Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Jeremias 26-29

Binantaang Patayin si Jeremias

26 Nang(A) pasimula ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim na anak ni Josias, tumanggap si Jeremias ng pahayag mula kay Yahweh: “Tumayo ka sa bulwagan ng templo at sabihin mo sa lahat ng tao mula sa mga lunsod ng Juda na naroon upang sumamba kay Yahweh ang lahat ng iniuutos ko sa iyo. Huwag kang maglilihim ng anuman. Baka sakaling sila'y makinig at tumalikod sa kanilang masamang pamumuhay. Kung magkagayon, baka magbago ang aking isip at hindi ko na itutuloy ang parusang inihahanda ko dahil sa kanilang masasamang gawa.

“Sabihin mo sa kanila, ‘Sinasabi ni Yahweh: Kung hindi kayo makikinig sa akin, at kung hindi ninyo susundin ang aking mga utos na inihanda ko para sa inyo, at hindi ninyo papakinggan ang sinasabi ng propetang sinugo ko sa inyo, ang(B) templong ito'y itutulad ko sa Shilo, at gagamitin ng mga bansa ang pangalan ng lunsod na ito sa panlalait.’”

Ang pahayag na ito ni Jeremias ay napakinggan ng mga pari, ng mga propeta, at ng lahat ng taong nasa Templo ni Yahweh. Pagkatapos niyang magsalita, si Jeremias ay dinakip nila at nagsigawan ng, “Dapat kang mamatay! Bakit nagpahayag ka sa pangalan ni Yahweh na matutulad sa Shilo ang Templong ito, mawawasak ang lunsod, at walang matitirang sinuman?” At siya'y pinaligiran ng mga tao.

10 Nang mabalitaan ito ng mga pinuno sa Juda, sila'y madaling nagtungo sa Templo mula sa palasyo at naupo sa kanilang mga upuan sa may pagpasok ng Bagong Pintuan ng Templo. 11 Pagkatapos ay sinabi ng mga pari at ng mga propeta sa mga pinuno at sa buong bayan, “Dapat lang na mamatay ang taong ito sapagkat nagpahayag siya laban sa lunsod, gaya ng narinig ninyo.”

12 Sinabi naman ni Jeremias sa mga pinuno at mga taong naroon, “Sinugo ako ni Yahweh upang magpahayag laban sa Templong ito at laban sa lunsod, gaya ng narinig na ninyo. 13 Kaya nga, magbago kayo ng inyong pamumuhay at mga gawain, at sundin ninyo ang utos ni Yahweh na inyong Diyos. Sa gayon, magbabago siya ng isip at hindi na itutuloy ang parusang inilalaan laban sa inyo. 14 Ako ay nasa ilalim ng kapangyarihan ninyo; maaari ninyong gawin ang anumang iniisip ninyong matuwid at makatarungan. 15 Ngunit ito ang inyong tandaan: Kapag ako'y pinatay ninyo, pumatay kayo ng taong walang kasalanan; at ito'y magiging sumpa sa inyo at sa lunsod na ito, pati sa lahat ng naninirahan dito, sapagkat alam ninyong sinugo ako ni Yahweh upang sabihin sa inyo ang mga bagay na ito.”

16 Nang makapagsalita si Jeremias, sinabi ng mga pinuno at lahat ng tao sa mga pari at mga propeta, “Hindi dapat hatulan ng kamatayan ang taong ito sapagkat ipinahayag niya sa atin ang ipinapasabi ni Yahweh.” 17 Tumayo ang ilang matatanda sa lupain at sinabi sa mga taong naroon, 18 “Si(C) Mikas na taga-Moreset ay nagpahayag noong panahon ni Haring Hezekias ng Juda; sinabi niya sa lahat ng naninirahan sa Juda ang pahayag na ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:

‘Ang Zion ay bubungkaling tulad ng isang bukirin,
    magiging isang bunton ng gumuhong bato ang Jerusalem,
    at ang burol na kinatatayuan ng Templo'y magiging gubat.’

19 Pinatay ba ni Haring Hezekias at ng lahat ng taga-Juda si Mikas? Hindi! Sa halip, natakot ang hari at nagmakaawa kay Yahweh. Nagbago naman ang isip ni Yahweh at hindi na itinuloy ang parusang ipapataw sa kanila. Ngunit tayo mismo ang naghahatid ng malaking kapahamakan sa ating sarili.”

20 May isa pang lalaking nagpahayag sa pangalan ni Yahweh; siya si Urias, anak ni Semaya na taga-Lunsod ng Jearim. Nagpahayag siya laban sa lunsod na ito at sa lupaing ito, kagaya rin ng sinabi ni Jeremias. 21 Nang ito'y marinig ni Haring Jehoiakim at ng kanyang mga kawal at mga pinuno, binalak ng haring ipapatay siya. Ngunit nang malaman ni Urias ang gagawin sa kanya, tumakas siya patungong Egipto dahil sa malaking takot. 22 Kaya sinugo ni Haring Jehoiakim sa Egipto si Elnatan na anak ni Acbor at ilan pang kasama nito. 23 Kinuha nila sa Egipto si Urias, dinala sa harapan ni Haring Jehoiakim at pinatay sa pamamagitan ng tabak saka inihagis ang kanyang bangkay sa libingan ng mga karaniwang tao.

24 Subalit si Jeremias ay binantayan ni Ahikam, anak ni Safan, kaya hindi siya napatay ng mga tao.

Nagsuot ng Pamatok si Jeremias

27 Nang(D) pasimula ng paghahari sa Juda ni Zedekias[a] na anak ni Josias, sinabi ni Yahweh kay Jeremias: “Gumawa ka ng pamatok at lubid at ilagay mo sa iyong batok. Pagkatapos, magpadala ka ng mensahe sa mga hari ng Edom, Moab, Ammon, Tiro at Sidon, sa pamamagitan ng kanilang mga sugo na ngayon ay nasa Jerusalem upang makipag-usap kay Haring Zedekias. Sabihin mo sa kanila na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, sa kanilang mga hari: ‘Ako ang lumikha sa lupa, sa mga tao, at sa mga hayop na naroon, sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Ibinibigay ko ito sa sinumang aking kinalulugdan. Ang(E) lahat ng lupaing ito'y ipinasiya kong ibigay kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia na aking lingkod. Ibinigay ko rin ang mga hayop sa parang upang maglingkod sa kanya. Lahat ng bansa'y maglilingkod sa kanya, sa kanyang mga anak at mga apo, hanggang sa bumagsak ang kanyang kaharian. Pagdating ng panahong iyon, ang kaharian naman niya ang aalipinin ng mga hari at bansang makapangyarihan.

“‘Ngunit ang alinmang bansa o kaharian na hindi maglilingkod kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at hindi papailalim sa kanyang pamamahala ay paparusahan ko sa pamamagitan ng digmaan, taggutom at salot, hanggang sa ganap silang mapailalim sa kanyang kapangyarihan. Kaya nga, huwag ninyong papakinggan ang inyong mga propeta, mga manghuhula, mga tumatawag sa espiritu ng mga patay, mga nagpapaliwanag ng mga panaginip, at mga manggagaway kapag pinipigil nila kayo na maglingkod sa hari ng Babilonia. 10 Kasinungalingan ang kanilang sinasabi sa inyo at ito ang magiging dahilan upang mapatapon kayo sa malayong lupain. Kayo'y itataboy ko, at mapapahamak kayong lahat. 11 Subalit kung ang alinmang bansa'y pasakop sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia, pananatilihin ko sila sa kanilang bayan; bubungkalin nila ang sariling lupa at doon maninirahan.’”

12 Ganito rin ang sinabi ko kay Haring Zedekias ng Juda: “Pasakop kayo sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia, at paglingkuran ninyo siya at ang kanyang bayan upang kayo'y mabuhay. 13 Kung hindi, mamamatay kayo sa digmaan at salot; ito ang parusang inilaan ni Yahweh sa alinmang bansang hindi maglilingkod sa hari ng Babilonia. 14 Huwag kayong maniwala sa mga propetang pumipigil sa inyo na maglingkod sa hari ng Babilonia; kasinungalingan ang kanilang sinasabi sa inyo. 15 Hindi ko sila sinugo; ginagamit lamang nila ang aking pangalan. Kaya, palalayasin ko kayo sa lupaing ito at kayo'y malilipol, pati ang mga propetang nandaya sa inyo.”

16 Sinabi ko naman sa mga pari at sa buong bayan ang ipinapasabi ni Yahweh: “Huwag ninyong papakinggan ang mga propetang nagsasabi sa inyo na ang mga kagamitan sa bahay ni Yahweh ay ibabalik mula sa Babilonia sa madaling panahon. Kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo. 17 Huwag ninyo silang papakinggan; pasakop kayo sa hari ng Babilonia upang kayo'y mabuhay. Bakit kailangang mawasak ang lunsod na ito? 18 Kung sila'y talagang mga propeta, at kung salita nga ni Yahweh ang dala nila, ipakiusap nila kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat na ang mga kayamanang natitira pa sa Templo, sa palasyo ng hari, at sa Jerusalem, ay huwag madala sa Babilonia. 19 Ito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat tungkol sa mga haligi sa Templo, sa lalagyan ng tubig na yari sa tanso at mga patungan nito, at sa iba pang kagamitang natira sa lunsod. 20 Ang mga ito'y hindi kinuha ni Haring Nebucadnezar nang dalhin niyang bihag sa Babilonia si Haring Jeconias na anak ni Jehoiakim ng Juda, pati ang kanyang mga pinunong nasa Juda at Jerusalem. 21 Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel tungkol sa mga kagamitang naiwan sa Templo, sa palasyo ng hari, at sa lunsod ng Jerusalem: 22 Ang mga ito'y dadalhin sa Babilonia at mananatili roon hanggang sa araw na itinakda ko. Pagkatapos ay muli ko itong ibabalik sa kanya-kanyang lugar.”

Si Jeremias at si Propeta Hananias

28 Nang(F) taon ding iyon, ikalimang buwan ng ikaapat na taon ng paghahari ni Zedekias sa Juda, si Jeremias ay kinausap sa Templo ni Hananias, anak ni Propeta Azur ng Gibeon. Sa harap ng mga pari at ng mga tao, sinabi ni Hananias: “Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Winakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia. Sa loob ng dalawang taon ay ibabalik ko sa Templong ito ang lahat ng kagamitan na kinuha ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia. Ibabalik ko rin dito si Jeconias, ang anak ni Haring Jehoiakim ng Juda, at ang lahat ng mga taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia; aalisin ko na kayo sa ilalim ng kapangyarihan ng hari ng Babilonia.”

Nagsalita naman si Propeta Jeremias kay Propeta Hananias sa harap ng mga pari at sa lahat ng mga taong naroon sa patyo ng Templo, “Amen! Ganyan nga sana ang gawin ni Yahweh! Magkatotoo nawa ang ipinahayag mo at maibalik nga sana rito ang lahat ng kagamitan ng Templo mula sa Babilonia at lahat ng mga dinalang-bihag! Ngunit pakinggan ninyo ang sasabihin ko sa inyong lahat. Ang mga propetang nauna sa atin ay nagpahayag na magkakaroon ng digmaan, taggutom at salot sa maraming bansa at sa mga kilalang kaharian. Kung magkatotoo ang pahayag ng isang propeta na magkakaroon ng kapayapaan, saka lamang natin malalamang si Yahweh nga ang nagsugo sa kanya.”

10 Pagkarinig niyon, kinuha ni Propeta Hananias ang pamatok na nasa batok ni Jeremias at binali ito. 11 Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng naroon: “Sinasabi ni Yahweh na ganito ang gagawin niya sa mga pamatok na inilagay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia sa lahat ng bansa, at ito'y gagawin niya sa loob ng dalawang taon.” At umalis na si Propeta Jeremias.

12 Pagkalipas ng kaunting panahon mula nang baliin ni Propeta Hananias ang pamatok ni Propeta Jeremias, kinausap ni Yahweh si Jeremias: 13 “Pumunta ka kay Hananias at sabihin mo: Nabali mo nga ang pamatok na kahoy ngunit papalitan ko ito ng bakal. 14 Lalagyan ko ng pamatok na bakal ang lahat ng bansang ito upang sila'y maglingkod kay Haring Nebucadnezar, at ito'y siguradong magaganap sapagkat maging hayop sa parang ay ipinasakop ko sa kanya.” 15 At sinabi pa ni Propeta Jeremias, “Hananias, hindi ka sinugo ni Yahweh, at pinapaniwala mo ang mga taong ito sa isang kasinungalingan. 16 Kaya ang sabi ni Yahweh: ‘Ikaw ay mawawala sa daigdig na ito. Mamamatay ka sa taon ding ito, sapagkat tinuruan mo ang bayan na maghimagsik laban kay Yahweh!’”

17 At noong ikapitong buwan ng taóng iyon, si Propeta Hananias ay namatay nga.

Ang Sulat ni Jeremias para sa mga Dinalang-bihag

29 Nagpadala(G) ng sulat si Propeta Jeremias mula sa Jerusalem para sa nalalabing matatandang bihag, mga pari at mga propeta, at lahat ng taong dinalang-bihag ni Nebucadnezar sa Babilonia. Ito'y ginawa niya matapos lisanin ni Haring Jeconias ang Jerusalem, kasama ang kanyang inang reyna, mga eunuko, mga pinuno at mga panday ng palasyo. Ang sulat ay ipinadala ng propeta kina Elasa, anak ni Safan, at Gemarias, anak ni Hilkias, na sinugo ni Haring Zedekias kay Haring Nebucadnezar sa Babilonia. Ganito ang sinasabi sa sulat:

“Ito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, sa lahat ng mga taga-Jerusalem na dinalang-bihag sa Babilonia: Magtayo kayo ng mga bahay at diyan na kayo tumira; magtanim kayo at inyong kanin ang bunga niyon. Mag-asawa kayo upang magkaanak; bayaan ninyong mag-asawa ang inyong mga anak, nang sila'y magkaanak din. Magpakarami kayo, at huwag ninyong hayaang kayo'y umunti. Ngunit pagyamanin ninyo ang lunsod na pinagdalhan ko sa inyo. Idalangin ninyo sila kay Yahweh sapagkat kayo rin ang makikinabang kung sila'y umunlad. Huwag kayong magpapalinlang sa inyong mga propeta at mga manghuhula. Huwag kayong basta-bastang maniniwala sa kanilang mga panaginip. Tandaan ninyo: Kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo; sila'y hindi ko sinugo, ang sabi ni Yahweh.

10 “Subalit(H) ito ang aking sinabi: Pagkatapos lamang ng pitumpung taon ng pagkabihag sa Babilonia, muli kong ipadarama ang pag-ibig ko sa inyo. Tutuparin ko ang aking pangakong ibabalik kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo. 11 Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa. 12 Kung maganap na ito, kayo'y tatawag, lalapit, at dadalangin sa akin, at diringgin ko naman kayo. 13 Kapag(I) hinanap ninyo ako, ako'y inyong matatagpuan; kung buong puso ninyo akong hahanapin. 14 Oo, ako'y matatagpuan ninyo, sabi ni Yahweh, at ibabalik ko ang inyong mga kayamanan. Titipunin ko kayo mula sa lahat ng bansa at pook na pinagdalhan ko sa inyo, at ibabalik sa dakong pinagmulan ninyo bago kayo nabihag.

15 “Sinasabi ninyong si Yahweh ay humirang ng mga propeta para sa inyo diyan sa Babilonia. 16 Ganito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa haring nakaupo sa trono ni David at sa lahat ng inyong kababayang nakatira sa lunsod na ito at sa hindi nabihag na mga kasama ninyo: 17 Padadalhan ko sila ng digmaan, taggutom, at salot, at matutulad sila sa mga igos na bulok kaya't hindi na makakain. 18 Sila'y mamamatay sa labanan, sa gutom at salot. Masisindak ang lahat ng bansa sa kanilang sasapitin. Sila'y hahamakin at susumpain ng lahat ng bansang pinagtapunan ko sa kanila. 19 Kung paanong hindi nila pinakinggan ang mga propetang sinugo ko sa kanila, gayon din kayo. 20 Ngunit kayong mga taga-Jerusalem na dinalang-bihag sa Babilonia, makinig kayo sa ipinapasabi ni Yahweh: 21 Paparusahan ni Yahweh si Ahab na anak ni Kolaias, at si Zedekias, na anak naman ni Maasias, sapagkat ginamit nila sa kasinungalingan ang aking pangalan. Sila'y ibibigay ko kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at papatayin sa inyong harapan. 22 Ang kanilang pangala'y babanggitin ng lahat ng taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia, kapag sinusumpa nila ang kanilang kapwa; sasabihin nila, ‘Gawin sana sa inyo ni Yahweh ang ginawa kina Zedekias at Ahab, na sinunog nang buháy ng hari ng Babilonia!’ 23 Ganito ang mangyayari sa kanila sapagkat kasuklam-suklam ang kanilang ginawa sa Israel. Sila'y nangalunya at ginamit pa ang aking pangalan sa kasinungalingan. Nalalaman ko ito at nasaksihan.”

Ang Sulat ni Semaias

24 Sabihin mo kay Semaias na taga-Nehelam, 25 ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Sinulatan mo ang mga taga-Jerusalem, ang paring si Zefanias na anak ni Maasias, at ang lahat ng mga pari. Sinabi mong 26 si Zefanias ang hinirang ni Yahweh bilang kapalit ng paring si Joiada. At bilang namamahala sa Templo, tungkulin niyang lagyan ng posas at tanikala sa leeg ang bawat nababaliw na lalaking nagpapahayag sa mga tao bilang propeta. 27 Bakit hindi mo pinigil si Jeremias ng Anatot na nagpapahayag sa inyo bilang propeta? 28 Sa mga bihag sa Babilonia'y sinabi niya: ‘Magtatagal kayo rito kaya magtayo kayo ng mga bahay na matitirhan at magtanim kayo para may makain.’”

29 Binasa ng paring si Zefanias ang sulat na ito nang naririnig ni Propeta Jeremias. 30 At tinanggap ni Jeremias ang salita ni Yahweh: 31 “Sabihin mo sa lahat ng mga dinalang-bihag sa Babilonia na ganito ang sabi ni Yahweh tungkol kay Semaias na taga-Nehelam: Nagpahayag si Semaias gayong hindi ko naman siya sinugo, at pinapaniwala kayo sa isang kasinungalingan. 32 Dahil dito, siya'y paparusahan ko at ang kanyang mga salinlahi. Hindi na niya masasaksihan ang kasaganaang ipagkakaloob ko sa aking bayan, sapagkat nagpapahayag siya ng paghihimagsik laban sa akin.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.