Chronological
41 Si(A) Ismael na anak ni Netanias at apo ni Elisama ay mula sa lahi ng hari at isa sa matataas na pinuno sa palasyo. Noong ikapitong buwan ng taóng iyon, pinuntahan nila si Gedalias sa Mizpa, kasama ang sampu niyang tauhan. At habang sila'y kumakain, 2 tumayo si Ismael at ang sampung tauhan nito at sinunggaban si Gedalias. Pinatay nila ang hinirang ng hari ng Babilonia sapagkat ginawa itong gobernador ng lupain. 3 Pinatay rin ni Ismael ang mga Judiong kasama ni Gedalias sa Mizpa, pati ang mga kawal na taga-Babilonia na nagkataong naroon.
4 Kinabukasan, matapos patayin si Gedalias, at bago pa nalaman ng sinuman, 5 may walumpung kalalakihang dumating buhat sa Shekem, Shilo, at Samaria. Ahit ang kanilang balbas, punit ang damit, at pawang sugatan; may dala silang trigo at insenso upang ihandog sa Templo ni Yahweh. 6 Lumabas mula sa Mizpa si Ismael; umiiyak siyang sumalubong at ang sabi, “Pumasok kayo, naririto si Gedalias na anak ni Ahicam.” 7 Pagkapasok nila sa lunsod, sila'y pinatay ni Ismael at ng mga tauhan nito, at itinapon sa isang hukay ang mga bangkay.
8 May sampung lalaking hindi napatay, at sila'y nakiusap kay Ismael, “Huwag mo kaming patayin. Marami kaming nakaimbak na trigo, sebada, langis, at pulot-pukyutan. Nakatago ang mga ito sa kabukiran.” Kaya, naawa siya at hindi sila pinatay. 9 Ang malaking hukay na ipinagawa ni Haring Asa ng Juda nang pagbantaan siyang salakayin ni Haring Baasa ng Israel ay napuno ng mga bangkay na itinapon doon ni Ismael. 10 Pagkatapos, binihag ni Ismael ang lahat ng nasa Mizpa—ang mga anak na babae ng hari at ang mga mamamayang iniwan ni Nebuzaradan sa pamamahala ni Gedalias. At sila'y umalis patungo sa lupain ng Ammon.
11 Nabalitaan ni Johanan, at ng mga kasama niyang pinuno at mga kawal ang kasamaang ginawa ni Ismael. 12 Isinama nila ang lahat ng kanilang tauhan at hinabol si Ismael; inabutan nila ito sa may malaking deposito ng tubig sa Gibeon. 13 Gayon na lamang ang tuwa ng mga bihag ni Ismael nang makita si Johanan at ang kanyang mga tauhan. 14 At silang lahat ay nagtakbuhan papunta kay Johanan. 15 Subalit si Ismael, kasama ang walo niyang tauhan, ay nagtuloy sa lupain ng mga Ammonita.
16 Tinipon ni Johanan at ng mga pinunong kasama niya ang mga bihag na dala ni Ismael mula sa Mizpa, matapos patayin si Gedalias. Kabilang dito'y mga kawal, babae, bata, at eunuko; silang lahat ay ibinalik ni Johanan buhat sa Gibeon. 17 Nagpunta sila at tumigil sa Gerut-quimam, malapit sa Bethlehem, subalit may balak na magtuloy sa Egipto. 18 Natatakot silang paghigantihan ng mga taga-Babilonia dahil sa ginawa ni Ismael kay Gedalias, na inilagay ng hari ng Babilonia bilang gobernador ng Juda.
Hiniling ng mga Tao na Ipanalangin Sila ni Jeremias
42 Lumapit kay Jeremias si Johanan na anak ni Karea, si Azarias na anak ni Hosaias, ang iba pang pinuno ng hukbo, at lahat ng mamamayan mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila. 2 Ang pakiusap nila sa propeta, “Idalangin ninyo kami kay Yahweh na inyong Diyos, ang lahat ng natirang ito. Kakaunti na lamang kaming natira ngayon tulad ng nakikita ninyo. 3 Hilingin po ninyo na ituro niya sa amin ang nararapat naming puntahan at gawin.”
4 Sinabi sa kanila ni Jeremias, “Oo, idadalangin ko kayo kay Yahweh at sasabihin ko sa inyo kung ano ang sagot niya. Wala akong ililihim na anuman.”
5 Sinabi pa nila kay Jeremias, “Parusahan kami ni Yahweh kapag hindi namin ginawa ang sasabihin niya. 6 Mabuti man ito o hindi, susundin namin ang sasabihin ni Yahweh sapagkat alam naming mapapabuti kami kung susunod sa kanyang salita.”
Tinugon ni Yahweh ang Dalangin
7 Pagkaraan ng sampung araw, tinanggap ni Jeremias ang pahayag ni Yahweh. 8 Kaya tinawag niya si Johanan, ang lahat ng pinuno ng hukbong kasama nito, at ang lahat ng mamamayan, mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila. 9 Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, tungkol sa inyong kahilingan: 10 Kung kayo'y mananatili sa lupaing ito, pagpapalain ko kayo at hindi ipapahamak; itatanim at hindi bubunutin. Nalulungkot ako dahil sa kapahamakang ipinadala ko sa inyo. 11 Huwag kayong matakot sa hari ng Babilonia sapagkat ako'y sasainyo at ililigtas ko kayo. 12 Kaaawaan ko kayo upang kaawaan din niya at payagang manatili sa inyong lupain. 13 Datapwat kapag sinuway ninyo ang mensahe ni Yahweh na inyong Diyos, kapag hindi kayo nanatili rito, 14 at sa halip ay pumunta kayo sa Egipto, sa paniniwalang walang digmaan doon, at hindi kayo magugutom, 15 ito ang sinasabi ko sa inyo: Kayong nalabi sa Juda, kapag kayo'y pumunta at nanirahan sa Egipto, 16 aabutan kayo roon ng kaaway na inyong kinatatakutan; daranas kayo ng taggutom na inyong pinangangambahan, at doon kayo mamamatay. 17 Lahat ng maninirahan doon ay mamamatay sa digmaan, sa gutom, at sa salot. Walang makakaligtas sa inyo.”
18 Sinabi pa ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, “Kung paano ko ibinuhos sa Jerusalem ang aking galit at poot, gayon ko ito ibubuhos sa inyo, kapag kayo'y pumaroon sa Egipto. Kayo'y katatakutan, pagtatawanan, susumpain, at hahamakin. At hindi na ninyo makikita pa ang lupaing ito.
19 “Akong si Yahweh ang nagsasabi sa inyo, kayong nalabi sa Juda, na huwag kayong pupunta sa Egipto. Tandaan ninyo, 20 mamamatay kayo kapag kayo'y sumuway. Si Jeremias ay sinugo ninyo upang dumalangin sa akin; sinabi ninyo na inyong gagawin ang anumang sasabihin ko. 21 Ipinahayag ko naman ito sa inyo ngayon, subalit hindi ninyo tinutupad ang ipinapasabi ko. 22 Ngayon nga'y tinitiyak ko sa inyo na kayo'y mamamatay sa digmaan, sa gutom, at sa salot na aking ipadadala sa lugar na ibig ninyong puntahan.”
Si Jeremias ay Dinala sa Egipto
43 Nang masabi na ni Jeremias ang lahat ng ipinapasabi ni Yahweh sa mga tao, 2 sinabi sa kanya nina Azarias, anak ni Hosaias, Johanan na anak ni Karea, at ng mga lalaking mayayabang, “Sinungaling! Ikaw ay hindi sinugo ni Yahweh upang sabihin sa amin na huwag kaming manirahan sa Egipto. 3 Sinulsulan ka lamang ni Baruc na anak ni Nerias laban sa amin, upang ibigay kami sa kamay ng mga taga-Babilonia; sa gayon, papatayin nila kami o kaya'y dadalhing-bihag.” 4 Si Johanan, ang lahat ng pinuno ng hukbo, at ang mga tao'y hindi nakinig sa mensahe ni Yahweh; ipinasiya nilang umalis sa Juda. 5 Kaya,(B) tinipon ni Johanan at ng mga pinuno ng hukbo ang lahat ng nalabi na nagbalik sa Juda mula sa mga bansang pinagtapunan sa kanila, 6 mga lalaki, mga babae, mga bata, mga anak na babae ng hari, at ang mga taong ipinagkatiwala ni Nebuzaradan, ang pinuno ng mga bantay, kay Gedalias na anak ni Ahicam at apo ni Safan; kabilang din dito sina Propeta Jeremias at Baruc. 7 Hindi sila nakinig sa mensahe ni Yahweh at sila'y nagpunta sa Egipto; una nilang narating ang Tafnes.
8 Sa Tafnes ay nagpahayag si Yahweh kay Jeremias: 9 “Kumuha ka ng ilang malalaking bato at ibaon mo sa daanang papasok sa palasyo ng Faraon sa Tafnes; gawin mo itong nakikita ng mga Judio. 10 Sabihin mo sa kanila, ‘Sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Dadalhin ko ang aking lingkod na si Haring Nebucadnezar ng Babilonia, at ang kanyang trono ay ilalagay niya sa ibabaw ng mga batong ito na aking ibinaon; ilalatag niya sa ibabaw nito ang kanyang tolda. 11 Pagkatapos ay sasalakayin niya ang Egipto at papatayin ang mga dapat mamatay, bibihagin ang dapat bihagin, at papatayin ang itinakdang mamatay sa digmaan. 12 Susunugin niya ang mga templo ng mga diyus-diyosan ng Egipto, gayon din ang mga gusali, at bibihagin ang mga diyos. Lilinisin niya ang lupain ng Egipto, gaya ng paglilinis ng isang pastol sa kanyang kasuotan upang maalis ang mga pulgas. Kung maganap na niyang lahat ito, matagumpay niyang lilisanin ang Egipto. 13 Gigibain din niya ang mga haliging itinuturing na sagrado sa Egipto, at susunugin ang lahat ng templo ng mga diyus-diyosan doon.’”
Ang Pahayag ni Yahweh sa mga Judio sa Egipto
44 Si Jeremias ay kinausap ni Yahweh tungkol sa mga Judiong naninirahan sa Egipto, sa Migdol, sa Tafnes, sa Memfis, at sa lupain ng Patros. 2 Ito ang kanyang sinabi: “Nakita ninyo ang kapahamakang nangyari sa Jerusalem at sa mga lunsod ng Juda. Ngayon ay wasak na ang mga ito, at wala nang naninirahan doon. 3 Ginawa ko ito dahil sa kasamaan nila. Nagsunog sila ng insenso at naglingkod sa mga diyos na hindi nila nakikilala, maging kayo o ng inyong mga ninuno. 4 Gayunman, patuloy kong sinugo sa inyo ang aking mga lingkod na propeta. Sinabi nila sa inyo, ‘Huwag ninyong gawin ang kasuklam-suklam na bagay na iyan.’ 5 Subalit hindi sila nakinig; hindi nila pinagsisihan at tinalikuran ang kanilang kasamaan at patuloy rin silang nagsunog ng handog sa mga diyus-diyosan. 6 Napoot ako sa kanila kaya winasak ko ang kanilang mga lunsod hanggang ngayon.”
7 Ngayon nga'y sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Bakit ninyo ginawa ang kasamaang ito? Nais ba ninyong mamatay ang mga lalaki't babae, mga bata at sanggol? Nais ba ninyong lubusang maubos ang mga taga-Juda? 8 Bakit ninyo ako ginagalit sa pamamagitan ng inyong pagsamba at pagsusunog ng handog sa mga diyus-diyosan sa Egipto na inyong tinatahanan? Winawasak ninyo ang inyong sarili at kayo'y magiging tampulan ng paghamak at pagsumpa ng lahat ng bansa. 9 Nakalimutan na ba ninyo ang kasamaang ginawa ng inyong mga ninuno, ng mga hari at ng kanilang mga asawa, ang mga ginawa ninyo at ng inyong mga asawa, sa lupain ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem? 10 Hanggang ngayo'y hindi kayo nagpapakumbaba o natatakot man, hindi sumusunod sa aking utos at mga tuntuning ibinigay sa inyo at sa inyong mga magulang.
11 “Kaya akong si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi: Nakapagpasya na akong kayo'y padalhan ng kapahamakan upang wakasan na ang buong Juda. 12 Paparusahan ko rin ang mga nalabi sa Juda na nagpumilit na manirahan sa Egipto; doon nila sasapitin ang kanilang wakas. Ang iba'y mamamatay sa digmaan; sa gutom naman ang iba. Dakila't hamak ay sama-samang mamamatay sa labanan, sa gutom o sa salot. At pagtatawanan, pandidirihan, hahamakin at susumpain. 13 Paparusahan ko ang mga nakatira sa Egipto, tulad ng ginawa kong parusa sa mga taga-Jerusalem; ito'y sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, at salot. 14 Ang mga nalabi sa Juda ay nagpunta upang manirahan sa Egipto, at nagtitiwala silang makakabalik upang muling manirahan sa Juda. Ngunit hindi na sila makakabalik; isa man sa kanila'y walang mabubuhay o makakatakas.”
15 Ang lahat ng kalalakihang naroon na nakakaalam na ang kanilang mga asawa'y nagsusunog ng handog sa ibang diyos, gayon din ang mga kababaihang nakatayo sa malapit, at lahat ng naninirahan sa Patros, sakop ng Egipto, ay nagsabi kay Jeremias, 16 “Hindi namin papakinggan ang sinasabi mo sa amin sa pangalan ni Yahweh. 17 Sa halip, gagawin namin ang lahat ng aming ipinangako sa aming sarili: magsusunog kami ng handog sa reyna ng kalangitan, mag-aalay kami ng handog na alak para sa kanya, gaya ng ginagawa ng aming mga ninuno, mga hari, at mga pinuno, at gaya ng ginawa namin sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan sa Jerusalem. Noon ay sagana kami sa pagkain, payapa kami, at walang anumang kapahamakang dumating sa amin. 18 Ngunit simula nang ihinto namin ang pagsusunog ng handog sa reyna ng kalangitan at ang pag-aalay ng handog na alak sa kanya, dumanas kami ng matinding paghihirap. Marami sa amin ang nasawi sa digmaan at sa gutom.”
19 At sumagot ang mga babae, “Pinausukan namin ng insenso ang reyna ng kalangitan at kami'y naghandog ng alak sa kanya. Alam ng aming mga asawa na gumagawa kami ng mga tinapay na inukitan ng larawan niya. Nag-alay din kami ng alak na handog sa kanya.”
20 Kaya sumagot si Jeremias sa lahat ng mga nagsabi sa kanya nito, 21 “Hindi nakakalimutan ni Yahweh ang mga sinunog ninyong handog sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem, kayo at ang inyong mga ninuno, mga hari, mga pinuno, at lahat ng nasa lupain. 22 Umabot na sa sukdulan ang inyong kasamaan kaya winasak ni Yahweh ang inyong lupain. 23 Dumating sa inyo ang kapahamakang ito sapagkat nagsunog kayo ng mga handog na ito, at iyan ay kasalanan kay Yahweh. Hindi rin ninyo sinunod si Yahweh o tinupad ang kanyang mga utos at tuntunin.”
24 Sinabi pa ni Jeremias sa mga tao, “Pakinggan ninyo ang pahayag ni Yahweh, lahat kayong taga-Juda na nakatira sa Egipto. Ito'y mga mensahe ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel. 25 Kayo at ang inyong mga asawang babae ay nagsabi ng ganito: ‘Gagawin namin ang aming ipinangako; magsusunog kami ng mga handog sa reyna ng kalangitan, at mag-aalay ng handog na alak sa kanya.’ Patunayan ninyo at tuparin ang inyong mga ipinangako. 26 Ngunit pakinggan ninyo ang sabi ng Panginoong Yahweh, kayong taga-Juda na naninirahan sa Egipto, “Isinusumpa ko sa aking dakilang pangalan na ang pangalan ko'y hindi na muling sasambitin ng mga taga-Juda. Hindi ko na ipapahintulot na gamitin ang aking pangalan sa panunumpa sa lupain ng Egipto. 27 Magbabantay ako upang padalhan kayo ng kasamaan at hindi kabutihan; lahat ng lalaking taga-Juda na nasa Egipto ay mamamatay sa digmaan at sa gutom, hanggang maubos silang lahat. 28 Pagkatapos noon, saka mapapatunayan ng lahat ng nalabi sa Juda, na naninirahan sa Egipto, kung kaninong salita ang natupad, ang sa kanila o ang sa akin. 29 Ito ang palatandaang ibibigay ko sa inyo na kayo'y aking paparusahan sa lugar na ito upang malaman ninyo na magaganap nga ang kasamaang sinalita ko laban sa inyo. 30 Ito'y(C) mga salita ni Yahweh: si Faraon Hofra, hari sa Egipto, ay ibibigay ko sa kanyang mga kaaway na nagnanais pumatay sa kanya, katulad ng ginawa ko kay Haring Zedekias ng Juda, na ibinigay ko kay Haring Nebucadnezar na kaaway niya at nais siyang patayin.”
Ang Pangako ni Yahweh kay Baruc
45 Noong(D) ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias, kinausap ni Jeremias si Baruc na anak ni Nerias; isinulat naman nito ang lahat ng idinikta ng propeta: 2 “Baruc, ito ang sinasabi sa iyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 3 Sinabi mo sa akin na kahabag-habag ka sapagkat dinagdagan ni Yahweh ang iyong paghihirap; pinadalhan ka niya ng kalungkutan. Pagod ka na sa pagdaing, at wala kang kapahingahan. 4 Subalit ipinapasabi sa iyo ni Yahweh, ‘Winawasak ko ang aking itinayo, at binubunot ko ang aking itinanim. Gagawin ko ito sa buong daigdig. 5 Huwag mo nang hangaring makamit ang mga dakilang bagay, sapagkat padadalhan ko ng kapahamakan ang lahat; gayunman, ipinapangako kong iingatan ko ang iyong buhay saan ka man pumunta. Akong si Yahweh ang maysabi nito!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.