Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Jeremias 18-22

Si Jeremias sa Bahay ng Magpapalayok

18 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Magpunta ka sa bahay ng magpapalayok, at may ipahahayag ako sa iyo.” Kaya nagpunta naman ako, at dinatnan ko ang magpapalayok sa kanyang gawaan. Kapag ang ginagawa niyang palayok ay nasira, hinahalo niyang muli ang putik, at hinuhugisan nang panibago.

Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, “O Israel, wala ba akong karapatang gawin sa iyo ang ginawa ng magpapalayok sa putik na iyon? Kayo'y nasa mga kamay ko, tulad ng putik sa kamay ng magpapalayok. Kung sinabi ko man sa isang pagkakataon na aking bubunutin, ibabagsak o lilipulin ang alinmang bansa o kaharian, at ang bansang iyon ay tumalikod sa kanyang kasamaan, hindi ko na itutuloy ang aking sinabing gagawin. Sa kabilang dako, kung sinabi ko man na itatayo ko o itatatag ang isang bansa o kaharian, 10 at gumawa pa rin ng kasamaan ang bansang iyon at hindi nakinig sa akin, babaguhin ko ang aking magandang balak. 11 Kaya nga, sabihin mo sa mga naninirahan sa Juda at sa Jerusalem na may binabalak ako laban sa kanila at ako'y naghahanda upang parusahan sila. Sabihin mo sa kanila na tigilan na ang makasalanang pamumuhay at magbago na sila. 12 Ang isasagot nila, ‘Hindi! Lalo pa kaming magmamatigas at magpapakasama hanggang gusto namin.’”

Itinakwil ng mga Tao si Yahweh

13 Kaya nga, ito ang sabi ni Yahweh:
“Tanungin mo ang alinmang bansa,
    kung may nangyari na bang ganito kahit kailan?
    Napakasama ng ginawa ng bayang Israel!
14 Nawawalan ba ng yelo ang mabatong kabundukan ng Lebanon?
    Natutuyo ba ang umaagos at malamig na batis doon?
15 Subalit ako'y kinalimutan ng aking bayan;
    nagsusunog sila ng kamanyang sa mga diyus-diyosan.
Nadapa sila sa daang dapat nilang lakaran,
    at hindi na nila dinaanan ang lumang kalsada;
    lumakad sila sa mga daang walang palatandaan.
16 Ang lupaing ito'y ginawa nilang pook ng katatakutan,
    at pandidirihan habang panahon.
Masisindak ang bawat dadaan dito dahil sa makikita nila;
    mapapailing na lamang sila sa malaking pagtataka.
17 Pangangalatin ko ang aking bayan sa harapan ng kanilang mga kaaway,
    gaya ng alikabok na hinihipan ng malakas na hangin.
Tatalikuran ko sila at hindi tutulungan
    pagdating ng araw ng kapahamakan.”

Ang Pagtatangka Laban kay Jeremias

18 Nang marinig ito ng mga tao, sinabi nila, “Patayin na natin si Jeremias! May mga pari namang magtuturo sa atin, mga matatalino na magbibigay ng payo, at mga propetang magpapahayag ng mensahe ng Diyos. Isakdal natin siya, at huwag nang pakinggan ang mga sinasabi niya.”

19 Kaya nanalangin si Jeremias, “Yahweh, pakinggan mo ang aking dalangin; nalalaman mo ang binabalak ng aking mga kaaway. 20 Ang kabayaran ba ng kabutihan ay kasamaan? Ano't naghanda sila ng hukay upang ako'y patayin? Nalalaman mo kung paano ko sila idinalangin sa iyo upang huwag mong ipalasap sa kanila ang iyong poot. 21 Kaya ngayon, Yahweh, pabayaan mo nang mamatay sa gutom ang kanilang mga anak. Pabayaan mong mamatay sila sa digmaan. Pabayaan mong maulila sa asawa't mga anak ang mga babae, mamatay sa sakit ang mga kalalakihan, at masawi sa pakikidigma ang kanilang mga kabataang lalaki. 22 Magpadala ka ng masasamang-loob upang nakawan ang kanilang mga tahanan nang walang babala. Pabayaan mo silang magsigawan sa takot. Naghanda sila ng hukay upang mahulog ako at ng mga bitag upang ako'y mahuli. 23 Yahweh, nalalaman mo ang kanilang balak na pagpatay sa akin. Huwag mo silang patawarin sa kanilang kasamaan; huwag mong alisin sa iyong paningin ang kanilang kasalanan. Ibagsak mo silang lahat. Parusahan mo sila habang nag-aalab ang iyong poot.”

Ang Basag na Banga

19 Inutusan ako ni Yahweh na bumili ng isang banga. Pagkatapos, inutusan rin niya akong tumawag ng ilang matatandang pinuno sa bayan at ng ilang nakatatandang pari, at(A) isama sila sa Libis ng Ben Hinom, sa makalabas ng Pintuan ng Magpapalayok. Doon ko ipahahayag ang mensaheng ibibigay niya sa akin. Ganito ang sabi niya: “Pakinggan ninyo, mga hari ng Juda at mga taga-Jerusalem, ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Ang pook na ito'y padadalhan ko ng malagim na kapahamakan, at mangingilabot ang sinumang makakabalita niyon. Ganyan ang gagawin ko sapagkat ako'y itinakwil ng bayang ito, at pinarumi nila ang lupain dahil naghandog sila sa mga diyus-diyosang hindi naman nila nakikilala maging ng kanilang mga ninuno at ng mga hari ng Juda. Ang lupaing ito'y tinigmak nila ng dugo ng mga taong walang kasalanan. Nagtayo(B) sila ng mga altar para kay Baal upang doon sunugin ang kanilang mga anak bilang handog sa kanya. Kailanma'y hindi ko iniutos o inisip man lamang na gawin nila ito. Kaya darating ang panahon na hindi na tatawaging Tofet o Libis ng Ben Hinom ang lugar na ito. Sa halip ay tatawagin itong Libis ng Kamatayan. Ako, si Yahweh, ang nagsabi nito. Sa pook na ito'y bibiguin ko ang lahat ng panukala ng mga taga-Juda at Jerusalem. Ipapalupig ko sila sa kanilang mga kaaway, at marami ang mamamatay sa labanan. Ang kanilang mga bangkay ay kakainin ng mga buwitre at mga hayop sa gubat. Nakakapangilabot na pagkawasak ang magaganap sa lunsod na ito, at ang bawat maparaan dito'y manghihilakbot. Kukubkubin ng mga kaaway ang lunsod na ito upang ang mga nanirahan dito'y patayin sa gutom. At dahil sa matinding gutom ng mga tao, kakanin nila ang laman ng kanilang kapwa, at pati na ng kanilang sariling mga anak.”

10 Pagkatapos, iniutos sa akin ni Yahweh na basagin ang banga sa harap ng mga isinama ko, 11 at sabihin sa kanila: “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat: Dudurugin ko ang lunsod na ito at ang mga naninirahan dito, gaya ng ginawa mo sa banga; ito'y hindi na muling mabubuo. Pati ang Tofet ay paglilibingan ng mga bangkay sapagkat wala nang ibang mapaglilibingan sa kanila. 12 Ganito ang gagawin ko sa lunsod na ito at sa mga naninirahan dito. Matutulad sila sa Tofet. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 13 Magiging maruming gaya ng Tofet ang mga bahay sa Jerusalem, ang mga palasyo ng mga hari sa Juda, at lahat ng gusali, sapagkat sa mga bubungan ng mga gusaling ito'y nagsunog sila ng kamanyang para sa mga bituin at nagbuhos ng inuming handog sa ibang mga diyos.”

14 Nilisan ko ang Tofet pagkatapos kong sabihin doon ang pahayag ni Yahweh. Pumunta naman ako at tumayo sa bulwagan ng Templo at sinabi sa lahat ng naroroon, 15 “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Ipapataw ko na sa lunsod na ito at sa mga karatig-bayan ang lahat ng parusang binanggit ko, sapagkat matitigas ang ulo ninyo at ayaw ninyong pakinggan ang aking sinasabi.”

Ang Pakikipagtalo ni Jeremias kay Pashur

20 Si Pashur na anak ni Imer ay isang pari at siyang pinakapuno ng mga naglilingkod sa templo. Narinig niya ang pahayag ni Jeremias. Kaya ipinabugbog niya ito, ikinadena ang mga paa't kamay, at ipinabilanggo sa itaas ng Pintuan ni Benjamin, na nasa hilagang bakuran ng templo. Kinaumagahan, nang siya'y pakalagan na ni Pashur, sinabi ni Jeremias sa kanya, “Hindi na Pashur ang tawag sa iyo ni Yahweh kundi Takot sa Lahat ng Dako. Sapagkat ang sabi ni Yahweh: ‘Gagawin kitang katatakutan ng iyong sarili at ng mga kaibigan mo. Makikita mo ang pagkamatay nilang lahat sa tabak ng kaaway. Ipapailalim ko ang lahat ng taga-Juda sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia; ang iba'y dadalhin niyang bihag sa Babilonia at ipapapatay naman ang iba. Pababayaan ko ring makuha ng mga kaaway ang lahat ng kayamanan sa lunsod na ito, at kamkamin ang lahat ninyong ari-arian, pati ang mga kayamanan ng mga hari ng Juda. Dadalhin nila sa Babilonia ang lahat ng maaaring pakinabangan. Ikaw naman, Pashur, at ang iyong buong sambahayan ay mabibihag at dadalhin sa Babilonia. Doon na kayo mamamatay at malilibing, kasama ng inyong mga kaibigan na pinagsabihan mo ng mga kasinungalingan.’”

Si Jeremias ay Dumaing kay Yahweh

Yahweh, ako'y iyong hinikayat,
    at naniwala naman ako.
Higit kang malakas kaysa akin
    kaya ikaw ay nagwagi.
Pinagkatuwaan ako ng lahat;
    at maghapon nila akong pinagtatawanan.

Tuwing ako'y magsasalita at sisigaw ng “Karahasan! Pagkawasak!”
Pinagtatawanan nila ako't hinahamak,
    sapagkat ipinapahayag ko ang iyong salita.
Ngunit kung sabihin kong, “Kalilimutan ko na si Yahweh
    at hindi na ako magsasalita para sa kanyang pangalan,”
para namang apoy na naglalagablab sa aking kalooban ang iyong mga salita,
    apoy na nakakulong sa aking mga buto.
Sinikap kong tiisin ito,
    ngunit hindi ko na kayang pigilin pa.
10 Naririnig kong maraming nagbubulungan.
    Tinagurian nila akong “Takot sa Lahat ng Dako.”
    Sinasabi nila, “Isumbong natin! Isumbong natin sa may kapangyarihan!”
Pati matatalik kong kaibiga'y naghahangad ng aking kapahamakan.
Sabi pa nila, “Marahil ay malilinlang natin siya;
    pagkatapos, hulihin natin at paghigantihan.”
11 Subalit ikaw, Yahweh, ay nasa panig ko,
    tulad sa malakas at makapangyarihang mandirigma;
mabibigo ang lahat ng umuusig sa akin,
    mapapahiya sila at hindi magtatagumpay kailanman.
Hindi na makakalimutan ang kanilang kahihiyan habang panahon.
12 Makatarungan ka kung sumubok sa mga tao, Yahweh, na Makapangyarihan sa lahat,
    alam mo ang laman ng kanilang mga puso't isip.
Kaya ikaw ang maghiganti sa mga kaaway ko,
    ipinagkakatiwala ko sa mga kamay mo ang aking kapakanan.
13 Awitan ninyo si Yahweh,
    siya'y inyong papurihan,
sapagkat inililigtas niya ang mga api mula sa kamay ng mga gumagawa ng kasamaan.

14 Sumpain(C) nawa ang araw nang ako'y isilang!
Huwag ninyong ituring na araw na pinagpala ang araw nang ako'y ipanganak!
15 Sumpain nawa ang taong nagbalita sa aking ama,
    “Lalaki ang anak ninyo!”
    na nagdulot sa kanya ng malaking kagalakan.
16 Matulad nawa ang taong iyon
    sa mga lunsod na winasak ni Yahweh nang walang awa.
Makarinig nawa siya ng iyakan sa umaga,
    at hiyawan naman sa tanghali;
17     sapagkat hindi niya ako pinatay bago ako isinilang.
Sa gayon, naging libingan ko sana ang tiyan ng aking ina.
18 Bakit pa ako isinilang kung ang mararanasan ko lamang ay hirap,
    kalungkutan at kahihiyan habang ako'y nabubuhay?

Hinulaan ang Pagbagsak ng Jerusalem

21 Sina Pashur na anak ni Malchias, at ang paring si Zefanias na anak naman ni Maaseias, ay pinapunta ni Haring Zedekias kay Jeremias upang ipakiusap(D) kay Yahweh ang binabalak ni Haring Nebucadnezar na pakikipagdigma sa kanila. Sabi pa nila, “Marahil ay gagawa ng isang kamangha-manghang bagay si Yahweh, gaya ng ginawa niya noong unang panahon, upang hindi na ituloy ni Nebucadnezar ang kanyang balak na pagsalakay.”

Ganito ang sinabi ni Yahweh kay Jeremias bilang tugon sa kanila: “Sabihin mo kay Zedekias na ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Itataboy kong pabalik ang mga kawal na pinahaharap mo sa hari ng Babilonia at sa kanyang hukbo na ngayo'y nakapaligid sa inyo. Kukunin ko ang kanilang mga sandata at ibubunton ko sa gitna ng lunsod na ito. Ako mismo ang lalaban sa inyo dahil sa tindi ng aking galit at poot na parang apoy na naglalagablab. Ang buong lakas ko'y gagamitin ko laban sa inyo. Pupuksain ko ang lahat ng naninirahan sa lunsod, maging tao o hayop; mamamatay sila sa matinding salot. Pagkatapos, si Haring Zedekias ng Juda, ang kanyang mga tauhan at nasasakupan, at lahat ng nasa lunsod na nakaligtas sa labanan, sa salot, at sa gutom, ay ibibigay ko naman sa kamay ni Nebucadnezar, hari ng Babilonia, at ng iba pa nilang kaaway. Papatayin silang lahat, at walang sinumang makakaligtas. Hindi niya sila kahahabagan kahit kaunti man. Ako, si Yahweh, ang maysabi nito.

“Sabihin mo sa bayang ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Narito ang buhay at ang kamatayan. Mamili kayo sa dalawa. Ang mananatili sa lunsod na ito ay mamamatay sa labanan, sa gutom o sa salot; ngunit ang susuko sa mga taga-Babilonia na sumasalakay na ngayon sa inyo ay hindi mamamatay. Maililigtas nila ang kanilang sariling buhay. 10 Nakapagpasya na akong wasakin ang lunsod na ito; ito'y sasakupin at susunugin ng hari ng Babilonia.

Ang Kahatulan sa mga Namumuno sa Juda

11 “Sabihin mo sa angkan ng mga hari ng Juda: Pakinggan ninyo ang sinasabi ni Yahweh. 12 Sa buong angkan ni David, ito ang sabi ni Yahweh sa inyo: Pairalin ninyo ang katarungan araw-araw. Iligtas ninyo sa kamay ng mapang-api ang mga dukha; kung hindi, mag-aalab laban sa inyo ang aking poot, parang apoy na hindi maaapula dahil sa inyong masasamang gawa. 13 Ikaw, Jerusalem, nakatayo ka sa itaas ng mga libis, parang batong namumukod sa gitna ng kapatagan. Ngunit kakalabanin kita. Sinasabi mong walang makakadaig sa iyo; walang makakapasok sa iyong mga kuta. 14 Paparusahan kita ayon sa iyong masasamang gawa. Susunugin ko ang iyong palasyo at lalaganap ang apoy sa buong paligid at tutupukin nito ang lahat ng naroon. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

Tagubilin sa mga Namumuno sa Juda

22 Pinapunta ako ni Yahweh sa palasyo ng hari ng Juda at ipinasabi niya sa hari, sa mga lingkod nito, at sa lahat ng taga-Jerusalem: “Pairalin ninyo ang katarungan at katuwiran. Ipagtanggol ninyo ang mga naaapi laban sa mapagsamantala. Huwag ninyong sasaktan o aapihin ang mga dayuhan, mga ulila, at mga balo. Huwag kayong papatay ng mga taong walang kasalanan sa banal na lunsod na ito. Kung susundin ninyo ang mga utos ko, mananatili ang paghahari ng angkan ni David. At papasok silang nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo, kasama ang kanilang mga tauhan at nasasakupan. Subalit(E) kung hindi kayo makikinig sa sinasabi ko, isinusumpa ko na aking wawasakin ang palasyong ito. Ganito ang sabi ni Yahweh tungkol sa palasyo ng hari ng Juda:

“Ang palasyong ito'y singganda ng lupain ng Gilead, at nakakatulad ng Bundok ng Lebanon. Ngunit isinusumpa ko na gagawin ko itong isang disyerto, isang lunsod na walang mananahan. Magpapadala ako ng mga wawasak dito; may dalang palakol ang bawat isa. Puputulin nila ang mga haliging sedar nito at ihahagis sa apoy.

“Magtatanungan ang mga taong magdaraan dito mula sa iba't ibang bansa, ‘Bakit ganyan ang ginawa ni Yahweh sa dakilang lunsod na ito?’ At ang isasagot sa kanila, ‘Sapagkat hindi nila tinupad ang kasunduan nila ni Yahweh na kanilang Diyos; sa halip, sumamba sila at naglingkod sa mga diyus-diyosan.’”

Ang Pahayag tungkol kay Sallum

10 Huwag ninyong iyakan ang isang taong patay,
    o ikalungkot ang kanyang kamatayan.
Sa halip, tangisan ninyo si Sallum,
    sapagkat siya'y dinalang-bihag, at hindi na magbabalik.
    Hindi na niya makikita pa ang lupang kanyang sinilangan.

11 Ito(F) ang pahayag ni Yahweh tungkol kay Sallum na humalili sa kanyang amang si Josias bilang hari ng Juda, “Umalis siya ng Juda at hindi na magbabalik. 12 Doon na siya mamamatay sa lugar na pinagdalhan sa kanya bilang bihag, at hindi na niya makikita pang muli ang kanyang bayan.”

Ang Pahayag tungkol kay Jehoiakim

13 “Kahabag-habag ang magiging wakas ng taong nagtatayo ng kanyang bahay sa pamamagitan ng pandaraya,
    at naglalagay ng mga silid dito sa pamamagitan ng panlilinlang.
Pinagtatrabaho niya ang kanyang kapwa nang walang kabayaran.
14 Sinasabi pa niya,
    ‘Magtatayo ako ng malaking bahay
    na may malalaking silid sa itaas.
Lalagyan ko ito ng mga bintana,
    tablang sedar ang mga dingding,
    at pipinturahan ko ng kulay pula.’
15 Kung gumamit ka ba ng sedar sa iyong bahay,
    ikaw ba'y isa nang haring maituturing?
Alalahanin mo ang iyong ama; siya'y kumain at uminom,
    naging makatarungan siya at matuwid;
    kaya siya'y namuhay na tiwasay.
16 Tinulungan niya ang mga dukha at nangangailangan,
    kaya pinagpala siya sa lahat ng bagay.
Pinatunayan niyang ako'y kanyang nakikilala.
17 Subalit kayo, wala kayong iniisip kundi ang sariling kapakanan.
    Pumapatay kayo ng taong walang kasalanan,
    at pinagmamalupitan ang mga tao.”
Ito ang sabi ni Yahweh.

18 Kaya(G) ganito ang sabi ni Yahweh tungkol kay Jehoiakim, anak ni Haring Josias ng Juda:

“Walang tatangis sa kanyang pagpanaw o magsasabing,
    ‘Mahal kong kapatid! O, ang kapatid ko!’
Wala ring tatangis para sa kanya, at sisigaw ng,
    ‘O, panginoon! O aking hari!’
19 Ililibing siyang tulad sa isang patay na asno;
    kakaladkarin at ihahagis sa labas ng pintuang-bayan ng Jerusalem.”

Ang Pahayag tungkol sa Sasapitin ng Jerusalem

20 Umakyat kayo sa Lebanon at humiyaw,
    sumigaw kayo hanggang sa marinig sa Bashan ang inyong tinig.
Kayo'y manangis mula sa tuktok ng Bundok Abarim,
    sapagkat nilipol nang lahat ang kapanalig ninyo.
21 Nagsalita ako sa inyo noong kayo'y masagana,
    subalit hindi kayo nakinig.
Ganyan na ang ugali ninyo mula pa sa inyong kabataan;
    kahit minsan ay hindi kayo sumunod sa akin.
22 Tatangayin ng malakas na hangin ang inyong mga pinuno;
    mabibihag ang lahat ng nagmamahal sa inyo.
Wawasakin ang lunsod ninyo at kayo'y mapapahiya
    dahil sa inyong masasamang gawa.
23 Kayong nakatira sa mga bahay na yari sa sedar buhat sa Lebanon,
    kaawa-awa kayo sa hirap na daranasin ninyo pagdating ng panahon,
    gaya ng hirap ng babaing manganganak!

Ang Kahatulan ni Yahweh kay Jehoiakin

24 Sinabi(H) ni Yahweh, “Kung ikaw man, Conias, anak ni Haring Jehoiakim ng Juda, ay naging singsing na aking pantatak, huhugutin kita sa aking daliri. 25 Ibibigay kita sa kamay ng mga ibig pumatay sa iyo, sa mga taong iyong kinatatakutan, kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa kanyang mga sundalo. 26 Itatapon ko kayong mag-ina sa isang lupaing malayo sa lupang sinilangan mo. Doon na kayo mamamatay. 27 At hindi na kayo makakabalik sa sariling bayan na nais ninyong makitang muli.”

28 Ito bang si Conias ay tulad sa isang bangang itinakwil, basag, at walang ibig umangkin? Bakit siya itinapon, pati ang kanyang mga anak, sa isang bansang wala silang nalalaman?

29 O aking bayan!
    Pakinggan ninyo ang mensahe ni Yahweh!
30 Ganito ang sinasabi niya:
“Isulat mo tungkol sa lalaking ito na siya'y hinatulang mawawalan ng anak,
    na hindi magtatagumpay sa kanyang buhay,
sapagkat wala siyang anak na hahalili sa trono ni David
    at maghaharing muli sa Juda.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.