Chronological
Tinawag ng Diyos si Abram
12 Sinabi(A) ni Yahweh kay Abram, “Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong ama at mga kamag-anak, at pumunta ka sa bayang ituturo ko sa iyo. 2 Pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at gagawin ko silang isang malaking bansa. Pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang iyong pangalan at ikaw ay magiging pagpapala sa marami.
3 Ang(B) sa iyo'y magpapala ay aking pagpapalain,
at ang sa iyo'y sumumpa ay aking susumpain;
sa pamamagitan mo, lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain.”[a]
4 Sumunod nga si Abram sa utos ni Yahweh; nilisan niya ang Haran noong siya'y pitumpu't limang taon. Sumama sa kanya si Lot. 5 Isinama ni Abram ang kanyang asawang si Sarai at si Lot na pamangkin niya. Dinala niyang lahat ang kanyang mga alipin at mga kayamanang naipon nila sa Haran. Pagkatapos nito'y nagtungo sila sa Canaan.
Pagdating nila roon, 6 nagtuloy si Abram sa isang banal na lugar sa Shekem, sa malaking puno ng Moreh. Noo'y naroon pa ang mga Cananeo. 7 Nagpakita(C) kay Abram si Yahweh na nagsabi sa kanya, “Ito ang lupaing ibibigay ko sa iyong lahi.” At nagtayo si Abram ng altar para kay Yahweh na nagpakita sa kanya. 8 Buhat doon, nagtuloy siya sa kaburulan sa silangan ng Bethel at huminto sa pagitan ng Bethel na nasa kanluran at ng Ai na nasa silangan. Nagtayo rin siya roon ng altar at sumamba kay Yahweh. 9 Mula roon, unti-unti silang nagpatuloy papunta sa gawing timog ng Canaan.
Pumunta si Abram sa Egipto
10 Nagkaroon ng matinding taggutom sa lupain ng Canaan, kaya umalis doon sina Abram at naglakbay na patimog, patungo sa lupain ng Egipto, upang doon muna manirahan. 11 Nang malapit na sila sa hangganan, sinabi niya sa kanyang asawa, “Sarai, napakaganda mo. 12 Kapag nakita ka ng mga Egipcio, sasabihin nilang asawa kita at papatayin nila ako para makuha ka. 13 Ang(D) mabuti pa'y sabihin mong magkapatid tayo. Alang-alang sa iyo, hindi nila ako papatayin.” 14 Nang makapasok na sina Abram sa Egipto, napuna nga ng mga Egipcio na napakaganda ni Sarai. 15 Nang nakita siya ng mga pinuno roon, ibinalita nila sa Faraon kung gaano siya kaganda. Kaya't iniutos nitong kunin si Sarai at dalhin sa palasyo. 16 Dahil sa kanya, mabuti ang naging pagtanggap ng Faraon kay Abram at binigyan pa niya ito ng mga tupa, kambing, baka, asno, kamelyo at mga alipin.
17 Dahil dito'y pinahirapan ni Yahweh ang Faraon. Siya at ang buong palasyo ay nagdanas ng katakut-takot na karamdaman. 18 Kaya't si Abram ay ipinatawag ng Faraon at tinanong, “Bakit mo ito ginawa sa akin? Bakit hindi mo sinabing asawa mo siya? 19 Ang sabi mo'y kapatid mo siya, kaya naman kinuha ko siya para maging asawa. Heto na ang asawa mo. Kunin mo siya at umalis na kayo!” 20 Iniutos ng Faraon sa kanyang mga tauhan na paalisin ang mag-asawa, dala ang lahat nilang ari-arian.
Nagkahiwalay sina Abram at Lot
13 Mula sa Egipto, si Abram ay naglakbay na pahilaga patungong Negeb, kasama ang kanyang asawa at ang pamangkin niyang si Lot, dala ang lahat niyang ari-arian. 2 Mayaman na noon si Abram; marami na siyang mga tupa, kambing at baka. Marami na rin siyang naipong ginto at pilak. 3 Mula sa Negeb, unti-unti siyang naglakbay pabalik sa dati niyang pinagkampuhan, sa pagitan ng Bethel at Ai. 4 Pumunta siya sa dating pinagtayuan niya ng altar, at doon sumamba kay Yahweh.
5 Si Lot, na kasa-kasama ni Abram ay marami na ring tupa, kambing at baka. Mayroon na rin siyang sariling pamilya at mga tauhan. 6-7 Dahil napakarami na ng kanilang mga hayop, hindi na sapat ang pastulan para sa mga kawan nina Abram at Lot. Kaya't madalas nag-aaway ang mga pastol nila. Nang panahon ding iyon, ang mga Cananeo at Perezeo ay naninirahan pa sa lugar na iyon.
8 Kinausap ni Abram si Lot, “Hindi tayo dapat mag-away, at ang mga tauhan natin, sapagkat magkamag-anak tayo. 9 Mabuti pa'y maghiwalay tayo. Mamili ka: Kung gusto mo sa kaliwa, sa kanan ako; kung gusto mo sa kanan, sa kaliwa ako.”
10 At(E) nang iginala ni Lot ang kanyang paningin, nakita niyang ang Kapatagan ng Jordan hanggang sa Zoar ay sagana sa tubig, tulad ng halamanan ni Yahweh at ng lupain ng Egipto. Nangyari ito noong hindi pa natutupok ang Sodoma at Gomorra. 11 Kaya pinili niya ang dakong silangan sa Kapatagan ng Jordan, at naghiwalay nga sila ni Abram. 12 Nanatili si Abram sa Canaan. Samantala, si Lot ay nanirahan naman sa mga lunsod sa kapatagan na malapit sa Sodoma. 13 Napakasama ng mga tao sa lunsod ng Sodoma; namumuhay sila nang laban kay Yahweh.
Nanirahan si Abram sa Hebron
14 Pagkaalis ni Lot, sinabi ni Yahweh kay Abram, “Tumanaw ka sa palibot mo. 15 Ang(F) buong lupaing natatanaw mo ay ibibigay ko sa iyo, at sa magiging lahi mo magpakailanman. 16 Ang iyong mga salinlahi ay gagawin kong sindami ng alikabok sa lupa na di kayang bilangin ninuman. 17 Libutin mo na ang buong lupain; ang lahat ng iyan ay ibibigay ko sa iyo.” 18 Lumipat si Abram sa Hebron, at doon tumira sa tabi ng malalaking puno sa Mamre. Nagtayo siya roon ng altar para kay Yahweh.
Iniligtas ni Abram si Lot
14 Nang panahong iyon, sina Haring Amrafel ng Sinar, Arioc ng Elasar, Kedorlaomer ng Elam at Tidal ng Goyim, 2 ay nakipagdigma kina Haring Bera ng Sodoma, Birsha ng Gomorra, Shinab ng Adma, Shemeber ng Zeboim at Zoar ng Bela. 3 Tinipon ng limang haring ito ang kanilang mga hukbo sa kapatagan ng Sidim na tinatawag ding Dagat na Patay. 4 Ang mga ito ay labindalawang taon nang nasasakop ni Kedorlaomer, ngunit nang ika-13 taon, nagkaisa-isa silang umaklas laban sa kanya. 5 Isang taon buhat nang sila'y umaklas, dumating si Kedorlaomer, kasama ang mga haring kakampi niya upang sila'y muling sakupin. Nalupig na niya ang mga bansang kanyang dinaanan: ang mga Refaita sa Astarot-carnaim, ang mga Zuzita sa Ham at ang mga Emita sa Save-kiryataim. 6 Tinalo na rin nila ang mga Horeo sa kabundukan ng Seir hanggang sa Elparan, sa gilid ng disyerto. 7 Buhat doo'y bumaling silang patungo sa Kades (o Enmispat) at sinakop ang lupain ng mga Amalekita at ng mga Amoreo sa Hazazon-tamar.
8 Tinipon nga ng mga hari ng Sodoma, Gomorra, Adma, Zeboim at Bela ang kanilang mga hukbo sa Kapatagan ng Sidim. At doon nila hinarap 9 sina Haring Kedorlaomer ng Elam, Tidal ng Goyim, Amrafel ng Sinar at Arioc ng Elasar—lima laban sa apat. 10 Natalo ang limang hari, at nang sila'y tumakas sa labanan, ang hari ng Sodoma at ang hari ng Gomorra ay nahulog sa balon ng alkitran na marami sa dakong iyon. Ang iba'y nakatakas papunta sa kabundukan. 11 Kaya't sinamsam ng apat na hari ang lahat ng ari-ariang natagpuan sa Sodoma at Gomorra, pati ang pagkain doon. 12 Binihag din nila ang pamangkin ni Abram na si Lot na nakatira sa Sodoma, at kinuha ang lahat ng ari-arian nito.
13 Isang takas ang nagbalita ng pangyayaring ito kay Abram na Hebreo, na noo'y nakatira malapit sa tabi ng sagradong kahuyan ni Mamre, isang Amoreo. Si Abram at si Mamre, kasama ang mga kapatid niyang sina Escol at Aner ay may umiiral na kasunduan. 14 Pagkarinig niya sa nangyari sa kanyang pamangking si Lot, tinawag niya ang kanyang mga tauhan at nakatipon siya ng 318 mandirigma. Sinundan nila ang mga kalabang hari hanggang sa Dan. 15 Pagdating doon, nagdalawang pangkat sila, at pagsapit ng gabi, sinalakay nila ang kaaway. Tinalo nila ang mga ito at hinabol hanggang Hoba sa hilaga ng Damasco. 16 Nabawi nilang lahat ang nasamsam na ari-arian at nailigtas si Lot, ang mga kababaihan at ang iba pa nitong mga kasamahan.
Binasbasan ni Melquisedec si Abram
17 Sa pagbabalik ni Abram, pagkatapos niyang talunin si Haring Kedorlaomer at ang iba pang mga haring kasama nito, sinalubong siya ng hari ng Sodoma sa Libis ng Save, na tinawag ding Libis ng Hari. 18 Dinalhan(G) siya ni Melquisedec, hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos, ng tinapay at alak, 19 at binasbasan,
“Pagpalain ka nawa, Abram, ng Kataas-taasang Diyos,
na lumikha ng langit at lupa.
20 Purihin ang Kataas-taasang Diyos,
na nagbigay sa iyo ng tagumpay!”
At ibinigay ni Abram kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng kanyang nasamsam buhat sa labanan.
21 Sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram, “Iyo na ang lahat ng bagay na nakuha mo, subalit ibalik mo sa akin ang lahat ng mga tauhan ko.”
22 Ngunit sumagot si Abram, “Sumumpa ako sa harapan ni Yahweh, ang Kataas-taasang Diyos na lumikha ng langit at lupa. 23 Nangako akong hindi kukuha ng anuman sa iyo, kahit kaputol na sinulid o tali ng sandalyas, para wala kang masabi na ikaw ang nagpayaman kay Abram. 24 Wala akong kukuning anuman para sa sarili ko. Ang mga nagamit lamang ng aking mga tauhan ang aking tatanggapin, at ang bahaging nauukol sa aking mga kakampi. Hayaan ninyong kunin nina Aner, Escol at Mamre ang bahaging nauukol sa kanila.”
Ang Kasunduan ng Diyos kay Abram
15 Pagkaraan ng lahat ng ito, si Abram ay nagkaroon ng isang pangitain. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Abram, huwag kang matakot. Ako ang iyong kalasag na mag-iingat sa iyo. Bibigyan kita ng napakalaking gantimpala.”
2 Ngunit sinabi ni Abram, “Panginoong Yahweh, ano pang kabuluhan ng gantimpala mo sa akin kung wala naman akong anak? Wala akong tagapagmana kundi si Eliezer na taga-Damasco. 3 Hindi mo ako pinagkalooban ng anak, kaya ang alipin kong ito ang magmamana ng aking ari-arian.”
4 Subalit sinabi ni Yahweh, “Hindi isang alipin ang iyong magiging tagapagmana; ang sarili mong anak ang magiging tagapagmana.” 5 Dinala(H) siya ni Yahweh sa labas at sinabi sa kanya, “Tumingin ka sa langit at masdan mo ang mga bituin! Mabibilang mo ba iyan? Ganyan karami ang magiging lahi mo.” 6 Si(I) Abram ay sumampalataya kay Yahweh, at dahil dito, siya'y itinuring ni Yahweh bilang isang taong matuwid.
7 Sinabi pa ni Yahweh kay Abram, “Ako ang kumuha sa iyo sa bayan ng Ur ng Caldea upang ibigay sa iyo ang lupaing ito.”
8 Itinanong naman ni Abram, “ Panginoong Yahweh, paano ko malalamang ito'y magiging akin?”
9 Sinabi sa kanya, “Dalhan mo ako ng isang baka, isang babaing kambing, at isang tupa, bawat isa'y tatlong taon ang gulang. Magdala ka rin ng isang kalapati at isang batu-bato.” 10 Dinala nga ni Abram ang lahat ng iyon at biniyak ang bawat isa maliban sa mga ibon. Inihanay niyang magkakapatong ang pinaghating hayop. 11 Bumabâ ang mga buwitre upang kainin ang mga ito, ngunit itinaboy sila ni Abram.
12 Nang(J) lumulubog na ang araw, nakatulog nang mahimbing si Abram, at nilukuban siya ng isang nakakapangilabot na kadiliman. 13 Sinabi(K) ni Yahweh, “Ang iyong mga anak at apo ay mangingibang-bayan at magiging alipin doon sa loob ng 400 taon. 14 Ngunit(L) paparusahan ko ang bansang aalipin sa kanila, at pag-alis nila roon ay marami silang kayamanang madadala. 15 Pahahabain ko ang iyong buhay; mamamatay at ililibing kang payapa. 16 Daraan muna ang apat na salinlahi bago sila makabalik dito, sapagkat hindi ko muna paparusahan ang mga Amoreo hanggang sa maging sukdulan ang kanilang kasamaan.”
17 Pagkalubog ng araw at laganap na ang dilim, biglang may lumitaw na palayok na umuusok, at maningas na sulo na dumaan sa pagitan ng mga pinatay na hayop. 18 At(M) nang araw na iyon, gumawa si Yahweh ng kasunduan nila ni Abram at ganito ang sinabi niya: “Ibibigay sa lahi mo ang lupaing ito, mula sa hanggahan ng Egipto hanggang sa Ilog Eufrates, 19 kasama ang lupain ng mga Cineo, Cenizeo, Cadmoneo, 20 Heteo, Perezeo at Refaita, 21 gayundin ang lupain ng mga Amoreo, Cananeo, Gergeseo at Jebuseo.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.