Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Zacarias 1-7

Panawagan na Manumbalik sa Diyos

Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Zacarias, anak ni Berequias at apo ni Propeta Iddo. Noong ikawalong buwan, ng ikalawang taon ng paghahari ni Haring Dario ng Persia, nangusap si Yahweh sa kanya. Ipinasabi niya sa mga taga-Juda, “Labis akong napoot sa inyong mga ninuno. Kaya't sabihin mo sa kanilang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ‘Manumbalik kayo sa akin at kakalingain ko kayo. Huwag kayong tumulad sa inyong mga ninuno. Hindi sila nanumbalik sa akin, hindi nila tinalikuran ang kanilang kasamaan sa kabila ng aking mga panawagan sa pamamagitan ng mga propeta. Nasaan sila ngayon? At ang mga propeta, nanatili ba silang buháy? Ngunit natupad ang lahat ng sinabi ko sa pamamagitan ng mga propeta. Kaya naman sila'y nagsisi at sinabi nilang ginawa ko nga ang aking sinabi tungkol sa kanila na katumbas ng kanilang kasamaan.’”

Ang Pangitain tungkol sa mga Kabayo

Noong ikadalawampu't apat na araw ng ikalabing isang buwan ng ikalawang taon ng pamamahala ni Haring Dario, nagpahayag si Yahweh kay Propeta Zacarias. Ganito ang salaysay ni Zacarias tungkol sa pangyayari, “Kagabi,(B) nagkaroon ako ng pangitain. May nakita akong isang lalaking nakasakay sa kabayong pula. At siya'y huminto sa kalagitnaan ng mga punong mirto sa isang libis. Sa likuran niya ay may mga nakasakay rin sa kabayong pula, sa kabayong puti at sa kabayong batik-batik. Kaya't itinanong ko sa anghel ni Yahweh na nasa tabi ng mirto kung ano ang kahulugan niyon.”

Ang sagot niya, “Halika't ipapaliwanag ko sa iyo. 10 Ang mga ito ay isinugo ni Yahweh upang magmanman sa buong daigdig.”

11 Sinabi ng mga tinutukoy ng anghel ni Yahweh, “Natingnan na po namin ang kalagayan ng buong daigdig; payapa po ang lahat.”

12 Nang magkagayon, sinabi ng anghel, “Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, hanggang kailan mo pa pahihirapan ang Jerusalem at ang mga lunsod ng Juda? Pitumpung taon na po silang nagtitiis.”

13 May sinabi si Yahweh sa anghel na kausap ko, mga salitang nakakaaliw at makapagpapalakas ng loob. 14 Pagkatapos, sinabi naman sa akin ng anghel, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Labis ang aking pagmamalasakit sa Jerusalem at sa Zion. 15 At malaki ang galit ko sa mga bansang palalo pagkat labis na ang pahirap nilang ginawa. 16 Kukupkupin kong muli ang Jerusalem at ang aking templo ay muling itatayo. Ibabalik ang dating sukat at kaayusan nito. 17 Muling sasagana ang aking mga lunsod. Ang Zion ay muli kong papatnubayan at hihirangin ang Jerusalem.”

Ang Pangitain tungkol sa mga Sungay at sa Panday

18 Ako'y tumingin at may nakita akong apat na sungay. 19 Tinanong ko ang anghel na kausap ko, “Ano ang kahulugan nito?”

Ang sagot niya sa akin, “Iyan ang mga sungay na nagpakalat sa Juda, Israel at Jerusalem.”

20 Pagkatapos, apat na panday ang ipinakita ni Yahweh sa akin. 21 Itinanong ko, “Ano ang gagawin nila?” Sumagot siya, “Ang Juda ay lubusang winasak ng mga sungay na nakita mo, anupa't walang makalaban sa kanila. Ipinadala ko ang mga panday na ito upang siyang humarap sa apat na sungay; babaliin nila ang lahat ng sungay na ginamit laban sa Juda.”

Ang Pangitain tungkol sa Lalaking may Panukat

Muli akong tumingin at may nakita akong isang lalaking may dalang panukat. Tinanong ko ito, “Saan kayo pupunta?”

“Susukatin ko ang luwang at haba ng Jerusalem,” sagot niya.

Walang anu-ano, lumakad ang anghel na kausap ko at sinalubong siya ng isa pang anghel. Sinabi nito sa kanya, “Bilisan mo! Habulin mo ang binatang may dalang panukat at sabihin mo sa kanya na ang Jerusalem ay titirhan ng napakaraming tao at hayop tulad ng bayang walang pader. Si Yahweh mismo ang magiging pader na apoy ng Jerusalem, at ang kaluwalhatian niya'y lulukob sa buong lunsod.”

Tinawagan ang mga Dinalang-bihag

“Magmadali kayo!” sabi ni Yahweh. “Umalis kayo sa lupain sa hilaga, kayo na parang ipang inilipad ng hangin sa apat na sulok ng daigdig. Magmadali kayo! Mga taga-Zion na naninirahan sa Babilonia, umuwi na kayo!”

Pagkatapos ng pangitaing ito, isinugo ako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, sa mga taong nanamsam sa kanyang bayan at ipinasabi ang ganito: “Sinumang lumaban sa aking bayan ay para na ring lumaban sa akin. Bilang parusa ko sa kanila, sila naman ang lulupigin ng mga inalipin nila. Kapag naganap na ito, malalaman nilang isinugo ko ang lalaking ito.”

10 Sinabi pa ni Yahweh, “Umawit ka sa kagalakan, bayan ng Zion, sapagkat maninirahan na ako sa inyong kalagitnaan.”

11 Sa araw na iyon, maraming bansa ang sama-samang magpupuri kay Yahweh at pasasakop sa kanya. Siya'y maninirahan sa inyong kalagitnaan. Sa gayon, malalaman ninyong isinugo ako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 12 Aangkinin ni Yahweh ang Juda bilang bayang mahal at muli niyang hihirangin ang Jerusalem.

13 Tumahimik kayo sa harapan ni Yahweh, lahat ng nilalang, sapagkat tumayo na siya sa kanyang banal na tahanan.

Ang Pangitain tungkol kay Josue

Ipinakita(C) sa akin ni Yahweh ang pinakapunong paring si Josue na nakatayo sa harapan ng anghel ni Yahweh. Siya ay paparatangan ni Satanas na noo'y nasa kanyang kanan. Sinabi(D) ng anghel ni Yahweh kay Satanas,[a] “Hatulan ka nawa ni Yahweh, Satanas. Hatulan ka nawa ni Yahweh na pumili sa Jerusalem. Ang taong ito ay gaya ng isang patpat na inagaw sa apoy.”

Nakatayo si Josue sa harapan ng anghel at ang suot ay maruming damit. Sinabi ng anghel sa mga naroon, “Hubarin ang gulanit niyang kasuotan.” Bumaling siya kay Josue at sinabi, “Nilinis na kita sa iyong kasamaan at ngayo'y bibihisan ng magarang kasuotan.”

Bumaling muli ang anghel sa kanyang mga inutusan at sinabi, “Suotan ninyo siya ng malinis na turbante.” Gayon nga ang ginawa nila. At binihisan nila si Josue habang nakamasid ang anghel ni Yahweh.

Pagkatapos, tinagubilinan si Josue ng anghel ni Yahweh. Ito ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Kung lalakad ka sa aking mga landas at susundin mo ang aking mga utos, pamamahalain kita sa aking templo at sa buong paligid nito. Bukod dito, diringgin ko ang mga dalangin mo tulad ng pagdinig ko sa dalangin ng mga anghel na ito. Makinig(E) ka, Josue na pinakapunong pari! Ikaw at ang iyong mga kasamahang pari ay mabuting palatandaan ng mga mangyayari sa hinaharap. Palilitawin ko ang Sanga na aking lingkod. At ang batong ibibigay ko sa iyo, na may pitong tapyas ay uukitan ko ng aking mga salita, at sa loob ng isang araw ay aalisin ko ang kasamaan sa buong lupain. 10 Sa(F) araw na iyon, sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, aanyayahan ng bawat isa sa inyo ang kanyang kaibigan upang magsama-sama sa ubasan ninyo at sa ilalim ng inyong mga punong igos.”

Ang Ilawan at ang Puno ng Olibo

Nagbalik ang anghel na kausap ko at ako'y kanyang ginising na para bang ako'y natutulog. Itinanong niya sa akin, “Ano ang nakikita mo?” “Isang ilawang ginto po na may lalagyan ng langis sa itaas at may pitong ilawan, bawat isa'y may pitong lalagyan ng mitsa. Sa(G) magkabila nito ay may puno ng olibo,” sagot ko naman sa kanya. Itinanong ko sa anghel, “Ano po ang kahulugan nito, panginoon?”

“Hindi mo ba alam iyan?” patanong na sagot sa akin.

“Hindi po,” ang sagot ko.

Ang Pangako ng Diyos kay Zerubabel

Sinabi(H) sa akin ng anghel ang ipinapasabi ni Yahweh para kay Zerubabel, “Pinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: Ang tagumpay ay hindi makakamit sa pamamagitan ng lakas ng hukbo o sariling kapangyarihan kundi sa pamamagitan lamang ng aking espiritu.[b] Maging ang pinakamalaking hadlang ay makikita ninyong maaalis. Muli mong itatayo ang templo at habang inilalagay mo ang kahuli-hulihang bato, magbubunyi ang mga tao at kanilang sasabihin, ‘Napakaganda!’”

Sinabi muli sa akin ni Yahweh, “Si Zerubabel ang naglagay ng pundasyon sa templong ito at siya rin ang tatapos. Kapag ito'y natapos na, mapapatunayan ng lahat na ikaw ang aking isinugo. 10 Nag-aalala(I) sila ngayon dahil sa mabagal na pagkayari ng templo. Ngunit matutuwa sila kapag nakita nilang ito'y pinapamahalaan na ni Zerubabel.”

Ipinaliwanag ang Pangitain tungkol sa Ilawan

Sinabi sa akin ng anghel, “Ang pitong sinag na iyan ay paningin ng Diyos at lalaganap ito sa buong mundo.”

11 Itinanong(J) (K) ko sa anghel, “Ano naman po ang kahulugan ng dalawang puno ng olibo sa magkabila ng ilawan? 12 Bakit may dalawang sanga ng olibo sa magkabilang tabi ng gintong tubo na buhusan ng langis?”

13 “Hindi mo ba alam kung ano ang mga iyan?” patanong na tugon niya sa akin.

“Hindi po,” sagot ko.

14 “Iyan ay dalawang taong pinili ni Yahweh at pinahiran ng langis upang makatulong niya sa pamamahala sa daigdig,” sabi niya.

Ang Pangitain tungkol sa Kasulatang Lumilipad

Muli akong tumingala at may nakita akong kasulatang lumilipad. Tinanong ako ng anghel, “Ano ang nakikita mo?” “Isa pong kasulatang lumilipad. Ang haba po nito ay siyam na metro at apat at kalahating metro naman ang lapad,” sagot ko.

Sinabi niya sa akin, “Diyan nakasulat ang mga sumpa sa daigdig. Sa kabila ay sinasabing aalisin sa lupain ang lahat ng magnanakaw; sa kabila naman ay sinasabing aalisin din ang lahat ng sinungaling. Ipadadala ko ito sa sambahayan ng mga magnanakaw at sa sambahayan ng mga sinungaling. Mananatili ito sa sambahayang iyon upang ubusin sila nang lubusan.”

Ang Babae sa Loob ng Malaking Basket

Lumapit sa akin ang anghel at sinabi, “Tumingala ka at tingnan mo kung ano itong dumarating.”

“Ano 'yan?” tanong ko sa kanya.

“Iyan ay isang malaking basket. Inilalarawan niyan ang kasalanan ng buong sanlibutan,” sagot niya. Bumukas ang tinggang takip nito at nakita kong may isang babaing nakaupo sa loob ng malaking basket.

Sinabi sa akin ng anghel, “Iyan si Kasamaan.” At itinulak niya ito pabalik sa loob ng kaing at muling sinarhan. Nang ako'y tumingala, may nakita akong dalawang babaing lumilipad papunta sa akin; malalapad ang kanilang pakpak. Pinagtulungan nilang ilipad na palayo ang malaking basket. 10 Tinanong ko ang anghel, “Saan nila iyon dadalhin?”

11 Sumagot siya, “Sa Babilonia. Gagawa sila ng templo roon upang paglagyan ng malaking basket. Pagkatapos, sasambahin nila ito.”

Ang Pangitain tungkol sa Apat na Karwahe

Muli akong tumingin at may nakita akong apat na karwaheng lumabas sa pagitan ng dalawang malalaking bundok na tanso. Pula ang mga kabayong humihila sa unang karwahe, kulay itim naman sa pangalawa, mga(L) kabayong kulay puti ang sa pangatlo, at mga kabayong batik-batik ang sa pang-apat. Itinanong ko sa anghel, “Ano po ang kahulugan ng mga karwaheng ito?”

Sumagot(M) siya, “Ang mga iyan ay ang apat na hangin ng himpapawid na nagmula kay Yahweh na Panginoon ng buong daigdig. Ang hila ng mga kabayong kulay itim ay pupunta sa hilaga, sa kanluran naman ang hila ng puti, at sa timog naman ang hila ng may batik-batik.” Nang lumabas ang mga kabayong may batik-batik na pula, sila'y nagpipiglas upang siyasatin ang daigdig. Kaya sinabi ng anghel, “Sulong, siyasatin na ninyo ang daigdig!” At gayon nga ang ginawa ng mga ito. Walang anu-ano, isinigaw sa akin ng anghel, “Ang poot ni Yahweh ay pinayapa na ng mga kabayong nagpunta sa Babilonia!”

Ang Kahulugan ng Pagpuputong kay Josue

Sinabi sa akin ni Yahweh, 10 “Puntahan mo sina Heldai, Tobias at Jedaias na kasama ng mga bihag na dinala sa Babilonia. Pagkatapos, tumuloy ka kay Josias na anak ni Sefanias. Kunin mo ang kanilang mga handog na pilak at ginto, 11 at gawin mong korona para sa pinakapunong paring si Josue na anak ni Jehozadak. 12 Sabihin(N) mo sa kanya, ‘Narito ang isang taong ang pangala'y Sanga. Tutubo siya mula sa kanyang kinalalagyan at ipatatayo niya ang templo ni Yahweh. 13 Siya nga ang magtatayo ng templo, uupo sa trono, at manunungkulan bilang hari. Tutulungan siya ng isang pari at maghahari sa kanila ang mabuting pag-uunawaan. 14 Ang korona ay mananatili sa templo bilang pag-alala kina Heldai,[c] Tobias, Jedaias at Josias.’”[d]

15 Magsisiparito ang mga taong taga-malayong lupain upang tumulong sa pagtatayo ng templo ni Yahweh. Sa gayon, mapapatunayan ninyong isinugo nga ako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Mangyayari ang lahat ng ito kung tutuparin ninyo ang kanyang mga utos.

Tinuligsa ang Pakunwaring Pag-aayuno

Noong ikaapat na taon ng pamamahala ni Haring Dario, muling nagpahayag kay Zacarias si Yahweh. Naganap ito noong ikaapat na araw ng ikasiyam na buwan ng taon. Ang mga pangkat nina Sarezer at Regemmelec ay sinugo ng mga taga-Bethel upang makiusap kay Yahweh at itanong sa mga pari at sa mga propeta kung kailangan pa nilang magluksa sa ika-5 buwan, tulad ng dati nilang ginagawa.

4-5 Ito ang mga mensaheng ibinigay sa akin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat para sa mga mamamayan ng buong lupain at sa mga pari: “Ang pagluluksa at pag-aayunong ginagawa ninyo tuwing ika-5 at ika-7 buwan sa loob ng pitumpung taon ay hindi parangal sa akin. Hindi ba't nagkakainan at nag-iinuman kayo para lamang mabusog at masiyahan?”

Hindi ba't ito rin ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ng mga unang propeta, nang ang Jerusalem at ang mga lunsod sa paligid nito kasama ang Negeb at mga bulubunduking lalawigan ay hindi pa nawawasak at nasa panahon ng kaunlaran.

Ang Dahilan ng Pagkabihag

Pinahayag ni Yahweh kay Zacarias, “Sabihin mo sa kanila, ‘Pairalin ninyo ang katarungan at maging mahabagin kayo sa isa't isa. 10 Huwag ninyong aapihin ang mga biyuda, ang mga ulila, ang mga dayuhan o ang mahihirap. Huwag kayong magbabalak ng masama laban sa inyong kapwa.’

11 “Ngunit hindi nila ito pinakinggan; matigas ang kanilang ulo at sila'y nagbingi-bingihan. 12 Ipinilit nila ang sariling kagustuhan at hindi dininig ang sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat sa pamamagitan ng mga propeta. Dahil dito, labis siyang nagalit sa kanila. 13 ‘Nang magsalita ako sa kanila, hindi nila ako pinakinggan, kaya ganoon din ang ginawa ko nang sila naman ang magsalita sa akin. 14 At ipinakalat ko sila sa lahat ng panig ng daigdig, sa mga lugar na di nila dating napupuntahan. Dahil dito, napabayaan ang dating magandang lupain; wala na ring dumaraan at naninirahan doon.’”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.