Chronological
Ang mga Bantay sa Pinto ng Templo
26 Ito naman ang mga pangkat ng mga bantay sa pinto ng Templo: sa angkan ni Korah ay si Meselemias na anak ni Korah, buhat sa pamilya ni Asaf. 2 Ang pito niyang anak ay si Zacarias na siyang panganay, kasunod sina Jediael, Zebadias, Jatniel, 3 Elam, Jehohanan at Eliehoenai. 4 Pinagpala(A) ng Diyos si Obed-edom. Binigyan siya ng walong anak na lalaki; si Semaias na panganay, kasunod sina Jehozabad, Joa, Sacar, Natanel, 5 Amiel, Isacar, at Peulletai. 6 Si Semaias ay may mga anak na naging pinuno ng kanilang sambahayan, sapagkat sila'y mahuhusay at bihasa. Ang pangkat ng mga ito'y binubuo 7 nina Otni, Refael, Obed, Elzabad, at ang dalawa pa niyang anak na matatapang din, sina Elihu at Semaquias. 8 Ang mga anak at apo ni Obed-edom na pawang may kakayahang maglingkod ay animnapu't dalawa. 9 Labingwalo naman ang mga kamag-anak na pinamumunuan ni Meselemias at pawang matatapang din. 10 Kabilang din ang pangkat ni Hosa, mula sa angkan ni Merari na binubuo ng kanyang mga anak. Si Simri, bagama't hindi panganay ay ginawang pinuno ng sambahayan ng kanyang ama. 11 Kasama rin ang iba pang mga anak niyang sina Hilkias, Tebalias at Zacarias. Labingtatlo ang mga anak at kamag-anak ni Hosa.
12 Ang mga pangkat na ito ng mga bantay-pinto sa pangunguna ng pinuno ng kanilang sambahayan ay may kanya-kanyang pananagutan sa paglilingkod sa Templo ni Yahweh gaya ng kanilang mga kamag-anak. 13 Nagpalabunutan sila ayon sa kani-kanilang sambahayan, para malaman kung aling pinto ang kanilang babantayan. 14 Ang pinto sa silangan ay napunta kay Selemias, at ang gawing hilaga ay sa anak niyang si Zacarias, isang mahusay na tagapayo. 15 Kay Obed-edom napunta ang gawing timog, at sa kanyang mga anak naman ang mga bodega. 16 Ang pinto sa kanluran at ang pinto ng Sallequet sa daang paakyat ay napunta kina Supim at Hosa. May kanya-kanyang takdang oras ang kanilang pagbabantay. 17 Sa gawing silangan, anim ang bantay araw-araw. Sa hilaga at timog ay tig-aapat, at tig-dadalawa naman sa bodega. 18 Sa malaking gusali sa gawing kanluran, apat sa labas at dalawa sa loob. 19 Ito ang mga pangkat ng mga bantay sa pinto mula sa mga angkan ni Korah at ni Merari.
Ibang Tungkulin sa Templo
20 Ang mga Levita sa pangunguna ni Ahias ang namahala sa kabang-yaman ng Templo at sa bodega ng mga kaloob sa Diyos. 21 Si Ladan na isa sa mga anak ni Gershon ay ninuno ng maraming angkan, kasama na ang pamilya ng kanyang anak na si Jehiel. 22 Ang mga pinuno ng pangkat ni Jehiel ay ang kanyang mga anak na sina Zetam at Joel. Sila ang namahala sa mga kabang-yaman ng Templo.
23 Ang mga Amramita, Isharita, Hebronita, at Uzielita ay binigyan din ng tungkulin.
24 Si Sebuel na anak ni Gershon at apo ni Moises ang siyang pinunong namahala sa mga kabang-yaman. 25 Sa angkan ni Eliezer, ang namahala ay ang mga anak niyang sina Rehabias, Jesaias, Joram, Zicri at Selomit. 26 Si Selomit at ang kanyang mga kamag-anak ang namahala sa bodega ng mga kaloob na inialay ni Haring David, ng mga pinuno ng sambahayan, at ng mga pinuno ng hukbo. 27 Buhat sa mga nasamsam sa pakikidigma, naglalaan sila ng bahaging panustos sa pangangalaga sa Templo ni Yahweh. 28 At lahat ng kaloob na inialay ni propeta Samuel, ni Saul na anak ni Kish, ni Abner na anak ni Ner at ni Joab na anak ni Zeruias, ay inilagay sa pangangalaga ni Selomit at ng kanyang mga kamag-anak.
Ang mga Tungkulin ng Iba pang Levita
29 Mula naman sa angkan ni Ishar, si Kenanias at ang kanyang mga anak ang inilagay na mga tagapagtala at mga hukom.
30 Sa sambahayan ni Hebron, si Hashabias at ang kanyang mga kamag-anak na may bilang na 1,700 na pawang mahuhusay ang nangalaga sa bansang Israel, sa gawing kanluran ng Jordan. Sila ang namahala sa gawain ukol kay Yahweh, at ang naglingkod sa hari ay 1,700. 31 Ayon sa talaan ng angkan ni Hebron, si Jerijas ang kanilang pinuno. Noong ikaapatnapung taon ng paghahari ni David, sinaliksik ang kasaysayan ng angkan ni Hebron at natuklasan na sa Jazer ng Gilead ay may mga lalaking may pambihirang kakayahan. 32 Pumili si Haring David ng 2,700 mga pinuno ng sambahayan at pawang mahuhusay mula sa kamag-anak ni Jerijas upang mamahala sa lipi nina Ruben, Gad, at sa kalahating lipi ni Manases. Sila ang pinamahala ni David sa lahat ng bagay na may kinalaman sa Diyos at sa hari.
Ang Organisasyong Sibil at Militar
27 Ito ang listahan ng mga Israelitang pinuno ng kani-kanilang angkan at mga pinuno ng libu-libo at daan-daan, gayundin ang mga pinuno ng hukbong naglingkod sa hari. Sila ay pinagpangkat-pangkat ng tig-24,000 at maglilingkod bawat buwan sa pangunguna ng kani-kanilang pinuno. 2 Si Jasobeam, anak ni Zabdiel, ang namahala sa pangkat na naglingkod sa unang buwan. Siya'y namuno sa 24,000 katao. 3 Mula siya sa angkan ni Peres, at siya ang pangkalahatang pinuno. 4 Si Dodai na taga-Aho ang namahala sa ikalawang buwan. 5 Ang namahala naman sa ikatlong buwan ay si Benaias, anak ng paring si Joiada. 6 Siya ang Benaias na pinuno ng Tatlumpung Matatapang na Mandirigma. Ang namahala sa kanyang pangkat ay ang anak niyang si Amizabad. 7 Ang pangkat naman na nanungkulan sa ikaapat na buwan ay pinamahalaan ni Asahel, kapatid ni Joab. Ang humalili sa kanya ay ang anak niyang si Zebadias. 8 Ang pangkat namang nanungkulan sa ikalimang buwan ay pinamahalaan ni Samhut na taga-Ishar. 9 Ang namahala naman sa pangkat na nanungkulan sa ikaanim na buwan ay si Ira, anak ni Ikes na taga-Tekoa. 10 Ang pangkat para sa ikapitong buwan ay pinamahalaan ni Helez, anak ni Efraim at taga-Pelon. 11 Ang pangkat sa ikawalong buwan ay pinamahalaan naman ni Sibecai na taga-Husa, mula sa angkan ni Zera. 12 Ang pangkat na nanungkulan sa ikasiyam na buwan ay pinamahalaan ni Abiezer na isang taga-Anatot, buhat sa lipi ni Benjamin. 13 Ang pangkat namang nanungkulan sa ikasampung buwan ay pinamahalaan ni Maharai na taga-Netofa, mula sa angkan ni Zera. 14 Ang pangkat na nanungkulan sa ikalabing isang buwan ay pinamahalaan naman ni Benaias na isang taga-Peraton, mula sa lipi ni Efraim. 15 Ang pangkat na nanungkulan sa ikalabindalawang buwan ay pinamahalaan naman ni Heldai, taga-Netofa, buhat sa angkan ni Otniel.
Ang mga Namahala sa mga Lipi ng Israel
16 Ito ang mga namahala sa Israel: sa lipi ni Ruben ay si Eliezer na anak ni Zicri; sa lipi ni Simeon ay si Sefatias na anak ni Maaca; 17 sa lipi ni Levi ay si Hashabias na anak ni Kemuel; sa angkan ni Aaron ay si Zadok; 18 sa lipi naman ni Juda ay si Elihu, isa sa mga kapatid ni David; sa lipi ni Isacar ay si Omri na anak ni Micael; 19 sa lipi ni Zebulun ay si Ismaias na anak ni Obadias; sa lipi ni Neftali ay si Jerimot na anak ni Azriel; 20 sa lipi ni Efraim ay si Hosea na anak ni Azarias; sa kalahating lipi ni Manases ay si Joel na anak ni Pedaias. 21 Ang namahala naman sa kalahating lipi ni Manases na nasa Gilead ay si Iddo na anak ni Zacarias; sa lipi ni Benjamin ay si Jaasiel na anak ni Abner; 22 at sa lipi naman ni Dan ay si Azarel na anak ni Jeroham.
23 Hindi(B) na ibinilang ni David sa sensus ang mga Israelitang wala pang dalawampung taóng gulang sapagkat ipinangako ng Diyos na pararamihin niyang sindami ng mga bituin sa langit ang mga Israelita. 24 Ang(C) sensus ay sinimulan ni Joab, anak ni Zeruias ngunit hindi niya ito natapos sapagkat nagalit ang Diyos sa Israel sa ginawang ito. Kaya't hindi na napabilang ang mga ito sa listahan ni Haring David.
Ang mga Namahala sa Kayamanan ng Hari
25 Ang namahala sa mga kabang-yaman ng hari ay si Azmavet na anak ni Abdiel, ngunit sa mga kayamanang nasa mga lalawigan, lunsod, nayon, at ang nasa mga tore, ang namahala ay si Jonatan na anak ni Uzias. 26 Si Ezri na anak ni Kelub ang ginawang tagapamahala ng mga magsasaka. 27 Si Simei na isang taga-Rama ang namahala sa mga ubasan, at si Zabdi na isang taga-Sephan ang namahala naman sa imbakan ng alak. 28 Si Baalhahan na isang taga-Geder ang namahala sa mga tanim na olibo at sikamoro sa Sefela, at sa bodega naman ng langis ay si Joas. 29 Si Sitrai na taga-Saron ang namahala sa mga kawan sa pastulan ng Saron at si Safat, anak ni Adlai ang namahala naman sa mga kawan na nasa kapatagan. 30 Sa mga kamelyo naman, ang namahala ay si Obil na isang Ismaelita; sa mga inahing asno ay si Jedeias na taga-Meronot, at sa mga kawan ay si Jaziz na Hagrita. 31 Ang lahat ng ito'y mga katiwala ng mga ari-arian ni David.
Ang mga Tagapayo ni David
32 Si Jonatan, ang tiyo ni David, ang kinuhang tagapayo ng mga anak ng hari sapagkat siya'y matalino at dalubhasa. Magkatulong sila ni Jehiel, anak ni Hacmoni, sa pagtuturo sa mga anak ng hari. 33 Ang tagapayo naman ng hari ay si Ahitofel; at si Husai naman, na isang Arkita, ang matalik na kaibigan ng hari. 34 Nang mamatay si Ahitofel ay pumalit sa kanya si Joiada na anak ni Benaias at si Abiatar. Si Joab naman ang pinakamataas na pinuno ng hukbo ng hari.
Mga Tagubilin ni David tungkol sa Templo
28 Tinipon ni David sa Jerusalem ang lahat ng mga pinuno ng Israel, lahat ng pinuno ng mga lipi, lahat ng namamahala ng mga pangkat na naglilingkod sa hari, ang mga pinuno ng mga libu-libo at mga pinuno ng mga daan-daan. Tinawag din niya ang mga katiwala ng mga ari-arian, at ng mga kawan ng hari, at ng mga anak niya, lahat ng mga may tungkulin sa palasyo, lahat ng matatapang na lalaki, at lahat ng mahuhusay na mandirigma.
2 Nang(D) naroon na ang lahat, tumayo siya at nagsalita, “Mga kapatid at mga kababayan, matagal ko nang minimithi na magtayo ng isang permanenteng tahanan para sa Kaban ng Tipan na siyang tuntungan ng Diyos nating si Yahweh. Inihanda ko na ang lahat ng kailangan upang maitayo ito. 3 Ngunit sinabi sa akin ng Diyos na hindi ako ang magtatayo ng Templo para sa kanya sapagkat ako'y isang mandirigma at may bahid ng maraming dugo ang aking kamay. 4 Subalit sa sambahayan ng aking ama, ako ang pinili ni Yahweh, ang Diyos ng Israel upang maghari sa bansang ito magpakailanman. Ang pinili niyang mangunguna ay si Juda, at nagmula sa lipi nito ang pamilya ng aking ama. Sa amin namang pamilya, ako ang kanyang itinalaga para maging hari ng buong Israel. 5 Binigyan ako ni Yahweh ng maraming anak at mula sa kanila, si Solomon ang pinili niya upang umupo sa trono ng Israel, ang kaharian ni Yahweh. 6 Ang sabi niya sa akin, ‘Ang iyong anak na si Solomon ang magtatayo ng aking Templo, sapagkat siya ang pinili kong maging anak, at ako naman ang magiging ama niya. 7 Patatatagin ko ang kanyang kaharian magpakailanman kung patuloy niyang susundin ang aking mga utos at tuntunin gaya ng ginagawa niya ngayon.’ 8 Kaya nga, sa harapan ng buong Israel na bayan ni Yahweh, at ng Diyos na ngayo'y nakikinig, inaatasan ko kayo na sundin ninyong mabuti ang kautusan ng Diyos ninyong si Yahweh upang manatiling sa inyo ang masaganang lupaing ito at maipapamana naman ninyo sa inyong mga salinlahi magpakailanman.
9 “At ikaw naman, Solomon, anak ko, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at paglingkuran mo siya nang buong puso at pag-iisip, sapagkat sinisiyasat ni Yahweh ang ating damdamin at nauunawaan ang ating binabalak at iniisip. Kung lalapit ka sa kanya, tatanggapin ka niya. Ngunit kung tatalikuran mo siya, itatakwil ka niya magpakailanman. 10 Alalahanin mong ikaw ang pinili ni Yahweh upang magtayo ng kanyang banal na Templo. Magpakatatag ka at gawin mo ito nang may paninindigan.”
Ibinigay kay Solomon ang Plano ng Templo
11 Ibinigay ni David kay Solomon ang mga plano ng mga gusali ng Templo, ng mga kabang-yaman, ng mga silid sa itaas, ng mga silid sa loob at ng silid para sa banal na trono ng awa. 12 Ibinigay din niya ang plano para sa mga bulwagan at mga silid sa palibot nito at ang kabang-yaman ng Templo ng Diyos at ang bodega para sa mga kaloob na ukol kay Yahweh. 13 Ibinigay din niya ang plano para sa organisasyon ng mga pari at Levita at ang paghahati-hati sa mga gawaing may kinalaman sa paglilingkod sa Templo, at sa mga kagamitan dito. 14 Itinakda niya ang timbang ng ginto o pilak na gagawing mga sisidlan, 15 mga ilawan at patungan ng mga ito. 16 Gayundin ang timbang ng ginto na ibabalot sa bawat mesa na pagpapatungan ng tinapay na handog, at ang pilak na gagamitin sa bawat mesang pilak. 17 Itinakda rin niya ang timbang ng purong ginto na gagawing mga tinidor, mga palanggana, mga kopa, at mga gintong mangkok, gayundin ang pilak at gintong gagamitin sa mga mangkok. 18 Itinakda rin niya ang timbang ng purong ginto para sa altar na sunugan ng insenso, pati ang plano at gintong gagamitin sa karwahe ng mga kerubin na ang mga pakpak ay tumatakip sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. 19 Sinabi ni David, “Ang lahat ng ito ay nasa plano na ginawa ayon sa utos ni Yahweh at siyang kailangang isagawa.”
20 Pagkatapos, sinabi ni David sa kanyang anak na si Solomon, “Magpakatatag ka, lakasan mo ang iyong loob at gawin mo ito. Huwag kang matatakot ni panghinaan ng loob sapagkat ang Panginoong Yahweh, na aking Diyos ay kasama mo. Hindi ka niya bibiguin. Hindi ka niya pababayaan hangga't hindi mo natatapos ang lahat ng bagay na kailangan sa paglilingkod sa kanyang Templo. 21 Narito ang mga pangkat ng mga pari at mga Levita na handa para sa lahat ng gawain sa Templo ng Diyos. Narito rin ang mga ekspertong manggagawa, ang buong bayan at ang kanilang mga pinuno na handang tumulong at sumunod sa iyo sa anumang oras.”
Ang mga Kaloob para sa Templo
29 Ipinahayag(E) ni Haring David sa buong kapulungan, “Ang anak kong si Solomon na pinili ng Diyos upang humalili sa akin ay bata pa at walang sapat na karanasan. Napakalaki ng gawaing kakaharapin niya, sapagkat ang gagawin niya ay hindi isang palasyo para sa tao kundi Templo para sa Panginoong Yahweh. 2 Dahil dito, sinikap kong magtipon ng mga gagamitin para sa Templo ng aking Diyos tulad ng ginto, pilak, tanso, bakal at kahoy. Napakarami ng inihanda kong batong onise at iba pang mahahalagang batong pampalamuti, at lahat ng uri ng mahahalagang bato at marmol. 3 Hindi lang iyan, pati na ang sarili kong pilak at ginto ay inilaan ko na rin sa gawaing ito, sapagkat kasiyahan kong magkaroon ng Templo ang aking Diyos. 4 May nakalaan akong 105,000 kilong ginto na mula pa sa Ofir, at 245,000 kilong purong pilak na ididikit sa mga dingding ng Templo, 5 at sa iba pang bagay na gagawin ng mga mahuhusay na platero. Sino sa inyo ngayon ang kusang-loob na magbibigay para kay Yahweh?”
6 Sumang-ayon agad ang mga pinuno ng mga sambahayan, ang mga pinuno ng mga lipi, ang mga pinuno ng mga hukbo at ang mga katiwala ng hari. 7 Kusang-loob silang nagbigay, at ang natipon para sa gagawing templo ay 175,000 kilong ginto, 350,000 kilong pilak, 630,000 kilong tanso, at 3,500,000 kilong bakal. 8 Ipinagkaloob nila ang kanilang mahahalagang bato sa kabang-yaman ng Templo ni Yahweh na nasa pamamahala ni Jehiel na mula sa angkan ni Gershon. 9 Masayang-masaya ang mga tao sa kanilang mga kusang-loob na panghandog kay Yahweh, at labis din itong ikinatuwa ni Haring David.
Pinuri ni David si Yahweh
10 Sa harapan ng mga tao'y tuwang-tuwa si David na nagpuri kay Yahweh. Sinabi niya, “Purihin kayo magpakailanman, Yahweh, ang Diyos ni Israel na aming ama. 11 Sa(F) inyo ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang karangalan at ang pagtatagumpay sapagkat inyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa inyo ang kaharian at kayo ang dakila sa lahat. 12 Sa inyo nagmumula ang kayamanan at ang karangalan at kayo ang naghahari sa lahat. Taglay ninyo ang kapangyarihan at kadakilaan, at kayo ang nagbibigay ng lakas at kapangyarihan sa lahat. 13 Pinasasalamatan namin kayo, O Diyos, at pinupuri ang inyong maluwalhating pangalan.
14 “Ngunit sino ako at ang bayang ito? Buong puso kaming nagkakaloob sapagkat ang lahat ng ito ay galing sa inyo at ibinabalik lamang namin. 15 Tulad ng aming mga ninuno, kami nga'y mga dayuhan at naglalakbay lamang. Ang buhay namin sa daigdig na ito ay parang anino at pansamantala lamang. 16 O Yahweh na aming Diyos, ang lahat ng kayamanang ito na aming ibinigay para ipagpagawa ng inyong tahanan ay sa inyo rin nagmula. 17 Alam kong sinasaliksik ninyo ang puso ng bawat tao, at natutuwa kayo sa mga matuwid. O Diyos, buong puso kong ipinagkakaloob sa inyo ang lahat ng ito. Nasaksihan ko rin ang buong puso at may kagalakang pagkakaloob ng inyong bayan na narito ngayon. 18 Yahweh, Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob na aming mga ninuno, panatilihin ninyo sa isipan ng inyong bayan ang mga layuning ito, at akayin ninyo silang palapit sa inyo. 19 Tulungan ninyo ang anak kong si Solomon na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga utos at tuntunin upang maitayo niya ang Templong aking pinaghandaan.”
20 At sinabi ni David sa sambayanan, “Purihin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh!” Pinuri nga ng buong kapulungan si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Yumuko ang lahat, sumamba kay Yahweh, at nagbigay-galang sa hari. 21 Kinabukasan, ang dinala nilang handog na susunugin ay 1,000 toro, 1,000 tupang lalaki, 1,000 kordero at mga alak na handog, at napakaraming handog para sa buong Israel. 22 Masasaya silang nagsalu-salo sa harapan ni Yahweh noong araw na iyon.
Minsan pa nilang ipinahayag na si Solomon na anak ni David ay hari, at binuhusan ito ng langis sa pangalan ni Yahweh. Si Zadok naman ay hinirang bilang pari. 23 Mula(G) noon, umupo si Solomon sa tronong itinatag ni Yahweh bilang kahalili ng kanyang amang si David. Naging matagumpay siya at sumunod sa kanya ang buong Israel. 24 Nanumpa ng katapatan kay Haring Solomon ang mga pinuno at mandirigma, pati na ang iba pang anak ni Haring David. 25 Binigyan ni Yahweh si Solomon ng dakilang karangalan at katanyagang higit sa mga naging hari sa Israel.
Ang Buod ng Paghahari ni David
26 Si David na anak ni Jesse ay naghari sa buong Israel. 27 Apatnapung(H) taon siyang naghari: pitong taon sa Hebron, at tatlumpu't tatlong taon naman sa Jerusalem. 28 Nabuhay siya nang matagal, at namatay na mayaman at marangal. Si Solomon ang humalili sa kanya bilang hari. 29 Ang lahat ng pangyayari sa buong panahon ng paghahari ni David ay nakasulat sa mga aklat ng mga propetang sina Samuel, Natan at Gad. 30 Sa mga aklat na iyon nakasulat kung paano siya namahala, gaano kalawak ang kanyang kapangyarihan at ang mga nangyari sa kanya sa Israel, at sa lahat ng mga kaharian sa paligid.
Pagpupuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni Solomon.
127 Maliban nga na si Yahweh ang nagtatag nitong bahay,
ang ginawa ng nagtayo ay wala ring kabuluhan;
maliban nga na si Yahweh ang sa lunsod ay gumabay,
ang pagmamasid ng bantay ay wala ring saysay.
2 Hindi dapat pakahirap, magpagal sa hanapbuhay;
maaga pa kung bumangon, gabing-gabi kung humimlay,
pagkat pinagpapahinga ni Yahweh ang kanyang mahal.
3 Kaloob nga ni Yahweh itong ating mga anak,
ang ganitong mga supling, pagpapalang mayro'ng galak.
4 Ang lalaking mga anak sa panahong kabataan,
ang katulad ay palaso sa kamay ng isang kawal.
5 Mapalad ang isang taong mapalasong tulad niyan,
hindi siya malulupig, at malayo sa kahihiyan,
kung sila man ng kalaban ay magtagpo sa hukuman.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.