Chronological
Masamang Balak kay Nehemias
6 Nabalitaan nina Sanbalat, Tobias at ni Gesem na taga-Arabia, pati ng iba naming mga kaaway, na naitayo ko na ang pader at wala na itong butas bagaman hindi ko pa nailalagay ang mga pinto nito. 2 Inanyayahan ako nina Sanbalat at Gesem na makipag-usap sa kanila sa isang nayon sa Kapatagan ng Ono. Alam kong may masama silang balak sa akin. 3 Kaya't nagpadala ako ng mga sugo para sabihin sa kanila, “Mahalaga ang aking ginagawa rito kaya hindi ako makakapunta riyan. Hindi ko maaaring ipatigil ang trabaho rito para makipagkita lamang sa inyo.” 4 Apat na beses nila akong inanyayahan at apat na beses ko rin silang tinanggihan. 5 Sa ikalimang pagkakataon ay inanyayahan akong muli ni Sanbalat sa pamamagitan ng isang bukás na liham na 6 ganito ang mensahe:
“Balitang-balita sa iba't ibang bansa at pinapatunayan ni Gesem[a] na ikaw at ang mga Judio ay nagbabalak maghimagsik, kaya itinatayo mong muli ang pader. May balita pang gusto mong maging hari. 7 Sinasabi pang may mga propeta kang inutusan upang ipahayag sa Jerusalem na ikaw na ang hari ng Juda. Tiyak na alam na ito ng hari, kaya pumarito ka agad at pag-usapan natin ang bagay na ito.”
8 Ito naman ang sagot ko, “Walang katotohanan ang mga pinagsasasabi mo. Gawa-gawa mo lamang ang mga iyan.” 9 Tinatakot nila kami upang itigil ang gawain. Nanalangin ako, “O Diyos, palakasin po ninyo ako.”
10 Minsan ay dinalaw ko si Semaya na anak ni Delaias at apo ni Mehetabel, sapagkat hindi siya makaalis sa kanyang bahay. Sinabi niya sa akin, “Halika. Pumunta tayo doon sa Templo, sa tahanan ng Diyos, at doon ka magtago. Sapagkat anumang oras ngayong gabi ay papatayin ka nila.”
11 Ngunit sumagot ako, “Hindi ako ang lalaking tumatakbo o nagtatago! Akala mo ba'y magtatago ako sa Templo para iligtas ang aking sarili? Hindi ko gagawin iyon.”
12 Napag-isip-isip kong hindi isinugo ng Diyos si Semaya. Binayaran lamang siya nina Sanbalat at Tobias upang ako'y bigyan niya ng babala. 13 Sinuhulan lamang nila siya upang takutin ako at itulak sa pagkakasala. Sa ganoong paraan, masisira nila ang aking pangalan at ilagay ako sa kahihiyan.
14 Nanalangin ako, “O Diyos, parusahan po ninyo sina Tobias at Sanbalat sa ginawa nila sa akin. Gayundin po ang gawin ninyo kay Noadias, ang babaing propeta at iba pang mga propeta na nagtangkang takutin ako.”
Natapos ang Trabaho
15 Pagkaraan ng limampu't dalawang araw na paggawa, natapos ang pader noong ikadalawampu't limang araw ng ikaanim na buwan. 16 Nang mabalitaan ng aming mga kaaway sa mga bansang nakapaligid na tapos na ang aming trabaho, napahiya sila at napag-isip-isip nilang ito'y nagawa namin dahil sa tulong ng aming Diyos.
17 Nang panahong iyon, nagsusulatan sina Tobias at ang mga pinuno sa Juda. 18 Maraming taga-Juda ang pumanig sa kanya sapagkat siya'y manugang ng Judiong si Secanias na anak ni Arah. Bukod dito, napangasawa ng anak niyang si Jehohanan ang anak na dalaga ni Mesulam na anak ni Berequias. 19 Sa harapan ko'y lagi nilang pinupuri ang ginawa ni Tobias at lagi nilang ibinabalita sa kanya ang aking sinasabi. At patuloy siyang nagpapadala ng sulat sa akin upang ako'y takutin.
Naglagay ng mga Pinuno sa Jerusalem
7 Natapos ang pader ng lunsod at naikabit na ang mga pintuan nito. May itinalaga na ring mga bantay, mga mang-aawit, at mga Levita. 2 Pagkatapos nito, ang Jerusalem ay inilagay ko sa pamamahala ng dalawang kalalakihan, si Hanani na aking kapatid at si Hananias na pinuno ng mga bantay sa kuta. Si Hananias ay mapagkakatiwalaan at malaki ang takot sa Diyos kaysa iba. 3 Iniutos kong ang mga pintuan ng Jerusalem ay bubuksan lamang kapag mataas na ang araw, isasara at ikakandado agad paglubog ng araw bago magpahinga ang mga bantay. Iniutos ko ring maglagay sila ng mga bantay-pintuan na taga-Jerusalem. Itinalaga nila ang ilan sa mga ito sa mga bantayan at ang iba nama'y sa malapit sa kani-kanilang bahay.
Ang Listahan ng mga Bumalik Mula sa Pagkabihag(A)
4 Bagama't malaki ang lunsod ng Jerusalem, kakaunti pa lamang ang mga tao dito at hindi pa nagagawang lahat ang mga bahay. 5 Pinangunahan ako ng Diyos upang tipunin ang mga tao at ang kanilang mga pinuno at mga hukom para suriin ang listahan ng kanilang mga angkan. Natagpuan ko ang listahan ng mga angkan na unang nagbalik mula sa pagkabihag sa Babilonia. 6 Ito ang mga Judiong nabihag ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia at muling nakabalik sa Jerusalem at sa kani-kanilang bayan sa Juda: 7 Ang mga pinuno nila ay sina Zerubabel, Josue, Nehemias, Azarias, Raamias, Nahamani, Mordecai, Bilsan, Misperet, Bigvai, Nehum at Baana. 8-25 Ito ang listahan ng mga angkan ng Israel at ng bilang ng bawat angkan na bumalik mula sa pagkabihag:
Angkan | Bilang |
---|---|
Paros | 2,172 |
Sefatias | 372 |
Arah | 652 |
Pahat-moab na mula sa angkan ni Jeshua at Joab | 2,818 |
Elam | 1,254 |
Zatu | 845 |
Zacai | 760 |
Binui | 648 |
Bebai | 628 |
Azgad | 2,322 |
Adonikam | 667 |
Bigvai | 2,067 |
Adin | 655 |
Ater na tinatawag ding Hezekias | 98 |
Hasum | 328 |
Bezai | 324 |
Harif | 112 |
Gibeon | 95 |
26-38 Ito naman ang listahan ng mga bumalik ayon sa bayang pinagmulan ng kanilang mga ninuno:
Bayan | Bilang |
---|---|
Bethlehem at Netofa | 188 |
Anatot | 128 |
Beth-azmavet | 42 |
Jearim, Quefira, at Beerot | 743 |
Rama at Geba | 621 |
Micmas | 122 |
Bethel at Ai | 123 |
Nebo | 52 |
Elam | 1,254 |
Harim | 320 |
Jerico | 345 |
Lod, Hadid at Ono | 721 |
Senaa | 3,930 |
39-42 Ito ang listahan ng mga angkan ng mga pari na nagbalik mula sa pagkabihag: angkan ni Jedaias mula sa lipi ni Jeshua, 973; angkan ni Imer, 1,052; angkan ni Pashur, 1,247; angkan ni Harim, 1,017.
43 Ito ang listahan ng mga angkan ng mga Levita na nagbalik mula sa pagkabihag: angkan nina Jeshua at Kadmiel mula sa lipi ni Hodavias, 74.
44 Mga mang-aawit sa Templo: angkan ni Asaf, 148.
45 Mga bantay sa Templo: angkan nina Sallum, Ater, Talmon, Akub, Hatita at Sobai, 138.
46-56 Ito naman ang listahan ng mga angkan ng mga manggagawa sa Templo na nagbalik mula sa pagkabihag:
Ziha, Hasufa, Tabaot,
Keros, Sia, Padon,
Lebana, Hagaba, Salmai,
Hanan, Gidel, Gahar,
Reaias, Rezin, Nekoda,
Gazam, Uza, Pasea,
Besai, Meunim, Nefusesim,
Bakbuk, Hakufa, Harhur,
Bazlit, Mehida, Harsa,
Barkos, Sisera, Tema,
Nezias at Hatifa.
57-59 Ito ang listahan ng angkan ng mga lingkod ni Solomon na bumalik mula sa pagkabihag: mga angkan nina Sotai, Soferet, Perida, Jaala, Darkon, Gidel, Sefatias, Hatil, Poqueret-hazebaim at Ammon.
60 Ang kabuuang bilang ng mga nakabalik na mga manggagawa sa Templo na mga anak ng mga lingkod ni Solomon ay 392.
61-62 Ito naman ang mga nakabalik mula sa Tel-mela, Tel-harsa, Querub, Adon at Imer ngunit hindi nila napatunayang sila'y mga Israelita: mga angkan nina Delaias, Tobias at Nekoda, 642.
63 Ito naman ang mga nakabalik sa mga angkan ng pari, ngunit hindi nila napatunayan ang pinagmulan nilang angkan: angkan nina Hobaias, Hakoz at Barzilai. Ang ninuno ng mga paring mula sa angkan ni Barzilai ay napangasawa ng anak na babae ni Barzilai na taga-Gilead, at siya ay tinawag sa pangalan ng kanyang biyenan. 64 Hinanap nila ang kanilang angkan sa listahan ng mga angkan ngunit hindi nakita, kaya sila'y hindi kinilalang mga pari. 65 Pinagbawalan(B) sila ng gobernador na kumain ng pagkaing inialay sa Diyos, hanggang wala pang paring gumagamit ng Urim at Tumim.
66 Ang kabuuan ng mga bihag na nakabalik ay 42,360. 67 Ang mga aliping lalaki at babae ay 7,337 at ang mga mang-aawit na babae at lalaki ay 245.
68-69 May naibalik ding 736 na kabayo, 245 mola,[b] 435 kamelyo at 6,720 asno.
70-72 Ilan sa mga pinuno ng mga angkan ang nagbigay ng ambag para ipagawang muli ang templo. Ang gobernador ay nagbigay ng walong kilong ginto, limampung mangkok na pilak na ginagamit sa pagsamba at 530 kasuotan ng mga pari. May iba pang mga pinuno ng angkan na nagbigay ng 168 kilong ginto at 1,250 kilong pilak. Ang kabuuang ipinagkaloob ng iba pang mga tao ay 168 kilong ginto, 140 kilong pilak at 67 na kasuotan ng mga pari.
73 Ang(C) mga pari, mga Levita, mga bantay ng Templo, mga mang-aawit, mga lingkod sa Templo at lahat ng Israelita ay tumira sa mga bayan at lunsod ng Juda.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.