M’Cheyne Bible Reading Plan
Pinagtibay ang Kasunduan
24 Pagkatapos, sinabi naman ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka rito sa bundok. Isama mo sina Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpu sa mga pinuno ng Israel. Sumamba kayo sa lugar na malayo sa akin. 2 Ikaw lamang ang makakalapit sa akin. Sabihin mo naman sa mga taong-bayan na huwag aakyat sa bundok.”
3 Lahat ng iniutos ni Yahweh ay sinabi ni Moises sa mga Israelita. Ang mga ito nama'y sabay-sabay na sumagot, “Lahat ng iniuutos ni Yahweh ay susundin namin.” 4 Isinulat ni Moises ang lahat ng utos ni Yahweh. Kinabukasan, maagang-maaga siyang nagtayo ng altar sa paanan ng bundok. Nagtayo rin siya ng labindalawang bato, na kumakatawan sa labindalawang lipi ni Israel. 5 Pagkatapos, inutusan niya ang ilang kabataang lalaki na magdala sa altar ng mga handog na susunugin. Sila rin ang inutusan niyang pumatay ng mga hayop na gagamitin bilang handog sa pakikipagkasundo kay Yahweh. 6 Ang kalahati ng dugo ng pinatay na hayop ay inilagay niya sa malalaking mangkok at ang kalahati'y ibinuhos niya sa altar. 7 Kinuha niya ang aklat ng tipan at binasa nang malakas. Sabay-sabay namang sumagot ang mga Israelita, “Susundin namin ang lahat ng utos ni Yahweh.”
8 Pagkatapos,(A) kinuha ni Moises ang mga mangkok ng dugo at winisikan ang mga tao. Sinabi niya, “Ang dugong ito ang siyang katibayan ng pakikipagtipang ginawa sa inyo ni Yahweh sa pagbibigay sa inyo ng kautusang ito.”
9 Umakyat nga sa bundok sina Moises, Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpung pinuno ng Israel. 10 Doo'y nakita nila ang Diyos ng Israel. Ang kanyang tuntungan ay parang bughaw na safiro at nakakasilaw na parang langit. 11 Ngunit walang masamang nangyari sa kanila kahit nakita nila ang Diyos. At sila'y kumain doon at uminom.
Si Moises sa Bundok ng Sinai
12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka rito. Maghintay ka at ibibigay ko sa iyo ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng mga kautusan at ng mga tagubilin. Sinulat ko ito upang maging tuntuning ituturo mo sa mga tao.” 13 Umakyat nga si Moises, kasama ang lingkod niyang si Josue. 14 Bago siya lumakad, sinabi niya sa mga pinuno ng Israel, “Hintayin ninyo kami rito. Kasama ninyong maiiwan sina Aaron at Hur; sila ang inyong lapitan sakaling magkaroon ng anumang usapin sa inyo.”
15 Umakyat si Moises sa bundok at ito'y natakpan ng ulap. 16 Ang Bundok ng Sinai ay nalukuban ng kaluwalhatian ni Yahweh; anim na araw itong nabalot ng ulap. Nang ikapitong araw, si Moises ay tinawag ni Yahweh mula sa gitna ng ulap. 17 Nakita rin ng mga Israelita ang kaluwalhatian ni Yahweh na parang nagniningas na apoy sa taluktok ng bundok. 18 At(B) unti-unti siyang natakpan ng ulap habang umaakyat; nanatili siya sa bundok sa loob ng apatnapung araw at gabi.
Si Jesus at si Nicodemo
3 May isang Pariseo na nagngangalang Nicodemo na pinuno ng mga Judio. 2 Isang gabi, pumunta siya kay Jesus at sinabi, “Rabi, nalalaman po naming kayo'y isang tagapagturong mula sa Diyos, sapagkat walang makakagawa ng mga himalang ginagawa ninyo kung wala sa inyo ang Diyos.”
3 Sumagot si Jesus, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito: malibang ipanganak na muli[a] ang isang tao, hindi niya makikita ang paghahari ng Diyos.”
4 “Paanong maipapanganak pang muli ang isang taong matanda na? Makakapasok pa ba siya sa sinapupunan ng kanyang ina para muling ipanganak?” tanong ni Nicodemo.
5 Sagot naman ni Jesus, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito: malibang ang isang tao ay ipanganak sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos. 6 Ang taong ipinanganak sa laman ay laman, at ang ipinanganak sa Espiritu ay espiritu. 7 Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, ‘kayong lahat ay kailangang ipanganak na muli.’[b] 8 Umiihip ang hangin[c] kung saan nito nais at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan pupunta. Ganoon din ang bawat ipinanganak sa Espiritu.”
9 “Paano po mangyayari iyon?” tanong ni Nicodemo.
10 Sumagot si Jesus, “Guro ka pa naman sa Israel, hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito? 11 Pakatandaan mo: ang sinasabi namin ay nalalaman namin, at ang pinapatotohanan namin ay nasaksihan namin, subalit hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo. 12 Kung(A) hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sinasabi ko tungkol sa mga bagay dito sa mundo, paano pa ninyo mapapaniwalaan ang sasabihin ko tungkol sa mga bagay doon sa langit? 13 Wala(B) pang sinumang umakyat sa langit kundi ang bumabâ mula sa langit, ang Anak ng Tao.”
14 At(C) kung paanong itinaas ni Moises ang tansong ahas doon sa ilang, gayundin naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, 15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. 16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulan ng parusa ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.
18 Hindi hinahatulan ng parusa ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos. 19 Ganito ang paghatol ng Diyos: naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang mga gawa. 20 Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama ang ilaw, ni hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa. 21 Ngunit ang namumuhay ayon sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang maihayag na ang mga ginagawa niya ay pagsunod sa Diyos.
Si Jesus at si Juan
22 Pagkatapos nito, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa lupain ng Judea. Nanatili siya roon nang kaunting panahon na kasama nila at nagbautismo ng mga tao. 23 Samantala, si Juan ay nagbabautismo naman sa Enon, malapit sa Salim, sapagkat maraming tubig doon. Pumupunta sa kanya ang mga tao at nagpapabautismo. 24 Hindi(D) pa noon nabibilanggo si Juan.
25 Minsan, nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio[d] tungkol sa rituwal ng paglilinis. 26 Kaya't pumunta sila kay Juan at sinabi sa kanya, “Guro, naaalala pa po ba ninyo ang lalaking kasama ninyo sa ibayo ng Jordan, na inyong pinatotohanan? Siya po ay nagbabautismo rin at nagpupuntahan sa kanya ang lahat!”
27 Sumagot si Juan, “Walang sinumang tatanggap ng anuman malibang ito'y ipagkaloob sa kanya ng Diyos. 28 Kayo(E) mismo ang makakapagpatunay na sinabi kong hindi ako ang Cristo; isa lamang akong sugo na mauuna sa kanya. 29 Sa isang kasalan, ang babaing ikakasal ay para lamang sa lalaking ikakasal. Ang abay na naghihintay sa pagdating ng lalaking ikakasal ay lubos na nagagalak kapag narinig niya ang tinig nito. Gayundin naman, lubos na ang aking kagalakan ngayon. 30 Dapat siyang maitaas at ako nama'y maibaba.”
Si Jesus ang Mula sa Langit
31 Ang mula sa itaas ay dakila sa lahat; ang mula sa lupa ay taga-lupa at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa. Ang mula sa langit ay dakila sa lahat. 32 Pinapatotohanan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit walang tumatanggap sa kanyang patotoo. 33 Ang tumatanggap sa kanyang patotoo ay nagpapatunay na ang sinasabi ng Diyos ay totoo. 34 Ang isinugo ng Diyos ay nagpapahayag ng mga salita ng Diyos, sapagkat lubusang ipinagkakaloob ng Diyos ang kanyang Espiritu. 35 Iniibig(F) ng Ama ang Anak, at ibinigay niya rito ang pamamahala sa lahat ng bagay. 36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi magkakaroon ng buhay. Sa halip, mananatili sa kanya ang poot ng Diyos.
Kinilala ni Job ang Kanyang Pagkakamali
42 Ito naman ang sagot ni Job kay Yahweh:
2 “Alam kong ang lahat ng bagay ay kaya ninyong gawin,
at walang makakapigil sa lahat ng inyong balakin.
3 Itinatanong(A) ninyo,
‘Sino akong nangahas na kayo'y pag-alinlanganan
gayong ako nama'y walang nalalaman?’
Nagsalita ako ng mga bagay na di ko nauunawaan,
ng mga hiwagang di abot ng aking isipan.
4 Sinabi(B) ninyong papakinggan ko ang iyong sasabihin,
at ang iyong mga tanong ay aking sasagutin.
5 Noo'y nakilala ko kayo dahil sa sinabi ng iba,
subalit ngayo'y nakita ko kayo ng sarili kong mga mata.
6 Kaya ako ngayon ay nagsisisi,
ikinahihiya lahat ng sinabi, sa alabok at abo, ako ay nakaupo.”
7 Pagkasabi nito kay Job, si Elifaz na Temaneo naman ang hinarap ni Yahweh. Sinabi niya, “Matindi ang galit ko sa iyo at sa dalawa mong kaibigan sapagkat hindi ninyo sinabi ang katotohanan tungkol sa akin tulad nang ginawa ni Job. 8 Kaya ngayon, kumuha kayo ng pitong toro at pitong tupa. Dalhin ninyo ito kay Job at sunugin bilang handog. Ipapanalangin kayo ni Job. Siya lamang ang papakinggan ko para hindi na kayo pagbayarin sa inyong kahangalan, dahil sa hindi ninyo paglalahad ng buong katotohanan tulad nang ginagawa niya.”
9 Ganoon nga ang ginawa nina Elifaz na Temaneo, Bildad na Suhita, at Zofar na Naamita. At ang panalangin ni Job ay dininig ni Yahweh.
Ibinalik ang Dating Kabuhayan ni Job
10 Ang(C) kabuhayan ni Job ay ibinalik ni Yahweh sa dati, nang ipanalangin nito ang tatlong kaibigan. At dinoble pa ni Yahweh ang kayamanan ni Job. 11 Lahat ng kapatid nito, mga kamag-anak at kakilala ay dumalaw sa kanya at nagsalu-salo sila. Bawat isa'y nakiramay sa nangyari sa kanya at nagbigay ng salapi at singsing na ginto.
12 Ang mga huling araw ni Job ay higit na pinagpala ni Yahweh. Binigyan niya ito ng labing-apat na libong tupa, anim na libong kamelyo, dalawang libong baka at sanlibong inahing asno. 13 Nagkaroon pa si Job ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. 14 Ang pangalan ng mga babae ay Jemima, Kezia at Keren-hapuc. 15 Ang mga anak na babae ni Job ang pinakamaganda sa buong lupain. Pinamanahan din niya ang mga ito, tulad ng mga anak na lalaki. 16 Si Job ay nabuhay pa nang sandaan at apatnapung taon. Inabutan pa siya ng kanyang mga apo sa ikaapat na salinlahi. 17 Matandang-matanda na siya nang mamatay.
Mga Pangitain at mga Pahayag
12 Kailangan ko pang magmalaki, kahit wala akong mapapala dito. Ang sasabihin ko naman ngayo'y ang mga pangitain at mga pahayag mula sa Panginoon. 2 May kilala akong isang Cristiano na dinala sa ikatlong langit, labing-apat na taon na ang nakakalipas. Hindi ko lang matiyak kung iyo'y isang pangitain lamang, o tunay na pangyayari; ang Diyos lamang ang nakakaalam. 3 Alam kong ang taong iyon ay dinala sa Paraiso. Hindi ko lang alam kung iyon ay isang pangitain o tunay na pangyayari. Tanging Diyos ang nakakaalam. 4 Nakarinig siya ng mga bagay na hindi kayang ilarawan ng salita at hindi maaaring sabihin ninuman. 5 Ipagmamalaki ko ang taong iyon, at hindi ang aking sarili, maliban sa aking mga kahinaan. 6 At kung ako'y magmalaki man, hindi ako lalabas na hangal, sapagkat totoo ang sasabihin ko. Ngunit hindi ko ito gagawin, sapagkat ayaw kong mag-isip ang sinuman nang higit tungkol sa akin kaysa kanyang nakita o narinig sa akin. 7 Ngunit upang hindi ako magyabang sa dami ng kamangha-manghang mga bagay na nasaksihan ko, ako'y binigyan ng pahirap sa aking katawan na nagsisilbing sugo ni Satanas upang pahirapan ako, at nang sa gayo'y hindi ako maging palalo. 8 Tatlong beses kong idinalangin sa Panginoon na alisin ito, ngunit 9 ganito ang kanyang sagot, “Ang kagandahang-loob ko ay sapat na para sa iyo, sapagkat lubusang nahahayag ang aking kapangyarihan kapag ikaw ay mahina.” Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang manatili sa akin ang kapangyarihan ni Cristo. 10 Alang-alang kay Cristo, ako'y may kasiyahan sa gitna ng mga kahinaan, mga pagkutya, mga kahirapan, pag-uusig at kagipitan. Sapagkat kapag ako ay mahina, doon ako nagiging malakas.
Ang Malasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto
11 Ako'y naging hangal, ngunit kayo ang nagtulak sa akin na magkaganoon. Kayo sana ang dapat pumuri sa akin, dahil kahit na wala akong kuwenta, hindi naman ako nahúhulí sa magagaling na apostol na iyan. 12 Buong tiyaga kong pinatotohanan sa inyo na ako'y isang tunay na apostol sa pamamagitan ng mga himala at iba pang mga kamangha-manghang bagay. 13 Paano nakalamang sa inyo ang ibang mga iglesya? Sila'y nakalamang dahil hindi ako naging pabigat sa inyo. Ipagpatawad ninyo ang pagkukulang kong iyon.
14 Ito ang ikatlong pagpunta ko riyan, at hindi pa rin ako magiging pabigat sa inyo. Sapagkat kayo ang nais ko, at hindi kung anong mayroon kayo. Ang mga magulang ang dapat mag-impok para sa mga anak, at hindi ang mga anak para sa mga magulang. 15 At ikaliligaya kong gugulin ang lahat pati ang aking sarili upang kayo'y mabuhay. Kung madagdagan ang pagmamahal ko sa inyo, dapat bang mabawasan ang pagmamahal ninyo sa akin? 16 Alam ninyong hindi ako nakabigat kaninuman sa inyo. Subalit sinasabi ng ilan na ako'y tuso at dinadaya ko kayo. 17 Bakit? Pinagsamantalahan ko ba ang inyong kabutihan sa pamamagitan ng mga isinugo ko riyan? 18 Pinakiusapan ko si Tito na pumunta riyan at pinasama ko sa kanya ang isang kapatid. Si Tito ba'y nagsamantala sa inyo? Hindi ba't namuhay kami ayon sa iisang espiritu, at iisa ang aming pamamaraan?
19 Akala ba ninyo'y ipinagtatanggol namin ang aming sarili? Hindi! Mga minamahal, lahat ng ginagawa namin ay para sa ikabubuti ninyo. Nagsasalita kami sa harapan ng Diyos ayon sa kalooban ni Cristo.
20 Nangangamba akong baka pagpunta ko riyan ay may makita ako sa inyong hindi ko magustuhan, at kayo naman ay may makita sa aking hindi ninyo magustuhan. Baka ang matagpuan ko'y pag-aaway-away, pag-iinggitan, pag-aalitan, pagmamaramot, pagsisiraan, pagtsitsismisan, pagmamataas at kaguluhan. 21 Nangangamba ako na pagpunta kong muli riyan, hiyain ako ng aking Diyos sa harapan ninyo, at itatangis ko ang karumihan, pakikiapid at kahalayang hindi pa pinagsisihan at tinatalikuran ng marami sa inyo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.