Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Daniel 7-9

Ang Pangitain ni Daniel tungkol sa Apat na Halimaw

Noong unang taon ni Belsazar bilang hari ng Babilonia, si Daniel ay nagkaroon ng pangitain sa kanyang panaginip. Isinulat ito ni Daniel.

Isang gabi nakita ko na kabi-kabila ay binabayo ng malakas na hangin ang malaking dagat. Mula(A) sa dagat ay may umahong apat na iba't ibang halimaw. Ang(B) una ay parang leon, ngunit may mga pakpak ng agila; habang ako'y nakatingin, nabunot ang mga pakpak nito. Umangat ito sa lupa at tumayong parang tao. Binigyan ito ng isip ng tao. Ang ikalawa naman ay parang oso. Ang dalawang paa lamang nito sa huli ang inilalakad at may kagat pang tatlong tadyang. May tinig na nag-utos dito, “Sige, magpakasawa ka sa karne.” Ang ikatlo ay kahawig ng leopardo. Ito'y may apat na pakpak sa likod tulad ng sa ibon, apat din ang ulo, at binigyan ito ng kapangyarihan. Pagkaraan,(C) nakita ko ang ikaapat na halimaw. Nakakatakot ito at napakalakas. Bakal ang ngipin nito at niluluray ang anumang makagat at tinatapakan ang matira doon. Kakaiba ito sa tatlong nauna sapagkat ito'y may sampung sungay. Pinagmasdan(D) kong mabuti ang mga sungay at nakita kong may tumutubo pang isa. Ang tatlong sungay ay nabunot upang magkaroon ng puwang ang sungay na tumutubo. Ang sungay na ito ay may mga mata na tulad sa tao at may bibig na nagsasalita ng sobrang kayabangan.

Ang Pangitain tungkol sa Nabubuhay Magpakailanpaman

Habang(E) ako'y nakatingin, mayroong naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang Nabubuhay Magpakailanpaman. Puting-puti ang kanyang kasuotan at gayundin ang kanyang buhok. Ang trono niya'y naglalagablab at ang mga gulong nito'y nagliliyab. 10 Parang(F) bukal ang apoy na dumadaloy mula sa kanya. Pinaglilingkuran siya ng milyun-milyon, bukod pa sa daan-daang milyon na nakatayo sa harap niya. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang mga aklat.

11 Dahil sa sobrang kayabangang sinasabi ng sungay, muli akong tumingin at nakitang pinatay ang ikaapat na hayop at inihagis ito sa apoy. 12 Ang iba namang halimaw ay inalisan ng kapangyarihan ngunit binigyan pa ng panahong mabuhay.

13 Patuloy(G) ang aking pangitain. Nakita ko sa alapaap sa langit ang parang isang tao. Lumapit siya sa Nabubuhay Magpakailanpaman. 14 Binigyan(H) siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian upang paglingkuran siya ng lahat ng tao sa bawat bansa at wika. Ang pamamahala niya ay hindi magwawakas, at ang kanyang kaharian ay hindi mawawasak.

Ang Kahulugan ng mga Pangitain

15 Akong si Daniel ay nalito at nabagabag dahil sa pangitaing iyon. 16 Kaya't nilapitan ko ang isang nakatayo roon at tinanong ko siya kung ano ang kahulugan ng mga bagay na aking nasaksihan. Ipinaliwanag naman niya ang mga ito sa akin. 17 Ang sabi niya, “Ang apat na halimaw ay apat na kahariang lilitaw sa daigdig. 18 Ngunit(I) ang mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos ang bibigyan ng karapatang mamahala magpakailanman.”

19 Hinangad kong malaman ang kahulugan ng ikaapat na halimaw sapagkat malaki ang kaibahan nito sa tatlo at dahil sa nakakatakot ang anyo nito: bakal ang mga ngipin at tanso ang mga panga. Dinudurog nito saka nilulunok ang lahat ng abutan at tinatapakan ang matira. 20 Hinangad ko ring malaman ang kahulugan ng sampung sungay at ang kahulugan noong isang sungay na tumubo at naging dahilan para mabunot ang tatlo. Gusto ko ring malaman ang kahulugan ng mga mata at ng bibig sa sungay na sobrang kayabangan ang pinagsasasabi, at kung bakit ang sungay na ito'y mas malaki kaysa iba.

21 Samantalang(J) ako'y nakatingin, nakita kong dinigma at nilupig ng sungay na ito ang mga hinirang ng Diyos. 22 Pagkatapos,(K) dumating ang Nabubuhay Magpakailanpaman at nagbigay ng hatol sa panig ng mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Dumating ang araw para ibigay sa bayan ng Diyos ang pamamahala sa kaharian.

23 Ganito ang sinabi niya sa akin: “Ang ikaapat na hayop ay ang ikaapat na kahariang lilitaw sa daigdig. Kakaiba ito sa lahat ng kaharian sapagkat masasakop, yuyurakan at dudurugin nito ang buong daigdig. 24 Ang(L) sampung sungay ay kumakatawan sa sampung hari ng kahariang ito. Sa gitna nila'y lilitaw ang isa na kaiba sa mga nauna at tatlong hari ang kanyang pababagsakin. 25 Magsasalita(M) siya laban sa Kataas-taasan at pahihirapan niya ang mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Tatangkain niyang baguhin ang kautusan at mga takdang kapanahunan. Ang mga hinirang ng Diyos ay ipapailalim sa kanyang kapangyarihan sa loob ng tatlong taon at kalahati. 26 Ngunit siya'y hahatulan. Kukunin sa kanya ang kaharian at pupuksain siya nang lubusan. 27 Ang(N) kaharian at ang karangalan ng mga kaharian sa buong daigdig ay ibibigay sa mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Sila ay maghahari magpakailanman. Maglilingkod at susunod sa kanila ang lahat ng kaharian.”

28 Dito natapos ang pangitain. Akong si Daniel ay lubhang nabahala at namutla sa takot. Sinarili ko na lamang ang mga bagay na ito.

Ang Pangitain tungkol sa Barakong Tupa at Kambing

Nang ikatlong taon ng paghahari ni Belsazar, akong si Daniel ay nagkaroon ng ikalawang pangitain.[a] Sa pangitaing iyon ako'y nasa pampang ng Ilog Ulai, sa napapaderang lunsod ng Susa, lalawigan ng Elam. Nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog ang isang barakong tupa. May dalawang sungay ito na parehong mahaba ngunit mas mahaba ang sungay na huling tumubo. Nakita kong ito'y nanunuwag pakanluran, pahilaga, at patimog. Walang ibang hayop na makalaban sa kanya, ni walang makalapit upang saklolohan ang sinumang daluhungin nito. Nagagawa niya ang gusto niyang gawin, kaya naging palalo siya.

Habang ito'y pinagmamasdan ko, isang barakong kambing ang sumulpot na humahagibis mula sa kanluran na hindi na halos sumasayad sa lupa ang mga paa. Kapansin-pansin ang sungay nito sa pagitan ng dalawang mata. Galit na galit na sinugod niya ang barakong tupa na nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog. Walang pakundangan niya itong pinagsusuwag hanggang sa mabali ang dalawang sungay ng tupa. Hindi naman ito makalaban. Ibinuwal ito ng kambing at niyurakan. Walang makasaklolo sa tupa.

Kaya naging palalo ang barakong kambing. Nang nasa sukdulan na ang kanyang lakas, nabali ang sungay niyang malaki ngunit may pumalit na apat na kapansin-pansing sungay na nakatutok sa iba't ibang apat na direksiyon ng kalangitan. Ang isa sa apat niyang sungay ay nagkaroon ng maliit na sanga. Ito ay lumaki nang lumaki hanggang umabot sa timog, sa silangan at sa lupang pangako. 10 Umabot(O) ang kapangyarihan nito hanggang sa kalangitan, at pinabagsak sa lupa ang ilan sa mga bituin at tinapakan ang mga iyon. 11 Kaya naging sobrang yabang ang maliit na sungay at kinalaban nito pati ang pinuno ng hukbo ng kalangitan. Inalis nito ang araw-araw na paghahandog at winasak ang dakong doo'y sinasamba ang pinuno ng hukbo ng kalangitan. 12 Dinaig din nito ang hukbo ng kalangitan at ang araw-araw na paghahandog ay napalitan ng kasamaan. Ang katotohanan ay niyurakan at nagawa ng sungay ang lahat ng gusto niyang gawin. 13 May narinig akong nag-uusap na dalawang anghel. Ang tanong ng isa, “Hanggang kailan tatagal ang mga pangyayaring ito sa pangitain? Hanggang kailan tatagal ang pagpigil sa araw-araw na paghahandog, ang paghahari ng kasamaan, at ang pagyurak sa Templo at sa hukbo ng kalangitan?”

14 “Mangyayari ang mga ito sa loob ng 2,300 gabi at umaga. Pagkatapos, muling itatalaga at gagamitin ang Templo,” sagot ng ikalawa.

Ipinaliwanag ni Gabriel ang Pangitain

15 Habang akong si Daniel na nakakita ng pangitaing ito ay nagsisikap na maunawaan ang kahulugan nito, biglang lumitaw sa harapan ko ang tulad ng isang tao. 16 At(P) mula sa pampang ng Ilog Ulai ay narinig ko ang isang tinig ng tao na nagsabi, “Gabriel, ipaliwanag mo sa taong ito ang pangitain.” 17 Nang lumapit siya sa akin, dumapa ako sa lupa dahil sa matinding takot.

Sinabi niya sa akin, “Tao, unawain mo ito: ang pangitain ay tungkol sa katapusan ng panahon.”

18 Samantalang nagsasalita siya, walang malay-tao akong bumagsak sa lupa. Ngunit hinawakan at itinayo niya ako. 19 Sinabi niya sa akin, “Sasabihin ko sa iyo kung ano ang mangyayari sa katapusan ng panahon kapag ipinakita na ng Diyos ang kanyang poot. 20 Ang dalawang sungay ng barakong tupa na nakita mo ay ang mga hari ng Media at Persia. 21 Ang barakong kambing ay ang hari ng Grecia at ang malaking sungay sa pagitan ng kanyang mga mata ay ang unang hari. 22 Tungkol naman sa apat na sungay na humalili sa unang sungay, nangangahulugan itong mahahati sa apat ang kaharian ngunit hindi magiging makapangyarihang tulad noong una. 23 Sa bandang huli, kapag nasa sukdulan na ang kanilang kasamaan, isang malupit at tusong hari ang lilitaw. 24 Magiging makapangyarihan siya at katatakutan ng lahat sapagkat magagawa niya ang lahat niyang magustuhan; lulupigin niya pati ang malalakas at ang mga hinirang ng Diyos. 25 Dahil sa kanyang katusuhan, lahat ng balakin niya ay magtatagumpay. Magiging palalo siya at walang pakundangan niyang yuyurakan ang marami. Walang sinumang taong makakahadlang sa kanya; pati ang Pinuno ng mga pinuno ay lalabanan niya. Ngunit pababagsakin siya hindi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng tao. 26 Ang pangitaing nakita mo tungkol sa paghahandog sa gabi at sa umaga ay totoo ngunit ilihim mo muna ito sapagkat matatagalan pa bago ito maganap.”

27 Akong si Daniel ay nanghina at nagkasakit nang ilang araw. Pagkatapos, nagbalik ako sa gawain ko sa palasyo ng hari. Nabagabag ako ng pangitaing iyon sapagkat hindi ko iyon maunawaan.

Ang Panalangin ni Daniel para sa Kanyang mga Kababayan

Noon ay unang taon ng paghahari ni Dario sa Babilonia. Siya ay anak ni Xerxes at buhat sa lahing Medo. Akong(Q) si Daniel ay nagbabasa ng mga aklat upang alamin ang kahulugan ng pitumpung taóng pagkawasak ng Jerusalem ayon sa sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias.

Dahil dito, buong taimtim akong nanalangin at nakiusap sa Panginoong Diyos. Nag-ayuno ako, nagsuot ng damit-panluksa at naupo sa abo. Nanalangin ako kay Yahweh na aking Diyos at inihingi ko ng kapatawaran ang mga kasalanan ng aking mga kababayan. Ganito ang sinabi ko:

“O Panginoon, dakila at Kamangha-manghang Diyos na laging tapat sa kasunduan at tunay na nagmamahal sa mga umiibig sa inyo at sumusunod sa inyong mga utos. Nagkasala po kami at nagpakasama. Naghimagsik po kami at sumuway sa inyong mga tuntunin at utos. Hindi kami nakinig sa inyong mga lingkod na propeta na binigyan ninyo ng kapangyarihang magpahayag sa aming mga hari, pinuno, magulang at sa buong bayan. Panginoon,(R) lagi po kayong nasa katuwiran at kami hanggang ngayo'y nasa kahihiyan, gayundin po ang buong Juda at Jerusalem, ang buong Israel, pati ang mga ipinatapon ninyo sa iba't ibang dako dahil sa kanilang kataksilan. Kami po, O Yahweh, ang aming mga hari, pinuno at magulang ay nahihiya sapagkat nagkasala kami sa inyo. Panginoon naming Diyos, kayo po ay mahabagin at mapagpatawad sa kabila ng lagi naming paghihimagsik 10 at pagsuway sa mga utos na ibinigay ninyo sa amin na inyong mga alipin sa pamamagitan ng inyong mga lingkod na propeta. 11 Ang(S) buong Israel ay nagkasala sa inyo, sumuway sa inyong kautusan at hindi nakinig sa inyong tinig. Dahil dito, ibinuhos ninyo sa amin ang mga sumpa na nasasaad sa aklat ng kautusan ng lingkod ninyong si Moises. 12 Tinupad ninyo ang inyong sinabi sa amin at sa aming mga pinuno na kami'y inyong paparusahan dahil sa aming pagkakasala; sapagkat sa buong daigdig ay wala pang nangyaring tulad ng dinanas ng Jerusalem. 13 Tulad ng nasusulat sa Kautusan ni Moises, naranasan namin ang kapahamakang ito. Gayunman, Yahweh, aming Diyos, wala kaming ginawa upang maglubag ang inyong kalooban. Hindi rin namin tinalikuran ang aming kasamaan ni kinilala ang katotohanang inyong ipinapahayag. 14 Kaya, pinarusahan ninyo kami dahil sa aming pagsuway sapagkat kayo, O Yahweh na aming Diyos ay matuwid sa lahat ng inyong gawa. 15 Panginoon(T) naming Diyos, ipinakilala ninyo ang inyong kapangyarihan mula nang ilabas ninyo ang inyong bayan mula sa lupain ng Egipto hanggang ngayon. Kinikilala namin ang aming pagkakasala sa inyo. 16 Kaya nga, O Panginoon, alang-alang sa inyong mabuting gawa, huwag na po kayong mapoot sa Jerusalem na inyong lunsod, ang inyong banal na bundok. Dahil sa kasamaan namin at ng aming mga magulang, ang Jerusalem at ang inyong bayan ay hinahamak ng mga bansang nakapaligid sa amin. 17 Dahil(U) dito, O aming Diyos, pakinggan po ninyo ang pakiusap at daing ng inyong alipin at alang-alang sa inyo O Diyos, kahabagan po ninyo ang inyong Templong nawasak. 18 O(V) Diyos ko, pakinggan po ninyo kami. Masdan ninyo ang masaklap naming kalagayan at ang pagkawasak ng lunsod na nagtataglay ng inyong pangalan. Lumalapit po kami sa inyo hindi dahil sa kami'y matuwid kundi dahil sa kayo'y mahabagin. 19 Dinggin po ninyo kami, O Panginoon; patawarin po ninyo kami, O Panginoon; kahabagan po ninyo kami, O Panginoon. Alang-alang sa inyo, aking Diyos, huwag na po kayong mag-atubili, yamang ang inyong lunsod at ang inyong sambayanan ay nakatatag sa ibabaw ng inyong kapangyarihan.”

Ipinaliwanag ni Gabriel ang Pahayag

20 Habang ako'y nananalangin at ipinapahayag ko ang aking kasalanan at ang kasalanan ng bayan kong Israel, nakikiusap ako Yahweh, aking Diyos, alang-alang sa banal na bundok ng aking Diyos, 21 ang(W) anghel na si Gabriel, na nakita ko sa aking unang pangitain, ay mabilis na lumipad palapit sa akin sa oras ng paghahandog sa gabi. 22 Sinabi niya, “Daniel, naparito ako para bigyan ka ng karunungan at pang-unawa. 23 Sa simula pa lamang ng iyong pakikiusap ay tinugon ka na ng Diyos. Labis ka niyang minamahal. Naparito ako para sabihin sa iyo ang kanyang tugon, kaya makinig ka upang maunawaan mo ang pangitain.

24 “Pitumpung linggo[b] ang panahong palugit sa iyong sambayanan at sa banal na lunsod upang tigilan ang pagsuway, wakasan ang kasamaan, at pagbayaran ang kasalanan. Pagkatapos, maghahari na ang walang hanggang katarungan, magaganap ang kahulugan ng pangitain at ang pahayag; itatalaga na rin ang Kabanal-banalan. 25 Unawain mo ito: Mula sa pagbibigay ng utos na muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng pinunong hinirang ng Diyos ay lilipas ang pitong linggo.[c] Muling itatayo ang Jerusalem, ang mga lansangan at pader nito ay aayusin sa loob ng animnapu't dalawang linggo;[d] ito ay panahon rin ng kaguluhan. 26 Pagkalipas ng animnapu't dalawang linggo,[e] papatayin ang hinirang ng Diyos. Ang lunsod at ang templo ay wawasakin ng hukbo ng isang makapangyarihang hari. Ang wakas ay darating na parang baha at magkakaroon ng digmaan at pagkawasak na itinakda ng Diyos. 27 Ang(X) haring ito'y gagawa ng isang matibay na kasunduan sa maraming tao sa loob ng isang linggo.[f] Pagkaraan ng kalahating linggo,[g] papatigilin niya ang paghahandog. Ilalagay niya sa itaas ng Templo ang kasuklam-suklam na kalapastanganan. Mananatili ito roon hanggang sa wakasan ng Diyos ang naglagay nito.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.