Chronological
Si Saul ay nainggit kay David.
18 At nangyari, nang siya'y makatapos na magsalita kay Saul, na (A)ang kaluluwa ni Jonathan ay nalakip sa kaluluwa ni David, (B)at minahal ni Jonathan siya na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.
2 At kinuha siya ni Saul nang araw na yaon, (C)at hindi na siya tinulutang umuwi sa bahay ng kaniyang ama.
3 Nang magkagayo'y si Jonathan at si David ay nagtibay ng isang tipan, sapagka't minahal niya siya na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.
4 At hinubad ni Jonathan ang kaniyang balabal na nakasuot sa kaniya, at ibinigay kay David, at ang kaniyang kasuutan pati ng kaniyang tabak, at ng kaniyang busog at ng kaniyang pamigkis.
5 At lumalabas si David saan man suguin ni Saul, at siya'y nagpakabait: at inilagay ni Saul siya sa mga lalaking mangdidigma, at minabuti ng paningin ng buong bayan, at gayon din ng paningin ng mga lingkod ni Saul.
6 At nangyari pagdating nila, nang bumalik si David mula sa pagpatay sa Filisteo, na ang mga babae ay (D)lumabas mula sa lahat ng mga bayan ng Israel, na nagaawitan at nagsasayawan, upang salubungin ang haring si Saul, ng mga pandereta, ng kagalakan, at ng panugtog ng tugtugin.
7 (E)At nagaawitan ang mga babae sa kanilang pagtugtog, at sinasabi,
Pinatay ni (F)Saul ang kaniyang libolibo,
At ni David ang kaniyang laksa-laksa.
8 at nagalit na mainam si Saul at ang sabing ito ay isinama niya ng loob; at kaniyang sinabi, Kanilang inilagay kay David ay laksalaksa, at sa akin ay kanilang inilagay ang libolibo lamang: (G)at ano na lamang ang kaniyang tatangkilikin kundi ang kaharian?
9 At inirapan ni Saul si David mula sa araw na yaon.
10 At nangyari nang kinabukasan, na ang masamang (H)espiritu na mula sa Dios ay dumating na makapangyarihan kay Saul, (I)at siya'y nanghula sa gitna ng bahay: at si David ay (J)tumugtog ng kaniyang kamay, gaya ng kaniyang ginagawa araw-araw; (K)at hawak ni Saul ang kaniyang sibat sa kaniyang kamay.
11 (L)At inihagis ni Saul ang sibat; sapagka't kaniyang sinabi, Aking tutuhugin si David sa dinding. At tumanan si David sa kaniyang harap na makalawa.
12 At natakot si Saul kay David, (M)sapagka't ang Panginoon ay sumasakaniya, (N)at nahiwalay na kay Saul.
13 Kaya't inihiwalay ni Saul siya sa kaniya, at siya'y ginawa niyang punong kawal sa isang libo; (O)at siya'y naglalabas pumasok sa harap ng bayan.
14 Nagpakabait si David sa lahat ng kaniyang kilos; at ang Panginoon ay sumasakaniya.
15 At nang makita ni Saul na siya'y nagpakabait, siya'y natakot sa kaniya.
16 (P)Nguni't minamahal ng buong Israel at Juda si David; sapagka't siya'y naglalabas pumasok sa harap nila.
Ipinakipagtipan si Merab kay David.
17 At sinabi ni Saul kay David, Narito ang aking lalong matandang anak na babae na si (Q)Merab; siya'y aking ibibigay sa iyo na (R)asawa: magpakatapang ka lamang dahil sa akin, at iyong ilaban ang mga (S)pagbabaka ng Panginoon. Sapagka't sinabi ni Saul, (T)Huwag pagbuhatan siya ng aking kamay, kundi ang kamay ng mga Filisteo, ang magbuhat sa kaniya.
18 At sinabi ni David kay Saul, (U)Sino ako at ano ang aking buhay, o ang sangbahayan ng aking ama sa Israel, upang maging manugang ako ng hari?
19 Nguni't nangyari na sa panahong ibibigay kay David si Merab na anak na babae ni Saul, ay ibinigay na asawa kay (V)Adriel na Meholatita.
20 At sinisinta ni (W)Michal na anak na babae ni Saul si David: at kanilang isinaysay kay Saul, at ang bagay ay ikinalugod niya.
21 At sinabi ni Saul, Aking ibibigay sa kaniya siya, upang siya'y maging silo sa kaniya, at upang (X)ang kamay ng mga Filisteo ay maging laban sa kaniya. Kaya't sinabing ikalawa ni Saul kay David: Ikaw ay magiging aking manugang sa araw na ito.
22 At iniutos ni Saul sa kaniyang mga lingkod, na sinasabi, Makipagusap kayo kay David ng lihim, at inyong sabihin, Narito, kinatutuwaan ka ng hari at minamahal ka ng lahat ng kaniyang mga lingkod: ngayon nga ay maging manugang ka ng hari.
23 At sinalita ng mga lingkod ni Saul ang mga salitang yaon sa pakinig ni David. At sinabi ni David, (Y)Inaakala ba ninyo na magaang bagay ang maging manugang ng hari, dangang ako'y isang dukhang tao at niwawalang kabuluhan?
24 At isinaysay ng mga lingkod ni Saul sa kaniya, na sinabi, Ganitong paraan nagsalita si David.
25 At sinabi ni Saul, Ganito ang inyong sasabihin kay David: (Z)Hindi nagnanasa ang hari ng anomang bigaykaya, kundi isang daang balat ng masama ng mga Filisteo, upang mapanghigantihan ang mga kaaway ng hari. (AA)Ang balak nga ni Saul ay maibuwal si David sa pamamagitan ng kamay ng mga Filisteo.
26 At nang saysayin ng kaniyang mga lingkod kay David ang mga salitang ito, ay ikinalugod na mabuti ni David na maging manugang siya ng hari. (AB)At ang mga araw ay hindi pa nagaganap;
27 At tumindig si David at yumaon, siya at (AC)ang kaniyang mga lalake, at pumatay sa mga Filisteo ng dalawang daang lalake; (AD)at dinala ni David ang kanilang mga balat ng masama, at kaniyang ibinigay ng buong bilang sa hari, upang siya'y maging manugang ng hari. At ibinigay na asawa sa kaniya ni Saul si Michal na kaniyang anak na babae.
28 At nakita at nalaman ni Saul na ang (AE)Panginoon ay sumasa kay David; at sinisinta si David ni Michal na anak ni Saul.
29 At si Saul ay lalong natatakot kay David; at naging kaaway ni David si Saul na palagi.
30 Nang magkagayo'y lumabas ang mga pangulo ng mga Filisteo: at nangyari, na sa tuwing sila'y lumalabas ay nagpakabait si David kay sa lahat ng mga lingkod ni Saul; sa gayon ang kaniyang pangalan ay lalong (AF)namahal.
Si Jonathan ay namagitan kay David at kay Saul.
19 At nagsalita si Saul kay Jonathan na kaniyang anak, at sa lahat ng kaniyang mga lingkod, na kanilang patayin si David. (AG)Nguni't si Jonathan na anak ni Saul ay naliligayang mainam kay David.
2 At isinaysay ni Jonathan kay David, na sinasabi, Pinagsisikapan ni Saul na aking ama na patayin ka: ngayon nga'y isinasamo ko sa iyo, na magingat ka sa kinaumagahan, at manatili sa isang lihim na dako, at magtago ka:
3 At ako'y lalabas at tatayo sa siping ng aking ama sa parang na iyong kinaroroonan, at ako'y makikipagusap sa aking ama ng tungkol sa iyo; at kung may makita akong anoman, ay aking sasaysayin sa iyo.
4 At nagsalita si Jonathan kay Saul na kaniyang ama, ng mabuti tungkol kay David, at sinabi sa kaniya, Huwag magkasala ang hari laban sa kaniyang lingkod na si David; sapagka't hindi siya nagkasala laban sa iyo; at sapagka't ang kaniyang mga gawa ay naging mabuti sa iyo:
5 Sapagka't kaniyang ipinain ang (AH)kaniyang buhay, (AI)at sinaktan ang Filisteo, (AJ)at gumawa ang Panginoon ng dakilang pagtatagumpay sa ganang buong Israel: nakita mo at nagalak ka; bakit nga magkakasala ka laban sa (AK)walang salang dugo, na papatayin si David ng walang anomang kadahilanan?
6 At dininig ni Saul ang tinig ni Jonathan; at sumumpa si Saul: Buhay ang Panginoon, siya'y hindi papatayin.
7 At tinawag ni Jonathan si David, at isinaysay ni Jonathan sa kaniya ang lahat ng mga bagay na yaon. At dinala ni Jonathan si David kay Saul, at siya'y lumagay sa (AL)kaniyang harap, na gaya ng dati.
Iniligtas ni Michal ang buhay ni David.
8 At nagkaroong muli ng digma: at lumabas si David, at nakipaglaban sa mga Filisteo, at pumatay sa kanila ng malaking pagpatay; at sila'y tumakas sa harap niya.
9 At isang espiritung masama na mula sa Panginoon ay suma kay Saul, nang siya'y nakaupo sa kaniyang bahay na tangan niya ang kaniyang sibat sa kaniyang kamay; at (AM)tumugtog si David sa pamamagitan ng kaniyang kamay.
10 At pinagsikapan ni Saul na tuhugin ng sibat si David sa dinding; nguni't siya'y nakatakas sa harap ni Saul at ang kaniyang tinuhog ng sibat ay ang dinding: at tumakas si David at tumanan ng gabing yaon.
11 (AN)At nagsugo si Saul ng mga sugo sa bahay ni David, upang siya'y bantayan, at siya'y patayin sa kinaumagahan: at sinaysay sa kaniya ni Michal na asawa ni David, na sinasabi, Kundi mo iligtas ang iyong buhay ngayong gabi bukas ay papatayin ka.
12 (AO)Kaya inihugos ni Michal si David sa isang dungawan, at siya'y yumaon, at tumakas, at tumanan.
13 At kinuha ni Michal ang mga (AP)terap, at inihiga sa higaan at nilagyan sa ulunan ng isang unan na buhok ng kambing, at tinakpan ng mga kumot.
14 At nang magsugo si Saul ng mga sugo upang dakpin si David, kaniyang sinabi, Siya'y may sakit.
15 At nagsugo si Saul ng mga sugo upang tingnan si David, na sinasabi, Ipanhik ninyo siya sa akin na nasa kaniyang higaan, upang aking patayin siya.
16 At nang pumasok ang mga sugo, narito, ang mga terap at nasa higaan, pati ng unang buhok ng kambing sa ulunan niyaon.
17 At sinabi ni Saul kay Michal, Bakit mo ako dinaya ng ganiyan, at iyong pinaalis ang aking kaaway, na anopa't siya'y nakatanan? At sumagot si Michal kay Saul, (AQ)Kaniyang sinabi sa akin: Bayaan mo akong yumaon: bakit kita papatayin?
Nanghula ang mga sugo ni Saul.
18 Si David nga ay tumakas, at tumanan, at naparoon kay Samuel sa (AR)Rama, at isinaysay sa kaniya ang lahat ng ginawa ni Saul sa kaniya. At siya at si Samuel ay yumaon at tumahan sa Najoth.
19 At nasaysay kay Saul na sinasabi, Narito si David ay nasa Najoth sa Rama.
20 At nagsugo si Saul ng mga sugo upang dakpin si David: (AS)at nang kanilang makita ang pulutong ng mga propeta na nanganghuhula, at si Samuel ay tumatayong pinakapangulo sa kanila, ang Espiritu ng Dios ay dumating sa mga sugo ni Saul, at sila naman ay (AT)nanganghula.
21 At nang maisaysay kay Saul, siya'y nagsugo ng ibang mga sugo, at sila man ay nanganghula. At si Saul ay nagsugo uli ng mga sugo na ikaitlo, at sila man ay nanganghula.
22 Nang magkagayo'y naparoon din naman siya sa Rama, at dumating sa dakilang balon na nasa Socho: at siya'y tumanong, at nagsabi, Saan naroon si Samuel at si David? At sinabi ng isa, Narito, sila'y nasa Najoth sa Rama.
23 At siya'y naparoon doon sa Najoth sa Rama: at ang Espiritu ng Dios ay dumating din sa kaniya, at siya'y nagpatuloy, at nanghula hanggang sa siya'y dumating sa Najoth sa Rama.
24 At siya rin nama'y naghubad ng kaniyang mga suot, at siya man ay (AU)nanghula sa harap ni Samuel, at nahigang hubad sa buong araw na yaon at sa buong gabing yaon. Kaya't kanilang sinasabi, (AV)Pati ba si Saul ay nasa gitna ng mga propeta?
Ang sumpaan ng dalawa ni David, at ni Jonathan.
20 At si David ay tumakas mula sa Najoth, na nasa Rama, at siya'y dumating at nagsabi sa harap ni Jonathan, Anong aking ginawa? anong aking kasamaan? at anong aking kasalanan sa harap ng iyong ama, upang kaniyang usigin ang aking buhay?
2 At sinabi niya sa kaniya, Malayo nawa; hindi ka mamamatay: narito, ang aking ama ay hindi gumagawa ng anomang bagay na malaki o maliit kundi niya ipaalam sa akin: at bakit ililihim sa akin ng aking ama ang bagay na ito? hindi gayon.
3 At gayon ma'y si David ay sumumpa, at nagsabi, Talastas na maigi ng iyong ama, na (AW)ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin; at kaniyang sinasabi, Huwag maalaman ni Jonathan ito, baka siya'y magdalamhati; nguni't (AX)buhay nga ang Panginoon, at (AY)buhay ang iyong kaluluwa, na iisang hakbang ang pagitan ko sa kamatayan.
4 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan kay David, Anomang adhikain ng iyong kaluluwa ay aking gagawin dahil sa iyo.
5 At sinabi ni David kay Jonathan, (AZ)Narito, bukas ay bagong buwan, at ako'y di marapat na di sumalo sa hari; nguni't bayaan mo akong yumaon upang ako'y (BA)magkubli sa parang hanggang sa ikatlong araw sa paglubog ng araw.
6 Kung ako'y punahin ng iyong ama, iyo ngang sabihing, Hiniling na mainam sa akin ni David na siya'y patakbuhin sa (BB)Beth-lehem na kaniyang bayan: sapagka't siyang (BC)paghahain na taonan sa lahat ng angkan.
7 Kung kaniyang sabihing ganito, Mabuti; ang iyong lingkod ay matitiwasay; nguni't kung siya'y magalit, talastasin mo nga na ang kasamaan ay ipinasiya niya.
8 Kaya pagmagandahang loob mo ang iyong lingkod; (BD)sapagka't iyong dinala ang iyong lingkod sa isang tipan ng Panginoon (BE)sa iyo; nguni't kung magtaglay ako ng kasamaan, patayin mo ako; sapagka't bakit mo pa dadalhin ako sa iyong ama?
9 At sinabi ni Jonathan, Malayo nawa sa iyo: sapagka't kung matalastas ko sa anomang paraan na ang kasamaan ay ipinasiya ng ama kong sumapit sa iyo, hindi ko ba sasaysayin sa iyo?
10 Nang magkagayo'y sinabi ni David kay Jonathan, Sino ang magsasaysay sa akin, kung sakaling ang iyong ama ay sumagot sa iyo na may kagalitan?
11 At sinabi ni Jonathan kay David, Halika at tayo'y lumabas sa parang. At sila'y kapuwa lumabas sa parang.
12 At sinabi ni Jonathan kay David, Ang Panginoon, ang Dios ng Israel, maging saksi; pagka aking natarok ang aking ama sa oras na ito sa kinabukasan o sa ikatlong araw, narito, kung maging mabuti kay David, hindi ko nga ba pasasapitin sa iyo, at ipababatid (BF)sa iyo?
13 Kung mabutihin ng aking ama na gawan ka ng kasamaan, ay hatulan ng (BG)Panginoon si Jonathan, malibang ipabatid ko sa iyo at payaunin ka, upang ikaw ay yumaong payapa: (BH)at ang Panginoon ay sumaiyo nawa na gaya ng siya'y nasa aking ama.
14 At huwag mangyari kailanman hanggang ako'y nabubuhay, na di mo ako pagpakitaan ng kagandahang loob ng Panginoon upang ako'y huwag mamatay:
15 (BI)Subali't huwag mo ring ihihiwalay ang iyong kagandahang loob sa aking sangbahayan magpakailan man: huwag kahit man lipulin ng Panginoon ang lahat ng mga kaaway ni David sa balat ng lupa.
16 Sa gayo'y nakipagtipan si Jonathan sa sangbahayan ni David, na sinabi, (BJ)At hihingin ng Panginoon sa kamay ng mga kaaway ni David.
17 At pinasumpa uli ni Jonathan si David dahil sa pagibig niya sa kaniya: (BK)sapagka't kaniyang minamahal siya na gaya ng pagmamahal niya sa kaniyang sariling kaluluwa.
18 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan sa kaniya, (BL)Bukas ay bagong buwan, at ikaw ay pupunahin, sapagka't sa iyong upuan ay walang nakaupo.
19 At pagtatagal mo ng tatlong araw ay bababa kang madali at (BM)paroroon ka sa dakong iyong pinagtaguan ng araw na pag-usapan ito, at ikaw ay maghihintay sa tabi ng bato ng Ezel.
20 At ako'y papana ng tatlong palaso sa dako niyaon na parang ako'y may pinatatamaan.
21 At, narito, aking susuguin ang bata: Ikaw ay yumaon na hanapin mo ang mga palaso. Kung aking sabihin sa bata: Narito, ang mga palaso ay nangarito sa dako mo rito: pagkunin mo, at parito ka; sapagka't may kapayapaan sa iyo at walang anoman, buhay ang Panginoon.
22 Nguni't kung aking sabihing ganito sa bata: Narito, ang mga palaso ay nangasa dako mo pa roon: ituloy mo ang iyong lakad, sapagka't pinayaon ka ng Panginoon.
23 (BN)At tungkol sa usap na ating pinagsalitaan, narito, ang Panginoon ay nasa gitna natin magpakailan man.
Nagalit si Saul kay Jonathan.
24 Sa gayo'y nagkubli si David sa parang: at nang dumating ang bagong buwan, ang hari ay umupong kumain.
25 At umupo ang hari sa kaniyang upuan na gaya ng kinaugalian niya sa makatuwid baga'y sa upuang nasa siping ng dinding; at tumayo si Jonathan, at umupo si Abner sa siping ni Saul; nguni't sa upuan ni David ay walang nakaupo.
26 Gayon ma'y hindi nagsalita si Saul ng anoman sa araw na yaon: sapagka't kaniyang inisip: May bagay na nangyari sa kaniya, (BO)siya'y hindi malinis; tunay na siya'y hindi malinis.
27 At nangyari nang kinabukasan, pagkaraan ng bagong buwan na ikalawang araw, na sa upuan ni David ay walang nakaupo, sinabi ni Saul kay Jonathan na kaniyang anak, Bakit hindi naparirito ang anak ni Isai upang kumain, ni kahapon, ni ngayon man.
28 At sumagot si (BP)Jonathan kay Saul, Namanhik si David na bayaan ko siya na pumaroon sa Beth-lehem:
29 At kaniyang sinabi, Isinasamo ko sa iyo na payaunin mo ako; sapagka't ang aming angkan ay may paghahain sa bayan; at iniutos sa akin ng aking kapatid na dumoon; at ngayon, kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, ay bayaan mo akong yumaon, isinasamo ko sa iyo, at aking tingnan ang aking mga kapatid. Kaya hindi siya naparito sa dulang ng hari.
30 Nang magkagayo'y nagalab ang galit ni Saul laban kay Jonathan, at sinabi niya sa kaniya, Ikaw ay anak ng masama at mapanghimagsik na babae, hindi ko ba nalalaman na iyong pinili ang anak ni Isai sa ikahihiya mo, at sa ikahihiya ng kahubaran ng iyong ina?
31 Sapagka't habang nabubuhay ang anak ni Isai sa ibabaw ng lupa, ikaw ay hindi mapapanatag ni ang iyong kaharian man. Kaya ngayo'y iyong ipasundo at dalhin siya sa akin, sapagka't siya'y walang pagsalang (BQ)mamamatay.
32 At sumagot si Jonathan kay Saul na kaniyang ama; at nagsabi sa kaniya, (BR)Bakit siya papatayin? anong kaniyang ginawa?
33 (BS)At inihandulong ni Saul ang kaniyang sibat sa kaniya upang saktan siya; (BT)na doon nakilala ni Jonathan na pasiya ng kaniyang ama na patayin si David.
34 Sa gayo'y tumindig si Jonathan sa dulang na may mabangis na galit, at hindi kumain sa ikalawang araw ng buwan: sapagka't siya'y nagdalamhati dahil kay David, sapagka't hiniya siya ng kaniyang ama.
35 At nangyari sa kinaumagahan, na si David ay nilabas ni Jonathan sa parang sa takdang panahon, at isang munting bata ang kasama niya.
36 At sinabi niya sa kaniyang bataan, Takbo, hanapin mo ngayon ang mga palaso na aking ipinana. At pagtakbo ng bataan, kaniyang ipinana ang palaso sa dako roon niya.
37 At nang dumating ang bataan sa dako ng palaso na ipinana ni Jonathan, sinigawan ni Jonathan ang bataan, at sinabi, Hindi ba ang palaso ay nasa (BU)dako mo pa roon?
38 At sinigawan ni Jonathan ang bataan, Tulin, magmadali ka, huwag kang tumigil. At pinulot ng bataan ni Jonathan ang mga palaso, at naparoon sa kaniyang panginoon.
39 Nguni't hindi naalaman ng bataan ang anoman: si Jonathan at si David lamang ang nakaalam ng bagay.
40 At ibinigay ni Jonathan ang kaniyang sandata sa kaniyang bataan, at sinabi sa kaniya, Yumaon ka, dalhin mo sa bayan.
41 At pagkayaon ng bataan, si David ay tumindig sa dakong tungo sa Timugan, at sumubsob sa lupa, at yumukod na makaitlo: at sila'y naghalikan, at umiyak kapuwa, hanggang si David ay humigit.
42 At sinabi ni Jonathan kay David, (BV)Yumaon kang payapa, yamang tayo'y kapuwa sumumpa sa pangalan ng Panginoon na nagsasabi, Ang Panginoon ay lalagay sa gitna natin, at sa gitna ng aking binhi at ng iyong binhi, magpakailan man. At siya'y bumangon at yumaon: at pumasok si (BW)Jonathan sa bayan.
Ang Panginoon ay kanlungan. Sa Pangulong manunugtog. Awit ni David.
11 Sa Panginoon ay (A)nanganganlong ako:
(B)Ano't inyong sinasabi sa aking kaluluwa,
Tumakas ka na gaya ng isang ibon sa iyong bundok?
2 Sapagka't, (C)narito, binalantok ng masama ang busog,
Kanilang inihahanda ang kanilang palaso sa bagting, Upang kanilang mapahilagpusan sa kadiliman ang matuwid sa puso,
3 (D)Kung ang mga patibayan ay masira,
Anong magagawa ng matuwid?
4 (E)Ang panginoon ay nasa kaniyang banal na templo,
Ang Panginoon, ang kaniyang luklukan ay nasa langit;
Ang kaniyang mga mata ay nagmamalas, ang kaniyang mga talukap-mata ay nagmamasid, sa mga anak ng mga tao.
5 (F)Sinusubok ng Panginoon ang matuwid;
Nguni't ang masama at ang umiibig ng pangdadahas ay kinapopootan ng kaniyang kaluluwa.
6 (G)Sa masama ay magpapaulan siya ng mga silo;
Apoy at azufre at nagaalab na hangin ay (H)magiging bahagi ng kanilang saro.
7 Sapagka't ang Panginoon ay matuwid; (I)minamahal niya ang katuwiran:
(J)Mamasdan ng matuwid ang kaniyang mukha.
Sa Pangulong Manunugtog; itinugma sa Al-tashheth. (A)Awit ni David. Michtam: nang magsugo si Saul, at kanilang bantayan ang bahay upang patayin siya.
59 Iligtas mo ako (B)sa aking mga kaaway, Oh Dios ko:
Ilagay mo ako sa mataas sa kanila na nagsisibangon laban sa akin.
2 Iligtas mo ako sa mga manggagawa ng kasamaan,
At iligtas mo ako sa mga mabagsik na tao.
3 Sapagka't narito, kanilang binabakayan ang aking kaluluwa;
Ang mga makapangyarihan ay (C)nagpipisan laban sa akin:
(D)Hindi dahil sa aking pagsalangsang, o sa aking kasalanan man, Oh Panginoon.
4 Sila'y nagsisitakbo at nagsisihanda na wala akong sala:
(E)Ikaw ay gumising na tulungan mo ako, at masdan mo.
5 Sa makatuwid baga'y ikaw, (F)Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, na Dios ng Israel,
Ikaw ay bumangon upang iyong dalawin ang lahat ng mga bansa:
Huwag kang maawa sa kanino mang masamang mananalangsang. (Selah)
6 Sila'y nagsibalik sa kinahapunan, (G)sila'y nagsitahol na parang aso,
At nililigid ang bayan.
7 Narito, sila'y nanunungayaw ng kanilang bibig;
(H)Mga tabak ay nangasa kanilang mga labi:
Sapagka't (I)sino, sabi nila, ang nakikinig?
8 Nguni't ikaw, Oh Panginoon, (J)tatawa sa kanila;
Iyong tutuyain ang lahat ng mga bansa.
9 Dahil sa kaniyang kalakasan, didinggin kita;
(K)Sapagka't ang Dios ay aking matayog na moog.
10 (L)Ang aking Dios pati ng kaniyang kagandahang-loob ay sasalubong sa akin:
Ipakikita ng Dios (M)sa akin ang aking nasa sa aking mga kaaway.
11 (N)Huwag mo silang patayin, baka makalimot ang aking bayan;
Pangalatin mo sila ng iyong kapangyarihan, at ibaba mo sila,
Oh Panginoon na kalasag namin.
12 (O)Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi,
Makuha nawa sila sa kanilang kapalaluan,
At dahil sa sumpa at pagsisinungaling na kanilang sinalita.
13 (P)Pugnawin mo sila sa poot, pugnawin mo sila, upang sila'y mawala:
At (Q)ipakilala mo sa kanila na ang Dios ay nagpupuno sa Jacob,
Hanggang sa mga wakas ng lupa. (Selah)
14 At sa kinahapunan ay papagbalikin mo sila, pahagulhulin mo silang parang aso,
At libutin nila ang bayan.
15 (R)Sila'y gagala na magmamanhik-manaog dahil sa pagkain,
At maghihintay buong gabi kung hindi sila mabusog.
16 Nguni't aking aawitin ang iyong kalakasan;
Oo, aking aawiting malakas ang iyong kagandahang-loob sa kinaumagahan:
Sapagka't ikaw ay naging aking matayog na moog,
At kanlungan sa kaarawan ng aking kabagabagan.
17 Sa iyo, Oh (S)kalakasan ko, aawit ako ng mga pagpuri:
Sapagka't ang Dios ay aking matayog na moog, ang Dios ng aking kaawaan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978