Chronological
Si Amnon at si Tamar
13 Si Absalom, isang anak na lalaki ni David, ay may magandang kapatid na babae, si Tamar. Si Amnon, isa ring anak na lalaki ni David sa ibang babae, ay umibig kay Tamar. 2 Dahil sa labis na pag-ibig sa kapatid niyang ito, siya ay nagkasakit. Hindi niya malaman ang gagawin at kung paano makukuha si Tamar sapagkat ito'y isang birhen. 3 Ngunit may napakatusong kaibigan si Amnon na ang pangala'y Jonadab. Pamangkin ito ni David sa kanyang kapatid na si Simea. 4 Sinabi ni Jonadab kay Amnon, “Ikaw ay isang anak ng hari ngunit tuwing umaga'y napapansin kong matamlay ka, bakit ba?” Ipinagtapat ni Amnon na umiibig siya kay Tamar. 5 Kaya't sinabi ni Jonadab, “Ganito ang gawin mo. Mahiga ka sa kama at magkunwari kang may sakit. Pagdalaw ng iyong ama, sabihin mong papuntahin si Tamar upang magluto ng pagkain mo. Gusto mong makita siyang nagluluto at siya na rin ang magpakain sa iyo.” 6 Kaya't nahiga nga si Amnon at nagsakit-sakitan. Pagdating ng hari, sinabi niya, “Sabihin naman ninyo kay Tamar na pumarito, at ipagluto ako ng tinapay. Gusto ko pong makitang siya ang nagluluto, at siya na rin ang magpakain sa akin.”
7 Ipinagbilin nga ni David na magpunta si Tamar sa tirahan ni Amnon upang ipaghanda ito ng pagkain. 8 Nagpunta naman si Tamar at dinatnan niya itong nakahiga. Kumuha siya ng minasang harina at nagluto ng ilang tinapay habang pinagmamasdan siya ni Amnon. 9 Kinuha niya ito sa kawali at inihain kay Amnon, ngunit ayaw nitong kumain. Inutusan niyang lumabas ang lahat maliban kay Tamar. 10 Pagkatapos, sinabi niya, “Tamar, dalhin mo rito sa silid ang pagkain at subuan mo ako.” Dinala nga niya sa silid ang pagkain ni Amnon. 11 Nang ibibigay na ito sa kanya, biglang hinawakan ni Amnon ang kamay ni Tamar at sinabi, “Sumiping ka sa akin, kapatid ko.”
12 “Huwag, kapatid ko!” sabi ng dalaga. “Huwag mo akong halayin. Hindi iyan pinahihintulutan sa bayang Israel. Huwag mong gawin ang kahalayang ito. 13 Lalabas akong kahiya-hiya sa buong Israel. At ikaw, ano pa ang mukhang ihaharap mo sa mga tao? Bakit hindi ka na lang magsabi sa hari? Palagay ko'y hindi siya tututol na pakasalan mo ako.” 14 Ngunit hindi nakinig si Amnon at dahil mas malakas siya, nagawa niyang pagsamantalahan si Tamar.
15 Matapos siyang pagsamantalahan, si Amnon ay namuhi sa kanya ng pagkamuhing higit pa kaysa hibang na pag-ibig na dating iniukol niya rito. “Umalis ka na!” sabi niya kay Tamar.
16 “Hindi ako aalis!” sagot ng babae. “Ang pagtataboy mong ito ay masahol pa sa kalapastanganang ginawa mo sa akin!”
Ngunit hindi siya pinansin ni Amnon. 17 Sa halip, inutusan nito ang isang katulong niya, “Palayasin mo ang babaing iyan at ikandado mo ang pinto pagkatapos!” 18 Pinalabas nga siya ng katulong, at ikinandado ang pinto. Suot noon ni Tamar ang damit na may mahabang manggas, ang damit na karaniwang isinusuot noon ng mga birheng anak ng hari. 19 Pinunit niya ito at nilagyan ng abo ang kanyang ulo. Pagkatapos, tinakpan ng kanyang mga kamay ang mukha, at umalis na umiiyak nang malakas.
20 Nakita siya ni Absalom at tinanong, “May masama bang ginawa sa iyo si Amnon? Kung mayroon ma'y huwag mo nang alalahanin. Siya'y kapatid mo rin kaya't manahimik ka na lang.” Taglay ang matinding kalungkutan, si Tamar ay nanirahan na lang sa bahay ni Absalom.
21 Galit na galit si Haring David nang mabalitaan ito.[a] 22 Si Absalom nama'y suklam na suklam kay Amnon dahil sa paglapastangan nito sa kapatid niyang si Tamar. Hindi na niya ito kinibo mula noon.
Gumanti si Absalom
23 Pagkaraan ng dalawang taon, inanyayahan ni Absalom ang lahat ng anak ng hari upang saksihan ang paggugupit sa kanyang mga tupa sa Baal-hazor, malapit sa Efraim. 24 Lumapit siya sa hari upang ipaalam ang bagay na ito, at tuloy anyayahan naman siya at ang kanyang mga pinuno. 25 “Huwag na, anak,” wika ng hari. “Maaabala kang masyado kung dadalo kaming lahat.” Pinilit siya ni Absalom ngunit hindi rin pumayag. Binasbasan na lang siya ng hari.
26 Bago umalis si Absalom, sinabi niya sa hari, “Kung hindi kayo makakadalo, si Amnon na lang po ang pasamahin ninyo sa amin.”
“Bakit mo siya isasama?” tanong ng hari. 27 Ngunit nagpumilit si Absalom, at pinasama na rin ng hari si Amnon at ang iba pang mga kapatid nito.[b]
28 Iniutos ni Absalom sa kanyang mga alipin, “Bantayan ninyo si Amnon at kapag lasing na, sesenyas ako at patayin ninyo siya. Hindi kayo dapat matakot. Ako ang mananagot nito. Lakasan ninyo ang inyong loob at huwag kayong mag-atubili!” 29 Ganoon nga ang ginawa ng mga alipin; pinatay nila si Amnon. Kaya't nagmamadaling tumakas ang mga anak na lalaki ng hari, sakay ng kani-kanilang mola.
30 Nasa daan pa sila'y may nagbalita na kay David na pinatay ni Absalom ang lahat ng anak niyang lalaki. 31 Kaya't tumayo siya, pinunit ang kanyang kasuotan at naglupasay sa lupa. Pinunit din ng mga alipin niya ang kanilang damit. 32 Ngunit si Jonadab, ang pamangkin ni David kay Simea, ay lumapit sa hari. Sinabi niya, “Huwag po kayong maniwala na pinatay ang lahat ninyong anak na lalaki. Si Amnon po lang ang pinatay! Siya po lamang ang pinag-initan ni Absalom mula nang pagsamantalahan niya si Tamar. 33 Kaya, huwag po kayong maniwala sa balitang iyon; talaga pong si Amnon lamang ang pinatay.”
34 Samantala, si Absalom ay tumakas matapos ipapatay si Amnon.
Ang bantay sa palasyo'y may natanaw na pulutong ng mga taong bumababa sa burol, sa gawi ng Horonaim.[c] 35 Kaya't sinabi ni Jonadab sa hari, “Dumarating na po ang mga anak ninyo, tulad ng sinabi ko sa inyo.” 36 Nag-uusap pa sila'y dumating nga ang mga prinsipe na nag-iiyakan. Umiyak na rin ang hari at ang kanyang mga lingkod. 37 Mahabang(A) panahong nagluksa ang hari dahil sa pagkamatay ni Amnon. Si Absalom nama'y nagtago kina Talmai, anak ng haring Amihud ng Gesur. 38 Tatlong taon siyang nagtago roon. 39 Pagkalipas ng pagdadalamhati ng hari sa pagkamatay ni Amnon, nanabik siyang makita si Absalom.
Binalak ni Joab na Maibalik si Absalom
14 Napansin ni Joab, anak ni Zeruias, na ang hari ay nananabik na makita si Absalom. 2 Kaya't nagpahanap siya sa Tekoa ng isang matalinong babae. Nang dumating ito ay sinabi niya, “Magsuot ka ng panluksa at magkunwari kang biyuda. Huwag kang mag-aayos para magmukha kang matagal nang nagluluksa. 3 Pagkatapos, pumunta ka sa hari at sabihin mo sa kanya ang ipagbibilin ko sa iyo.” Matapos silang mag-usap ni Joab, lumakad na ang babae.
4 Pagdating sa hari, siya'y nagpatirapa bilang pagbibigay-galang. Sinabi niya, “Tulungan po ninyo ako, mahal na hari!”
5 “Bakit? Ano bang nangyari sa iyo?” tanong ng hari.
“Ako po'y isang biyuda, 6 may dalawa akong anak na lalaki. Minsan po'y nag-away sila sa bukid. Walang umawat sa kanila, kaya't napatay ang isa. 7 Dahil doon, pinuntahan ako ng mga kamag-anak ng aking asawa. Galit na galit po sila at pilit na kinukuha ang anak kong buháy upang patayin din dahil sa pagkapatay nito sa kanyang kapatid. Kung magkagayon, mawawala na ang natitirang pag-asa ko sa buhay, at mapuputol ang lahi ng aking asawa.”
8 Sinabi ng hari, “Umuwi ka na't ako na ang bahala.”
9 Ngunit sinabi ng babae, “Mahal na hari, anuman po ang inyong maging pasya, kami rin ang dapat sisihin. Wala po kayong dapat panagutan.”
10 Sinabi ng hari, “Kapag may bumanggit pa nito sa iyo, iharap mo sa akin para wala nang gumambala sa iyo.”
11 “Kung ganoon po,” wika ng babae, “ipanalangin po ninyo kay Yahweh na inyong Diyos na huwag na nilang paghigantihan ang aking anak.”
Sumumpa ang hari, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[d] walang masamang mangyayari sa anak mo.”
12 “Isa pa pong kahilingan kung maaari, Kamahalan,” patuloy ng babae.
“Sabihin mo,” sagot ng hari. 13 At nagsalaysay ang babae. “Bakit po naman naisipan ninyong gawin ang ganoong kasamaan sa bayan ng Diyos? Sa inyo na rin pong bibig nanggaling ang hatol sa inyong Kamahalan sa hindi ninyo pagpapabalik sa inyong anak na inyong ipinatapon! 14 Mamamatay tayong lahat at matutulad sa tubig na matapos matapon ay hindi na mapupulot. Kung hindi man ibinabalik ng Diyos ang buhay ng isang patay, ginagawan naman niya ng paraang mabalik ang isang ipinatapon. 15 Sinabi ko po ito sa inyo dahil sa pagbabanta sa akin ng mga tao. Inisip ko pong kung ito'y ipagtapat ko sa inyo, maaaring dinggin ninyo ako at tulungan. 16 Kaya't maliligtas ako at ang aking anak sa mga nagtatangka sa aming buhay at naghahangad na angkinin ang lupaing ipinamana ng Diyos sa kanyang bayan. 17 Iniisip(B) ko rin po na ang salita ninyo ay makapagdudulot sa akin ng kapanatagan sapagkat tulad kayo ng anghel ng Diyos na nalalaman ang lahat ng bagay. Sumainyo nawa si Yahweh na inyong Diyos!”
18 Sinabi ng hari, “Tatanungin kita. Magsabi ka ng totoo.”
“Opo, Kamahalan,” wika niya.
19 “May kinalaman ba si Joab sa ginagawa mong ito?” tanong ng hari.
“Mayroon nga po,” tugon niya. “Totoo pong ang lingkod ninyong si Joab ang nag-utos nito sa akin. Siya pong kumatha ng lahat ng sinasabi ko. 20 Ginawa po niya ito upang ipaalala sa inyo ang katayuan ng inyong anak. Ngunit kayo, Kamahalan, ay kasing talino ng anghel ng Diyos, at alam ninyo ang lahat ng nangyayari sa lupain.”
21 Dahil sa ginawang ito, tinawag ng hari si Joab at sinabi, “Pumapayag na akong pauwiin mo na rito si Absalom.”
22 Buong pagpapakumbabang nagpatirapa si Joab, at nang mabasbasan, sinabi niya, “Ngayon ko po natiyak ang kagandahang-loob ng inyong Kamahalan, sapagkat pinagbigyan ninyo ako sa aking kahilingan.” At siya'y nagpaalam. 23 Nagpunta agad si Joab sa Gesur at isinama sa Jerusalem si Absalom. 24 Ngunit hindi pinahintulutan ng hari na iharap sa kanya ito, kaya't doon na siya nagtuloy sa sariling tahanan.
Ang Kakisigan ni Absalom
25 Walang lalaki sa Israel na hinahangaan sa kakisigan tulad ni Absalom; walang maipipintas sa kanya mula ulo hanggang paa. 26 Buhok pa lamang nito na minsan lamang gupitin sa loob ng isang taon ay mahigit nang tatlong kilo. 27 Siya'y may anak na tatlong lalaki at isang napakagandang dalaga na Tamar ang pangalan.
Pinatawag ng Hari si Absalom
28 Dalawang buong taon na nanatili si Absalom sa Jerusalem, na hindi man lang siya nakita ng hari. 29 Minsa'y ipinatawag niya si Joab upang suguin sa hari, ngunit hindi ito pumayag. Ipinatawag niyang muli ito, ngunit hindi rin siya sinunod. 30 Kaya't sinabi ni Absalom sa kanyang mga alipin, “Alam ninyong may karatig akong bukid ni Joab na may tanim na sebada. Puntahan ninyo ito at sunugin.” Sinunog nga ng mga alipin ang bukid na iyon.
31 Nagpunta agad si Joab kay Absalom at sinabi, “Bakit sinunog ng mga alipin mo ang aking bukid?”
32 Sumagot si Absalom, “Dalawang beses kitang pinakiusapang dalhin sa hari ang aking kahilingan sa kanya, ngunit hindi mo ako pinansin. Bakit mo pa ako kinuha sa Gesur? Mabuti pang hindi na ako umalis doon! Dalhin mo ako sa hari ngayon din at kung ako'y may kasalanan, handa akong mamatay.” 33 Nang marinig niya ito, nagpunta si Joab sa hari at matapos nilang mag-usap, si Absalom ay ipinatawag. Humarap naman ito sa hari at buong pagpapakumbabang nagbigay-galang. At hinagkan siya ng hari.
Naghimagsik si Absalom kay David
15 Nang makabalik na si Absalom, naghanda siya ng sariling karwahe, mga kabayo at limampung tauhan. 2 Maaga siyang bumabangon tuwing umaga at tumatayo sa tabi ng daang papasok sa lunsod. Ang bawat pumupunta roon na may dalang usapin para isangguni sa hari ay tinatanong niya kung tagasaan. Kapag sinabi ng tinanong ang kanyang liping pinagmulan, 3 sinasabi agad ni Absalom, “May katuwiran ka sa usapin mo, kaya lang, walang inilagay ang hari na mag-aasikaso sa iyo.” 4 Idinaragdag pa niya ang ganito: “Kung ako sana'y isang hukom ng bansa, tatanggapin ko ang bawat kasong dadalhin sa akin ng sinuman, at bibigyan ko siya ng katarungan.” 5 Ang bawat lumapit upang magbigay-galang sa kanya ay agad niyang hinahawakan at hinahagkan. 6 Ganito ang laging ginagawa ni Absalom sa mga Israelitang humihingi ng katarungan sa hari, kaya't nakuha niya ang loob ng mga ito.
7 Lumipas ang apat[e] na taon at sinabi ni Absalom sa hari, “Pahintulutan ninyong magpunta ako sa Hebron upang tuparin ko ang aking panata kay Yahweh. 8 Nang nakatira pa ako sa Gesur ng Aram ay nangako ako nang ganito: ‘Kung loloobin ni Yahweh na ako'y makabalik sa Jerusalem, pupunta ako[f] at sasamba sa kanya.’” 9 Pinayagan naman siya ng hari. Kaya't naghanda agad si Absalom at nagpunta sa Hebron. 10 Ngunit bago lumakad, siya'y lihim na nagpasugo sa lahat ng angkan ng Israel, at ito ang ipinasabi: “Kung marinig ninyo ang tunog ng trumpeta, isigaw ninyo: ‘Mabuhay si Absalom ang hari ng Hebron!’” 11 Buhat sa Jerusalem, nagsama siya ng dalawandaang lalaki ngunit ang mga ito'y walang nalalaman tungkol sa balak niya. 12 Habang nag-aalay si Absalom ng kanyang mga handog, ipinasundo niya si Ahitofel na taga-Gilo at isang tagapayo ni David. Dumami ang mga kasabwat at naging tagasunod ni Absalom.
Iniwasan ni David si Absalom
13 Dumating kay David ang balitang si Absalom na ang kinikilalang hari ng Israel. 14 Sinabi niya sa mga kasama, “Mabuti pa'y umalis tayo sa Jerusalem. Kung hindi, nanganganib tayo kay Absalom. Magmadali tayo't baka tayo'y abutan niya! Kapahamakan ang sasapitin natin, sapagkat wala siyang igagalang isa man sa lunsod!”
15 Sumang-ayon naman ang mga lingkod ng hari. “Handa po kaming sumunod sa inyo,” sabi nila. 16 Kaya't umalis agad si David, kasama ang lahat sa palasyo maliban sa sampung asawang-lingkod. Iniwan niya ang mga ito upang mangalaga sa palasyo.
17 Pagsapit nila sa kahuli-hulihang bahay sa lunsod, sila'y huminto. 18 Tumayo sa tabi ng hari ang kanyang mga alipin habang minamasdan niya ang dumaraang mga pangkat. Ang mga ito'y binubuo ng personal na mga bantay ng hari at animnaraang taga-Gat na sumusunod sa kanya. 19 Nang makita ng hari si Itai, tinawag ito at sinabi, “Kasama ka rin pala! Mabuti pa'y bumalik ka na sa Jerusalem at hintayin mo roon ang bagong hari. Ikaw ay dayuhan lamang na ipinatapon dito ng inyong bansa. 20 Hindi ka pa nagtatagal dito, at hindi ka dapat sumama sa aming paglalagalag. Hindi ko alam kung saan ito hahantong. Isama mo ang iyong mga kababayan at bumalik na kayo. Nawa'y si Yahweh ang maging matatag at tapat mong kaibigan.”
21 Ngunit sinabi ni Itai, “Kamahalan, hangga't si Yahweh at ang hari ay nabubuhay,[g] sasama kami sa inyo saan man kayo pumaroon kahit ito'y aming ikamatay.”
22 Sinabi ni David, “Mabuti! Kung gayon, magpatuloy ka.”
Nagpatuloy nga siya, kasama ang mga tauhan at ang kanilang mga pamilya. 23 Umiyak ang mga taong-bayan habang umaalis ang hari at ang kanyang mga tauhan. Tumawid sila ng Batis ng Kidron at nagtuloy sa ilang.
24 Kasama rin nila ang paring si Zadok at lahat ng Levitang nagdadala ng Kaban ng Tipan. Ibinabâ muna nila ito hanggang makalabas ng lunsod ang mga tao. Kasama rin nila ang paring si Abiatar. 25 Tinawag ng hari si Zadok at sinabi, “Ibalik mo na sa lunsod ang Kaban ng Tipan. Kung nasisiyahan sa akin ang Diyos, ibabalik niya ako at makikita kong muli ang Kaban sa pinaglagyan nito. 26 Kung ako nama'y hindi na kinalulugdan, mangyari nawa sa akin ang kanyang kalooban.” 27 Sinabi ng hari kay Zadok, “Hindi ba't ikaw ay isang propeta? Bumalik kayo ni Abiatar at isama ninyo ang anak niyang si Jonatan at ang anak mong si Ahimaaz. Mag-iingat kayo! 28 Dito muna ako sa ilang, sa tabi ng batis at maghihintay ako ng iyong balita.” 29 Ang Kaban ng Tipan ay ibinalik nga nina Zadok at Abiatar sa Jerusalem, at doon na muna sila nanatili.
30 Si David ay umiiyak na umakyat sa Bundok ng mga Olibo. Wala siyang sandalyas at nakatalukbong, tanda ng kalungkutan. Lahat ng kasama niya'y nakatalukbong at umiiyak ding umakyat. 31 May nagbalita sa hari na si Ahitofel ay kabilang sa mga kasabwat ni Absalom, kaya't nanalangin siya, “Yahweh, sana'y gawin ninyong kahangalan ang mga payo ni Ahitofel.”
32 Nang sumapit siya sa taluktok ng bundok kung saan sinasamba si Yahweh, sinalubong siya ni Cusai na Arkita. Sira-sira ang damit nito at puno ng alikabok ang ulo. 33 Sinabi ni David, “Kung sasama ka, isa ka pang magiging pasanin ko. 34 Ngunit malaki ang maitutulong mo sa akin kung babalik ka sa lunsod, at pagdating ni Absalom sabihin mo sa kanyang maglilingkod ka sa kanya tulad ng ginawa mo sa akin. Ngunit lagi mong sasalungatin ang payo sa kanya ni Ahitofel. 35 Dalawang pari ang kasama mo roon, sina Zadok at Abiatar. Lahat ng iyong marinig sa palasyo'y sabihin mo agad sa kanila. 36 Si Ahimaaz na anak ni Zadok at si Jonatan na anak naman ni Abiatar ay kasama nila roon. Ang dalawang ito ang gawin mong tagapaghatid sa akin ng anumang balita.” 37 At si Cusai na kaibigan ni David ay bumalik nga sa lunsod habang papasok naman noon si Absalom sa Jerusalem.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.