Daily Reading for Personal Growth, 40 Days with God
6 Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga walang kabuluhang salita, sapagkat dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Diyos sa mga suwail na anak. 7 Kaya't huwag kayong makikibahagi sa kanila. 8 Sapagkat kayo noon ay kadiliman, ngunit ngayon sa Panginoon kayo ay liwanag. Mamuhay kayo bilang mga anak ng liwanag.— 9 Sapagkat ang bunga ng liwanag ay matatagpuan sa mga bagay na mabuti, matuwid at totoo. 10 Alamin ninyo kung ano ang kaaya-aya sa Panginoon. 11 At huwag kayong makibahagi sa mga walang kapakinabangang gawa ng kadiliman, sa halip ay ilantad ninyo ang mga ito. 12 Sapagkat kahiya-hiyang banggitin man lamang ang mga patagong ginagawa ng mga taong ito. 13 Lahat ng mga bagay na inilantad ng liwanag ay makikita. 14 Sapagkat anumang bagay na nakikita ay nagiging liwanag. Kaya nga't sinasabi,
“Gumising ka, ikaw na natutulog,
bumangon ka mula sa mga patay,
at si Cristo ay magliliwanag sa iyo.”
15 Kaya't mag-ingat kayo sa uri ng inyong pamumuhay, hindi gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong. 16 (A) Lubos ninyong gamitin ang pagkakataon, sapagkat ang mga araw ay masasama. 17 Kaya't huwag kayong maging mga hangal, sa halip ay unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. 18 Huwag kayong magpakalasing sa alak, na sanhi ng kahalayan, sa halip ay mapuspos kayo ng Espiritu. 19 Mag-usap-usap kayo (B) sa pamamagitan ng mga awit, ng mga himno at ng mga awiting espirituwal; mag-awitan kayo at mag-alay ng himig mula sa inyong mga puso sa Panginoon. 20 Sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, lagi kayong magpasalamat sa lahat ng mga bagay sa Diyos na ating Ama.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.