M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Sampung Utos(A)
20 Ang lahat ng ito'y sinabi ng Diyos: 2 “Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin.
3 “Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin.
4 “Huwag(B) kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. 5 Huwag(C) mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi. 6 Ngunit ipinadarama ko ang aking pag-ibig sa libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad sa aking mga kautusan.
7 “Huwag(D) mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang sinumang gumamit nito nang walang kabuluhan.
8 “Lagi(E) mong tandaan at ilaan para sa akin ang Araw ng Pamamahinga. 9 Anim(F) na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin. 10 Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na ito'y huwag magtrabaho ang sinuman sa inyo; kayo, ang inyong mga anak, mga aliping lalaki o babae, ang inyong mga alagang hayop, ni ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. 11 Anim(G) na araw kong nilikha ang langit, ang lupa, ang mga dagat at ang lahat ng nasa mga ito. Ngunit namahinga ako sa ikapitong araw. Kaya't ito'y aking pinagpala at inilaan para sa akin.
12 “Igalang(H) mo ang iyong ama at ina. Sa gayo'y mabubuhay ka nang matagal sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.
13 “Huwag(I) kang papatay.
14 “Huwag(J) kang mangangalunya.
15 “Huwag(K) kang magnanakaw.
16 “Huwag(L) kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa.
17 “Huwag(M) (N) mong pagnanasaang maangkin ang sambahayan ng iyong kapwa: ang kanyang asawa, mga alilang lalaki o babae, mga baka, asno o ang anumang pag-aari niya.”
Natakot ang mga Israelita(O)
18 Nanginig sa takot ang mga Israelita nang marinig nila ang dagundong ng kulog at tunog ng trumpeta, at makita ang kidlat at ang usok sa bundok. Nanatili silang nakatayo sa malayo. 19 Nang lumapit sa kanila si Moises, sinabi nila, “Ikaw ang magsalita sa amin at makikinig kami; huwag na ang Diyos at baka kami mamatay.”
20 Sinabi sa kanila ni Moises, “Huwag kayong matakot, sapagkat sinusubok lang kayo ng Diyos. Nais lang niyang magkaroon kayo ng takot sa kanya sapagkat ayaw niya kayong magkasala.” 21 Ngunit nanatili pa rin sa malayo ang mga tao; si Moises lamang ang lumapit sa makapal na ulap na kinaroroonan ng Diyos.
Ang mga Utos tungkol sa mga Altar
22 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Narinig ninyo nang ako'y magsalita mula sa langit. 23 Huwag kayong gagawa ng anumang diyus-diyosan, pilak man o ginto. 24 Gumawa kayo ng altar na yari sa lupa at doon ninyo susunugin ang inyong mga handog para sa kapayapaan; doon din ninyo susunugin ang handog ninyong mga tupa at mga baka. Doon ninyo ako sasambahin sa lugar na ituturo ko sa inyo. Pupunta ako roon at pagpapalain ko kayo. 25 Kung(P) gagamit kayo ng bato sa altar na inyong gagawin, huwag kayong gumamit ng batong tinapyasan ng paet. Ang paggamit ng paet ay isang paglapastangan. 26 Huwag ninyo akong igagawa ng altar na may baytang paakyat upang hindi malantad ang inyong kahubaran.”
Sa Harapan ni Pilato(A)
23 Tumayo ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio at dinala si Jesus kay Pilato. 2 Siya ay pinaratangan nila ng ganito, “Napatunayan po namin na inililigaw ng taong ito ang aming mga kababayan at pinagbabawalan niyang magbayad ng buwis sa Emperador. Sinasabi pa niyang siya raw ang Cristo, na isang hari.”
3 Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?”
“Ikaw na ang may sabi,” tugon ni Jesus.
4 Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.”
5 Ngunit iginiit nila, “Sa kanyang pagtuturo ay inuudyukan niyang maghimagsik ang mga taga-Judea. Nagsimula siya sa Galilea at ngayo'y narito na.”
Sa Harapan ni Herodes
6 Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung si Jesus ay taga-Galilea nga. 7 At nang malaman niyang si Jesus ay sakop ni Haring Herodes, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nagkataon namang nasa Jerusalem nang mga araw na iyon. 8 Tuwang-tuwa si Herodes nang makita niya si Jesus. Matagal na niyang ibig makita ito sapagkat marami siyang nababalitaan tungkol dito. Umaasa si Herodes na gagawa si Jesus ng ilang himala, at nais niyang makita iyon. 9 Marami siyang itinanong kay Jesus, ngunit hindi ito sumagot kahit minsan.
10 Samantala, ang mga punong pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan ay nakatayo doon at walang pakundangang pinaparatangan si Jesus. 11 Siya'y hinamak at tinuya ni Herodes at ng mga kawal nito. Siya ay dinamitan nila ng magarang damit, at ipinabalik siya kay Pilato. 12 At nang araw ding iyon, naging magkaibigan sina Herodes at Pilato na dati'y magkagalit.
Hinatulang Mamatay si Jesus(B)
13 Ipinatawag ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tao. 14 Sinabi niya sa kanila, “Isinakdal ninyo sa akin ang taong ito sa paratang na inililigaw niya ang mga taong bayan. Siniyasat ko siya sa harap ninyo at napatunayan kong walang katotohanan ang mga paratang ninyo sa kanya. 15 Gayundin si Herodes, kaya ipinabalik niya sa atin ang taong ito. Wala siyang ginawang karapat-dapat para sa hatol na kamatayan. 16 Ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay aking palalayain.” [17 Tuwing Pista ng Paskwa, kinakailangang magpalaya si Pilato ng isang bilanggong mapipili ng taong-bayan.][a]
18 Subalit sabay-sabay na sumigaw ang mga tao, “Patayin ang taong iyan! Palayain si Barabbas!” 19 Si Barabbas ay nabilanggo dahil sa paghihimagsik na pinangunahan nito sa lungsod, at dahil na rin sa salang pagpatay.
20 Sa pagnanais na mapalaya si Jesus, minsan pang nagsalita sa kanila si Pilato, 21 ngunit sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!”
22 Ikatlong ulit na sinabi sa kanila ni Pilato, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang masama? Wala akong makitang dahilan upang siya'y hatulan ng kamatayan. Kaya't ipahahagupit ko siya at pagkatapos ay palalayain.”
23 Ngunit lalo nilang ipinagsigawan na si Jesus ay dapat ipako sa krus. Nanaig ang kanilang sigaw 24 kaya't ipinasya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang hinihingi. 25 Ang taong hiningi nila, na nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay, ay pinalaya niya at ibinigay niya si Jesus sa kanila upang gawin ang kanilang kagustuhan.
Si Jesus ay Ipinako sa Krus(C)
26 Si Jesus ay dinala ng mga kawal. Nasalubong nila sa daan si Simon na taga-Cirene na noon ay galing sa bukid. Pinigil nila ito at ipinapasan dito ang krus habang pinapasunod kay Jesus.
27 Sinusundan si Jesus ng maraming tao, kabilang ang ilang babaing nag-iiyakan at tumatangis dahil sa kanya. 28 Nilingon sila ni Jesus at sinabi, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang tangisan ninyo'y ang inyong sarili at ang inyong mga anak. 29 Tandaan ninyo, darating ang mga araw na sasabihin nila, ‘Pinagpala ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ 30 Sa(D) mga araw na iyo'y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, ‘Gumuho kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ 31 Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman kaya ang mangyayari sa kahoy na tuyo?”
32 May dalawa pang kriminal na inilabas ang mga kawal upang pataying kasama ni Jesus. 33 Nang dumating sila sa isang bundok na tinatawag na Bungo, ipinako nila si Jesus sa krus. Ipinako rin ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kaliwa. [34 Sinabi(E) ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”][b]
Nagpalabunutan ang mga kawal upang paghati-hatian ang kasuotan niya. 35 Ang(F) mga tao nama'y nakatayo roon at nanonood, habang si Jesus ay kinukutya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!”
36 Nilait(G) din siya ng mga kawal. Nilapitan siya ng isa at inalok ng maasim na alak, 37 kasabay ng ganitong panunuya, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.”
38 Mayroon ding nakasulat sa kanyang ulunan [sa wikang Griego, Latin at Hebreo],[c] “Ito ang Hari ng mga Judio.”
39 Tinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami.”
40 Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, “Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya! 41 Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito'y walang ginawang masama.” 42 At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.”
43 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.”
Ang Pagkamatay ni Jesus(H)
44 Nang magtatanghaling-tapat na, hanggang sa ikatlo ng hapon, nagdilim sa buong lupain. 45 Nawalan(I) ng liwanag ang araw at ang tabing ng Templo'y napunit sa gitna. 46 Sumigaw(J) nang malakas si Jesus, “Ama, sa mga kamay mo'y ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga.
47 Nang makita ng kapitan ng mga kawal ang nangyari, siya'y nagpuri sa Diyos na sinasabi, “Tunay ngang matuwid ang taong ito!”
48 Maraming tao ang nagkakatipon doon at nanonood. Nang makita nila ang mga nangyari, umuwi silang dinadagukan ang kanilang dibdib dahil sa lungkot. 49 Nakatayo(K) naman sa di-kalayuan ang mga kasamahan ni Jesus, pati ang mga babaing sumama sa kanya mula sa Galilea. Pinagmasdan nila ang mga pangyayaring ito.
Ang Paglilibing kay Jesus(L)
50-51 May isang lalaki roon na ang pangala'y Jose. Siya'y taga-Arimatea, isang bayan sa Judea. Mabuti at matuwid ang taong ito, at isa siya sa mga naghihintay sa kaharian ng Diyos. Kahit na siya'y kagawad ng Kapulungan, hindi siya sang-ayon sa kanilang ginawa kay Jesus. 52 Nagpunta siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. 53 Ibinabâ niya ang bangkay, binalot sa telang lino at inilagay sa isang libingang inuka sa bato na hindi pa napaglilibingan. 54 Araw noon ng Paghahanda at magsisimula na ang Araw ng Pamamahinga.
55 Sumunod kay Jose ang mga babaing sumama kay Jesus mula pa sa Galilea. Nakita nila ang libingan at ang pagkakalagay doon ng bangkay ni Jesus. 56 Pagkatapos,(M) umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mira.
Pagsapit ng Araw ng Pamamahinga, nangilin sila ayon sa Kautusan.
Ang Sagot ng Diyos kay Job
38 Pagkatapos nito, sumagot ang Diyos kay Job sa pamamagitan ng malakas na bagyo,
2 “Sino kang mag-aalinlangan sa aking kaalaman?
Lalo lamang lumilitaw ang iyong kamangmangan.
3 Tumayo ka riyan at magpakalalaki,
tanong ko'y sagutin, ikaw ay magsabi.
4 Nasaan ka nang likhain ko ang mundo?
Kung talagang may alam ka, lahat ay sabihin mo.
5 Sino ang nagpasya tungkol sa lawak nito?
Sino ang sumukat, alam mo ba ito?
6 Sino ang may hawak ng mga haligi ng mundo?
Sino ang naglagay ng mga panulukang-bato?
7 Noong(A) umagang iyon, ang mga bitui'y nag-awitan,
at mga nilalang sa langit, sa tuwa'y nagsigawan.
8 “Sino(B) ang humarang sa agos ng dagat,
nang mula sa kalaliman ito'y sumambulat?
9 Tinakpan ko ang dagat ng ulap na makapal,
at binalutan ito ng kadiliman.
10 Ang dagat ay nilagyan ko ng hangganan,
upang ito'y manatili sa likod ng mga harang.
11 Sinabi kong sila'y hanggang doon na lang,
at huwag lalampas ang alon na naglalakihan.
12 Job, nakalikha ka ba kahit isang bukang-liwayway?
13 Ang daigdig ba ay naigawa mo ng tanglaw,
upang ang masasama'y mabulabog sa taguan?
14 Malinaw na gaya ng tatak sa putik,
nang makulayan ay tumingkad gaya ng damit.
15 Masasamang tao'y nasisilaw sa liwanag ng araw,
sa paggawa ng karahasan sila'y napipigilan.
16 “Nakapunta ka na ba sa mga bukal ng karagatan?
Ang sahig ng dagat ay iyo bang nalakaran?
17 May nakapagturo na ba sa iyo sa mga pintuan
na pasukan tungo sa madilim na daigdig ng mga patay?
18 Alam mo ba kung gaano kalaki itong mundo?
Sumagot ka kung alam mo.
19 “Alam mo ba kung saan nanggagaling ang liwanag,
at ang kadiliman, saan ba ito nagbubuhat?
20 Masasabi mo ba kung hanggang saan dapat makarating,
at mula doon sila'y iyong pabalikin?
21 Ikaw ay matanda na, baka nga iyong kaya,
pagkat nang likhain ang daigdig, ikaw ay nariyan na!
22 “Napuntahan mo na ba ang aking mga imbakan
ng niyebe at ng yelong ulan?
23 Ang mga ito'y aking inilalaan,
sa panahon ng digmaan at ng kaguluhan.
24 Nakapunta ka na ba sa sikatan ng araw,
o sa pinagmumulan ng hanging silangan?
25 “Sino nga ba ang humukay ng daanan ng baha?
Ang landas ng kulog ay sino ang gumawa?
26 Sino ang nagbibigay ng ulan sa disyerto,
kahit na doo'y wala namang nakatirang tao?
27 Sino ang dumidilig sa tigang na lupa,
upang dito'y tumubo ang damong sariwa?
28 Ang ulan ba o ang hamog ay mayroong ama?
29 Ang yelong malamig, mayroon bang ina?
Sino nga kaya ang nagsilang sa kanila?
30 Sa labis na lamig, tubig ay tumitigas,
nagiging parang bato ang ibabaw ng dagat.
31 “Ang(C) Pleyades ba'y iyong matatalian,
o ang Orion kaya'y iyong makakalagan?
32 Mapapatnubayan mo ba ang mga bituin,
o maituturo ang daan ng malaki't maliit na diper?
33 Alam mo ba ang mga batas sa langit,
ito ba'y maiaangkop mo sa daigdig?
34 “Ang mga ulap ba'y iyong mauutusan
upang sa lupa ay magbuhos ng malakas na ulan?
35 Mauutusan mo ba ang kidlat na ito'y kumislap,
sumunod naman kaya sa iyong mga atas?
36 Sino ang nagsasabi sa ibong Ibis kung kailan tataas ang Ilog Nilo,
at sino ang nagpapabatid sa tandang upang ibadya ang pagdating ng bukang-liwayway?
37 Sinong makakabilang sa ulap na makapal,
o makakapagtaob nito upang bumuhos ang ulan?
38 Ang ulan na sa alabok ay babasa, kapag iyon ay natuyo, magiging matigas na lupa.
39 “Maihahanap mo ba ng pagkain ang mga leon,
upang mapawi ang kanilang gutom?
40 Habang sila'y naroon sa kanilang taguan,
at wari bang pagkai'y kanilang hinihintay?
41 Sino ang nagbibigay ng pagkain sa mga ibon,
sino ang bumubusog sa kanilang inakay na nagugutom?
Paano Dapat Magbigay ang Isang Cristiano?
8 Mga(A) kapatid, nais naming malaman ninyo ang ipinakitang kagandahang-loob ng Diyos sa mga iglesya sa Macedonia. 2 Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito'y isang mahigpit na pagsubok sa kanila. Ngunit sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukás ang palad sa pagbibigay. 3 Sila'y kusang-loob na nagbigay, hindi lamang sa abot ng kanilang kaya, kundi higit pa. Alam ko ito sapagkat 4 mahigpit nilang ipinakiusap sa amin na sila'y bigyan ng pagkakataong makatulong sa mga kapatid na nangangailangan, 5 at higit pa sa inaasahan namin. Ibinigay nila ang kanilang sarili, una sa Panginoon, at pagkatapos ay sa amin, ayon sa kalooban ng Diyos. 6 Kaya't pinakiusapan namin si Tito, dahil siya ang nagsimula ng gawaing ito, na kayo'y tulungan niya hanggang sa malubos ang pagkakawanggawa ninyong ito. 7 Masagana kayo sa lahat ng bagay: sa pananampalataya, sa pagpapahayag, sa kaalaman, sa kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin.[a] Sikapin ninyong maging masagana rin sa pagkakawanggawang ito.
8 Hindi sa inuutusan ko kayo. Sinasabi ko lamang sa inyo ang pagsisikap ng iba upang masubok ang katapatan ng inyong pag-ibig. 9 Hindi kaila sa inyo ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit na mayaman ay naging dukha upang maging mayaman kayo sa pamamagitan ng kanyang pagiging dukha.
10 Kaya ito ang payo ko: mas mabuting ipagpatuloy ninyo ang inyong pag-iipon ng kaloob na sinimulan ninyo noon pang isang taon. Kayo ang nanguna, hindi lamang sa pagsasagawa nito kundi maging sa paghahangad. 11 Kaya't tapusin na ninyo ito! Ang sigasig ninyo noon sa paghahangad ay tumbasan ninyo ng sigasig na tapusin ang bagay na ito. Magbigay kayo ayon sa inyong makakaya. 12 Sapagkat kung may hangaring magbigay, tatanggapin ng Diyos ang inyong kaloob ayon sa inyong makakaya at hindi ayon sa hindi ninyo kaya.
13 Hindi sa ibig kong guminhawa ang iba at mabigatan naman kayo. 14 Ang ibig ko ay matulungan ninyo ang isa't isa. Masagana kayo ngayon; marapat lamang na tulungan ninyo ang mga nangangailangan. Kung kayo naman ang mangailangan at sila'y sumagana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa gayon, magkakapantay-pantay ang kalagayan ninyo. 15 Tulad(B) ng nasusulat,
“Ang kumuha ng marami ay hindi lumabis,
at ang kumuha ng kaunti ay hindi naman kinulang.”
Si Tito at ang Kanyang mga Kasama
16 Salamat sa Diyos dahil inilagay niya sa puso ni Tito ang gayunding pagmamalasakit. 17 Hindi lamang niya pinaunlakan ang aming pakiusap, kundi sa kagustuhang makatulong sa inyo, nagprisinta pang siya ang pupunta riyan. 18 Pinasama namin sa kanya ang kapatid na kilala sa lahat ng iglesya dahil sa kanyang pangangaral ng Magandang Balita. 19 Hindi lamang iyan! Siya'y pinili ng mga iglesya upang maglakbay kasama namin at tulungan kami sa pangangasiwa sa gawaing ito. Ang ganitong pagkakawanggawa ay para sa ikaluluwalhati ng Panginoon at upang maipakita ang aming hangaring makatulong.
20 Nag-iingat kami upang walang masabi ang sinuman tungkol sa pangangasiwa namin sa masaganang kaloob na ito. 21 Ang(C) layunin namin ay gawin kung ano ang marangal, hindi lamang sa paningin ng Panginoon kundi maging sa paningin ng mga tao.
22 Kaya isinusugo naming kasama nila ang isa pa nating kapatid na subok na namin sa maraming pagkakataon, at lalong masigasig sa pagtulong ngayon dahil sa malaking tiwala niya sa inyo. 23 Tungkol kay Tito, siya ang kasama ko at kamanggagawa sa pagtulong sa inyo. Tungkol naman sa mga kapatid na kasama niya, sila'y mga kinatawan ng mga iglesya sa ikararangal ni Cristo. 24 Kaya't ipadama ninyo sa kanila ang matapat ninyong pag-ibig upang makita ng mga iglesya na hindi kami nagkamali sa pagmamalaki tungkol sa inyo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.