Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Samuel 5:11-6:23

11 Si Haring Hiram ng Tiro ay nagpadala ng mga sugo kay David. Pagkatapos, nagpadala siya ng mga kahoy na sedar at mga karpintero at kanterong gagawa ng palasyo ni David. 12 Noon natiyak ni David na ang pagiging hari niya sa Israel ay pinagtibay na ni Yahweh at ginawang maunlad ang kanyang kaharian alang-alang sa bayang Israel.

13 Paglipat niya sa Jerusalem buhat sa Hebron, siya ay kumuha pa ng maraming asawa at asawang-lingkod. Nadagdagan pa ang kanyang mga anak. 14 Ito ang mga anak niya roon: sina Samua, Sobab, Natan, Solomon, 15 Ibhar, Elisua, Nefeg, Jafia, 16 Elisama, Eliada at Elifelet.

Nalupig ang mga Filisteo(A)

17 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay kinilala nang hari ng Israel, tinipon nila ang kanilang hukbo upang siya'y digmain. Umabot ito sa kaalaman ni David, kaya't nagpunta siya sa isang kuta. 18 Dumating ang mga Filisteo at humanay sa kapatagan ng Refaim. 19 Sumangguni si David kay Yahweh, “Lalabanan ko ba ang mga Filisteo? Matatalo ko ba sila?” tanong ni David.

Sumagot si Yahweh, “Lumusob ka at magtatagumpay ka.”

20 Lumusob nga si David at tinalo niya ang mga Filisteo sa Baal-perazim.[a] Sinabi niya, “Nilupig ni Yahweh ang aking mga kaaway na parang dinaanan ng rumaragasang baha.” Kaya, Baal-perazim ang itinawag sa lugar na iyon. 21 Naiwan ng mga Filisteo ang kanilang mga diyus-diyosan at ang mga iyo'y kinuha nina David.

22 Ngunit nagbalik ang mga Filisteo at humanay muli sa kapatagan ng Refaim. 23 Sumangguni na naman kay Yahweh si David at ito ang sagot: “Huwag mo silang lulusubin nang harapan. Lumigid ka sa kanilang likuran sa tapat ng mga puno ng balsam. 24 Pagkarinig mo ng mga yabag sa itaas ng mga kahuyan, lumusob ka agad, sapagkat ako ang nangunguna upang gapiin sila.” 25 Sinunod ni David ang iniutos ni Yahweh at tinalo nga nila ang mga Filisteo mula sa Geba hanggang Gezer.

Kinuha ni David ang Kaban ng Tipan(B)

Pagkatapos nito, muling tinipon ni David ang mga piling kawal ng Israel; may tatlumpung libong kalalakihan lahat. Pinangunahan(C) niya ang buong hukbo at nagpunta sila sa Baale-Juda upang kunin ang Kaban ng Tipan na kumakatawan sa kaluwalhatian ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na nakaluklok sa ibabaw ng mga kerubin. Kinuha(D) nila ito sa bahay ni Abinadab doon sa burol at isinakay sa isang bagong kariton na inaalalayan ng dalawang anak nito na sina Uza at Ahio. Si Ahio ay nauuna ng paglakad sa kaban. Si David at ang buong bayan ng Israel ay buong galak na sumasayaw. Sila'y umaawit sa saliw ng mga lira, kudyapi, tamburin, kastaneta, at pompiyang.

Nang malapit na sila sa may giikan ni Nacon, natalisod ang mga baka kaya't hinawakan ni Uza ang Kaban ng Tipan. Nagalit si Yahweh at siya'y pinarusahan sa ginawang iyon. Noon di'y namatay si Uza sa tabi ng Kaban ng Tipan. Nagalit si David dahil pinarusahan ni Yahweh si Uza. Hanggang ngayon, ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez-uza.[b] Dahil dito'y natakot si David kay Yahweh. Sinabi niya, “Paano ko iingatan ngayon ang Kaban ng Tipan?” 10 Hindi niya ito mapangahasang dalhin sa Lunsod ni David, kaya't doon na niya inihatid sa bahay ni Obed-edom na taga-Gat. 11 Tatlong(E) buwang nanatili roon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, at pinagpala ni Yahweh si Obed-edom at ang kanyang sambahayan.

12 May nagbalita kay Haring David na pinagpalang mabuti ni Yahweh si Obed-edom. Ito'y ikinagalak niya, kaya kinuha niya ang Kaban ng Tipan at dinala sa Jerusalem. 13 Hindi pa man nakakalayo, nakakaanim na hakbang pa lamang ang mga may dala ng Kaban ng Tipan, pinahinto na sila ni David at naghandog sila ng isang toro at isang pinatabang baka. 14 Isinuot ni David ang isang linong efod, at nagsasayaw siya sa harapan ni Yahweh. 15 Habang lumalakad ang mga Israelita, nagsisigawan sila sa tuwa at hinihipan ang mga trumpeta.

16 Nang sila'y papasok na ng lunsod, si David ay naglululundag at nagsasayaw. Nang siya'y madungawan ni Mical na anak ni Saul, hindi niya nagustuhan ang ginawa ni David. 17 Ipinasok nila sa tolda ang Kaban ng Tipan at inilagay sa lugar na nakalaan dito. Si David nama'y muling nag-alay ng mga handog na susunugin sa harapan ni Yahweh. 18 Pagkatapos, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ni Yahweh na Pinakamakapangyarihan sa Lahat. 19 Bago(F) nagsiuwi ang lahat ng mga Israelita, lalaki man o babae, sila'y pinakain ng tinapay, karne at pasas.

20 Pag-uwi ni David upang batiin ang kanyang pamilya, sinalubong siya ni Mical na may ganitong pagbati: “Dakilang araw ito sa hari ng Israel na parang baliw na nagsasayaw sa harapan ng mga aliping babae ng kanyang mga tauhan.”

21 Sumagot si David, “Ginawa ko iyon upang parangalan si Yahweh. Sapagkat sa halip na ang iyong ama at ang kanyang sambahayan, ako ang pinili ni Yahweh na mamuno sa Israel. At patuloy pa akong magsasayaw upang parangalan si Yahweh, 22 at gagawa pa nang mas masahol dito. Sa tingin mo'y hamak ako dahil sa aking ginawa, ngunit sa paningin ng mga babaing iyon ay marangal ang ginawa ko.”

23 Si Mical na anak ni Saul ay hindi nagkaanak hanggang sa siya'y mamatay.

1 Cronica 13-16

Ang Kaban ng Tipan ay Kinuha sa Lunsod ng Jearim(A)

13 Sumangguni si David sa mga pinuno ng mga pangkat ng libu-libo at daan-daang kawal. Sinabi niya sa buong sambayanan ng Israel, “Kung sumasang-ayon kayo, at kung ito'y ayon sa kalooban ni Yahweh na ating Diyos, anyayahan natin dito ang mga kapatid nating wala rito, pati ang mga pari at mga Levitang nasa mga lunsod na may pastulan. Pagkatapos, kunin nating muli ang Kaban ng Tipan na napabayaan natin noong panahon ni Saul.” Sumang-ayon ang lahat sa magandang panukalang ito.

Kaya't(B) tinipon ni David ang mga Israelita mula sa Sihor sa Egipto hanggang sa pasukan ng Hamat upang kunin sa Lunsod ng Jearim ang Kaban ng Tipan at dalhin sa Jerusalem. Pumunta(C) silang lahat sa Baala papuntang Lunsod ng Jearim sa Juda upang kunin ang Kaban ng Tipan ng Diyos na si Yahweh, na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin. Pagdating nila sa bahay ni Abinadab, isinakay nila ang Kaban ng Tipan sa isang bagong kariton na inaalalayan nina Uza at Ahio. Si David at ang buong Israel ay sumasayaw at umaawit sa saliw ng tugtugan ng mga lira, alpa, tamburin, pompiyang at trumpeta.

Ngunit pagsapit nila sa giikan sa Quidon, natisod ang mga bakang humihila sa kariton kaya't hinawakan ni Uza ang Kaban ng Tipan upang hindi mahulog. 10 Dahil dito, nagalit sa kanya si Yahweh kaya't namatay siya noon din. 11 Nagalit si David dahil pinarusahan ng Diyos si Uza, kaya't ang lugar na iyon ay tinawag na Perez-uza[a] mula noon.

12 Subalit(D) natakot rin si David sa Diyos kaya't nasabi niya, “Paano ko ngayon iuuwi ang Kaban ng Tipan?” 13 Sa halip na iuwi ito sa Jerusalem, dinala niya ang Kaban sa bahay ni Obed-edom na taga-lunsod ng Gat. 14 Tatlong(E) buwan doon ang Kaban. At pinagpala ni Yahweh ang sambahayan ni Obed-edom, pati na ang lahat ng kanyang ari-arian.

Ang mga Ginawa ni David sa Jerusalem(F)

14 Si Hiram na Hari ng Tiro ay nagpadala ng mga sugo kay David. Binigyan niya si David ng mga kahoy na sedar at nagsugo rin siya ng mga kantero at karpintero upang gumawa ng palasyo para kay David. Dito nabatid ni David na pinagtibay na ni Yahweh ang pagiging hari niya sa Israel, at ang kanyang kaharian ay pinasagana alang-alang sa bayang Israel.

Dinagdagan pa ni David ang kanyang mga asawa sa Jerusalem at nagkaanak siya ng marami. Ito ang mga anak niya na isinilang sa Jerusalem: sina Samua, Sobab, Natan, Solomon; Ibhar, Elisua, Elpelet; Noga, Nefeg, Jafia; Elisama, Beeliada, at Elifelet.

Ang Tagumpay Laban sa mga Filisteo(G)

Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay itinanghal nang hari sa buong Israel, lumusob sila upang hanapin si David. Nalaman ito ni David kaya't hinarap niya ang mga Filisteo. Unang sinalakay ng mga Filisteo ang libis ng Refaim. 10 Itinanong ni David sa Diyos, “Lalabanan ko po ba ang mga Filisteo? Magtatagumpay po ba ako laban sa kanila?”

“Humayo ka,” sagot ni Yahweh, “pagtatagumpayin kita laban sa iyong mga kaaway.”

11 Kaya't sinalakay niya ang mga Filisteo sa Baal-perazim, at natalo niya ang mga ito. Sinabi ni David, “Kinasangkapan ako ng Diyos upang lupigin ang mga kaaway na parang dinaanan ng rumaragasang baha.” Ito ang dahilan kung bakit tinawag ang lugar na iyon na Baal-perazim.[b] 12 Naiwan doon ng mga kaaway ang kanilang mga diyus-diyosan at iniutos ni David na sunugin ang mga ito.

13 Sumalakay muli sa libis ang mga Filisteo. 14 Dahil dito, muling nagtanong sa Diyos si David. Sinabi sa kanya, “Huwag mo silang sasagupain nang harapan. Lumibot ka, at doon ka sumalakay sa may likuran, sa tapat ng mga puno ng balsam. 15 Kapag narinig mo ang mga yabag sa itaas ng mga puno, sumalakay ka na, sapagkat pinangungunahan ka ng Diyos upang wasakin ang hukbo ng mga Filisteo.” 16 Ganoon nga ang ginawa ni David at naitaboy niya ang mga Filisteo mula sa Gibeon hanggang Gezer. 17 Naging tanyag si David sa buong lupain, at ginawa ni Yahweh na matakot kay David ang lahat ng mga bansa.

Inilipat sa Jerusalem ang Kaban ng Tipan

15 Nagpagawa si David para sa kanyang sarili ng maraming bahay sa Jerusalem. Naghanda rin siya ng isang lugar para sa Kaban ng Tipan at nagpatayo ng isang tolda para rito. Sinabi(H) niya, “Walang maaaring bumuhat sa Kaban ng Tipan ng Diyos maliban sa mga Levita, sapagkat sila ang pinili ni Yahweh upang magdala ng kanyang kaban at maglingkod sa kanya habang panahon.” Pagkatapos, tinipon ni David sa Jerusalem ang buong Israel upang dalhin ang Kaban ng Tipan sa lugar na inilaan para dito. Tinipon din niya ang mga mula sa angkan ni Aaron at ang mga Levita: sa angkan ni Kohat, si Uriel at ang 120 kamag-anak na pinamumunuan niya; sa angkan ni Merari, si Asaias at ang pinamumunuan niyang 220 mga kamag-anak; sa angkan ni Gershon ay si Joel at ang 130 kasama niya; sa angkan ni Elizafan, si Semaias at ang 200 mga kamag-anak na kanyang pinamumunuan; sa angkan ni Hebron, si Eliel at ang walumpung kamag-anak niya; 10 at sa angkan ni Uziel, si Aminadab at ang pinamumunuan niyang 112 mga kamag-anak.

11 Ipinatawag ni David ang mga paring sina Zadok at Abiatar, at ang mga Levitang sina Uriel, Asaias, Joel, Semaias, Eliel, at Aminadab. 12 Sinabi niya sa kanila, “Kayo ang mga pinuno ng angkan ng mga Levita. Linisin ninyo ang inyong sarili pati ang inyong mga kapatid at dalhin ninyo ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel sa lugar na inihanda ko para dito. 13 Dahil hindi namin kayo kasama nang unang buhatin ito, nagalit ang Diyos nating si Yahweh sapagkat hindi namin ginawa ang ayon sa ipinag-uutos niya.”

14 Kaya nilinis ng mga pari at ng mga Levita ang kanilang sarili upang dalhin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 15 Pinasan(I) ito ng mga Levita sa pamamagitan ng mga kahoy na pambuhat, ayon sa iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.

16 Inutusan din ni David ang mga pinunong Levita na pumili ng mga kapwa nila Levita upang umawit at tumugtog ng lira, alpa at pompiyang. 17 Kaya kinuha nila si Heman na anak ni Joel, si Asaf na anak ni Berequias; sa angkan ni Merari, si Etan, anak ni Cusaias. 18 Sa pangalawang hanay ng mang-aawit at manunugtog ay pinili nila sina Zacarias, Jaazael, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Benaias, Maasias, Matitias, Elifelehu, Micneias at sina Obed-edom at Jeiel, mga bantay sa pinto. 19 Sina Heman, Asaf at Etan ang pinili nilang tumugtog ng pompiyang. 20 Sina Zacarias, Aziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Maasias at Benaias ang tutugtog ng mga lirang mataas ang tono. 21 At sina Matitias, Elifelehu, Micneias, Obed-edom, Jeiel at Azazias naman ang sa mga lirang mababa ang tono. 22 Ang kukumpas sa pagtugtog ay si Quenanias, pinuno ng mga manunugtog na Levita, sapagkat siya ang sanay sa gawaing ito. 23-24 Sina Berequias at Elkana kasama sina Obed-edom at Jehias ay ang mga bantay sa pinto sa kinalalagyan ng kaban. Ang iihip naman ng mga trumpeta sa harap ng Kaban ng Tipan ay ang mga paring sina Sebanias, Joshafat, Nathanael, Amazias, Zacarias, Benaias at Eliezer.

Dinala sa Jerusalem ang Kaban ng Tipan(J)

25 Pagkatapos, si David, ang pinuno ng Israel at ang mga pinuno ng libu-libong kawal ay masayang nagpunta sa bahay ni Obed-edom upang kunin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. 26 Sa tulong ng Diyos, nadala ng mga Levita ang Kaban ng Tipan, kaya't sila'y naghandog ng pitong toro at pitong tupang lalaki. 27 Si David ay nakasuot ng kamisetang yari sa magandang telang lino, gayundin ang mga Levitang may dala sa Kaban, ang mga manunugtog at si Kenaniaz, ang pinuno ng mga manunugtog. Suot din ni David ang isang efod na lino. 28 Ang buong Israel ay kasama nang kunin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Sila'y nagsisigawan sa galak, hinihipan ang tambuli at trumpeta, at tinutugtog ang pompiyang, lira at alpa.

29 Habang ipinapasok sa Lunsod ni David ang Kaban ng Tipan, si Mical, anak na babae ni Saul ay dumungaw sa bintana. Nang makita niyang si David ay nagsasayaw sa tuwa, siya'y labis na nainis.

Ang Kaban sa Loob ng Tolda

16 Ipinasok nila ang Kaban ng Tipan sa toldang inihanda ni David para dito. Nag-alay sila ng mga handog na susunugin at handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos. Matapos makapaghandog, binasbasan ni David ang mga tao sa pangalan ni Yahweh, at binigyan niya ang bawat Israelita ng tinapay, karne at bibingkang may pasas.

Naglagay rin siya ng ilang Levita na maglilingkod sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh upang manalangin, magpasalamat at magpuri kay Yahweh na Diyos ng Israel. Si Asaf ang pinuno at ang mga katulong niya ay sina Zacarias, Jeiel, Semiramot, Jehiel, Matitias, Eliab, Benaias, Obed-edom, at Jeiel. Ang tinutugtog nila'y mga alpa at lira, at ang kay Asaf naman ay pompiyang. Ang mga paring sina Benaias at Jahaziel ang tumutugtog ng mga trumpeta araw-araw sa harap ng Kaban ng Tipan ng Diyos. Nang araw na iyon, iniatas ni David kay Asaf at sa mga kasama nito ang tungkol sa pag-awit ng pasasalamat kay Yahweh.

Ang Awit ng Papuri(K)

Magpasalamat kay Yahweh, tumawag sa kanyang pangalan;
    ang lahat ng gawa niya sa lahat ay ipaalam.
Umawit ng pagpupuri at siya ay parangalan,
    ang kahanga-hangang gawa'y ibalita kahit saan.
10 Dapat kayong magalak, sapagkat kayo'y kanyang bayan,
    ang lahat ng sumasamba sa kanya ay magdiwang.
11 Lumapit kayo kay Yahweh upang tulong niya'y hingin,
    sa tuwina'y parangalan siya at sambahin.
12 Inyong alalahanin ang mga kamangha-mangha niyang gawa,
    ang matuwid na paghatol at gawang kahanga-hanga.
13 Mga supling ni Abraham na kanyang lingkod,
    ang mga hinirang niya na mga anak ni Jacob.
14 Si Yahweh ang ating Diyos,
    nasa buong mundo ang kanyang mga utos.
15 Tipan niyang walang hangga'y hindi niya lilimutin,
    kahit libong salinlahi ito'y kanyang tutuparin.
16 Ang(L) ginawa niyang tipan kay Abraham,
    pinagtibay kay Isaac ang pangakong sinumpaan.
17 Kay(M) Jacob ibinigay, pinagtibay na kautusan,
    walang hanggang tipan sa Israel, ito ang nilalaman:
18 “Ang lupain ng Canaan sa iyo nakalaan.
    Ito'y isang pamana ko sa iyo at sa iyong angkan.”

19 Nang sila ay kakaunti pa at walang halaga,
    nangibang-bayan sila't sa Canaan nakitira.
20 Sa maraming bansa sila'y natatagpuan,
    nagpalipat-lipat sa iba't ibang kaharian.
21 Di(N) hinayaan ng Diyos sila'y alipinin,
    mga hari'y binalaang huwag silang aapihin.
22 Sabi niya, “Huwag sasaktan ang bayan kong hinirang,
    ang mga propeta ko ay iyong igalang.”

23 Umawit ka kay Yahweh, buong sanlibutan,
    ipahayag araw-araw, bigay niyang kaligtasan.
24 Ipahayag sa mga bansa kanyang kaluwalhatian.
    Sabihin sa mga tao gawa niyang makapangyarihan.

25 Si Yahweh ay dakila at karapat-dapat papurihan,
    siya ay higit sa mga diyos ng buong sanlibutan.
26 Ang diyos ng mga bansa ay mga diyus-diyosan lamang,
    ngunit si Yahweh ang lumikha ng buong kalangitan.
27 Kanya ang kaluwalhatian at karangalan,
    lakas at kagalakan nasa kanyang tahanan.

28 Si Yahweh ay purihin ng lahat ng mga bansa,
    dapat siyang kilalanin na marangal at dakila.
29 Kilalanin ng lahat maluwalhati niyang pangalan,
    bawat isa'y lumapit at siya ay handugan.
Sambahin si Yahweh sa diwa ng kabanalan,
30     sa harap niya ay gumalang ang lahat ng mga bansa.
Ang sandigan ng daigdig ay matibay niyang ginawa.
31 Magalak ang kalangitan, ang daigdig ay matuwa.
    “Si Yahweh ay naghahari,” ganito ang ibalita.
32 Magpuri ang karagatan at ang lahat ng naroon,
    ang lahat sa kabukira'y magpuri kay Yahweh.
33 Umawit ang mga punongkahoy na nasa kagubatan
    sa pagdating ni Yahweh upang lahat ay hatulan.

34 Purihin(O) si Yahweh, sa kanyang kabutihan;
    pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
35 Sabihin ding: “Iligtas mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
    tipunin mo kami ngayon at iligtas sa kalaban;
    upang aming pasalamatan ang banal mong pangalan
    at purihin ka sa iyong kaluwalhatian.”
36 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
purihin siya ngayon at magpakailanman!

Pagkatapos, ang buong bayan ay sumagot ng “Amen,” at nagpuri kay Yahweh.

Ang Pananambahan sa Jerusalem at Gibeon

37 Si Asaf at ang kanyang mga kamag-anak ay inatasan ni David na mangasiwa sa pagsambang idinaraos araw-araw sa lugar na kinalalagyan ng Kaban ng Tipan. 38 Si Obed-edom kasama ang animnapu't walong kamag-anak niya ang tutulong sa kanila. Si Obed-edom na anak ni Jeduthun at si Hosa naman ang magbabantay sa pinto. 39 Inatasan naman ni David si Zadok at ang mga kamag-anak nitong pari na maglingkod sa tabernakulo ni Yahweh sa Burol ng Gibeon. 40 Umaga't gabi, ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Yahweh para sa Israel, patuloy silang nag-aalay ng mga handog na susunugin sa altar. 41 Kasama nila roon sina Heman at Jeduthun at iba pang pinili upang magpasalamat kay Yahweh sapagkat pag-ibig niya'y tunay at laging tapat kailanman. 42 Silang dalawa ang tumutugtog ng trumpeta at pompiyang at iba pang uri ng panugtog na pansaliw sa mga awiting ukol sa Diyos. Ang mga anak naman ni Jeduthun ang ginawang bantay sa pintuan.

43 Pagkatapos,(P) nagsiuwian na ang mga tao. Si David ay umuwi na rin upang makapiling ang kanyang pamilya.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.