Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Daily Reading for Personal Growth, 40 Days with God

40 daily Scripture readings that illustrate the character of God and the nature of faith.
Duration: 40 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
1 Juan 4:7-21

Ang Diyos ay Pag-ibig

Mga minamahal, ibigin natin ang isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos. Ang sinumang umiibig ay anak na ng Diyos at nakikilala niya ang Diyos. Ang sinumang hindi umiibig ay hindi nakikilala ang Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Sa ganitong paraan, nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin: isinugo ng Diyos sa sanlibutan ang kanyang kaisa-isang Anak upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya. 10 Ganito ipinamalas ang pag-ibig: hindi dahil inibig natin ang Diyos, kundi siya ang umibig sa atin at isinugo niya ang kanyang Anak bilang alay para sa pagpapatawad ng ating mga kasalanan. 11 Mga minamahal, yamang lubos tayong iniibig ng Diyos, dapat din nating ibigin ang isa't isa. 12 Walang (A) sinumang nakakita sa Diyos, ngunit kung iniibig natin ang isa't isa, nananatili ang Diyos sa atin, at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.

13 Sa ganito natin nalalaman na tayo nga'y nananatili sa kanya at siya'y sa atin, na ibinigay niya sa atin ang kanyang Espiritu. 14 Nakita namin at kami'y nagpapatotoo na isinugo ng Ama ang kanyang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. 15 Ang sinumang nagpapahayag na si Jesus ang Anak ng Diyos, ang Diyos ay nananatili sa kanya at siya ay nananatili sa Diyos. 16 Tayo ang nakaalam at sumampalataya sa pag-ibig na iniuukol ng Diyos para sa atin.

Ang Diyos ay pag-ibig, at ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya. 17 Sa ganitong paraan naging ganap sa atin ang pag-ibig, upang tayo'y magkaroon ng katiyakan sa araw ng paghuhukom, sapagkat kung ano siya ay gayon din tayo sa sanlibutang ito. 18 Walang anumang takot sa pag-ibig. Sa halip, ang ganap na pag-ibig ay nag-aalis ng takot, sapagkat ang takot ay mayroong kaparusahan. Ang sinumang natatakot ay hindi pa lubusang umiibig. 19 Tayo ay umiibig sapagkat siya ang unang umibig sa atin. 20 Ang sinumang nagsasabing iniibig niya ang Diyos ngunit napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Sapagkat ang hindi umiibig sa kanyang kapatid na kanyang nakikita ay hindi maaaring umibig sa Diyos na hindi niya nakikita. 21 Ito ang utos na ibinigay niya sa atin: dapat ding umibig sa kanyang kapatid ang umiibig sa Diyos.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.