Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Panaghoy 3:37-5:22

37 Walang anumang bagay na mangyayari, nang hindi sa kapahintulutan ni Yahweh.
38     Nasa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos ang masama at mabuti.
39     Bakit tayo magrereklamo kapag tayo'y pinaparusahan kung dahil naman ito sa ating mga kasalanan?

40 Siyasatin nati't suriin ang ating pamumuhay, at tayo'y manumbalik kay Yahweh!
41     Dumulog tayo sa Diyos at tayo'y manalangin:
42     “Kami'y nagkasala at naghimagsik, at hindi mo kami pinatawad.

43 “Sa iyong matinding galit ay hinabol mo kami at walang awang pinatay.
44     Ang galit mo'y tila makapal na ulap na hindi malampasan ng aming mga dalangin.
45     Ginawa mo kaming tambakan ng kasamaan ng sanlibutan.

46 “Kinukutya kami ng aming mga kaaway;
47     nagdaan na kami sa pagkawasak at kapahamakan, naranasan namin ang mabingit sa panganib at manginig sa takot.
48     Hindi mapigil ang pagbalong ng aking mga luha, dahil sa kapahamakang sinapit ng aking bayan.

49 “Walang tigil ang pagdaloy ng aking mga luha,
50     hanggang si Yahweh ay tumunghay mula sa langit at kami'y lingapin.
51     Nagdadalamhati ako dahil sa sinapit ng mga kababaihan sa aking lunsod.

52 “Para akong ibong binitag ng aking mga kaaway, gayong wala silang dahilan upang kamuhian ako.
53     Ako'y inihulog nila nang buháy sa isang balon, at tinakpan ng bato ang bunganga nito.
54     Lumubog ako sa tubig, at nasabi ko, ‘Wala na akong pag-asang mabuhay pa.’

55 “O Yahweh, tinawag ko ang iyong pangalan nang ako'y nasa kailaliman ng balon;
56     narinig mo ang aking samo, ‘Huwag mong takpan ang iyong pandinig sa aking paghingi ng tulong!’
57     Nilapitan mo ako nang ika'y tawagan ko; sinabi mo sa akin, ‘Huwag kang matakot!’

58 “Tinulungan mo ako, Yahweh, at iniligtas mo ang aking buhay.
59     Hindi kaila sa iyo ang kasamaang ginawa nila sa akin; bigyan mo ako ng katarungan.
60     Nakita mo ang kanilang paghihiganti at masasamang balak laban sa akin.

61 “Narinig mo, Yahweh, ang pangungutya nila't mga pakana laban sa akin.
62     Nagsasalita at nag-iisip laban sa akin ang mga kaaway ko.
63     Mula umaga hanggang gabi kanilang panunuya'y walang pasintabi.

64 “O Yahweh, parusahan mo sila, ayon sa kanilang ginawa.
65-66     Pahirapan mo sila, at iyong sumpain;
    habulin mo sila at iyong lipulin!”

Naganap ang Pagpaparusa sa Jerusalem

Kupas na ang kinang ng ginto,
    nagkalat sa lansangan ang mga bato ng Templo!

Ang mga ipinagmamalaking kabinataan ng Jerusalem ay kasinghalaga ng lantay na ginto,
    ngunit ngayon ay para na lamang putik na hinugisan ng magpapalayok.

Kahit mga asong-gubat ay nagpapasuso ng kanilang mga tuta,
    subalit ang aking bayan ay naging malupit, gaya ng mga ostrits sa kanilang mga inakay.

Namamatay sa gutom ang mga batang pasusuhin;
    namamalimos ang mga bata, ngunit walang magbigay ng pagkain.

Ang mga taong dati'y sagana sa pagkain dahil sa gutom ay namatay na rin.
    Ang dating mayayaman ay naghahalungkat, umaasang sa basurahan ay may mabubulatlat.

Ang(A) pagpaparusa sa aking bayan ay higit pa sa sinapit ng Sodoma
    na sa isang kisap-mata'y winasak ng Diyos.

Dati, ang aming mga pinuno[a] ay matuwid at sindalisay ng yelo;
    sila'y matipuno, malakas at malusog.

Ngayo'y mukha nila'y sing-itim ng alkitran, kanilang mga bangkay sa Jerusalem ay naghambalang.
    Nangulubot na ang kanilang balat, parang kahoy na natuyo ang kanilang mga buto.

Mabuting di hamak ang masawi ka sa digmaan kaysa naman sa gutom ikaw ay mamatay;
    at dahil walang makain, labis kang nanghina.

10 Kalagim-lagim(B) ang naging bunga ng kapahamakang sinapit ng aking bayan.
    Upang ang ina ay may makain, kanilang supling ang siyang isinaing.

11 Ibinuhos ni Yahweh ang kanyang matinding poot,
    sa lunsod ng Zion, lahat kanyang tinupok.

12 Hindi naniniwala ang lahat ng hari sa sanlibutan, ni ang kanilang mga nasasakupan
    na mapapasok ng kaaway ang lunsod ng Jerusalem.

13 Ngunit ito'y naganap dahil sa kasalanan ng mga propeta, at sa kasamaan ng mga pari
    na nagpapatay sa mga walang sala.

14 Ang mga pinuno'y parang bulag na palabuy-laboy sa lansangan
    at natitigmak ng dugo, kaya walang mangahas lumapit sa kanila.

15 “Lumayo kayo, kayong marurumi! Huwag kayong lalapit sa amin!” sabi ng mga tao;
    kaya't sila'y naging pugante't palabuy-laboy, ni isang bansa'y walang nais tumanggap sa kanila.

16 Hindi na sila pinahalagahan ni Yahweh, kaya sila'y pinangalat niya.
    Hindi na niya kinilala ang mga pari at ang mga pinuno.

17 Nanlabo na ang aming paningin sa paghihintay sa tulong na hindi na dumating;
    naghintay kami sa isang bansang wala namang maitulong.

18 Ang kaaway ay laging nakabantay kaya't hindi kami makalabas sa lansangan;
    nabibilang na ang aming mga araw, malapit na ang aming wakas.

19 Ang mga humahabol sa amin ay higit na mabilis kaysa mga agila sa himpapawid;
    tinugis nila kami sa mga kabundukan, maging sa ilang ay inaabangan.

20 Nabihag nila ang aming tagapagtanggol, ang itinalaga ni Yahweh,
    na inaasahan naming mangangalaga sa amin laban sa mga kaaway.

21 Magalak ka't matuwa, bayan ng Edom at Uz;
    subalit ang kapahamakang ito'y inyo ring mararanasan, malalagay ka rin sa lubos na kahihiyan.

22 Pinagdusahan na ng Zion ang kanyang mga kasalanan kaya't lalaya na siya mula sa pagkabihag;
    ngunit paparusahan ni Yahweh ang Edom dahil sa kanyang kalikuan, at ibubunyag ang kanyang mga kasalanan.

Dalanging Paghingi ng Awa

Gunitain mo, Yahweh, ang nangyari sa amin;
    masdan mo ang sinapit naming kahihiyan!

Ang aming mana ay ibinigay sa mga dayuhan,
    at ang aming mga tahanan nama'y ipinagkaloob sa mga taga-ibang bayan.

Ang aming mga ama'y pinatay ng mga kaaway;
    kaya't aming mga ina, wala nang kaagapay.

Kailangang bayaran namin ang tubig na iinumin,
    pati ang panggatong ay binibili na rin.

Pinagtrabaho kaming parang mga hayop,
    hindi man lamang pinagpapahinga.

Para lang magkaroon ng sapat na pagkain,
    nakipagkasundo kami sa Egipto at Asiria.

Nagkasala nga ang aming mga ninuno,
    at dahil sa kanila kami ay nagdurusa.

Mga alipin ang namamahala sa amin;
    walang makapagligtas sa amin mula sa kanilang mga kamay.

Sa paghahanap ng pagkain, nanganganib ang aming buhay,
    sapagkat naglipana ang aming mga kaaway.

10 Dahil sa matinding gutom, nag-aapoy ang aming katawan,
    para kaming nakalagay sa mainit na pugon.

11 Ang aming mga asawa ay ginahasa sa Zion,
    ang mga dalaga nama'y pinagsasamantalahan sa mga bayan ng Juda.

12 Ginagapos at ibinibitin ang mga pinuno;
    at ang matatanda ay hindi na nirespeto.

13 Ang mga kabataang lalaki'y pinagtatrabahong parang alipin;
    nakukuba sa bigat ng pasan nilang kahoy ang mga batang lalaki.

14 Ayaw nang magpulong ang matatanda ng bayan,
    ayaw nang tumugtog ng mga kabataan.

15 Naparam ang kagalakan sa aming puso;
    ang aming pagsasaya ay naging pagluluksa.

16 Walang natira sa aming ipinagmamalaki;
    “tayo'y nagkasala kaya tayo'y nagdurusa!”

17 Nanlupaypay kami,
    at nagdilim ang aming paningin,

18 pagkat iniwan ng tao ang Bundok ng Zion,
    mga asong-gubat na lang ang naninirahan doon.

19 Ngunit ikaw, O Yahweh, ang hari magpakailanman,
    ang iyong luklukan ay walang katapusan.

20 Kay tagal mo kaming pinabayaan.
    Kailan mo kami aalalahaning muli?

21 Ibalik mo kami, O Yahweh,
    sa dati naming kaugnayan sa iyo!

22 Talaga bang itinakwil mo na kami?
    Sukdulan na bang talaga ang galit mo sa amin?

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.