M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Batas sa mga Alipin(A)
21 “Ito ang tuntuning ibibigay mo sa bayang Israel. 2 Kapag(B) ang isang tao'y bumili ng aliping Hebreo, maglilingkod ito sa kanya sa loob ng anim na taon. Sa ikapito, makakalaya na siya nang hindi kailangang tubusin. 3 Kung ang alipin ay walang asawa nang bilhin, aalis siyang walang asawa. Ngunit kung may asawa siya nang mabili, kasama niya sa pag-alis ang kanyang asawa. 4 Kung sa kanyang pagkaalipin ay binigyan siya ng magiging asawa at nagkaanak sila, ang babae at ang mga anak ay maiiwan sa amo; siya lamang ang lalaya. 5 Ngunit kung ayaw na niyang umalis sapagkat mahal niya ang kanyang asawa't mga anak, gayon din ang kanyang amo 6 patutunayan niya ito sa harapan ng Diyos: dadalhin siya sa pintuan, sa tabi ng poste ng pinto at bubutasan ang isa niyang tainga. Sa gayon, magiging alipin siya habang buhay.
7 “Kapag ipinagbili ng ama ang kanyang anak na babae upang maging alipin, hindi ito palalayain tulad ng aliping lalaki. 8 Ngunit kung ang babae'y ipinagbili bilang asawa ng kanyang amo, subalit siya'y hindi nito kinaluguran, siya ay maaaring ipatubos sa kanyang mga kamag-anak. Walang karapatan ang kanyang amo na siya'y ipagbili sa mga dayuhan sapagkat hindi ito naging makatarungan sa babae. 9 Kung ang babae nama'y binili para sa anak ng amo, ituturing siya nito na parang tunay na anak. 10 At kung mag-asawa ng iba ang lalaki, ang babae ay patuloy na bibigyan ng kanyang pagkain, damit at patuloy na sisipingan ng kanyang asawang lalaki. 11 Kapag hindi tinupad ng lalaki ang tatlong bagay na ito, dapat palayain ang babae nang hindi na kailangang tubusin.
Mga Batas tungkol sa mga Karahasan
12 “Sinumang(C) manakit at makapatay sa kanyang kapwa ay dapat ring patayin. 13 Ngunit(D) kung hindi sinadya o binalak ang pagpatay at ito'y hinayaang mangyari ng Diyos, ang nakamatay ay maaaring magtago sa lugar na itatakda ko sa ganitong pangyayari. 14 Ngunit kung ang pagpatay ay sinasadya, darakpin ang pumatay at papatayin kahit magtago pa siya sa aking altar.
15 “Sinumang magbuhat ng kamay sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.
16 “Sinumang(E) dumukot ng kapwa upang ipagbili o alipinin ay dapat patayin.
17 “Sinumang(F) magmura sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.
18-19 “Ang manuntok o mamukpok ng bato sa pag-aaway ay hindi paparusahan kung ang sinuntok o pinukpok ay hindi namatay at muling nakalakad kahit nakatungkod. Ngunit kung ang sinuntok o pinukpok ay maratay, siya ay aalagaan ng nanakit at babayaran pa ang panahong hindi niya naipagtrabaho.
20 “Kapag sinaktan ng isang tao ang kanyang alipin, maging babae o lalaki, at ito'y namatay noon din, paparusahan ang taong iyon. 21 Ngunit kung ang alipin ay mabuhay ng isa o dalawang araw, hindi paparusahan ang amo sapagkat kanyang ari-arian ang alipin.
22 “Kung ang nag-aaway ay makasakit ng nagdadalang-tao at dahil doo'y nakunan ito, ngunit walang ibang pinsala, ang nakasakit ay magbabayad ng halagang hihingin ng asawa ng babae ayon sa kapasyahan ng mga hukom. 23 Ngunit kung may iba pang pinsalang tinamo ang babae, paparusahan ang nakasakit: buhay din ang kabayaran sa buhay, 24 mata(G) sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa, 25 sunog sa sunog, sugat sa sugat, galos sa galos.
26 “Kapag pinalo ng amo ang kanyang alipin, lalaki o babae, at ito'y nabulag, palalayain niya ang aliping iyon bilang kabayaran sa mata nito. 27 Ganoon din ang gagawin kung mabungi ng amo ang ngipin ng kanyang alipin, bilang kabayaran naman sa ngipin nito.
Ang Pananagutan ng May-ari
28 “Kapag ang isang baka ay nanuwag at nakapatay ng tao, babatuhin ang baka hanggang sa mamatay, ngunit huwag kakanin ang karne nito; walang pananagutan ang may-ari ng baka. 29 Kung ito'y dati nang nanunuwag ngunit pinabayaan pa ng may-ari matapos tawagin ang kanyang pansin, papatayin ang baka gayundin ang may-ari kapag nakamatay ang baka. 30 Gayunman, kung lalagyan ng halaga ang buhay ng namatay, babayaran ito ng may-ari at hindi na siya papatayin. 31 Kahit bata ang mapatay ng baka, iyan din ang tuntunin. 32 Kung alipin ang napatay sa suwag, ang amo ng alipin ay babayaran ng may-ari ng baka; tatlumpung pirasong pilak ang ibabayad at babatuhin ang baka hanggang sa mamatay.
33 “Kapag naiwang bukás ang isang balon, o kaya'y may humukay ng balon ngunit hindi tinakpan, at may baka o asnong nahulog doon, 34 ang nahulog na hayop ay babayaran ng may-ari ng balon ngunit kanya na ang hayop. 35 Kapag ang napatay naman sa suwag ay baka ng iba, ipagbibili ang nanuwag at ang pinagbilhan ay paghahatian ng dalawang may-ari, pati ang karne ng bakang napatay. 36 Ngunit kung ito'y dating nanunuwag at hindi ikinulong ng may-ari, papalitan niya ang napatay na baka at ito nama'y kanya na.
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)
24 Maagang-maaga pa ng araw ng Linggo, ang mga babae ay nagbalik sa libingan, dala ang mga pabangong inihanda nila. 2 Nang dumating sila doon, nakita nilang naigulong na ang batong nakatakip sa libingan. 3 Ngunit nang pumasok sila, wala roon ang bangkay ng Panginoong Jesus. 4 Samantalang nagtataka sila kung ano ang nangyari, biglang lumitaw sa tabi nila ang dalawang lalaking nakakasilaw ang damit. 5 Dahil sa matinding takot, sila'y nagpatirapa. Tinanong sila ng mga lalaki, “Bakit ninyo hinahanap ang buháy sa lugar ng mga patay? 6 Wala(B) siya rito, siya'y muling nabuhay! Alalahanin ninyo ang sinabi niya sa inyo noong nasa Galilea pa siya, 7 ‘Ang Anak ng Tao ay kailangang ipagkanulo sa mga makasalanan at ipako sa krus, at sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.’”
8 Naalala nga ng mga babae ang mga sinabi ni Jesus noong una, 9 kaya't umuwi sila at isinalaysay nila sa labing-isa at sa iba pa nilang kasamahan ang buong pangyayari. 10 Ang mga babaing ito'y sina Maria Magdalena, Juana, at Maria na ina ni Santiago; sila at ang iba pang mga babaing kasama nila ang nagbalita sa mga apostol. 11 Akala ng mga apostol ay kahibangan lamang ang kanilang sinasabi kaya ayaw nilang paniwalaan ang mga kababaihan. [12 Ngunit tumayo si Pedro at patakbong nagpunta sa libingan. Yumuko siya, at pagtingin sa loob ay wala siyang nakita kundi ang mga telang lino na ipinambalot kay Jesus. Kaya't umuwi siyang nagtataka sa nangyari.][a]
Sa Daang Papunta sa Emaus(C)
13 Nang araw ding iyon, may dalawang alagad na naglalakad papuntang Emaus, isang nayong may labing-isang kilometro[b] ang layo mula sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. 15 Habang sila'y nag-uusap, lumapit si Jesus at nakisabay sa kanila, 16 ngunit siya'y hindi nila nakilala na para bang natatakpan ang kanilang mga mata. 17 Tinanong sila ni Jesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?”
Tumigil silang nalulumbay, at 18 sinabi ng isa sa kanila na nagngangalang Cleopas, “Ikaw lamang yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga pangyayaring katatapos lamang maganap doon.”
19 “Anong mga pangyayari?” tanong niya.
Sumagot sila, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa salita at gawa maging sa harap ng Diyos at ng mga tao. 20 Isinakdal siya ng aming mga punong pari at mga pinuno ng bayan upang mahatulang mamatay, at siya'y ipinako sa krus. 21 Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito. 22 Nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan 23 at hindi nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi'y nakakita raw sila ng isang pangitain, mga anghel na nagsabing si Jesus ay buháy. 24 Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at ganoon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Jesus.”
25 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kay hahangal ninyo! Kay kukupad ninyong maniwala sa lahat ng sinasabi ng mga propeta! 26 Hindi ba't kailangang ang Cristo ay magtiis ng lahat ng ito bago siya pumasok sa kanyang kaluwalhatian?” 27 At ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanya, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta.
28 Malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan at si Jesus ay parang magpapatuloy pa sa paglakad, 29 ngunit siya'y pinigil nila. “Tumuloy ka muna rito sa amin. Palubog na ang araw at dumidilim na,” sabi nila. Kaya't sumama nga siya sa kanila. 30 Nang siya'y kasalo na nila sa pagkain, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos; pagkatapos, pinagpira-piraso iyon at ibinigay sa kanila. 31 Noon nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, subalit siya'y biglang nawala sa kanilang paningin. 32 Nasabi nila sa isa't isa, “Kaya pala nag-aalab ang ating puso habang tayo'y kinakausap niya sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan!”
33 Agad silang tumayo at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon doon ang labing-isa at ang ibang kasamahan nila. 34 Sinabi ng mga ito sa dalawa, “Totoo nga palang muling nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Simon!” 35 At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghati-hatiin nito ang tinapay.
Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(D)
36 Habang pinag-uusapan nila ito, tumayo si Jesus sa kalagitnaan nila [at nagsabi, “Sumainyo ang kapayapaan!”][c] 37 Natigilan sila at natakot sapagkat ang akala nila'y nakakita sila ng multo. 38 Kaya't sinabi ni Jesus, “Bakit kayo natitigilan? Bakit kayo nag-aalinlangan? 39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa. Ako nga ito. Hawakan ninyo ako at pagmasdan. Ang multo ay walang laman at buto, ngunit ako'y mayroon, tulad ng nakikita ninyo.”
[40 Habang sinasabi niya ito, ipinapakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa.][d] 41 Parang hindi pa rin sila makapaniwala sa laki ng galak at pagkamangha, kaya't tinanong sila ni Jesus, “May pagkain ba kayo riyan?” 42 Siya'y binigyan nila ng isang hiwa ng isdang inihaw. 43 Kinuha niya ito at kinain sa harap nila.
44 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasa-kasama pa ninyo ako: dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa aklat ng mga propeta, at sa aklat ng mga Awit.”
45 Binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. 46 Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magdusa at mamatay ang Cristo; at pagkatapos, siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. 47 Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng mga bansa, magmula sa Jerusalem. 48 Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. 49 Tandaan(E) ninyo, isusugo ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama, kaya't huwag kayong aalis sa Jerusalem hangga't hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihang mula sa langit.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit(F)
50 Pagkatapos(G) ng mga ito, sila'y isinama ni Jesus sa labas ng lungsod. Pagdating sa Bethania, itinaas niya ang kanyang mga kamay at sila'y binasbasan. 51 Habang(H) binabasbasan niya sila, siya'y umalis [at dinala paakyat sa langit].[e] 52 Siya'y sinamba nila at pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem na punung-puno ng kagalakan. 53 Palagi silang nasa Templo at doo'y nagpupuri sa Diyos.
39 Ang panganganak ng mga kambing, alam mo ba kung kailan,
o ang panahon na ang usa ay magsisilang?
2 Bilang mo ba ang araw ng anak niya habang nasa tiyan?
Alam mo ba kung kailan ito iluluwal?
3 Namasdan mo ba habang sila ay gumagapang
sa pagbubukas ng sinapupunan upang ang anak ay isilang?
4 Ang kanilang mga anak doon lumalaki sa parang
at kapag malaki na ay tuluyang lumilisan.
5 “Sino ba ang nagbibigay laya sa mga asno?
Sa asnong maiilap, ang nagpalaya ay sino?
6 Tirahang ibinigay ko ay ang kaparangan,
at doon sa maalat na kapatagan.
7 Sila'y lumalayo sa lunsod na maingay,
walang makapagpaamo at hindi mautusan.
8 Ang pastulan nila'y ang kaburulan,
hinahanap nila'y sariwang damuhan.
9 “Ang mailap na toro iyo kayang mapagtrabaho?
Maitali mo kaya siya isang gabi sa iyong kuwadra?
10 Matatalian mo kaya siya ng lubid upang sa pag-aararo ay magamit,
at sa paghila ng suyod sa iyong mga bukid?
11 Iyo bang maaasahan ang lakas na taglay niya?
Mabibigat mong gawai'y maipagkakatiwala ba sa kanya?
12 Umaasa ka ba na siya ay magbabalik
upang sa ani mo ay siya ang gumiik?
13 “Ang pakpak ng ostrits buong gandang kumakampay,
nagbabadya kaya iyon kahit bahagyang pagmamahal?
14 Ang kanyang mga itlog sa lupa ay iniiwan,
ito'y hinahayaang sa lupa ay mainitan.
15 Di niya iniisip na baka ito'y matapakan,
o baka madurog ng mailap na nilalang.
16 Sa mga inakay niya siya ay malupit,
hindi niya alintanang hirap niya'y di masulit,
17 sapagkat pang-unawa ay di ko siya binigyan,
di ko hinatian ng kahit kaunting katalinuhan.
18 Ngunit napakabilis kapag siya'y tumatakbo,
pinagtatawanan lang niya kahit ang kabayo.
19 “Ikaw ba ang nagbigay ng lakas sa kabayo?
Ikaw ba ang naglagay ng magandang buhok nito?
20 Ikaw ba ang nagpapalukso dito na parang balang,
at kapag humalinghing ay kinatatakutan?
21 Nagpapakitang-gilas sa pagkamot niya sa lupa,
at napakabilis tumakbo upang makidigma.
22 Siya ay nagtatawa sa gitna ng panganib,
sa tabak na nakaumang, hindi siya nanginginig.
23 Ang mga sandata ng sa kanya'y nakasakay,
sa sikat ng araw kumakalampag at kumikinang.
24 Sa bilis ng kanyang takbo, lupa'y parang nilululon,
hindi siya mapakali kapag trumpeta ay umugong.
25 Sa tunog ng trumpeta'y halinghing ang sagot niya.
Ang ingay ng digmaan, dinig nito kahit malayo pa;
maging ang utos ng kapitan sa mga kasama.
26 “Ikaw ba ang nagturo sa lawin upang ito'y makalipad,
kapag ikinakampay ang pakpak tungo sa timog ang tahak?
27 Naghihintay ba ng iyong utos ang agila,
upang sa mataas na bundok gumawa ng pugad niya?
28 Matataas na bato ang kanyang tirahan,
mga pagitan ng bato ang pinagkukutaan.
29 Ang kanyang biktima'y doon niya pinagmamasdan,
kahit malayo pa ay kanya nang natatanaw.
30 Sa(A) kanyang mga inakay, dugo ang ibinubuhay,
at tiyak na naroon siya kung saan mayroong bangkay.”
Tulong sa mga Kapatid na Nangangailangan
9 Hindi na kailangang sumulat pa ako sa inyo tungkol sa pagtulong sa mga kapatid sa iglesya. 2 Alam kong handa na kayong tumulong, kaya't ipinagmamalaki ko kayo sa mga taga-Macedonia. Ang sabi ko'y handa na kayong mga taga-Acaya noon pang nakaraang taon, at dahil dito'y lalo silang sumigla sa pagtulong. 3 Kaya't pinapapunta ko riyan ang mga kapatid na ito upang mapatunayang tama ang aming pagmamalaki tungkol sa inyo, at nang maihanda na ninyo ang inyong tulong, gaya ng sinabi ko. 4 Kung hindi, kung may mga taga-Macedonia na sumama sa akin at makita nilang hindi pala kayo handa, baka mapahiya ako at pati kayo. 5 Kaya't pinakiusapan ko ang mga kapatid na mauna riyan, upang maihanda ang tulong na ipinangako ninyo. Sa gayon, makikita na talagang kusang-loob ang pagbibigay ninyo at hindi sapilitan.
6 Ito ang ibig kong sabihin: ang nagtatanim ng kakaunti ay aani ng kakaunti, at ang nagtatanim ng marami ay aani ng marami. 7 Ang(A) bawat isa'y dapat magbigay ayon sa kanyang pasya, maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang may kagalakan. 8 Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang sumagana kayo para sa mabubuting gawa. 9 Tulad(B) ng nasusulat,
“Siya'y masaganang nagbibigay sa mga dukha;
ang kanyang kabutihan ay walang hanggan.”
10 Ang(C) Diyos na nagbibigay ng binhing itatanim at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay sa inyo ng binhi, at magpapalago nito upang magbunga nang sagana ang inyong kabutihang-loob. 11 Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay upang mas marami ang inyong matulungan. Sa gayon, lalong darami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa inyong tulong na dadalhin namin sa kanila. 12 Ang paglilingkod ninyo upang tumulong sa mga kapatid ay hindi lamang makakatugon sa kanilang pangangailangan, kundi magiging dahilan pa ng nag-uumapaw na pagpapasalamat nila sa Diyos. 13 Ang bukas-palad ninyong pagbibigay sa kanila at sa lahat ang siyang magpapatunay na matapat ninyong sinusunod ang Magandang Balita ni Cristo. Dahil diyan, magpupuri sila sa Diyos. 14 Kaya't buong pagmamahal nila kayong ipapanalangin, dahil sa di-masukat na kagandahang-loob ng Diyos sa inyo. 15 Salamat sa Diyos dahil sa kanyang kaloob na walang kapantay!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.