Chronological
40 Sinabi ni Yahweh kay Job,
2 “Ang mapaghanap ba ng mali ay mangangatwiran,
at sa Makapangyarihan ay makikipaglaban?
Sinumang sa Diyos ay nakikipagtalo,
ay dapat sumagot sa tanong na ito.”
3 Tumugon naman si Job,
4 “Narito, ako'y hamak at walang kabuluhan,
wala akong maisasagot, bibig ay tatakpan.
5 Sa panig ko'y nasabi na ang lahat ng sasabihin,
ako'y di na kikibo, nasabi'y di na uulitin.”
Ang Kapahayagan ng Kapangyarihan ng Diyos
6 Buhat sa bagyo, sinagot ni Yahweh si Job,
7 “Tumayo ka ngayon at magpakalalaki,
tanong ko'y sagutin, ikaw ay magsabi.
8 Ako pa ba ang nais mong palabasing masama
upang iyong palitawin na ikaw ang siyang tama?
9 Ang iyong lakas ba ay katulad ng sa Diyos?
Tinig mo ba'y dumadagundong, katulad ng kulog?
10 Kung gayon, balutin mo ang sarili ng dangal at kadakilaan,
magbihis ka muna ng luwalhati't kaningningan.
11 Ibuhos mo nga ang tindi ng iyong poot,
at ang mga palalo'y iyong ilugmok.
12 Subukin mong pahiyain ang mga palalo,
at ang masasama'y tapakan sa kanilang puwesto.
13 Ibaon mo silang lahat sa ilalim ng lupa,
sa daigdig ng mga patay sila'y itanikala.
14 Kung iyan ay magawâ mo, maniniwala ako sa iyo
na kaya mong magtagumpay sa sariling kakayahan mo.
15 “Ang dambuhalang hayop ay tingnan mo,
gaya mo'y nilikha ko dito sa mundo.
Ito'y parang baka kung kumain ng damo.
16 Ang lakas niya'y naiipon sa kanyang katawan;
ang kapangyarihan, sa himaymay ng kanyang laman.
17 Ang tigas ng buntot niya ay sedar ang katulad,
ang kanyang mga hita'y siksik at matatag.
18 Parang tanso ang kanyang mga buto,
sintigas ng bakal ang kanyang mga braso.
19 “Siya ay pangunahin sa mga nilikha,
ngunit magagapi nang sa kanya'y lumikha.
20 Siya'y nanginginain doon sa mga bundok,
doon sa tirahan ng kapwa niya hayop.
21 Siya'y doon lumalagi sa ilalim ng tinikan,
nakatago sa gitna ng mga talahib sa putikan.
22 Sanga ng mga puno ang sa kanya'y tumatakip,
sa kanya'y nakapaligid sa tabi nitong batis.
23 Hindi siya natatakot lumakas man ang agos;
ang Jordan man ay lumalim, mahinahon pa rin kung kumilos.
24 Siya kaya ay mahuli sa pamamagitan ng bingwit,
makuha kaya siya sa ilong sa pamamagitan ng kawit?
41 “Mahuhuli(A) mo ba ang Leviatan[a] sa pamamagitan ng pamingwit?
Maitatali mo ba ang dila nito sa pamamagitan ng lubid?
2 Matatalian mo kaya ng lubid ang ilong nito?
Tatagusan kaya ng kawit ang mga panga nito?
3 Siya kaya ay lumapit at lumuhod sa harap mo,
magsalita nang malumanay at magmakaawa sa iyo?
4 Siya kaya'y makiusap at ikaw ay pangakuan,
na sa habang buhay ikaw ay paglingkuran?
5 Siya kaya'y parang ibong tatalian at lalaruin
upang mga babaing lingkod mo ay aliwin?
6 Tawaran kaya siya ng mga mamimili,
paghatian kaya siya upang maipagbili?
7 Tablan kaya ang makapal niyang balat,
sa ulo kaya niya'y tumagos ang matulis na sibat?
8 Hawakan mo siya kahit na minsan lang,
hindi mo na uulitin dahil sa inyong paglalaban.
9 “Ang sinumang sa kanya'y makakakita,
sa lupa'y mabubuwal, nawawalan ng pag-asa.
10 Kapag siya'y ginambala, ubod siya ng bagsik.
Sa kanyang harapa'y walang nangangahas lumapit.
11 Sinong lulusob sa kanya at hindi mamamatay?
Walang makakagawa nito sa buong sanlibutan.
12 “Ang kanyang mga binti ay malaki at matatag,
at walang kaparis ang taglay nitong lakas.
13 Sino ang makakapag-alis sa panlabas niyang kasuotan?
May sandata na bang nakatusok sa balat niyang makapal?
14 Sa bibig niya'y sino kaya ang maaaring magbuka?
Nakakatakot na mga ngipin nakahanay sa bunganga niya.
15 Maraming kalasag, nakahanay sa kanyang likod;
sintigas ng bato at nakalagay nang maayos.
16-17 Masinsin ang pagkaayos, ito'y dikit-dikit,
walang pagitan, ni hangin ay di makasingit.
18 Kung siya ay bumahin, ang ilong ay nag-aapoy,
mata niya'y mapula parang araw sa dapit-hapon.
19 Mula sa bibig niya'y may apoy na lumalabas,
mga baga ng apoy ang doo'y sumisiklab.
20 Sa ilong niya'y nanggagaling ang makapal na usok,
parang usok na nagmumula sa kumukulong palayok at damong sinusunog.
21 Hininga niya'y nagbabaga, sa init ay nag-aalab;
naglalagablab na apoy sa bibig niya'y nagbubuhat.
22 Ang kanyang leeg nama'y puno ng kalakasan,
sinumang makakita sa kanya'y kinikilabutan.
23 Walang mahinang bahagi sa kanyang balat,
tulad ng bakal, matigas at makunat.
24 Ang tigas ng kanyang puso, bato ang katulad,
gaya ng batong gilingan sa tibay at tatag.
25 Kapag siya ay tumayo masisindak rin ang pinakamalakas,
wala silang magawâ, at sa takot ay tumatakas.
26 Pagkat siya'y di tatablan kahit na ng tabak,
maging ng palaso, ng punyal o ng sibat.
27 Sa kanya ang bakal ay parang dayaming marupok,
ang katulad nitong tanso ay kahoy na nabubulok.
28 Sa palaso'y hindi siya maaaring mapatakbo,
sa kanya'y parang dayami ang tirador at ang bato.
29 Kahoy na panghampas sa kanya'y para lamang patpat,
tumatawa lamang siya kapag siya'y sinisibat.
30 Kaliskis ng kanyang tiyan ay napakatalas,
at sa putik na daanan, nag-iiwan ng mga bakas.
31 Kaya niyang pakuluin ang malalim na tubig,
hinahalo niya ang dagat na parang palayok ng langis.
32 Ang kanyang madaana'y kumikislap sa liwanag,
ang akala mo sa tubig, puting buhok ang katulad.
33 Dito sa daigdig ay wala siyang katulad,
pagkat siya'y walang takot, hindi nasisindak.
34 Sa lahat ng mga hayop ay mababa ang tingin niya,
at sa kanilang lahat ang naghahari ay siya.”
Kinilala ni Job ang Kanyang Pagkakamali
42 Ito naman ang sagot ni Job kay Yahweh:
2 “Alam kong ang lahat ng bagay ay kaya ninyong gawin,
at walang makakapigil sa lahat ng inyong balakin.
3 Itinatanong(B) ninyo,
‘Sino akong nangahas na kayo'y pag-alinlanganan
gayong ako nama'y walang nalalaman?’
Nagsalita ako ng mga bagay na di ko nauunawaan,
ng mga hiwagang di abot ng aking isipan.
4 Sinabi(C) ninyong papakinggan ko ang iyong sasabihin,
at ang iyong mga tanong ay aking sasagutin.
5 Noo'y nakilala ko kayo dahil sa sinabi ng iba,
subalit ngayo'y nakita ko kayo ng sarili kong mga mata.
6 Kaya ako ngayon ay nagsisisi,
ikinahihiya lahat ng sinabi, sa alabok at abo, ako ay nakaupo.”
7 Pagkasabi nito kay Job, si Elifaz na Temaneo naman ang hinarap ni Yahweh. Sinabi niya, “Matindi ang galit ko sa iyo at sa dalawa mong kaibigan sapagkat hindi ninyo sinabi ang katotohanan tungkol sa akin tulad nang ginawa ni Job. 8 Kaya ngayon, kumuha kayo ng pitong toro at pitong tupa. Dalhin ninyo ito kay Job at sunugin bilang handog. Ipapanalangin kayo ni Job. Siya lamang ang papakinggan ko para hindi na kayo pagbayarin sa inyong kahangalan, dahil sa hindi ninyo paglalahad ng buong katotohanan tulad nang ginagawa niya.”
9 Ganoon nga ang ginawa nina Elifaz na Temaneo, Bildad na Suhita, at Zofar na Naamita. At ang panalangin ni Job ay dininig ni Yahweh.
Ibinalik ang Dating Kabuhayan ni Job
10 Ang(D) kabuhayan ni Job ay ibinalik ni Yahweh sa dati, nang ipanalangin nito ang tatlong kaibigan. At dinoble pa ni Yahweh ang kayamanan ni Job. 11 Lahat ng kapatid nito, mga kamag-anak at kakilala ay dumalaw sa kanya at nagsalu-salo sila. Bawat isa'y nakiramay sa nangyari sa kanya at nagbigay ng salapi at singsing na ginto.
12 Ang mga huling araw ni Job ay higit na pinagpala ni Yahweh. Binigyan niya ito ng labing-apat na libong tupa, anim na libong kamelyo, dalawang libong baka at sanlibong inahing asno. 13 Nagkaroon pa si Job ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. 14 Ang pangalan ng mga babae ay Jemima, Kezia at Keren-hapuc. 15 Ang mga anak na babae ni Job ang pinakamaganda sa buong lupain. Pinamanahan din niya ang mga ito, tulad ng mga anak na lalaki. 16 Si Job ay nabuhay pa nang sandaan at apatnapung taon. Inabutan pa siya ng kanyang mga apo sa ikaapat na salinlahi. 17 Matandang-matanda na siya nang mamatay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.