Chronological
Pinagsabihan ni Joab si Haring David
19 May nagbalita kay Joab na umiiyak at nagluluksa ang hari sa pagkamatay ni Absalom. 2 Kaya't napalitan ng pagluluksa ang dapat sana'y pagdiriwang dahil sa pagtatagumpay ng hukbo. Nabalitaan ng mga kawal na labis na dinamdam ng hari ang nangyari sa kanyang anak. 3 Dahil dito'y tahimik silang pumasok sa lunsod, na parang mga kawal na nahihiyang magpakita sa madla dahil sa pagkatalo sa labanan. 4 Tinakpan ng hari ang kanyang mukha at umiyak nang malakas, “Absalom, anak ko! Absalom, anak ko!”
5 Pumasok si Joab sa silid at sinabi sa hari, “Sa araw na ito, inilagay ninyo sa kahihiyan ang inyong mga lingkod na nagligtas sa inyo, sa inyong mga anak, mga asawa at asawang-lingkod. 6 Minamahal ninyo ang namumuhi sa inyo at kinamumuhian ang nagmamahal sa inyo. Maliwanag ngayon na walang halaga sa inyo ang inyong mga opisyal at mga tauhan. Matamis pa yata sa inyo ang kami ay masawing lahat, basta't buháy lamang si Absalom. 7 Kaya, lumakad kayo ngayon din at harapin ninyo ang inyong mga tauhan at kilalanin ninyo ang kanilang katapatan. Kung hindi, isinusumpa ko sa pangalan ni Yahweh, sa gabi ring ito'y wala isa mang kawal na mananatili sa inyo. Kapag nangyari ito, ito na ang pinakamalaking kapahamakan sa buong buhay ninyo.” 8 Dahil dito, tumayo ang hari at naupo sa may pintuan ng lunsod. Nang malaman ito ng kanyang mga kawal, sila'y nagsilapit sa kanya.
Nagbalik si David sa Jerusalem
Samantala nagsitakas ang mga Israelita at nag-uwian sa kani-kanilang bayan. 9 At ganito ang naging usapan sa buong lupain: “Iniligtas tayo ni Haring David sa lahat nating kaaway, at pinalaya sa mga Filisteo. Ngunit dahil kay Absalom, napilitan siyang umalis. 10 Kinilala nating hari si Absalom, ngunit siya'y napatay sa labanan. Bakit hindi pa natin pababalikin ang dati nating hari?”
11 Ang usapang ito'y kumalat sa buong Israel, at umabot sa pandinig ni David. Kaya't isinugo niya ang mga paring sina Zadok at Abiatar upang sabihin sa pinuno ng Juda, “Bakit wala pa kayong ginagawang hakbang upang magbalik ang hari sa palasyo? 12 Kayo'y mga tunay na laman at dugo ko. Bakit nahúhulí pa kayo sa paghahangad na ako'y mapabalik doon?” 13 At ipinasabi naman niya kay Amasa, “Ikaw ay tunay kong laman at dugo. Ikaw ngayon ang hinihirang kong pinuno ng hukbo, kapalit ni Joab. Patayin nawa ako ng Diyos kung hindi ito ang gagawin ko!” 14 Buong galak na tinanggap ng mga taga-Juda ang balitang ito, kaya't ipinasundo nila si Haring David at ang lahat ng mga kasama niya.
15 Pumunta na nga sina Haring David at ang mga kasama niya sa Ilog Jordan. Nagtipon naman ang mga taga-Juda sa Gilgal upang salubungin siya at samahan sa pagtawid sa Ilog. 16 Isa(A) sa sumalubong kay David ay si Simei, anak ni Gera na taga-Bahurim. Ang taong ito ay Benjaminita, at nagmamadali ring sumama sa mga taga-Juda. 17 Kasama niya ang may sanlibong katao buhat din sa Benjamin. Nagmamadali ring bumabâ sa Jordan si Ziba, ang alipin ng sambahayan ni Saul, kasama ang kanyang labinlimang anak na lalaki at dalawampung alipin. 18 Tumawid sila sa ilog upang tulungang makatawid ang sambahayan ng hari at upang gawin ang anumang ipag-utos niya.
Pinatawad ni David si Simei
Nang tatawid na lamang sila sa Jordan, nagpatirapa sa harapan ng hari si Simei. 19 Sinabi niya sa hari, “Kalimutan na po sana ninyo ang kasamaang ginawa ko nang kayo'y papaalis noon sa Jerusalem. Patawarin na po ninyo ako sa lahat ng ito. 20 Inaamin ko pong nagkasala ako sa inyo. Kaya po naman ako ang nauna sa mga liping taga-hilaga upang sumalubong sa inyo, Mahal na Hari.”
21 Tumutol si Abisai at ang sabi, “Hindi ba dapat patayin ang taong ito sapagkat nilait niya ang haring pinili ni Yahweh?”
22 Nagsalita ang hari, “Sino bang humihingi ng payo ninyo, mga anak ni Zeruias? Bakit ninyo ako pinangungunahan? Ako ngayon ang hari ng buong Israel, at isinusumpa ko: Walang sinumang papatayin sa Israel ngayon!” 23 Pagkatapos, sinabi ng hari kay Simei, “Nangangako akong hindi ka papatayin.”
Ang Kagandahang-loob ni David kay Mefiboset
24 Si(B) Mefiboset na apo ni Saul ay sumalubong din sa hari. Mula nang umalis si David hanggang sa matagumpay niyang pagbabalik, hindi naghugas ng paa si Mefiboset ni nagputol ng balbas o naglaba ng kanyang damit. 25 Nang dumating siya mula sa Jerusalem, sinabi ng hari, “Bakit hindi ka sumama sa akin, Mefiboset?”
26 “Mahal na hari,” wika niya, “alam po ninyong ako'y pilay. Kaya ipinahanda ko po sa aking katulong ang sasakyan kong asno upang sumama sa inyo. Ngunit hindi niya ako sinunod. 27 Sa halip ay nagpunta siya sa inyo at siniraan ako. Alam kong kayo'y tulad ng anghel ng Diyos, kaya gawin po ninyo sa akin ang sa palagay ninyo'y nararapat. 28 Ang buong sambahayan ng aking ama, ako at ang lahat sa amin ay maaari ninyong ipapatay, ngunit sa halip, binigyan pa ninyo ang inyong alipin ng lugar sa inyong hapag. Wala na po akong mairereklamo sa inyo, Mahal na Hari.”
29 Sumagot ang hari, “Wala ka nang dapat sabihin pa, Mefiboset! Nakapagpasya na ako na maghahati kayo ni Ziba sa ari-arian ni Saul.”
30 Ngunit sinabi ni Mefiboset, “Hayaan na po ninyo sa kanyang lahat. Sapat na sa aking kayo'y mapayapang nakauwi.”
Ang Kagandahang-loob ni David kay Barzilai
31 May(C) isang taga-Gilead na bumabâ mula sa Rogelim at naghatid din sa hari hanggang Jordan; ito'y si Barzilai. 32 Siya'y walumpung taon na at napakalaki ng naitulong sa hari noong ito'y nasa Mahanaim pa. Siya'y isa sa kinikilalang mayaman doon, at siya ang nagbibigay ng pagkain sa hari. 33 Bago tumawid ang hari ay sinabi nito, “Mabuti pa'y sumama ka sa amin sa Jerusalem. Doon ka na tumira sa palasyo at ako ang bahala sa iyo.”
34 Sumagot si Barzilai, “Ilang taon na lang ang itatagal ko, bakit pa po ako sasama sa inyo sa Jerusalem? 35 Walumpung taon na ako at wala nang kasiyahan sa mga kalayawan. Hindi ko na malasahan ang sarap ng pagkain at inumin. Wala nang pang-akit sa akin pati magagandang awitin. Magiging pabigat lamang ako sa inyo, Mahal na Hari. 36 Ihahatid ko na lang kayo hanggang sa makatawid ng Jordan. Hindi na ninyo ako kailangang gantimpalaan nang ganito. 37 Hayaan na ninyo akong magbalik sa aking bayang sinilangan, at doon ko na hihintayin ang aking mga huling araw sa tabi ng puntod ng aking ama at ina. Narito ang lingkod ninyong si Camaam; siya ang isama ninyo, ang katulong kong ito, at kayo na ang bahala sa kanya.”
38 Sumagot ang hari, “Sige, isasama ko siya. Gagawin ko rin ang lahat ng gusto mo para sa ikabubuti niya. Tungkol naman sa iyo, gagawin ko rin ang lahat ng gusto mo.” 39 Tumawid sa Jordan ang lahat. Bago tumawid ang hari, hinagkan muna niya at binasbasan si Barzilai. Pagkatapos, umuwi na si Barzilai sa kanyang tahanan.
Nagtalo ang mga Taga-Juda at Taga-Israel tungkol sa Hari
40 Nagtuloy sa Gilgal ang hari, kasama si Camaam. Kasama rin nila ang lahat ng taga-Juda at kalahati ng mga taga-Israel. 41 Pagdating doon, sama-samang lumapit kay David ang mga Israelita. Sabi nila, “Bakit po kami inunahan ng mga kapatid naming taga-Juda sa pagsundo sa inyo, at sa inyong mga tauhan at sambahayan mula sa kabila ng Jordan?”
42 Sumagot ang mga taga-Juda, “Ginawa namin iyon sapagkat ang hari ay malapit naming kamag-anak. Anong ikinasasama ng loob ninyo? Hindi naman kami palamunin ng hari! Hindi rin niya kami binayaran!”
43 Sumagot ang mga taga-Israel, “Sampung beses ang karapatan namin kay Haring David, kahit pa kamag-anak ninyo siya. Bakit naman minamaliit ninyo kami? Nakakalimutan yata ninyo na kami ang unang nakaisip na ibalik ang hari.”
Ngunit mas magagaspang ang pananalita ng mga taga-Juda kaysa mga taga-Israel.
Ang Paghihimagsik ni Seba
20 Si(D) Seba na taga-Gilgal ay isang walang-hiyang tao. Siya ay anak ni Bicri, mula sa lipi ni Benjamin. Hinipan niya ang trumpeta upang mapansin ng tao. Isinisigaw niya, “Umuwi na tayo, O Israel! Ano bang mapapala natin kay David? Ano bang nagawa para sa atin ng anak ni Jesse?” 2 Humiwalay nga kay David ang mga taga-Israel at sumama kay Seba. Ngunit nanatiling tapat ang mga taga-Juda kay David at buhat sa Jordan ay inihatid nila ang hari hanggang Jerusalem.
3 Pagdating(E) doon, ipinakuha ni David ang sampung asawang-lingkod na iniwan niya upang mamahala sa palasyo. Pinapunta niya ang mga ito sa isang bahay, pinatira doon at pinabantayan. Pinadadalhan niya ang mga ito ng kanilang mga pangangailangan ngunit hindi na niya sila muling sinipingan. Kaya't namuhay silang parang mga biyuda hanggang sa sila'y mamatay.
4 Tinawag ng hari si Amasa at sinabi, “Tipunin mo ang mga kalalakihan ng Juda at dalhin mo sila rito sa loob ng tatlong araw.” 5 Sinikap ni Amasang sundin ang utos ng hari ngunit hindi niya naiharap dito ang mga kalalakihan ng Juda sa loob ng takdang panahon. 6 Dahil dito, tinawag ni David si Abisai. Sinabi niya, “Mas malaking gulo ang idudulot ni Seba kaysa kay Absalom. Kaya't isama mo ang aking mga tauhan at habulin ninyo siya. Baka may masakop siyang lunsod na may kuta at hindi na natin siya mahuli.” 7 Sumama nga kay Abisai si Joab at ang mga tauhan niya, gayundin ang mga Peleteo at Kereteo, upang tugisin si Seba na anak ni Bicri. 8 Pagsapit nila sa may malaking bato sa Gibeon, sinalubong sila ni Amasa. Suot noon ni Joab ang kanyang kasuotang pandigma, at may dala siyang espada na nakakabit sa kanyang sinturon. Habang papalapit siya, nalaglag ang kanyang espada. 9 Sinabi niya, “Kumusta ka, kapatid ko!” sabay hawak ng kanang kamay sa balbas ni Amasa upang ito'y hagkan. 10 Hindi napapansin ni Amasa ang espadang hawak ni Joab sa kabilang kamay. Kaya't sinaksak siya nito sa tiyan. Lumuwa sa lupa ang bituka niya, at namatay agad sa saksak na iyon.
Nagpatuloy ang magkapatid na Joab at Abisai sa kanilang pagtugis kay Seba. 11 Isang tauhan ni Joab ang tumayo sa may bangkay ni Amasa at sumigaw, “Ang lahat ng kakampi ni Joab at ni David ay sumunod kay Joab!” 12 Nakabulagta sa gitna ng lansangan ang bangkay ni Amasa, naliligo sa sariling dugo. Kaya, lahat ng makakita rito ay napapahinto. Nang mapuna ito ng isang tauhan ni Joab, hinila niya ang bangkay at inilayo sa daan, saka tinakpan ng damit. 13 Nang maalis ang bangkay sa gitna ng daan lahat ay sumunod kay Joab upang tugisin si Seba.
14 Pinuntahan ni Seba ang lahat ng lipi ng Israel hanggang sa sumapit siya sa Abel-bet-maaca. Lahat ng angkan ni Bicri ay nagkaisang sumunod sa kanya na pumasok sa lunsod. 15 Nalaman iyon ng mga tauhan ni Joab, kaya't kinubkob nila ang lunsod. Nagbunton sila ng lupa sa tabi ng pader para makasampa roon habang pinababagsak ng iba ang pader ng lunsod. 16 Ngunit isang matalinong babae ang nangahas tumayo sa isang mataas na lugar sa pader at mula roon ay nanawagan, “Makinig kayo! Makinig kayo! Sabihin ninyo kay Joab na pumarito. Gusto ko sana siyang makausap.” 17 Paglapit ni Joab, tinanong siya ng babae, “Kayo po ba si Joab?”
“Ako nga,” sagot nito.
“Pakinggan po ninyo ang aking sasabihin,” sabi ng babae.
“Sige, nakikinig ako,” wika naman ni Joab.
18 “Noong araw,” sabi ng babae, “mayroon pong ganitong kasabihan: ‘Magtanong ka sa lunsod ng Abel’, at ganoon nga ang ginagawa ng mga tao noon upang malutas ang kanilang suliranin. 19 Sa buong Israel ang lunsod pong ito ay maituturing na pinakatahimik at tapat. Siya'y tulad ng isang mapag-arugang ina sa Israel. Bakit gusto ninyo itong gibain? Bakit ninyo wawasakin ang lunsod na ipinamana ni Yahweh?”
20 “Hindi ko gagawin iyan!” wika ni Joab. “Hindi namin gustong wasakin ang inyong lunsod. 21 Wala iyon sa plano namin. Hinahanap lang namin si Seba na naghihimagsik laban kay Haring David. Siya ay anak ni Bicri, at taga-bulubundukin ng Efraim. Isuko ninyo siya, at iiwan namin ang lunsod.”
Sinabi ng babae, “Kung ganoon, ihahagis namin sa iyo ang kanyang ulo mula sa pader.” 22 Pumasok siya sa kabayanan, at palibhasa'y matalino, sumang-ayon sa kanya ang mga taong-bayan sa kanyang binabalak. Pinugutan nila ng ulo si Seba at inihagis ito kay Joab. Hinipan naman ni Joab ang trumpeta kaya't ang lunsod ay iniwan na ng kanyang mga kawal at sila'y nagsiuwian na. Si Joab nama'y bumalik sa Jerusalem at nagpunta sa hari.
Ang mga Opisyal ni David
23 Ito ang mga opisyal ng hukbo ni Haring David: Si Joab ang pinuno sa buong hukbo ng Israel. Si Benaias, anak ni Joiada, ang pinuno ng mga bantay na Kereteo at Peleteo. 24 Si Adoram[a] naman ang tagapamahala sa lahat ng sapilitang paggawa. Si Jehoshafat, anak ni Ahilud, ang tagapag-ingat ng mga kasulatan, 25 at si Seva naman ang kalihim ng hari. Sina Zadok at Abiatar ang nagsilbing mga pari, 26 at si Ira na taga-Jair ay isa rin sa mga pari ni David.
Pinatay ang mga Apo ni Saul
21 Sa panahon ng paghahari ni David, tatlong sunud-sunod na taon na nagkaroon ng taggutom, kaya't sumangguni siya kay Yahweh. Ito ang kanyang tugon, “Maraming buhay ang inutang ni Saul at ng kanyang sambahayan, sapagkat ipinapatay niya ang mga Gibeonita.” 2 Ang(F) mga Gibeonita ay hindi buhat sa lahi ng Israel. Sila ang mga natira sa lahi ng mga Amoreo na pinangakuang hindi lilipulin ng mga Israelita. Ngunit sila'y sinikap lipulin ni Saul dahil sa pagmamalasakit niya para sa mga taga-Israel at Juda. 3 Ipinatawag ni David ang mga Gibeonita at tinanong, “Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo upang mapagbayaran ang kasalanan sa inyo ng aming bayan, at nang sa gayon ay mapawi ang inyong galit at basbasan ang sambayanan ni Yahweh?”
4 Sumagot sila, “Ang sama ng loob namin kay Saul at sa kanyang sambahayan ay hindi kayang tumbasan ng ginto at pilak. Ngunit ayaw rin naming pumatay ng sinuman sa Israel.”
“Kung gayon, ano ang dapat kong gawin para sa inyo?” tanong ni David.
5 Sumagot sila, “Hinangad po ng Saul na iyon na ubusin ang lahi namin sa Israel. 6 Kaya, ibigay ninyo sa amin ang pito sa mga lalaking mula sa kanyang angkan at bibitayin namin sila sa Gibeon sa harapan ni Yahweh.”
“Sige, ibibigay ko sila sa inyo,” sagot ni David.
7 Ngunit(G) dahil sa sumpaang ginawa nina David at Jonatan, iniligtas niya si Mefiboset, ang apo ni Saul kay Jonatan. 8 Ang(H) ibinigay ng hari ay sina Armoni at isang Mefiboset din ang pangalan, mga anak ni Saul kay Rizpa na anak ni Aya, at ang limang anak ni Adriel kay Merab.[b] Si Merab ay anak ni Saul at si Adriel nama'y anak ni Barzilai na taga-Meholat. 9 Ibinigay ni David sa mga Gibeonita ang pitong ito, at sila'y sama-samang binigti sa bundok sa harapan ni Yahweh. Nangyari ito nang nagsisimulang anihin ang sebada.
10 Sa buong panahon ng anihan hanggang dumating ang tag-ulan, si Rizpa na anak ni Aya ay hindi na umalis sa kinaroroonan ng mga bangkay. Gumawa siya ng isang silungang sako sa ibabaw ng isang malaking bato at binantayan ang mga bangkay upang hindi makain ng mga ibon at maiilap na hayop.
11 Nang mabalitaan ito ni David, 12 ipinakuha(I) niya ang bangkay ni Saul at ni Jonatan sa mga pinuno ng Jabes-gilead. Ninakaw ng mga ito ang bangkay nina Saul at Jonatan sa Bethsan na ibinitin doon ng mga Filisteo noong araw na sila'y mapatay sa Gilboa. 13 Ipinakuha nga niya ang mga bangkay nina Saul at Jonatan at isinama sa mga bangkay ng pitong binigti sa bundok. 14 Pagkatapos, dinala nila ito sa libingan ng kanyang amang si Kish, sa lupain ni Benjamin sa Zela. Ang lahat ng iniutos ng hari ay natupad, at mula noon, dininig ni Yahweh ang kanilang dalangin para sa bansa.
Nalupig ang mga Higante(J)
15 Dumating ang araw na nagdigmaan muli ang mga Filisteo at mga Israelita. Sumama si David sa kanyang mga kawal sa pakikipaglaban. Sa isang labanan ay lubhang napagod si David. 16 Papatayin na sana siya ng higanteng si Esbibenob, na may dalang bagong espada at sibat na may tatlo't kalahating kilo ang bigat. 17 Ngunit(K) tinulungan ni Abisai na anak ni Zeruias si David, at pinatay ang higanteng Filisteo. Mula noon, pinasumpa nila si David na hindi na siya muling sasama sa labanan. “Ikaw ang ilaw ng Israel. Ayaw naming mawala ka sa amin,” sabi ng mga kawal ni David.
18 Hindi nagtagal at muling naglaban ang mga Israelita at ang mga Filisteo. Nangyari naman ito sa Gob at doon napatay ni Sibecai na Husatita ang higanteng si Saf. 19 Sa isa pang sagupaan sa Gob laban sa mga Filisteo, napatay naman ni Elhanan, anak ni Jair na taga-Bethlehem, si Goliat na Geteo. Ang hawakan ng sibat nito'y sinlaki ng kahoy na pahalang sa habihan.
20 Sa isa namang labanan sa Gat, mayroong isang higante na dalawampu't apat ang daliri—tig-aanim bawat paa't kamay. 21 Hinamon nito ang mga Israelita ngunit napatay naman ni Jonatan na pamangkin ni David sa kanyang kapatid na si Simea.
22 Ang apat na ito'y buhat sa lahi ng mga higante sa Gat, at nasawi sa mga kamay ni David at ng kanyang mga tauhan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.