Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 38

Ang Altar(A)

38 Akasya rin ang ginamit ni Bezalel sa paggawa ng altar na sunugan ng handog. Ito'y parisukat, 2.2 metro ang haba, ganoon din ang lapad, at 1.3 metro naman ang taas. Ang mga sulok nito'y nilagyan niya ng sungay na kaisang piraso ng altar, at binalot ng tanso. Si Bezalel din ang gumawa ng mga kagamitang tanso para sa altar: palayok, pala, palanggana, malaking tinidor at lalagyan ng apoy. Gumawa rin siya ng parilyang tanso at ikinabit sa ilalim ng baytang, sa kalahatian ng altar. Gumawa siya ng apat na argolya at ikinabit sa apat na sulok ng parilya, para pagsuutan ng pampasan. Akasya rin ang ginawa niyang pampasan. Binalot niya ito ng tanso at isinuot sa mga argolya sa gilid ng altar. Tabla ang ginamit niya sa paggawa ng altar at ito'y may guwang sa loob.

Ang Palangganang Tanso(B)

Gumawa(C) nga siya ng palangganang tanso, at tanso rin ang patungan. Ang ginamit niya rito ay tansong ginagamit bilang salamin ng mga babaing tumutulong sa mga naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan.

Ang Bulwagan ng Toldang Tipanan(D)

Pagkatapos, ginawa niya ang bulwagan na pinaligiran niya ng mamahaling telang lino. Sa gawing timog ay 45 metro ang haba ng tabing 10 at ito'y ikinabit niya sa dalawampung posteng tanso na itinayo sa dalawampung tuntungang tanso rin. Pilak naman ang mga kawit at ang sabitang baras na ginamit niya. 11 Gayundin ang ginawa niya sa gawing hilaga: 45 metro ang mga tabing na ikinabit sa dalawampung posteng tanso na itinayo sa dalawampung tuntungang tanso; pilak naman ang mga kawit at baras na ginamit dito. 12 Sa gawing kanluran naman, 22 metro ang haba ng tabing na isinabit niya sa sampung posteng nakatindig sa sampung tuntungan. Ang mga kawit at baras ay gawa sa pilak. 13 Ang luwang ng harapan ng bulwagan sa gawing silangan ay 22 metro. 14 Sa isang gilid ng pintuan ay nilagyan ng kurtinang 6.6 na metro ang haba, na nakasabit sa tatlong posteng nakapatong sa tatlong tuntungan. 15 Ganoon din sa kabilang gilid. Kaya ang dalawang gilid ng pintuan ay may tig-isang kurtinang 6.6 na metro ang haba, na nakasabit sa tatlong posteng nakapatong sa kanya-kanyang tuntungan. 16 Lahat ng tabing ng bulwagan ay mamahaling telang lino. 17 Tanso ang tuntungan ng mga poste at pilak naman ang mga kawit ng poste, gayundin ang mga haligi. 18 Ang kurtina sa may pintuan ay mamahaling lino at lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula. Magandang-maganda ang burda nito. Ang haba't lapad nito'y 9 na metro, samantalang 2 metro naman ang taas, tulad ng tabing sa bulwagan. 19 Ito'y nakasabit sa apat na posteng nakapatong sa apat na tuntungang tanso. Ang mga kawit nito at balot ay pawang pilak. 20 Tanso naman ang mga tulos na ginamit sa Toldang Tipanan at sa tabing ng bulwagan.

Ang mga Metal na Ginamit sa Tabernakulo

21 Ito ang listahan ng mga metal na ginamit sa tabernakulo na pinaglagyan sa Kaban ng Tipan. Ang listahang ito'y ipinagawa ni Moises sa mga Levita sa pangunguna ni Itamar na anak ni Aaron.

22 Lahat ng iniutos ni Yahweh kay Moises ay ginawa ni Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, buhat sa lipi ni Juda. 23 Ang pangunahin niyang katulong na si Aholiab ay anak ni Ahisamac at buhat naman sa lipi ni Dan. Siya ay mahusay mag-ukit, isang taga-disenyo at manghahabi ng pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula.

24 Lahat ng gintong ginamit sa santuwaryo ay umabot sa 1,000 kilo ayon sa timbangan sa templo. Ang lahat ng ito'y handog kay Yahweh. 25 Ang(E) pilak namang ibinigay ng mga taong napabilang sa sensus ay umabot sa 3,430 kilo, ayon din sa timbangan sa templo. 26 Ang(F) mga ito ang kabuuan ng lahat ng inihandog ng mga napabilang sa sensus, na umabot naman sa 603,550 katao, mula sa dalawampung taon pataas. Bawat isa'y nagbigay ng kaukulang halaga ayon sa timbangan sa santuwaryo. 27 Ang pilak na nagamit sa mga tuntungan ng santuwaryo at tabing ng bulwagan ay 3,400 kilo: 100 tuntungan na tig-34 na kilo. 28 Ang 30 kilo ay ginamit sa mga kawit ng poste, sa mga dulo nito at sa mga haligi. 29 Ang tansong inihandog kay Yahweh ay umabot naman sa 2,425 kilo. 30 Ito ay ginamit sa mga tuntungan sa pintuan ng Toldang Tipanan, sa altar at sa parilyang tanso gayundin sa lahat ng gamit sa altar, 31 sa tuntungan sa paligid ng patyo, at tuntungan ng poste ng pinto, at sa lahat ng tulos na ginamit sa paligid ng tabernakulo.

Juan 17

Idinalangin ni Jesus ang Kanyang mga Alagad

17 Pagkasabi ni Jesus ng mga ito, tumingala siya sa langit at kanyang sinabi, “Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak upang luwalhatiin ka niya. Sapagkat binigyan mo siya ng kapangyarihan sa lahat ng tao upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya. At ito(A) ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila na iisang tunay na Diyos, at si Jesu-Cristo na iyong isinugo. Inihayag ko dito sa lupa ang iyong kaluwalhatian; natapos ko na ang ipinapagawa mo sa akin. Kaya, Ama, ipagkaloob mo sa akin ngayon sa iyong harapan ang kaluwalhatiang taglay ko sa piling mo bago pa likhain ang sanlibutan.

“Ipinahayag ko na kung sino ka sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila'y iyo at ibinigay mo sila sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. Alam na nila na ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo; dahil ibinigay ko sa kanila ang mga salitang ibinigay mo sa akin, at tinanggap nila. Natitiyak nilang ako'y tunay na galing sa iyo, at naniniwala silang ikaw nga ang nagsugo sa akin.

“Idinadalangin ko sila; hindi ang sanlibutang ito ang idinadalangin ko, kundi ang lahat ng ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y sa iyo. 10 Ang lahat ng sa akin ay sa iyo, at ang lahat ng sa iyo ay sa akin; at naluluwalhati ako sa pamamagitan nila. 11 At ngayon, ako'y papunta na sa iyo; iniiwan ko na ang sanlibutang ito, ngunit sila ay nasa sanlibutan pa. Amang banal, ingatan mo po sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin, upang kung paanong ikaw at ako ay iisa, gayundin naman sila'y maging isa. 12 Habang(B) kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin. Pinangalagaan ko sila at walang napahamak sa kanila, maliban sa taong tiyak na mapapahamak,[a] upang matupad ang kasulatan. 13 Ngunit ngayon, ako'y papunta na sa iyo, at sinasabi ko ito habang ako'y nasa sanlibutan pa upang mapuspos sila ng aking kagalakan. 14 Naibigay ko na sa kanila ang iyong salita, at kinapootan sila ng sanlibutan, sapagkat hindi na sila taga-sanlibutan, tulad ko na hindi taga-sanlibutan. 15 Hindi ko idinadalanging kunin mo sila sa sanlibutan, kundi iligtas mo sila sa Masama! 16 Hindi sila taga-sanlibutan, tulad ko na hindi rin taga-sanlibutan. 17 Ibukod mo sila para sa iyo sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ang katotohanan. 18 Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, gayundin naman, isinusugo ko sila sa sanlibutan. 19 At alang-alang sa kanila'y itinalaga ko ang aking sarili para sa iyo, upang maitalaga rin sila sa katotohanan.

20 “Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi pati ang mga mananalig sa akin dahil sa kanilang pahayag. 21 Ama, maging isa nawa silang lahat. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako'y nasa iyo, gayundin naman, maging isa nawa sila sa atin upang ang sanlibutan ay maniwala na ikaw ang nagsugo sa akin. 22 Ibinigay ko na sa kanila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin upang sila'y ganap na maging isa, tulad mo at ako na iisa: 23 ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. Dahil dito, malalaman ng sanlibutan na isinugo mo ako at sila'y minamahal mo, katulad ng pagmamahal mo sa akin.

24 “Ama, sila na ibinigay mo sa akin ay nais kong makasama sa kinaroroonan ko upang mapagmasdan nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, sapagkat minahal mo na ako bago pa nilikha ang daigdig. 25 Makatarungang Ama, hindi ka kilala ng sanlibutan, ngunit kilala kita, at alam rin ng mga ibinigay mo sa akin na ikaw ang nagsugo sa akin. 26 Ipinahayag ko na sa kanila kung sino ka, at patuloy ko itong ipapahayag, upang ang pagmamahal mo sa akin ay manatili sa kanila, at ako ay manatili rin sa kanila.”

Mga Kawikaan 14

14 Ang matalinong babae ay nagtatatag ng kanyang bahay,
    ngunit winawasak ng isang mangmang ang sariling tahanan.
Ang gumagalang at sumusunod kay Yahweh ay lumalakad sa katuwiran,
    ngunit ang nagwawalang-bahala sa kanya ay nasa likong daan.
Ang bawat salita ng mangmang ay may katumbas na parusa,
    kaya ang matalino'y nag-iingat sa mga salita niya.
Kung saan walang baka, ang kamalig ay walang laman,
    datapwat sa maraming baka, sagana ang anihan.
Ang tapat na saksi'y hindi magsisinungaling,
    ngunit pawang kabulaanan ang sa saksing sinungaling.
Ang mangmang ay nag-aaral pero hindi matuto,
    ngunit madaling maturuan ang taong may talino.
Iwasan mong makisama sa mga taong mangmang,
    pagkat sa kanila ay wala kang mapupulot na kaalaman.
Nalalaman ng matalino ang kanyang ginagawa,
    ngunit ang mangmang ay inaakay ng mali niyang unawa.
Kinukutya ng mga hangal ang handog na pambayad sa kasalanan,
    ngunit nalalasap ng matuwid ang mabuting kalooban.
10 Walang makikihati sa kabiguan ng tao,
    gayon din naman sa ligayang nadarama nito.
11 Ang bahay ng masama ay sadyang mawawasak,
    ngunit ang tolda ng matuwid ay hindi babagsak.
12 May(A) daang matuwid sa tingin ng tao,
    ngunit kamatayan ang dulo nito.
13 Sa gitna ng ligaya maaaring dumating ang kalungkutan,
    ngunit ang kaligayaha'y maaaring magwakas sa panambitan.
14 Pagbabayaran ng tao ang liko niyang pamumuhay,
    ngunit ang gawa ng matuwid ay gagantimpalaan.
15 Pinaniniwalaan ng mangmang ang lahat niyang mapakinggan,
    ngunit sinisiyasat ng may unawa ang kanyang pupuntahan.
16 Ang taong may unawa ay lumalayo sa kasamaan,
    ngunit ang mangmang ay napapahamak dahil sa kapabayaan.
17 Ang taong mainit ang ulo ay nakagagawa ng di marapat,
    ngunit ang mahinahon ay lagi nang nag-iingat.
18 Ang taong hangal ay nag-aani ng kamangmangan,
    ngunit ang matalino'y nagkakamit ng karunungan.
19 Ang makasalanan ay gumagalang sa mabuting tao,
    at makikiusap na siya'y tulungan nito.
20 Ang taong mahirap kadalasa'y tinatalikuran,
    ngunit ang mayaman ay maraming kaibigan.
21 Ang humahamak sa kapwa ay gumagawa ng masama,
    ngunit ang matulungin, ligaya ang tinatamasa.
22 Ang gumagawa ng masama ay mapapahamak,
    ngunit ang nag-iisip ng mabuti'y pagkakatiwalaan at igagalang.
23 Ang bawat pagsisikap ay may pakinabang,
    ngunit ang puro salita, ang bunga ay kahirapan.
24 Ang putong ng matalino ay ang kanyang karunungan,
    ang kuwintas ng mangmang ay ang kanyang kahangalan.
25 Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng buhay,
    ngunit ang salita ng sinungaling ay pawang kataksilan.
26 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh, dulot ay kapayapaan,
    may hatid na katatagan sa buong sambahayan.
27 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay bukal ng buhay,
    at ang taong mayroon nito'y malayo sa bitag ng kamatayan.
28 Ang karangalan ng hari ay nasa dami ng nasasakupan,
    ngunit walang kabuluhan ang pinunong walang tauhan.
29 Ang hinahon ay nagpapakilala ng kaunawaan,
    ngunit ang madaling pagkagalit ay tanda ng kamangmangan.
30 Ang isip na tiwasay ay nagpapahaba ng buhay,
    ngunit ang kapusukan ay nagbibigay ng kapahamakan.
31 Ang umaapi sa mahirap ay humahamak sa Maykapal,
    ngunit ang matulungi'y nagdudulot ng karangalan.
32 Ang masama ay ibinabagsak ng sariling kasamaan,
    ngunit ang kanlungan ng matuwid ay ang kanyang kabutihan.[a]
33 Sa isip ng may unawa ang nananahan ay karunungan,
    ngunit ang mangmang ay walang kaalaman.
34 Ang katuwiran ay nagpapadakila sa isang bayan,
    ngunit ang kasalanan naman ay nagdudulot ng kahihiyan.
35 Sa matalinong alipin, ang amo ay nalulugod,
    ngunit sa utusang walang isip siya ay napopoot.

Filipos 1

Mula(A) kina Pablo at Timoteo na mga lingkod[a] ni Cristo Jesus,

Para sa mga taga-Filipos na mga hinirang ng Diyos at sumasampalataya kay Cristo Jesus, gayundin sa mga tagapangasiwa[b] at mga tagapaglingkod:[c]

Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaan ng Diyos na ating Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos

Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing naaalala ko kayo. Ako'y nagagalak tuwing ako'y nananalangin para sa inyong lahat, dahil sa inyong pakikiisa sa pagpapalaganap ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, mula nang ito'y inyong tanggapin hanggang sa kasalukuyan. Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo.

Kayo'y laging nasa aking puso, kaya dapat lang na pahalagahan ko kayo nang ganito. Magkasama tayong tumanggap ng pagpapala ng Diyos, noon pa man nang ako'y malayang nagtatanggol at nagpapalaganap ng Magandang Balita at kahit ngayong ako'y nakabilanggo. Saksi ko ang Diyos na ang pananabik ko sa inyong lahat ay kagaya ng pagmamahal sa inyo ni Jesu-Cristo.

Idinadalangin ko sa Diyos na ang inyong pag-ibig ay patuloy na sumagana at masangkapan ng malinaw na kaalaman at pagkaunawa, 10 upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat. Sa gayon, sa Araw ni Cristo ay matagpuan kayong malinis, walang kapintasan, 11 at sagana sa magagandang katangiang kaloob sa inyo ni Jesu-Cristo, sa ikararangal at ikadadakila ng Diyos.

Si Cristo ang Buhay

12 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang mga nangyari sa akin ay nakatulong nang malaki sa ikalalaganap ng Magandang Balita. 13 Nalaman(B) ng mga bantay sa palasyo at ng iba pang naririto na ako'y nabilanggo dahil sa pagsunod ko kay Cristo. 14 At ang karamihan sa mga kapatid ay lalong tumibay sa kanilang pananalig sa Panginoon dahil sa aking pagkabilanggo. Hindi lamang iyon, lalo pang lumakas ang kanilang loob na ipangaral ang salita ng Diyos.

15 Totoo nga na may ilang nangangaral tungkol kay Cristo dahil sa pagkainggit at pagkahilig sa pakikipagtalo, ngunit mayroon din namang nangangaral nang may tapat na hangarin. 16 Si Cristo'y ipinapangaral nila dahil sa tunay na pagmamahal, sapagkat alam nilang ako'y hinirang upang ipagtanggol ang Magandang Balita. 17 Ngunit ang iba ay nangangaral nang di tapat sa kalooban, kundi dahil sa udyok ng masamang hangarin, sapagkat hangad nilang dagdagan pa ang paghihirap ko sa aking pagkakabilanggo. 18 Ngunit walang anuman sa akin ang lahat ng iyon. Ikinagagalak ko na si Cristo ay naipapangaral, maging tapat man o hindi ang hangarin ng mga nangangaral.

Ang isa ko pang ikinagagalak 19 ay ang pag-asang ako'y makakalaya sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo. 20 Ang aking pinakananais at inaasahan ay ang hindi ako mapahiya sa anumang bagay; kundi sa lahat ng panahon, at lalo na ngayon, ay buong tapang kong maparangalan si Cristo sa buhay man o sa kamatayan. 21 Sapagkat para sa akin, ang buhay ay para kay Cristo at ang kamatayan ay pakinabang. 22 Kung ako'y mananatiling buháy, ito'y kapaki-pakinabang sapagkat marami pa akong magagawang mabubuting bagay. Hindi ko ngayon malaman kung alin ang aking pipiliin. 23 May pagtatalo sa loob ko; nais ko nang pumanaw sa mundong ito upang makapiling ni Cristo, sapagkat ito ang lalong mabuti. 24 Ngunit alang-alang sa inyo, mas kailangan pang manatili ako sa buhay na ito. 25 Dahil dito, natitiyak kong ako'y mabubuhay pa at makakasama ninyong lahat upang matulungan kayong magpatuloy nang may kagalakan sa inyong pananalig sa Panginoon. 26 Kung magkagayon, lalo ninyo akong maipagmamalaki at lalo ninyong pupurihin si Cristo Jesus dahil sa aking pagbabalik sa inyo.

27 Kaya nga, mga kapatid, pagsikapan ninyong mamuhay nang nararapat ayon sa Magandang Balita ni Cristo. Sa gayon, makabalik man ako sa inyong piling o hindi, makakatiyak pa rin akong kayo'y naninindigan sa iisang diwa at sama-samang ipinaglalaban ang pananampalataya sa Magandang Balita. 28 Huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway. Magpakatatag kayo sapagkat ito mismo ang palatandaan na sila ay mapapahamak at kayo'y ililigtas ng Diyos. 29 Dahil ipinagkaloob niya sa inyo, hindi lamang ang manalig sa kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang kay Cristo. 30 Ngayon,(C) kasama ko na kayo sa pakikipaglabang nakita ninyong ginawa ko noon, at nababalitaan ninyong ginagawa ko pa rin hanggang ngayon.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.