Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Jeremias 35-37

Ang Pagkamasunurin ng mga Recabita

35 Nang(A) si Jehoiakim na anak ni Josias ang hari sa Juda, sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Puntahan mo at kausapin ang mga Recabita. Pagkatapos ay dalhin mo sila sa isa sa mga silid sa Templo at bigyan ng alak.” Sumunod naman si Jeremias; pinuntahan niya si Jaazanias, anak ng isa ring nagngangalang Jeremias na anak naman ni Habasinias, pati ang mga kapatid nito at ang buong angkan ng mga Recabita. Sila'y dinala niya sa Templo at pinapasok sa silid ng mga anak ni Hanan, anak ni Igdalias na lingkod ng Diyos. Ang silid na ito'y karatig ng silid ng mga pinuno, at nasa itaas naman ang silid ni Maaseias na anak ni Sallum, isang mataas na pinuno sa Templo. Naglabas si Jeremias ng mga lalagyang puno ng alak at ng mga kopa, at sinabi sa mga Recabita, “Uminom kayo.”

Subalit sinabi nila, “Hindi kami umiinom ng alak sapagkat iniutos sa amin ni Jonadab, anak ng aming ninunong si Recab, na huwag kaming iinom ng alak, maging ang aming mga anak. Iniutos din niya na huwag kaming magtatayo ng mga bahay, magbubungkal ng bukirin, at magtatanim ng mga ubasan o bibili ng mga ito. Sinabihan niya kaming manirahan habang buhay sa mga tolda, upang patuloy kaming manirahan sa lupain na pinananahanan namin bilang mga dayuhan. Sinusunod namin ang lahat ng bilin ng aming ninunong si Jonadab. Kahit kailan ay hindi kami uminom ng alak, maging ang aming mga asawa't mga anak. Hindi kami nagtatayo ng bahay, wala kaming mga ubasan, bukirin, o triguhan; 10 sa mga tolda kami nakatira. Sinusunod namin ang lahat ng utos sa amin ni Jonadab. 11 Ngunit nang sakupin ni Haring Nebucadnezar ang bayang ito, nagpasya kaming pumunta sa Jerusalem upang makaiwas sa mga hukbo ng Babilonia at Siria. Kaya naninirahan kami ngayon sa Jerusalem.”

12 Pagkatapos, sinabi ni Yahweh kay Jeremias, 13 “Sabihin mo sa mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem: Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Bakit ayaw ninyong makinig sa akin at sumunod sa mga utos ko? 14 Tingnan ninyo ang mga anak ni Jonadab. Hindi sila umiinom ng alak hanggang sa araw na ito, sapagkat gayon ang minsa'y iniutos ng kanilang ninuno. Ngunit ako'y laging nagsasalita sa inyo, hindi naman kayo sumusunod. 15 Lagi akong nagsusugo ng aking mga lingkod na propeta upang sabihin sa inyong talikuran na ninyo ang inyong masamang pamumuhay at gawin ang nararapat. Binabalaan nila kayo na huwag sasamba at maglilingkod sa ibang diyos, upang patuloy kayong manirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo. Ngunit ayaw ninyong makinig sa akin; ayaw ninyo akong pansinin. 16 Ang mga salinlahi ni Jonadab ay sumusunod sa utos ng kanilang mga ninuno, subalit kayo ay hindi sumusunod sa akin. 17 Kaya naman, ipadadala ko na ang mga sakunang aking ibinabala. Gagawin ko ito sapagkat ayaw ninyong makinig sa akin, at ayaw ninyong pansinin ang aking pagtawag. Ako si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel ang maysabi nito.”

18 At sinabi ni Jeremias sa angkan ng mga Recabita, “Ganito ang ipinapasabi sa inyo ni Yahweh: Naging masunurin kayo sa utos ng inyong ninunong si Jonadab. Sinunod ninyo ang lahat ng kanyang batas, at tinupad ninyo ang lahat ng iniutos niya sa inyo. 19 Kaya naman, akong si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel ay nangangako: Ang lahi ni Jonadab na anak ni Recab ay hindi mawawalan ng isang lalaking mamumuno at maglilingkod sa akin.”

Binasa ni Baruc ang Kasulatan

36 Noong(B) ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias, sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Kumuha ka ng isang sulatang balumbon at isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa iyo laban sa Juda, sa Israel, at sa lahat ng bansa. Isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa inyo mula nang una kitang kausapin, sa panahon ni Haring Josias, hanggang sa kasalukuyan. Marahil, kung maririnig ng taga-Juda ang lahat ng kapahamakang binabalak kong iparanas sa kanila, tatalikuran nila ang kanilang masamang pamumuhay. At patatawarin ko naman sila sa kanilang kasamaan at mga kasalanan.”

Kaya tinawag ni Jeremias si Baruc, anak ni Nerias. Isinalaysay niya rito ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh, at isinulat namang lahat ni Baruc sa isang kasulatan. Pagkatapos, sinabi niya kay Baruc, “Ayaw na akong papasukin sa Templo. Kaya, ikaw na ang pumaroon sa araw ng pag-aayuno ng mga tao; basahin mo nang malakas ang kasulatang iyan upang marinig nila ang lahat ng sinabi sa akin ni Yahweh. Tumayo ka sa dakong ikaw ay maririnig ng lahat, pati ng mga Judiong nanggaling sa kani-kanilang bayan. Baka sa ganito'y maisipan nilang tumawag kay Yahweh at talikuran ang kanilang masamang pamumuhay sapagkat binabalaan na sila ni Yahweh na labis nang napopoot at galit na galit.” Sumunod naman si Baruc; binasa niya nang malakas sa loob ng Templo ang mga pahayag ni Yahweh na nakasulat sa kasulatan.

Noong ikasiyam na buwan ng ikalimang taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias, ang mga tao'y nag-ayuno upang matamo ang paglingap ni Yahweh. Nag-ayuno ang lahat ng naninirahan sa Jerusalem at sa mga lunsod sa Juda. 10 Si Baruc ay pumasok sa Templo, sa silid ni Gemarias na anak ni Safan na kalihim ng hari. Ang silid na ito'y nasa gawing itaas, sa may pagpasok ng Bagong Pintuan ng Templo. Mula roon, binasa niya sa mga tao ang ipinasulat sa kanya ni Jeremias.

Binasa ang Kasulatan

11 Nang marinig ni Micaias, anak ni Gemarias at apo ni Safan, ang pahayag ni Yahweh na binasa ni Baruc mula sa isang kasulatan, 12 nagpunta siya sa palasyo ng hari, sa silid ng kalihim. Nagpupulong noon ang lahat ng pinuno—si Elisama, ang kalihim, si Delaias na anak ni Semaias, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemarias na anak ni Safan, si Zedekias na anak ni Hananias, at lahat ng iba pang pinuno. 13 Sinabi sa kanila ni Micaias ang narinig niyang binasa ni Baruc sa mga tao. 14 Inutusan ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias at apo ni Selemias mula sa lahi ni Cusi, upang sabihin kay Baruc na dalhin ang kasulatang binasa nito sa harapan ng kapulungan. Kaya dumating si Baruc na dala ang kasulatan. 15 “Maupo ka,” sabi nila, “at basahin mo sa amin ang nasasaad sa kasulatan.” Binasa naman ito ni Baruc. 16 Nang marinig nila ang buong kasulatan, may pagkabahala silang nagtinginan, at sinabi kay Baruc, “Ito'y kailangang ipaalam natin sa hari!” 17 At siya'y tinanong nila, “Paano mo naisulat ang lahat ng iyan? Idinikta ba sa iyo ni Jeremias?”

18 Sumagot si Baruc, “Ang bawat kataga nito'y idinikta po sa akin ni Jeremias, at isinulat ko naman po.”

19 At sinabi nila kay Baruc, “Magtago na kayo ni Jeremias. Huwag ninyong ipapaalam kahit kanino ang kinaroroonan ninyo.”

Sinunog ng Hari ang Kasulatan

20 Ang kasulatan ay inilagay ng mga pinuno sa silid ni Elisama, ang kalihim ng hari; pagkatapos, nagtungo sila sa bulwagan ng hari at ibinalita sa kanya ang lahat. 21 Ipinakuha ng hari ang kasulatan kay Jehudi. Kinuha naman nito ang kasulatan sa silid ni Elisama at binasa sa harapan ng hari at sa mga pinunong nakapaligid sa kanya. 22 Noon ay ika-9 na buwan at taglamig. Ang hari'y nasa kanyang silid na may apoy na painitan. 23 Kapag nakabasa si Jehudi ng tatlo o apat na hanay, pinuputol ng hari ang bahaging iyon sa pamamagitan ng isang lanseta at inihahagis sa apoy. Gayon ang ginawa niya hanggang sa masunog ang buong kasulatan. 24 Gayunman, hindi natakot o nagpakita ng anumang tanda ng pagsisisi ang hari, maging ang mga lingkod na kasama niya. 25 Kahit na nakiusap sa hari sina Elnatan, Delaias at Gemarias, na huwag sunugin ang kasulatan, sila'y hindi nito pinansin. 26 Pagkatapos, iniutos ng hari sa kanyang anak na si Jerameel na isama si Seraias na anak ni Azriel at si Selenias na anak ni Abdeel, upang dakpin si Propeta Jeremias at ang kalihim nitong si Baruc. Subalit sila'y itinago ni Yahweh.

Muling Isinulat ang Nilalaman ng Sinunog na Kasulatan

27 Matapos sunugin ng hari ang kasulatang ipinasulat ni Jeremias kay Baruc, sinabi ni Yahweh kay Jeremias 28 na ipasulat uli ang lahat ng nasa kasulatang sinunog ni Haring Jehoiakim. 29 Iniutos rin sa kanya ni Yahweh na sabihin kay Haring Jehoiakim, “Sinunog mo ang kasulatan, at itinatanong mo kung bakit sinulat ni Jeremias na darating ang hari ng Babilonia, sisirain ang lupaing ito, at papatayin ang mga tao at hayop. 30 Kaya ngayon, akong si Yahweh ang nagsasabi sa iyo, Haring Jehoiakim, na sinuman sa mga anak mo'y walang maghahari sa trono ni David. Itatapon sa labas ang iyong bangkay at mabibilad sa init ng araw at lamig ng gabi. 31 Paparusahan kita, at ang iyong mga salinlahi, pati ang iyong mga pinuno, dahil sa mga kasalanan ninyo. Ang mga babala ko'y hindi mo pinansin, gayon din ang mga taga-Jerusalem at taga-Juda, kaya pababagsakin ko na sa inyong lahat ang mga kapahamakang ibinabanta ko.”

32 Kumuha nga si Jeremias ng isa pang kasulatan, at ipinasulat muli kay Baruc ang lahat ng nasa kasulatang sinunog ni Haring Jehoiakim. Marami pang bagay na tulad ng ipinasulat niya kay Baruc ang nadagdag dito.

Ang Kahilingan ni Zedekias kay Jeremias

37 Si(C) Zedekias na anak ni Haring Josias ang inilagay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia bilang hari ng Juda, kahalili ni Conias, na anak ni Haring Jehoiakim. Ngunit ang pahayag ni Yahweh na ipinapasabi kay Propeta Jeremias ay hindi rin dininig ni Zedekias, ng kanyang mga pinuno, at ng mga tao.

Inutusan ni Haring Zedekias si Jehucal, anak ni Selemias, at ang paring si Zefanias na anak ni Maasias, upang hilingin kay Jeremias na idalangin kay Yahweh ang bansa. Hindi pa nabibilanggo si Jeremias nang panahong iyon; kaya malaya pa siyang nakakausap ang mga tao. Samantala, lumabas na ng Egipto ang hukbo ng Faraon upang tumuloy sa Juda. Nang mabalitaan ito ng hukbo ng Babilonia na sumasalakay sa Jerusalem, iniwan muna nila ito upang harapin ang mga Egipcio.

Noon sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Sabihin mo sa hari ng Juda na nagsugo sa iyo upang sumangguni sa akin, ‘Ang hukbo ng Faraon na inaasahan mong darating upang tumulong sa inyo ay babalik sa Egipto. At ang mga taga-Babilonia ay babalik. Muli nilang sasalakayin ang lunsod, sasakupin at susunugin. Akong si Yahweh ay nagbababala sa iyo. Huwag mong dayain ang iyong sarili. Huwag mong akalaing ligtas ka na sa mga taga-Babilonia. Tiyak na babalik sila. 10 At kahit na matalo mo pa ang buong hukbo ng Babilonia, kahit walang matira sa kanila kundi ang mga sugatang nasa kanilang mga tolda, babangon ang mga ito at sasakupin nila ang lunsod at tuluyang susunugin!’”

Ibinilanggo si Jeremias

11 Nang umatras ang mga taga-Babilonia upang harapin ang hukbo ng Faraon na sasaklolo sa Jerusalem, 12 binalak ni Jeremias na pumunta sa lupain ng Benjamin para kunin ang kanyang bahagi sa ari-arian ng kanyang sambahayan. 13 Ngunit pagsapit niya sa Pintuan ng Benjamin, pinigil siya ng pinuno ng pintuan na si Irijas, anak ni Selemias at apo ni Hananias at sinabi sa kanya, “Tumatakas ka upang kumampi sa mga taga-Babilonia!”

14 Sumagot si Jeremias, “Hindi totoo ang bintang mo. Hindi ako kumakampi sa kanila!” Subalit ayaw maniwala ni Irijas; dinakip niya si Jeremias at dinala sa mga pinuno. 15 Galit na galit ang mga ito kay Jeremias; siya'y ginulpi saka ibinilanggo sa bahay ni Jonatan, ang kalihim ng hari. Ang bahay niya ay ginawang bilangguan. 16 Ikinulong si Jeremias sa isang selda sa ilalim ng lupa at matagal na pinigil doon.

Kinausap ni Zedekias si Jeremias

17 Isang araw, ipinatawag ni Haring Zedekias si Jeremias at pagdating nito ay kanyang palihim na tinanong, “May pahayag ka ba mula kay Yahweh?” Sumagot si Jeremias, “Mayroon. Ikaw ay bibihagin ng hari ng Babilonia.” 18 Pagkatapos ay itinanong pa ni Jeremias, “Anong kasalanan ang nagawa ko sa iyo o sa iyong mga pinuno o sa mga taong-bayan at ako'y iyong ipinabilanggo? 19 Nasaan ngayon ang iyong mga propeta na nagsabi sa iyo na hindi sasalakayin ng hari ng Babilonia ang bansang ito? 20 Kaya ngayon, mahal na hari, isinasamo kong pakinggan mo ang kahilingan ko. Huwag na po ninyo akong ibalik sa bahay ni Jonatan na iyong kalihim. Ako po'y tiyak na mamamatay doon.”

21 Kaya iniutos ni Haring Zedekias na dalhin si Jeremias sa himpilan ng mga bantay at dalhan siya roon ng isang pirasong tinapay araw-araw hanggang sa maubos ang lahat ng tinapay sa lunsod. Kaya sa himpilan ng mga bantay nanatili si Jeremias.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.