Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Samuel 8-9

Lumawak ang Kaharian ni David(A)

Pagkatapos nito, nilusob at nilupig ni David ang mga Filisteo kaya't natapos ang paghahari ng mga ito sa lupaing iyon.[a]

Nilupig din niya ang mga Moabita. Pinahilera niya nang pahiga ang mga ito at sa pamamagitan ng isang panukat, nagpapasya siya kung sino ang dapat patayin. Bawat dalawang sukat ay ipinapapatay at ang pangatlong sukat ay pinaliligtas at pinagbabayad ng buwis.

Tinalo rin niya si Hadadezer, ang anak ng Haring Rehob ng Soba. Si Hadadezer ay papunta noon sa mga lupain sa baybayin ng Ilog Eufrates upang bawiin ang mga lupaing iyon. Sa labanang ito'y 1,700 kawal na nakakabayo at 20,000 kawal na lakad ang nabihag ni David. Pinilayan niya ang mga kabayo, maliban sa itinira niyang sapat na bilang para humila ng sandaang karwahe. Ang napatay nilang tumulong kay Hadadezer na mga taga-Siria buhat sa Damasco ay dalawampu't dalawang libo. Nasakop din niya ang lugar na ito, kaya nagtayo siya ng mga himpilan sa Aram, malapit sa Damasco, at pinagbuwis niya ang mga tagaroon. Sa tulong ni Yahweh, si David ay nagtatagumpay saanman siya magpunta. Ang mga pananggang ginto ni Hadadezer na dala ng kanyang mga alipin ay sinamsam ni David at dinala sa Jerusalem. Marami rin siyang nasamsam na tanso sa Beta at Berotai, mga lunsod ni Hadadezer.

Nang mabalitaan ni Haring Toi ng Hamat na tinalo ni David ang buong hukbo ni Hadadezer, 10 isinugo niya ang kanyang anak na si Joram upang batiin si David, sapagkat si Hadadezer ay matagal nang kaaway ni Toi. Dinalhan siya ni Joram ng mga sisidlang pilak, ginto at tanso. 11 Inilaan ni David ang mga ito para sa pagsamba kay Yahweh, kasama ng ginto at pilak na sinamsam niya sa mga bansang kanyang nilupig— 12 sa Edom,[b] sa Moab, sa Ammon, sa Filistia at sa Amalek—at bahagi ng kanyang nasamsam kay Hadadezer, anak ni Rehob na hari ng Soba.

13 Si(B) David ay lalong natanyag nang mapatay niya ang labingwalong libong Edomita[c] sa Libis ng Asin. 14 At bago siya bumalik, nagtayo muna siya ng mga himpilan sa buong Edom at naging alipin niya ang lahat ng mamamayan doon. Pinagtagumpay ni Yahweh si David saanman siya magpunta.

Ang mga Opisyal ni David(C)

15 Naghari si David sa buong Israel. Ipinatupad niya ang batas at pinairal ang katarungan. 16 Ginawa niyang pinuno ng hukbo si Joab, anak ni Zeruias. Si Jehoshafat naman na anak ni Alihud ang kalihim ng pamahalaan. 17 Si Zadok namang anak ni Ahitub at si Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga pari. Ang tagapagtala at nag-iingat ng lahat ng kasulatan ay si Seraya. 18 Si Benaias na anak ni Joiada ang pinamahala niya[d] sa mga bantay na Kereteo at Peleteo. Ang mga lalaking anak ni David ay nagsilbi ring mga pari.

Ang Kagandahang-loob ni David

Minsa'y(D) nagtanong si David, “Mayroon pa bang nalalabi sa sambahayan ni Saul? Gusto kong ipadama sa kanya ang aking kagandahang-loob alang-alang kay Jonatan.”

Nang buháy pa si Saul, may alipin siyang Ziba ang pangalan, kaya't ipinatawag ito ni David. Paglapit ni Ziba, tinanong siya ng hari, “Ikaw ba si Ziba?”

“Ako nga po, mahal na hari” tugon niya.

“May(E) nalalaman ka bang buháy sa sambahayan ni Saul? Gusto ko siyang pakitaan ng mabuti, ayon sa aking pangako sa Diyos,” wika ng hari.

“Mayroon po. Si Mefiboset[e] na anak ni Jonatan. Siya po'y isang lumpo,” tugon ni Ziba.

“Saan siya naroon?” tanong muli ng hari.

“Nasa Lo-debar po, nakatira sa bahay ni Maquir na anak ni Amiel,” sagot ni Ziba. Ipinasundo agad ni David si Mefiboset,[f] anak ni Jonatan at apo ni Saul. Nang maiharap siya kay David, siya'y nagpatirapa bilang pagbibigay-galang.

“Ikaw ba si Mefiboset?”[g] tanong ng hari.

“Ako nga po, mahal na hari” sagot naman nito.

Sinabi ni David, “Huwag kang matakot. Gagawin ko ang lahat ng magagawa ko para sa iyo, alang-alang kay Jonatan. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng lupain ng iyong lolong si Saul, at laging nakahanda ang aking hapag para sa iyo.”

Nagpatirapang muli si Mefiboset,[h] at sinabi niya, “Sino po ako para pag-ukulan ng pansin? Ako'y walang silbi!”

Tinawag ni David si Ziba at sa harapan niya'y sinabi, “Ibibigay ko sa apo ni Saul ang lahat ng ari-arian niya at ng kanyang sambahayan. 10 Kayo ng iyong mga anak at mga alipin ang magbubungkal ng kanyang lupain. Aalagaan ninyong mabuti upang mag-ani nang sagana at magkaroon ng sapat na pagkain ang sambahayan ng iyong panginoon. Ngunit si Mefiboset[i] ay sa akin sasalo ng pagkain.” Ang mga anak ni Ziba ay labinlima at dalawampu ang kanyang mga alipin.

11 Sumagot si Ziba, “Masusunod pong lahat ang utos ninyo, Kamahalan.”

At mula noo'y kasalo na ni David si Mefiboset,[j] parang tunay na anak niya. 12 Si Mefiboset[k] ay may bata pang anak na lalaki na ang pangala'y Mica. Mula nga noon, ang buong sambahayan ni Ziba ay naglingkod kay Mefiboset.[l] 13 Kaya't si Mefiboset[m] na pilay ang parehong paa ay nanirahan sa Jerusalem, at kasalo ng hari sa pagkain.

1 Cronica 18

Mga Tagumpay ni David sa Labanan(A)

18 Pagkatapos nito, sinalakay ni David ang mga Filisteo at tinalo ang mga ito. Sinakop niya ang Gat at ang mga nayon nito.

Tinalo niya ang mga Moabita at sinakop ang mga ito. Mula noo'y ipinag-utos niyang magbayad ng buwis ang mga ito.

Tinalo rin niya si Haring Hadadezer ng Zoba sa labanan sa Hamat nang gusto nitong sakupin ang lupain sa may Ilog Eufrates. Nakasamsam si David ng sanlibong karwahe, nakabihag ng pitong libong mangangabayo at dalawampung libong kawal. Pumili siya ng mga kabayo para sa sandaang karwahe at kanyang nilumpo ang natira.

Nang sumaklolo kay Hadadezer ang mga taga-Siria buhat sa Damasco, nilipol ni David ang 22,000 sa kanila. Pagkatapos, nagtayo siya ng mga himpilan ng hukbo sa Damasco na sakop ng Siria. Pinagbuwis niya ang mga mamamayan nito. Kahit saan, si David ay nagtatagumpay sa mga labanan sa tulong ni Yahweh. Ang mga pananggang yari sa ginto na nasamsam ni David sa mga alipin ni Hadadezer ay dinala niya sa Jerusalem. Napakaraming(B) tanso ang nasamsam niya sa Tibha at Cun, mga lunsod ni Hadadezer. Ito ang ginamit ni Solomon sa pagpapagawa ng tansong ipunan ng tubig, mga haligi at mga sisidlang tanso para sa Templo.

Nang mabalitaan ni Haring Tou ng Hamat na nalupig ni David ang buong hukbo ni Hadadezer na hari ng Zoba, 10 sinugo niya ang kanyang anak na si Hadoram upang batiin si David. Si Hadadezer ay kaaway ni Tou. Nagpadala siya ng mga sisidlang ginto, 11 pilak at tanso at ang mga ito'y inihandog ni Haring David kay Yahweh. Inihandog din niya ang iba pang nasamsam niyang ginto at pilak mula sa ibang mga bansa: mula sa Edom, Moab, Ammon, Filistia, at Amalek.

12 Si(C) Abisai na anak ni Zeruias ay nakapatay ng 18,000 Edomita sa Libis ng Asin. 13 Nagtayo siya ng mga himpilan ng hukbo sa Edom sapagkat ang mga Edomita ay nasakop rin ni David. Pinagtagumpay ni Yahweh si David saanman siya makarating.

14 Naghari si David sa buong Israel at ito'y pinamahalaan niya nang may katarungan at pagkakapantay-pantay. 15 Si Joab na anak ni Zeruias ang siyang pinuno ng hukbo, at si Jehoshafat na anak ni Ahilud ang tagapagtala. 16 Si Zadok na anak ni Ahitob at si Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga pari. Si Seraia naman ang kalihim. 17 Ang tagapangasiwa sa mga bantay sa hari ay si Benaias na anak ni Joiada. Ang mga anak naman ni David ay nasa matataas na katungkulan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.