Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ezekiel 46-48

Ang Pinuno at ang mga Pista

46 Ipinapasabi ni Yahweh: “Ang daanan sa gawing silangan papunta sa patyo sa loob ay mananatiling nakasara sa loob ng anim na araw ng paggawa at ibubukas lamang kung Araw ng Pamamahinga at Pista ng Bagong Buwan. Ang pinuno ay papasok sa bulwagan at tatayo sa may poste ng tarangkahan habang inihahandog ng pari ang handog na susunugin pati ang haing pangkapayapaan; doon lamang siya sasamba sa labas. Pagkatapos, lalabas siya ngunit iiwang bukás ang pinto hanggang sa gabi. Ang bayan naman ay sasamba kay Yahweh kung Araw ng Pamamahinga at Pista ng Bagong Buwan ngunit doon lamang sila sa may pintuan. Kung Araw ng Pamamahinga, ang ihahandog ng pinuno ay anim na tupa at isang tupang lalaki na parehong walang kapintasan. Para sa tupang lalaki ay limang salop ng handog na pagkaing butil, kasama ng apat na litrong langis. Ang para naman sa bawat kordero ay ayon sa kanyang kakayanan bukod sa apat na litrong langis. Kung Pista ng Bagong Buwan, ang ihahandog niya'y isang toro, anim na tupa, at isang tupang lalaki na parehong walang kapintasan. Sa bawat toro at tupang lalaki ay tiglimang salop ng handog na pagkaing butil. Ang para naman sa batang kordero ay ayon sa kanyang kakayanan bukod pa sa apat na litrong langis. Ang pinuno ay sa bulwagan ng tarangkahan papasok at doon din lalabas.

“Pagsamba naman ng mga tao tuwing takdang kapistahan, lahat ng papasok sa pinto sa hilaga ay sa timog lalabas, at lahat ng pumasok sa timog ay sa hilaga lalabas. Walang pahihintulutang lumabas sa pintong pinasukan niya; lahat ay tuluy-tuloy. 10 Ang pinuno ay kasabay nilang papasok at lalabas ng templo.

11 “Tuwing kapistahan at bawat takdang panahon, ang handog na pagkaing butil ay limang salop ng harina para sa bawat toro o tupang lalaki, at ayon sa kakayanan naman para sa batang kordero, bukod sa apat na litrong langis. 12 Kung ang pinuno ay maghahain ng handog na susunugin o ng handog pangkapayapaan, bilang kusang handog, doon siya pararaanin sa pinto sa gawing silangan; gagawin niya ito kung Araw ng Pamamahinga. Paglabas niya, isasara ang pinto.

Ang mga Handog Araw-araw

13 “Tuwing umaga, maghahanda ng isang tupang walang kapintasan bilang handog na susunugin. 14 Ito'y sasamahan ng isang salop ng handog na pagkaing butil, at 1 1/3 litrong langis na pangmasa sa harina. Ito ang inyong tuntunin ukol sa pang-araw-araw na handog kay Yahweh. 15 Araw-araw ay ganyan ang tupa, pagkaing butil at langis na inyong ihahandog.”

Ang Pinuno at ang Lupain

16 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Kapag ang anak ng pinuno ay pinamanahan niya ng kanyang ari-arian, iyon ay mananatiling pag-aari ng anak. 17 Ngunit(A) kapag binigyan ang isang alipin, ang ibinigay ay kanya lamang hanggang sa pagsapit ng Taon ng Paglaya. Paglaya niya, ibabalik niya sa pinuno ang ari-ariang ibinigay sa kanya pagkat iyon ay para sa mga anak nito. 18 Ang pinuno ay hindi dapat mangamkam ng ari-arian ng mga mamamayan. Ang ari-arian lamang niya ang maaari niyang ibigay sa kanyang mga anak. Sa gayon, maiiwasang agawan ng ari-arian ang sinuman sa aking mamamayan.”

Ang Lutuan ng mga Handog

19 Dinala ako ng lalaki sa hanay ng mga silid ng pari sa gawing timog at doo'y itinuro niya sa akin ang isang lugar sa gawing kanluran. 20 Sinabi niya sa akin, “Ang handog na pambayad sa kasalanan at ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, at handog na pagkaing butil ay diyan lulutuin ng mga pari. Huwag itong ilalabas para hindi mapinsala ng kabanalan niyon ang mga tao.”

21 Dinala niya ako sa patyo sa labas, at ibinaybay sa apat na sulok nito. Sa bawat sulok ay may patyo; 22 maliit at pare-pareho ang laki. Dalawampung metro ang haba ng bawat isa, at labinlimang metro naman ang luwang. 23 Napapaligiran ito ng mababang pader at may apuyan sa tabi. 24 Sinabi niya sa akin, “Dito naman lulutuin ng mga katulong ang handog ng mga mamamayan.”

Ang Batis mula sa Templo

47 Bumalik(B) kami sa pintuan ng templo. Sa ilalim nito'y may agos ng tubig papunta sa silangan. Ang templo'y paharap sa silangan. Ang agos ay nagmumula sa gawing timog na bahagi ng templo, sa gawing timog ng altar. Lumabas kami sa pintuan sa gawing hilaga at iniligid niya ako papalabas sa pintuan sa gawing silangan. Doon ay may mahinang agos ng tubig mula sa gawing timog ng hagdanan.

Nagtuloy kami sa gawing silangan; may hawak siyang panukat. Sumukat siya ng 500 metro. Pagkatapos, lumusong kami sa tubig na hanggang bukung-bukong. Sumukat muli siya ng 500 metro at umabot ito hanggang tuhod. Sumukat siyang muli ng 500 metro at nang lumusong kami sa tubig, ito'y hanggang baywang. Sumukat uli siya ng 500 metro ngunit iyon ay isa nang ilog at hindi na ako makalusong. Malalim ang tubig at kailangang languyin upang matawid. Sinabi niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, tandaan mo ang lugar na ito.”

Naglakad kami sa pampang ng nasabing ilog. Nang ako'y pabalik na, nakita ko ang makapal na puno sa magkabilang pampang ng ilog. Sinabi niya sa akin, “Ang tubig na ito ay papunta sa dakong silangan, hanggang Dagat na Patay. Pag-abot nito sa Dagat na Patay, malilinis ang tubig nito. Lahat ng lugar na maagusan nito ay magkakaroon ng lahat ng uri ng hayop at isda. Pagdating ng agos nito sa Dagat na Patay, magiging tabang ang tubig ng dagat. Lahat ng lugar na abutin nito ay magkakaroon ng buhay. 10 Pupuntahan ito ng mga mangingisda. Ang En-gedi hanggang En-eglain ay magiging lugar ng pangisdaan sapagkat iba't ibang uri ang isda rito, tulad ng nasa Dagat Mediteraneo. 11 Ngunit ang mga latian ay mananatiling maalat para may makunan ng asin. 12 Sa(C) magkabilang pampang ng ilog ay tutubo ang sari-saring punongkahoy na makakain ang bunga. Hindi malalanta ang mga dahon nito ni mawawalan ng bunga sapagkat ang didilig dito ay ang tubig na umaagos mula sa templo; ito ay patuloy na mamumunga sa buong taon. Ang bunga nito ay pagkain, at gamot naman ang mga dahon.”

Ang mga Hangganan

13 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Ito ang gagawing paghahati ng lupain para sa labindalawang lipi ng Israel; dalawang bahagi ang mauuwi sa lipi ni Jose. 14 Pare-pareho ang gagawing hati. Ang lupaing ito ang aking ipinangako sa inyong mga magulang upang maging inyo.

15 “Ito ang hangganan ng buong lupain, sa hilaga; ang Dagat Mediteraneo, tuloy ng Hetlon, sa may pagpasok ng Hamat at tuloy ng Sedad, 16 Berota, Sibraim na nasa may hangganan ng Damasco at Hamat, hanggang sa Hazerhatico, sa hangganan ng Hawan. 17 Samakatuwid, ang hangganan sa hilaga ay mula sa Dagat Mediteraneo hanggang Hazar-enon, sa gawing hilaga ng Damasco.

18 “Sa silangan: mula sa Hazar-enon, pagitan ng Damasco at Hauran, sa baybayin ng Jordan, pagitan ng Gilead at Israel, sa dagat sa gawing silangan hanggang Tamar.

19 “Sa timog: mula sa Tamar hanggang sa tubigan ng Meriba-kades, binaybay ang Batis ng Egipto hanggang sa Dagat Mediteraneo.

20 “Sa kanluran: ang Dagat Mediteraneo hanggang sa tapat ng pagpasok sa Hamat.

21 “Ito ang lupaing hahatiin mo sa mga lipi ng Israel. 22 Ito ang pinakamana mo at ng mga taga-ibang lugar na kasama ninyo at nagkaanak nang kasama ninyo. Sila'y ituturing na parang tunay na Israelita at kahati sa lupaing mamanahin ng Israel. 23 Ang mapupunta sa kanila ay magmumula sa bahagi ng liping kinabibilangan niya.”

Ang Paghahati ng Lupain

48 Ito ang magiging ayos ng partihan ng bawat lipi: mula sa dulong hilaga, sa gawi ng Hetlon hanggang Lebohamat at Hazar-enan sa gawing timog ng Damasco, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Dan. Kahangga ng lipi ni Dan, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Asher. Kahangga ng lipi ni Asher mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Neftali. Kahangga ng lipi ni Neftali mula sa silangan hanggang kanluran, isang bahagi para sa lipi ni Manases. Kahangga ng lipi ni Manases mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Efraim. Kahangga ng lipi ni Efraim, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Ruben. Kahangga ng lipi ni Ruben, mula sa silangan hanggang kanluran, ay para naman sa lipi ni Juda.

Ang Gitnang Bahagi ng Lupain

Ang bahaging nasasakupan ng lipi ni Juda ay ibubukod; ang sukat nito ay 12.5 kilometro parisukat. Sa loob nito itatayo ang templo.

Ang iuukol ninyo kay Yahweh ay 12.5 kilometro ang haba at 10 kilometro ang luwang. 10 Ganito naman ang gagawing hati sa bahaging iniukol kay Yahweh: ang inilaang bahagi ay mauuwi sa mga pari: 12.5 kilometro ang haba, at limang kilometro naman ang luwang. Ang templo ni Yahweh ay sa gitna nito itatayo. 11 Ang bahaging ito ay para sa mga pari, sa mga anak ni Zadok pagkat patuloy nilang sinunod ang aking mga utos kahit noong tumalikod sa akin ang Israel. Di nila tinularan ang mga Levita. 12 Ang bahaging ito ng lupaing itatalaga kay Yahweh ay tanging para sa kanila. 13 Katabi nito sa gawing timog ay para naman sa mga Levita; 12.5 kilometro ang haba at limang kilometro naman ang luwang. 14 Hindi nila ito maaaring ipagbili o ipagpalit; ni hindi nila ito maaaring isalin sa iba pagkat itinalaga kay Yahweh.

15 Ang natitirang 2.5 kilometro sa luwang, at 12.5 kilometro sa haba ay para sa lahat. Maaari itong tirhan at gamitin ng kahit sino at sa gitna nito ang lunsod. 16 Ito naman ang sukat ng lunsod: 2,250 metro ang haba, gayon din ang luwang. 17 Sa paligid nito ay mag-iiwan kayo ng bakanteng 125 metro. 18 Ang natitira pa sa magkabilang dulo na humahangga sa bahaging iniukol kay Yahweh na tiglimang kilometro ang haba at dalawa't kalahating kilometro ang luwang ay para naman sa mga mag-aasikaso ng lunsod; lahat ng aanihin dito ay ukol sa kanila. 19 Ang mga manggagawang ito sa lunsod ay mula sa iba't ibang lipi ng Israel. 20 Lahat-lahat ng inyong ibubukod ukol kay Yahweh at sa lunsod ay 12.5 kilometrong parisukat.

Ang Kaparte ng Pinuno

21 Ang natitira sa magkabilang panig ng itinalaga kay Yahweh at ng bahagi para sa lunsod ay ukol naman sa pinuno. Ang ukol kay Yahweh 22 at sa lunsod ay nasa gitna ng dalawang bahagi ukol sa pinuno at ito naman ay nakapagitan sa bahaging ukol sa lipi nina Juda at Benjamin.

Ang Kaparte ng Ibang Lipi

23 Ito naman ang para sa iba pang lipi: mula rin sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Benjamin. 24 Karatig ng bahagi ng lipi ni Benjamin ang bahagi naman ukol sa lipi ni Simeon. 25 Karatig ng lipi ni Simeon ang ukol sa lipi ni Isacar; 26 karatig ng lipi ni Isacar ang ukol sa lipi ni Zebulun; 27 karatig ng lipi ni Zebulun ang ukol sa lipi ni Gad. 28 Sa timog, ang hangganan ng ukol sa lipi ni Gad ay mula sa Tamar hanggang sa may bukal ng Kades, sa hangganan ng Egipto hanggang sa Dagat Mediteraneo. 29 Ganyan ang magiging paghahati ng lupain sa mga lipi ng Israel.

Ang mga Pintuan ng Jerusalem

30 Ganito(D) naman ang tungkol sa mga pintuan ng lunsod: Sa hilaga—ang luwang ay 2,250 metro— 31 ay tatlong pinto para sa lipi nina Ruben, Juda at Levi. Ang pangalan ng mga pintong ito ay isusunod sa pangalan ng mga lipi ng Israel. 32 Sa gawing silangan—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlong pinto rin para naman sa lipi nina Jose, Benjamin at Dan. 33 Sa gawing timog—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlo rin ang pinto at para naman sa lipi nina Simeon, Isacar at Zebulun. 34 Sa gawing kanluran—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlong pinto rin at para naman sa lipi nina Gad, Asher at Neftali. 35 Ang sukat sa paligid ng lunsod ay 9,000 metro. Mula ngayon, ang ipapangalan sa lunsod ay, ‘Naroon si Yahweh.’

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.