 Muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako'y aalis at hahanapin ninyo ako; ngunit hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko. Mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.”
22 Nag-usap-usap ang mga Judio, “Magpapakamatay kaya siya kaya niya sinabing ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko’?”
23 Kaya't sinabi ni Jesus, “Kayo'y mula dito sa ibaba, ako'y mula sa itaas. Kayo'y taga-sanlibutang ito, ngunit ako'y hindi. 24 Sinabi ko sa inyong mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo maniniwalang ‘Ako'y Ako Nga’, mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.”
25 “Sino ka nga bang talaga?” tanong nila.
Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyo noong simula pa lamang kung sino ako. 26 Marami akong masasabi at maihahatol laban sa inyo. Ngunit totoo at dapat paniwalaan ang nagsugo sa akin, at ang narinig ko sa kanya ang ipinapahayag ko sa sanlibutan.”
27 Hindi nila nauunawaan na ang Ama ang tinutukoy niya. 28 Kaya't sinabi ni Jesus, “Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, malalaman ninyong ‘Ako'y Ako Nga.’ Wala akong ginagawa batay sa sarili kong kapangyarihan. Ang ipinapasabi lamang ng Ama ang siya kong sinasabi, 29 at kasama ko ang nagsugo sa akin at hindi niya ako iniiwan, sapagkat lagi kong ginagawa ang kalugud-lugod sa kanya.”
30 Maraming nakarinig nito ang naniwala sa kanya.
Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo
31 Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, “Kung patuloy kayong susunod sa aking turo, kayo nga'y tunay na mga alagad ko. 32 Makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”
33 Sumagot(F) sila, “Kami ay mula sa lahi ni Abraham, at kailanma'y hindi kami naalipin ninuman. Paano mo masasabing palalayain kami?”
34 Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: ang gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi kabilang sa pamilya sa habang panahon, subalit ang anak ay kabilang magpakailanman. 36 Kung ang Anak ang magpalaya sa inyo, kayo nga'y magiging tunay na malaya. 37 Alam kong kayo'y mula sa lahi ni Abraham, gayunma'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, sapagkat ayaw ninyong tanggapin ang aking turo. 38 Ang nakita ko sa aking Ama ang siya kong sinasabi sa inyo, at ang narinig ninyo sa inyong ama ang siya namang ginagawa ninyo.”
Ang Diyablo ang Inyong Ama
39 Sumagot sila, “Si Abraham ang aming ama.”
Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung kayo'y tunay na mga anak ni Abraham, gagawin sana ninyo ang kanyang ginawa. 40 Sinasabi ko lang ang katotohanang narinig ko mula sa Diyos ngunit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin. Hindi ganoon ang ginawa ni Abraham. 41 Ang ginagawa ninyo'y tulad ng ginawa ng inyong ama.”
Sumagot sila, “Hindi kami mga anak sa labas. Iisa ang aming Ama, ang Diyos.”
42 Sinabi ni Jesus, “Kung talagang ang Diyos ang inyong Ama, inibig sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako nanggaling. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi isinugo niya ako. 43 Bakit di ninyo maunawaan ang sinasabi ko? Hindi ba't ito'y dahil sa ayaw ninyong tanggapin ang itinuturo ko? 44 Ang(G) diyablo ang inyong ama! At ang gusto ninyong gawin ay kung ano ang gusto niya. Sa simula pa lang ay mamamatay-tao na siya. Hindi siya pumanig sa katotohanan kailanman, sapagkat walang puwang sa kanya ang katotohanan. Kapag nagsasalita siya ng kasinungalingan, nagsasalita siya ayon sa kanyang kalikasan sapagkat siya'y sinungaling, at siya ang ama ng kasinungalingan. 45 Ayaw ninyong maniwala sa akin sapagkat katotohanan ang sinasabi ko sa inyo. 46 Sino sa inyo ang maaaring magpatunay na ako'y nagkasala? At kung katotohanan ang sinasabi ko, bakit ayaw ninyong maniwala sa akin? 47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig sa mga salita ng Diyos, subalit ayaw ninyong makinig sa akin sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos.”
Si Jesus at si Abraham
48 Sinabi ng mga Judio kay Jesus, “Hindi ba tama ang sinabi naming ikaw ay Samaritano at sinasapian ng demonyo?”
49 Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasapian ng demonyo. Pinaparangalan ko ang aking Ama ngunit ako'y nilalapastangan ninyo. 50 Hindi ako naghahangad na ako'y parangalan; may isang nagsisikap na ako'y parangalan, at siya ang hahatol. 51 Pakatandaan ninyo: ang tumutupad ng aking salita ay hindi mamamatay kailanman.”
52 Sinabi ng mga Judio, “Ngayo'y natitiyak naming sinasapian ka nga ng demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, ngunit sinasabi mong hindi mamamatay kailanman ang sinumang tumutupad ng iyong aral. 53 Mas magaling ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham? Siya'y namatay, gayundin ang mga propeta. Ano ba ang palagay mo sa iyong sarili?”
54 Sumagot si Jesus, “Kung ako ang nagpaparangal sa aking sarili, walang kabuluhan iyon. Ang nagpaparangal sa akin ay ang aking Ama na sinasabi ninyong Diyos ninyo. 55 Hindi ninyo siya kilala, ngunit siya'y kilala ko. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, ako'y magiging sinungaling na tulad ninyo. Subalit kilala ko siya at tinutupad ko ang kanyang salita. 56 Natuwa ang inyong amang si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang araw ng aking pagdating. Nakita nga niya ito at siya'y nagalak.”
57 Dahil dito'y sinabi sa kanya ng mga Judio, “Wala ka pang limampung taong gulang, paano mo masasabing nakita mo na si Abraham?”[b]
58 Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: bago pa ipinanganak si Abraham, ‘Ako ay Ako Na’.”
59 Nagsidampot sila ng bato upang siya'y batuhin, ngunit nagtago si Jesus at lumabas ng Templo.
Babala Laban sa Pangangalunya
5 Aking anak, karununga'y pakinggan mong mabuti,
pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi.
2 Sa gayo'y magagawa mo ang mabuting pagpapasya,
at ang bawat sabihin mo'y kaalaman ang ibabadya.
3 Pagkat labi ng haliparot ay sintamis nitong pulot,
at ang kanyang mga halik, kasiyahan nga ang dulot.
4 Ngunit pagkatapos mong magpasasa sa alindog,
hapdi, kirot ang kapalit ng kaunti niyang lugod.
5 Ang kanyang mga hakbang ay tungo sa kamatayan,
daigdig ng mga patay, ang landas na hahantungan.
6 Pagkat di niya siniyasat daang patungo sa buhay,
ang daan niya'y liku-liko, ni hindi niya ito nalalaman.
7 Kaya nga, aking anak, sa akin ay makinig,
huwag lilimutin, salita ng aking bibig.
8 Lumayo ka sa babaing masama ang pamumuhay,
ni huwag kang lalapit sa pinto ng kanyang bahay.
9 Baka dangal mo'y sirain at angkinin pa ng iba,
sa kamay ng masasama ay mamatay kang maaga.
10 Ang yaman mo'y uubusin ng taong di mo kilala,
mga pinagpaguran mo, makikinabang ay iba.
11 Kung magkagayon, wakas mo ay anong saklap,
walang matitira sa iyo kundi buto't balat.
12 Dito mo nga maiisip:
“Dangan kasi'y di ko pansin ang kanilang pagtutuwid,
puso ko ay nagmatigas, sinunod ang aking hilig.
13 Ang tinig ng aking guro ay hindi ko dininig,
sa kanilang katuruan, inilayo ang pakinig.
14 At ngayon ay narito ang abâ kong kalagayan,
isang kahihiyan sa ating lipunan.”
15 Ang dapat ay maging tapat sa asawang minamahal,
at ang tangi mong pag-ibig, iukol sa kanya lamang.
16 Kung ika'y magkaanak sa babaing di asawa,
walang buting idudulot, manapa nga ay balisa.
17 Anak mo'y dapat lumaki nang ikaw ay matulungan,
upang hindi do'n sa iba iasa ang iyong buhay.
18 Kaya nga ba't mahalin mo ang kabiyak ng iyong buhay,
ang ligaya ay lasapin sa mabango niyang kandungan.
19 Mabait siya at mahinhin, babaing kaakit-akit,
ligaya mo'y nasa kanya sa pitak ng kanyang dibdib.
20 Sa ibang babae ay huwag ka sanang paaakit,
ni huwag mong papansinin makamandag niyang halik.
21 Ang paningin ni Yahweh sa tao'y di iniaalis,
laging nakasubaybay, bawat oras, bawat saglit.
22 Kasamaan ng isang tao ay bitag na nakaumang,
siya ang magdurusa sa sariling kasalanan.
23 Pagkat walang pagpipigil, siya ay mamamatay
at dahil sa kamangmangan, hantungan niya'y sa libingan.
4 Ito ang ibig kong sabihin: habang bata pa ang tagapagmana, hindi siya nakakahigit sa isang alipin kahit na siya ang may-ari ng lahat. 2 Sa halip, siya'y nasa ilalim pa ng mga tagapangasiwa at mga katiwala hanggang sa panahong itinakda ng kanyang ama. 3 Gayundin naman, tayo noon ay nasa ilalim ng mga tuntuning umiiral sa sanlibutang ito hanggang sa tayo'y dumating sa hustong gulang. 4 Ngunit nang sumapit ang tamang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak na isinilang ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan 5 upang(A) palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayon, tayo'y maituturing na mga anak ng Diyos.
6 At dahil kayo'y[a] mga anak ng Diyos, isinugo niya ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating mga puso, na tumatawag sa Diyos ng “Ama, Ama ko!” 7 Ginawa na kayo ng Diyos na mga anak at hindi na mga alipin, at kung gayon kayo'y mga tagapagmana niya.
Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Galacia
8 Noong hindi pa ninyo nakikilala ang Diyos, kayo'y alipin ng mga bagay na hindi totoong mga diyos. 9 Ngunit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihin, ngayong nakikilala na kayo ng Diyos, bakit kayo bumabalik sa mga tuntuning walang bisa at walang halaga? Bakit gusto na naman ninyong paalipin sa mga iyon? 10 May itinatangi kayong mga araw, mga buwan, mga panahon at mga taon! 11 Nangangamba akong baka nasayang lamang ang pagpapagal ko para sa inyo.
12 Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, tularan ninyo ako, sapagkat ako'y naging katulad na ninyo. Wala kayong ginawang masama sa akin. 13 Alam naman ninyong ang pagkakasakit ko noon ang naging dahilan kaya ko ipinangaral sa inyo ang Magandang Balita. 14 Gayunman, hindi ninyo ako itinakwil o hinamak, kahit na naging pagsubok sa inyo ang aking karamdaman. Sa halip, tinanggap ninyo ako na parang anghel ng Diyos, at para pa ngang si Cristo Jesus! 15 Nasaan na ngayon ang kasiyahang iyon? Ako mismo ang makakapagpatotoo na kung maaari nga lamang pati ang inyong mga mata'y dudukitin ninyo at ibibigay sa akin noon. 16 Ngayon, ituturing ba ninyo akong kaaway dahil sa sinasabi ko sa inyo ang katotohanan?
17 Pinapahalagahan nga kayo ng mga taong iyan, ngunit hindi mabuti ang kanilang layunin. Nais lamang nila kayong ilayo sa akin upang sila ang inyong pahalagahan. 18 Hindi masama ang magpahalaga, kung mabuti ang layunin at hindi kung kaharap lamang ninyo ako! 19 Mga anak ko, dahil sa inyo'y minsan pa akong nagdaranas ng hirap tulad ng babaing nanganganak, hanggang sa ganap na mabuo si Cristo sa inyo. 20 Sana'y kasama ko kayo ngayon upang maiba ang tono ng aking pagsasalita sapagkat gulung-gulo ang isip ko tungkol sa inyo.
Ang Paghahambing kina Hagar at Sara
21 Sabihin nga ninyo sa akin, kayong nagnanais mapasailalim ng Kautusan, hindi ba ninyo naririnig ang sinasabi ng Kautusan? 22 Sinasabi(B) roon na si Abraham ay nagkaanak ng dalawang lalaki, isa sa aliping babae at isa sa malayang babae. 23 Ang anak niya sa aliping babae ay ipinanganak ayon sa kagustuhan ng tao, ngunit ang anak niya sa malayang babae ay ipinanganak bilang katuparan ng pangako ng Diyos. 24 Ito'y isang paghahambing. Ang dalawang babae ay larawan ng dalawang kasunduan, ang isa ay ang tipan sa Bundok ng Sinai na kinakatawan ni Hagar at ng kanyang mga anak, na pawang mga alipin. 25 Si Hagar ay kumakatawan sa Bundok ng Sinai na nasa Arabia,[b] at larawan ng kasalukuyang Jerusalem sapagkat siya'y nasa pagkaalipin, kasama ng kanyang mga mamamayan. 26 Ngunit ang Jerusalem na nasa langit ay malaya, at siya ang ating ina. 27 Ayon(C) sa nasusulat,
“Magsaya ka, O babaing hindi magkaanak!
Humiyaw ka sa galak, ikaw na hindi pa nakaranas ng hirap sa panganganak!
Sapagkat higit na marami ang anak ng babaing nangungulila
kaysa babaing may asawa.”
28 Mga kapatid, tulad ni Isaac, tayo'y mga anak ayon sa pangako. 29 Kung(D) noong una, ang ipinanganak ayon sa Espiritu ay inuusig ng ipinanganak ayon sa kagustuhan ng tao, gayundin naman ngayon. 30 Ngunit(E) ganito ang sinasabi ng kasulatan, “Palayasin mo ang babaing alipin at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng alipin ay hindi dapat makibahagi sa mana ng anak ng malaya.” 31 Kaya nga, mga kapatid, hindi tayo anak ng alipin kundi ng malaya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.