Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 8-11

Wala nang Baha

Hindi nawaglit sa isipan ng Diyos si Noe at ang lahat ng hayop na kasama niya sa malaking barko. Kaya't pinaihip niya ang hangin, at nagsimulang humupa ang tubig. Huminto ang mga bukal at tumigil ang pagbuhos ng ulan. Patuloy na humupa ang tubig, at pagkaraan ng 150 araw ay mababa na ang baha. Sumadsad ang barko sa Bundok ng Ararat noong ikalabimpitong araw ng ikapitong buwan. Patuloy ang paghupa ng tubig at nang unang araw ng ikasampung buwan, lumitaw ang taluktok ng mga bundok.

Pagkalipas ng apatnapung araw, binuksan ni Noe ang bintana ng barko na kanyang ginawa. Pinalipad niya ang isang uwak at ito'y nagpabalik-balik hanggang matuyo ang tubig sa lupa. Pagkatapos nito, pinalipad naman niya ang isang kalapati upang tingnan kung wala nang tubig. Palibhasa'y laganap pa ang tubig, hindi makalapag ang kalapati, kaya't nagbalik ito at muling ipinasok ni Noe sa barko. 10 Pitong araw pang naghintay si Noe, at pagkatapos ay muli niyang pinalipad ang kalapati. 11 Pagbalik nito kinagabihan, ito'y may tangay nang sariwang dahon ng olibo. Kaya't natiyak ni Noe na kati na ang tubig. 12 Nagpalipas ng pitong araw si Noe saka pinalipad muli ang kalapati. Hindi na ito nagbalik.

13 Noon ay 601 taóng gulang na si Noe. Nang unang araw ng unang buwan, inalis ni Noe ang takip ng barko at nakita niyang natutuyo na ang lupa. 14 Nang ikadalawampu't pitong araw ng ikalawang buwan, tuyung-tuyo na ang lupa.

15 Sinabi ng Diyos kay Noe, 16 “Lumabas ka na sa barko kasama ng iyong asawa, mga anak at mga manugang. 17 Palabasin mo na rin ang lahat ng mga hayop na kasama mo—maamo at mailap, gumagapang at lumalakad sa lupa, at pati ang mga ibon. Hayaan mo silang dumami at manirahan sa buong daigdig.” 18 At lumabas na nga si Noe at ang kanyang asawa, mga anak at mga manugang. 19 Gayundin, sunud-sunod na lumabas ang lahat ng hayop, mailap at maamo, lahat ng gumagapang at lumalakad, pati ang mga ibon ayon sa kani-kanilang uri.

Naghandog si Noe

20 Si Noe ay nagtayo ng altar para kay Yahweh. Kumuha siya ng isa sa bawat malinis na hayop at ibon, at sinunog bilang handog. 21 Nang maamoy ni Yahweh ang mabangong samyo nito, sinabi niya sa sarili, “Hindi ko na susumpain ang lupa dahil sa gawa ng tao bagama't alam kong masama ang kanyang isipan mula sa kanyang kabataan. Hindi ko na lilipuling muli ang anumang may buhay kagaya ng ginawa ko ngayon.

22 Hanggang naririto't buo ang daigdig,
    tagtanim, tag-ani, palaging sasapit;
tag-araw, tag-ulan, tag-init, taglamig,
    ang araw at gabi'y hindi mapapatid.”

Nakipagtipan ang Diyos kay Noe

Si(A) Noe at ang kanyang mga anak ay binasbasan ng Diyos: “Magkaroon kayo ng maraming anak at punuin ninyo ng inyong supling ang buong daigdig. Matatakot sa inyo ang lahat ng hayop, pati mga ibon, ang lahat ng gumagapang sa lupa at ang mga isda. Ang lahat ng ito ay inilalagay ko sa ilalim ng inyong kapangyarihan. Gaya ng mga halamang luntian na inyong kinakain, lahat ng mga ito'y maaari na ninyong kainin. Huwag(B) lamang ninyong kakainin ang karneng hindi inalisan ng dugo sapagkat nasa dugo ang buhay. Mananagot ang sinumang papatay sa inyo, maging ito'y isang hayop. Pagbabayarin ko ang sinumang taong papatay ng kanyang kapwa.

Sinumang(C) pumatay ng kanyang kapwa,
    buhay ang kabayaran sa kanyang ginawa,
sapagkat sa larawan ng Diyos ang tao'y nilikha.

“Magkaroon(D) nga kayo ng maraming anak upang manirahan sila sa buong daigdig.”

Sinabi ng Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak, “Ako'y nakikipagtipan sa inyo ngayon, pati na sa inyong magiging mga anak, 10 gayon din sa lahat ng mga bagay na may buhay sa paligid ninyo—sa mga ibon, pati sa maaamo't maiilap na hayop na kasama ninyo sa barko. 11 Ito ang aking pakikipagtipan sa inyo: Kailanma'y hindi ko na lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. Wala nang baha na gugunaw sa daigdig.” 12 Sinabi pa ng Diyos, “Ito ang magiging palatandaan ng walang hanggang tipan na ginagawa ko sa inyo at sa lahat ng hayop: 13 Palilitawin ko sa mga ulap ang aking bahaghari, at iyan ang magiging tanda ng aking pakikipagtipan sa inyo. 14 Tuwing magkakaroon ng ulap at lilitaw ang bahaghari, 15 aalalahanin ko ang aking pangako sa inyo at sa lahat ng hayop. Hindi ko na lilipulin sa baha ang lahat ng may buhay. 16 Tuwing lilitaw ang bahaghari, maaalala ko ang walang hanggang tipan na ginawa ko sa inyo at sa lahat ng may buhay sa balat ng lupa.”

17 At sinabi ng Diyos kay Noe, “Ito ang tanda ng aking pangako sa lahat ng nabubuhay sa lupa.”

Si Noe at ang Kanyang mga Anak

18 Ang mga anak ni Noe na kasama niyang lumabas sa barko ay sina Shem, Jafet at Ham na ama ni Canaan. 19 Ang tatlong ito ang pinagmulan ng lahat ng tao sa daigdig.

20 Si Noe ay isang magsasaka at siya ang kauna-unahang nagbukid ng ubasan. 21 Minsan, uminom siya ng alak at nalasing. Nakatulog siyang hubad na hubad sa loob ng kanyang tolda. 22 Sa gayong ayos, nakita siya ni Ham ang ama ni Canaan at ibinalita ito sa kanyang mga kapatid. 23 Kaya't kumuha sina Shem at Jafet ng balabal, iniladlad sa likuran nila at magkatuwang na lumakad nang patalikod patungo sa tolda. Tinakpan nila ang katawan ng kanilang ama. Ayaw nilang makita ang kahubaran ng kanilang ama. 24 Nang mawala na ang kalasingan ni Noe, at malaman ang ginawa ng bunsong anak, 25 sinabi niya:

“O ikaw, Canaan, ngayo'y susumpain,
    sa mga kapatid mo ika'y paaalipin.”
26 Sinabi rin niya,
“Purihin si Yahweh, ang Diyos ni Shem,
    itong si Canaa'y maglilingkod kay Shem.
27 Palawakin nawa ng Diyos ang lupain ni Jafet.[a]
    Sa lahi ni Shem, sila'y mapipisan,
    at paglilingkuran si Jafet nitong si Canaan.”

28 Si Noe ay nabuhay pa nang 350 taon pagkatapos ng baha, 29 kaya't umabot siya sa gulang na 950 taon bago namatay.

Ang mga Angkan ng mga Anak ni Noe(E)

10 Ito ang kasaysayan ng mga anak ni Noe na sina Shem, Ham at Jafet pagkatapos ng baha.

Ang mga anak na lalaki ni Jafet ay sina Gomer, Magog, Madai, Javan, Tubal, Meshec at Tiras. Sina Askenaz, Rifat at Togarma ang mga anak na lalaki ni Gomer. Ang kay Javan naman ay sina Elisha, Tarsis, Kitim at Rodanim.[b] Ito ang mga anak at apo ni Jafet. Sa kanila nagmula ang mga bansa sa baybay-dagat at mga pulo. Bawat isa'y nagkaroon ng sariling lupain at wika.

Ang mga anak na lalaki ni Ham ay sina Cus, Egipto, Libya at Canaan. Sina Seba, Havila, Sabta, Raama at Sabteca ang mga anak na lalaki ni Cus. Ang kay Raama naman ay sina Saba at Dedan. Si Nimrod, isa pang anak na lalaki ni Cus, ang kauna-unahan sa daigdig na naging dakila at makapangyarihan. Siya rin ang pinakamahusay na mangangaso dahil sa tulong ni Yahweh, kaya may kasabihang: “Maging mahusay ka sanang mangangaso tulad ni Nimrod, sa tulong ni Yahweh.” 10 Kabilang sa kauna-unahang kaharian na sakop niya ang Babilonia, Erec at Acad, pawang nasa lupain ng Sinar. 11 Mula rito'y pumunta siya sa Asiria at itinatag ang mga lunsod ng Nineve, Rohobot-ir, Cale 12 at ang Resen sa pagitan ng Nineve at Cale, ang pangunahing lunsod.

13 Si Egipto ang ama ng mga taga-Lud, Anam, Lehab at Naftuh, 14 gayon din ng mga taga-Patrus, Casluh at Caftor na pinagmulan ng mga Filisteo.

15 Ang panganay ni Canaan ay si Sidon na sinundan ni Het. 16 Kay Canaan din nagmula ang mga Jebuseo, Amoreo, Gergeseo, 17 Hivita, Araceo, Sineo, 18 Arvadeo, Zemareo at Hamateo. Simula noon, kung saan-saan nakarating ang mga Cananeo. 19 Mula sa Sidon, ang kanilang hangganan sa gawing timog ay umabot sa Gerar na malapit sa Gaza. Sa gawing silangan naman, umabot sila sa Sodoma, Gomorra, Adma at Zeboim na malapit sa Lasa. 20 Ito ang lahi ni Ham na nanirahan sa iba't ibang lupain at naging iba't ibang bansa na may kani-kanilang wika.

21 Si Shem, ang nakatatandang kapatid ni Jafet, ang pinagmulan naman ng lahi ni Heber.[c] 22 Ang kanyang mga anak ay sina Elam, Ashur, Arfaxad, Lud at Aram. 23 Ang mga anak naman ni Aram ay sina Uz, Hul, Geter at Mas. 24 Si Arfaxad ang ama ni Selah na ama naman ni Heber. 25 Dalawa ang anak ni Heber: ang isa'y tinawag na Peleg,[d] sapagkat noong panahon niya ay nagkahiwa-hiwalay ang mga tao sa daigdig; ang kapatid niya ay si Joctan. 26 Si Joctan ang ama nina Almodad, Shelef, Hazarmavet, Jerah, 27 Hadoram, Uzal, Dikla, 28 Obal, Abimael, Sheba, 29 Ofir, Havila at Jobab. Sila ang mga anak na lalaki ni Joctan. 30 Mula sa Mesha hanggang Sefar sa kaburulan sa silangan ang lawak ng kanilang lupain. 31 Ito ang lahi ni Shem ayon sa kani-kanilang angkan, wika at bansa.

32 Ito ang mga bansang nagmula sa mga anak ni Noe mula sa kanilang mga angkan. Sa kanila nagmula ang lahat ng bansa na lumaganap sa buong daigdig pagkatapos ng baha.

Ang Tore ng Babel

11 Sa simula'y iisa ang wika at magkakapareho ang mga salitang ginagamit ng lahat ng tao sa daigdig. Sa kanilang pagpapalipat-lipat sa silangan,[e] nakarating sila sa isang kapatagan sa Shinar at doon na nanirahan. Nagkaisa silang gumawa ng maraming tisa at lutuin itong mabuti para tumibay. Tisa ang ginagamit nilang bato at alkitran ang kanilang semento. Ang sabi nila, “Halikayo at magtayo tayo ng isang lunsod na may toreng abot sa langit upang maging tanyag tayo at huwag nang magkawatak-watak sa daigdig.”

Bumabâ si Yahweh upang tingnan ang lunsod at ang toreng itinayo ng mga tao. Sinabi niya, “Ngayon ay nagkakaisa silang lahat at iisa ang kanilang wika. Pasimula pa lamang ito ng mga binabalak nilang gawin. Hindi magtatagal at gagawin nila ang anumang kanilang magustuhan. Ang mabuti'y bumabâ tayo at guluhin ang kanilang wika upang hindi sila magkaintindihan.” At ginawa ni Yahweh na ang mga tao ay magkawatak-watak sa buong daigdig, kaya natigil ang pagtatayo ng lunsod. Babel[f] ang itinawag nila sa lunsod na iyon, sapagkat doo'y ginulo ni Yahweh ang wika ng mga tao. At mula roon, nagkawatak-watak ang mga tao sa buong daigdig dahil sa ginawa ni Yahweh.

Ang Lahi ni Shem(F)

10 Ito ang kasaysayan ng mga lahi na nagmula kay Shem. Dalawang taon makalipas ang baha, si Shem ay nagkaanak ng isang lalaki, si Arfaxad. Si Shem ay sandaang taóng gulang na noon. 11 Nabuhay pa siya nang 500 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.

12 Nang si Arfaxad ay tatlumpu't limang taon na, nagkaanak siya ng isang lalaki, si Shela. 13 Nabuhay pa siya nang 403 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.

14 Tatlumpung taon na noon si Shela nang maging anak niya si Heber. 15 Nabuhay pa siya nang 403 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.

16 Sa gulang na tatlumpu't apat na taon, naging anak ni Heber si Peleg. 17 Nabuhay pa siya nang 430 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.

18 Sa gulang na tatlumpung taon, naging anak ni Peleg si Reu. 19 Nabuhay pa siya nang 209 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.

20 Si Reu naman ay tatlumpu't dalawang taon na nang maging anak niya si Serug. 21 Nabuhay pa siya nang 207 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.

22 Si Serug ay tatlumpung taon nang maging anak niya si Nahor. 23 Nabuhay pa siya nang 200 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.

24 Naging anak naman ni Nahor si Terah nang siya'y dalawampu't siyam na taon. 25 Nabuhay pa siya nang 119 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.

Ang Lahi ni Terah

26 Pitumpung taon na si Terah nang magkaanak ng tatlong lalaki: sina Abram, Nahor at Haran.

27 Ito naman ang kasaysayan ng mga anak ni Terah na sina Abram, Nahor at si Haran na ama ni Lot. 28 Buháy pa si Terah nang mamatay si Haran sa kanyang sariling bayan ng Ur, sa Caldea. 29 Napangasawa ni Abram si Sarai at napangasawa naman ni Nahor si Milca na anak ni Haran na ama rin ni Isca. 30 Si Sarai ay hindi magkaanak sapagkat baog siya.

31 Umalis si Terah sa bayan ng Ur, Caldea, kasama ang kanyang anak na si Abram, ang asawa nitong si Sarai at si Lot na anak ni Haran. Papunta sila sa Canaan ngunit nang dumating sa Haran, doon na sila nanirahan. 32 Doon namatay si Terah sa gulang na 205 taon.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.