Daily Reading for Personal Growth, 40 Days with God
16 Kaya't (A) huwag ninyong hayaan ang sinuman na kayo'y hatulan sa mga bagay na may kinalaman sa pagkain at inumin, o sa kapistahan, o sa bagong buwan o sa mga araw ng Sabbath. 17 Ang mga ito ay anino lamang ng mga bagay na darating, ngunit ang totoong bagay ay kay Cristo. 18 Huwag ninyong hayaang mawalan kayo ng gantimpala sa pamamagitan ng huwad na pagpapakumbaba at pagsamba sa mga anghel. Pinanghahawakan ng gayong tao ang mga bagay na diumano'y kanyang nakita at nagmamalaki nang walang kadahilanan bunga ng kanyang makamundong pag-iisip. 19 Ang taong iyon ay hindi (B) nakaugnay kay Cristo, na siyang Ulo, na mula sa kanya ang buong katawan, na tinutustusan at pinagsasama-sama sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid, ay lumalaking paglagong naaayon sa Diyos.
Babala Laban sa Maling Turo
20 Kung kayo'y namatay kasama ni Cristo mula sa mga pamahiing aral ng sanlibutan, bakit nabubuhay pa kayo na parang saklaw pa rin ng sanlibutan? Bakit nagpapasakop kayo sa mga tuntuning, 21 “Bawal humipo, bawal tumikim, bawal humawak”? 22 Ang mga ito'y may kinalaman sa lahat ng mga bagay na nasisira pagkatapos gamitin. Ang mga ito'y mga utos ayon sa aral na nagmula sa mga tao. 23 Ang mga ito'y mayroong anyo ng karunungan na nakaugnay sa pagsambang itinakda ng sariling kagustuhan, sa pagpapakababa, at sa pagpapahirap sa katawan, ngunit wala namang halaga sa pagsupil sa hilig ng laman.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.