Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Zacarias 8-14

Ipinangako ang Muling Pagsasaya sa Jerusalem

Sinabi sa akin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Ganito ang sabihin mo: Sabik na sabik na akong ipadama sa Jerusalem ang aking pagmamahal; isang pagmamahal na naging dahilan upang mapoot ako sa kanyang mga kaaway. Babalik ako sa Jerusalem upang muling manirahan doon. Tatawagin itong Tapat na Lunsod at Banal na Bundok ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Ganito ang sinabi ni Yahweh: “Muling makikita ang matatandang babae't lalaking nakatungkod na nakaupo sa mga liwasan ng lunsod. Ang mga lansangan ay mapupuno ng mga batang naglalaro. Aakalain ng mga naiwan sa lupain na mahirap itong mangyari. Ngunit para kay Yahweh ay walang imposible. Ililigtas ko ang aking bayan mula sa mga lugar sa silangan at sa kanluran, at muli ko silang ibabalik sa Jerusalem. Sila ay aking magiging bayan at ako ang kanilang magiging tapat at makatarungang Diyos.”

Ipinapasabi pa ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Lakasan ninyo ang inyong loob, kayo na nakarinig ng mensahe ng mga propeta noong inilalagay ang pundasyon ng aking templo. 10 Bago pa dumating ang panahong iyon, hindi nila kayang umupa ng tao o hayop, at mapanganib kahit saan sapagkat ang bawat isa'y ginawa kong kaaway ng kanyang kapwa. 11 Ngunit ngayon, hindi ko na pababayaang mangyari sa inyo ang nangyari noon. 12 Mapayapa na kayong makapaghahasik. Magbubunga na ang inyong mga ubasan. Papatak na ang ulan sa takdang panahon, ibibigay ko ang lahat ng ito sa mga naiwan sa lupain. 13 Bayan ng Juda at Israel, kayo ang naging sumpa sa mga bansa. Sinasabi nila, ‘Danasin sana ninyo ang kahirapang dinanas ng Juda at ng Israel.’ Ngunit ililigtas ko kayo at gagawing pagpapala para sa kanila. Kaya huwag kayong matakot at lakasan ninyo ang inyong loob.”

14 Ipinapasabi pa rin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Noong una, binalak kong parusahan ang inyong mga ninuno dahil sa kanilang kasamaan. Ginawa ko nga ito. 15 Ngunit ngayon, ipinasya ko namang pagpalain ang Jerusalem at ang Juda; kaya huwag kayong matakot. 16 Ganito(A) ang dapat ninyong gawin: Katotohanan lamang ang sasabihin ninyo sa isa't isa, paiiralin ninyo ang katarungan at pananatilihin ang kapayapaan. 17 Huwag kayong magbabalak ng masama laban sa inyong kapwa at huwag magsisinungaling, sapagkat nasusuklam ako sa mga ito.”

18 Sinabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, 19 “Sabihin mo sa kanila na ang mga araw ng pag-aayuno tuwing ikaapat, ikalima, ikapito at ikasampung buwan ng taon ay gagawin kong araw ng kagalakan at pagdiriwang ng Juda. Kaya't pahalagahan ninyo ang katotohanan at kapayapaan.”

20 Ipinapasabi pa ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Darating sa Jerusalem ang mga tao mula sa iba't ibang bayan. 21 Aanyayahan nila ang bawat isa, ‘Tayo na at sambahin natin si Yahweh. Humingi tayo ng pagpapala kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.’ 22 Maraming tao at bansang makapangyarihan ang pupunta sa Jerusalem upang sumamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat at upang humingi sa kanya ng pagpapala. 23 Sa araw na iyon, sampu-sampung dayuhan ang makikiusap sa bawat Judio na isama sila dahil sa balitang ang mga Judio ay pinapatnubayan ng Diyos.”

Ang Parusa sa mga Bansa sa Paligid

Ito(B) (C) ang ipinapasabi ni Yahweh: “Itinakda ko na ang parusa sa lupain ng Hadrac at sa lunsod ng Damasco. Ang mga lunsod ng Aram ay akin, kung paanong ang lahat ng lipi ni Israel ay akin. Akin din ang Hamat na nasa hangganan ng Hadrac, gayon din ang Tiro at Sidon, bagaman sila'y napakarunong. Ang Tiro ay napapaligiran ng matibay na pader. Nag-ipon siya ng makapal na pilak at gintong sindami ng alabok sa lansangan. Ngunit ngayon, kukunin ni Yahweh ang lahat niyang ari-arian at ihahagis lahat sa dagat. Ang lunsod naman ay ipatutupok niya sa apoy.

“Makikita(D) ito ng Ashkelon at siya ay mangingilabot. Manginginig rin sa takot ang Gaza, at mawawalan ng pag-asa ang Ekron. Mawawalan ng hari ang Gaza at wala nang maninirahan pa sa Ashkelon. Paghaharian ng mga dayuhan ang Asdod. Ibabagsak ko ang palalong Filistia. Hindi na sila kakain ng dugo o anumang ipinagbabawal na pagkain. Ang matitira ay mapapabilang sa aking bayan at ituturing na isa sa mga angkan ni Juda. Ang mga taga-Ekron ay mapapabilang din sa aking bayan, tulad ng nangyari sa mga Jebuseo. Babantayan ko ang aking bayan upang hindi ito mapasok ng kaaway. Hindi ko na papahintulutang lupigin pa sila ng iba, sapagkat nakita ko na ang kanilang paghihirap.”

Ang Magiging Hari ng Zion

O(E) Zion, magdiwang ka sa kagalakan!
    O Jerusalem, ilakas mo ang awitan!
Pagkat dumarating na ang iyong hari
    na mapagtagumpay at mapagwagi.
Dumarating siyang may kapakumbabaan,
    batang asno ang kanyang sinasakyan.
10 “Ipapaalis(F) niya ang mga karwahe sa Efraim,
    gayundin ang mga kabayong pandigma ng Jerusalem.
Panudla ng mga mandirigma ay mawawala,
    pagkat paiiralin niya'y ang pagkakasundo ng mga bansa.
Hangganan ng kaharian niya'y dagat magkabila,
    mula sa Ilog Eufrates hanggang dulo ng lupa.”

Muling Aayusin ang Zion

11 Sinabi(G) pa ni Yahweh,
“Alang-alang sa ating tipan na pinagtibay ng dugo,
    ibabalik ko ang mga anak mong itinapon sa balong tuyo.
12 Kayo, mga bilanggo, na di nawalan ng pag-asa,
    ay maaari nang bumalik sa inyong lupain.
Ang magandang kalagayan ninyo noong unang panahon,
    ay aking hihigitan at pag-iibayuhin.
13 Binanat ko ang Juda gaya ng isang pana,
    at ang Efraim naman ang aking panudla.
Kayong mga taga-Zion ay aking isasagupa
    laban sa mga anak ng mga taga-Grecia;
gaya ng tabak ng isang mandirigma,
    sila'y gagawin kong aking sandata.”

14 Si Yahweh ay magpapakita sa kanyang bayan,
    at ang palaso niya'y parang kidlat na sisibat;
trumpeta ng Panginoong Yahweh, kanyang hihipan
    at sila'y parang ipu-ipong sasalakay sa katimugan.
15 Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, sa kanila'y mag-iingat;
    sa pagdumog sa kaaway sila'y di maaawat.
Dugo ng mga ito'y kanilang paaagusin,
    gaya ng mga handog na sa altar inihain.

16 Sa araw na iyon, ililigtas sila ni Yahweh na kanilang Diyos
    pagkat sila'y kanyang kawan, iniibig na lubos.
Sa buong lupain ay magniningning sila,
    parang batong hiyas ng isang korona.
17 Mararanasan nila'y kagandaha't kasaganaan;
    pagkain at alak, may taglay na kalakasan,
    para sa kabinataan at mga kadalagahan.

Ang Pagliligtas ni Yahweh sa Kanyang Bayan

10 Humingi kayo ng ulan kay Yahweh, sa panahon ng tagsibol.

Sa kanya na lumilikha ng ulap at hamog na nagpapasariwa sa mga pananim.
Ang(H) mga diyus-diyosan ay wala ng kabuluhan;
    ang pangitain ng mga manghuhula ay pawang kasinungalingan;
ang mga panaginip nila'y walang katotohanan;
    ang kanilang sinasabi'y wala ring kabuluhan.
Kaya't mga tao'y parang tupang naliligaw,
    pagkat walang pastol na sa kanila'y umaakay.

Ang mga pastol ay aking kinapopootan,
    at ang mga pinuno ay aking paparusahan.
Mahal ko ang Juda, kaya siya'y iingatan,
    palalakasin ko silang parang kabayo sa digmaan.
Sa kanila magmumula ang batong-panulukan;
    sa kanila manggagaling ang tulos ng tolda;
sa kanila magmumula ang panang panudla,
    mula rin sa kanila ang pinunong mamamahala.
Ang mga anak ng Juda ay mabubuo at sila'y magiging isang malakas na hukbo.
    Ang kaaway nila'y kanilang yuyurakan, kanilang tatapakan sa maputik na lansangan.
Sila ay lalaban sapagkat si Yahweh ang kanilang patnubay;
    ibabagsak nila ang mga kawal na kabayuhan.

“Ang sambahayan ni Juda'y bibigyan ko ng lakas;
    ang sambahayan ni Jose'y aking ililigtas.
Ibabalik ko sila sa dating tirahan;
    sapagkat sila ay aking kinahabagan, na para bang di ko sila pinabayaan.
Ako si Yahweh, ang kanilang Diyos,
    aking diringgin ang kanilang dalangin.
Ang mga taga-Efraim ay magdiriwang, katulad nila'y kawal na nagtagumpay.
    Aawit sila sa galak na parang nakainom ng alak.
Makikita ito ng mga anak nila at matutuwa,
    si Yahweh ay pupurihin sapagkat siya ang gumawa.

“Tatawagin ko sila at muling titipunin,
    sa mga kaaway sila'y aking tutubusin;
    at tulad noong una, sila'y pararamihin.
Bagaman(I) sila'y pinangalat ko sa iba't ibang mga bansa,
    hindi nila ako malilimutan doon,
    sila at ang mga anak nila'y maliligtas at makakabalik sa kanilang tahanan.
10 Sila'y aking ibabalik mula sa Egipto,
    at aking titipunin mula sa Asiria;
upang iuwi sa Gilead at Lebanon,
    hanggang ang lupain ay mapuno ng tao.
11 Tatawid sila sa dagat ng Egipto,
    at papayapain ko ang malalaking alon nito;
    aking tutuyuin ang Ilog Nilo.
Ibabagsak ko ang Asiria na palalo,
    maging setro ng Egipto'y tiyak na maglalaho.
12 Ang aking bayan ay aking palalakasin,
    susundin nila ako at sasambahin.”

Ako si Yahweh, ang nagsabi nito.

11 Pintuan mo ay ibukas, lupain ng Lebanon,
    upang lamunin ng apoy ang iyong mga sedar.
Magsitaghoy kayo, mga puno ng sipres
    pagkat bumagsak na ang sedar,
    ang mararangal na punong iyon.
Managhoy rin kayo, mga ensina ng Bashan,
    pagkat nahawan na ang madilim na kagubatan.
Gayon na lamang ang pagtangis ng mga pinuno,
    pagkat karangalan nila'y parang biglang naglaho.
Atungal ng mga leon, iyong pakinggan,
    pagkat gubat ng Jordan ay nasira na't nahawan.

Ang mga Pastol na Walang Kabuluhan

Sinabi sa akin ni Yahweh na aking Diyos, “Ikaw ang mag-alaga sa mga tupa kong papatayin. Pinapatay lamang sila ng nag-aalaga sa kanila ngunit hindi napaparusahan ang mga ito. Ang karne ay ipinagbibili at pagkatapos ay kanilang sinasabi, ‘Purihin si Yahweh! Mayaman na tayo ngayon.’ Maging ang mga pastol ay hindi rin naawa sa kanila. Hindi ko na kahahabagan ang mga tao sa lupaing ito. Pababayaan ko silang mahulog sa kamay ng kanilang kapwa. Wawasakin nila ang lahat ng bansa, isa ma'y wala akong ililigtas!”

Kinuha ako ng mga mamimili upang mag-alaga sa binili nilang tupang papatayin. Kumuha ako ng tungkod; ang isa'y pinangalanan kong Kabutihang Loob, at ang isa nama'y Pagkakaisa. At inalagaan ko nga ang kawan. Sa loob ng isang buwan, tatlong pastol na ang pinaalis ko pagkat naubos na ang pasensiya ko sa kanila. Sila naman ay nasuklam sa akin. Sinabi ko sa kawan, “Mula ngayon, di ko na kayo aalagaan, mamatay na kung sino ang mamamatay sa inyo at mapahamak na kung sino ang mapapahamak. At ang matira ay pababayaan kong mag-away-away. 10 Binali ko ang tungkod na tinawag kong Kabutihang Loob upang ipakilalang wala nang kabuluhan ang kasunduan namin ng mga mamimili. 11 Nang araw ngang yaon, sinira ko ang tipan at nalaman ng mga mamimiling nanonood sa akin noon na ang sinabi ko'y buhat kay Yahweh. 12 Sinabi(J) (K) ko sa kanila, “Kung gusto ninyong ibigay ang aking sahod, salamat; kung ayaw ninyo, sa inyo na lang.” At binigyan nila ako ng tatlumpung pirasong pilak bilang sahod.

13 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ilagay mo iyan sa kabang-yaman ng Templo.”[a] Kaya't kinuha ko ang tatlumpung pirasong pilak bilang pasahod nila sa akin, at ganoon nga ang aking ginawa. 14 Pagkatapos, binali ko rin ang tungkod na tinawag kong Pagkakaisa upang ipakitang wala nang pagkakaisa ang Juda at Israel.

15 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Mag-ayos kang tulad ng isang pastol na walang kabuluhan. 16 Ang bayan ay bibigyan ko ng isang pastol na walang pagpapahalaga sa mga nawawala, hindi maghahanap sa naligaw, hindi hihilot sa napilayan, ni mag-aalaga sa maysakit. Bagkus, uubusin niya ang matataba, saka itatapon ang buto nito. 17 Kawawa ang pastol na walang kabuluhan at nagpapabaya sa kawan. Isang tabak ang tatama sa kanyang kamay at kanang mata. Ang kamay niya'y mawawalan ng lakas, at mabubulag ang kanang mata.”

Ang Pagliligtas na Gagawin sa Jerusalem

12 Ito ang mensahe ni Yahweh para sa Israel, ang Diyos na gumawa ng langit at lupa, at nagbigay-buhay sa tao: “Ang Jerusalem ay gagawin kong parang isang mangkok na puno ng alak upang ang sinumang maghangad lumusob dito ay maging parang lasing na susuray-suray. Ang pagkubkob sa Jerusalem ay pagkubkob na rin sa buong Juda. Sa araw na iyon, ang mga bansa ay magkakaisa laban sa Jerusalem ngunit gagawin ko itong tulad sa isang malaking bato na mahirap galawin. Sinumang gumalaw nito ay naghahanap ng sakit ng katawan. Tatakutin ko ang kanilang mga kabayo at magugulo ang mga kawal na sakay nito. Babantayan ko ang Juda at bubulagin ang mga kabayo ng kaaway. Dahil dito, sasabihin ng mga taga-Juda na ang lakas ng Jerusalem ay buhat kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang kanilang Diyos.

“Sa araw na iyon, ang Juda ay gagawin kong parang apoy na tutupok sa kakahuyan at sulo na susunog sa ginapas na palay. Lilipulin niya ang mga karatig-bansa at ang Jerusalem naman ay muling titirhan ng mga tao.

“Ang unang pagtatagumpayin ko ay ang mga sambahayan ng Juda upang ang karangalan ng angkan ni David at ng mga taga-Jerusalem ay hindi humigit sa ibang bayan ng Juda. Sa araw na iyon, palalakasin ko ang mga taga-Jerusalem upang pati ang mga mahihina ay magiging sinlakas ni David. Ang sambahayan ni David ay magiging makapangyarihang tulad ng Diyos, tulad ng anghel ni Yahweh na nanguna sa kanila. At sa araw na iyon, mawawasak ang alinmang bansang mangangahas sumakop sa Jerusalem.

10 “Ang(L) (M) lahi ni David at ang mga taga-Jerusalem ay gagawin kong mahabagin at mapanalanginin. Sa gayon, kapag pinagmasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat ay tatangisan nila itong parang kaisa-isang anak o anak na panganay. 11 Sa araw na iyon, ang iyakan sa Jerusalem ay matutulad sa nangyari noon sa Hadad-rimon sa kapatagan ng Megido. 12 Tatangis ang buong lupain, ang bawat sambahayan, ang lahi ni David, pati ang kababaihan doon, ang lahi ni Natan, pati ang sambahayan doon, 13 ang lahi ni Levi, pati ang kababaihan doon, ang lahi ni Simei, pati ang kababaihan doon, 14 at ang iba pang lahi, pati ang kanilang kababaihan.”

13 Sinabi pa ni Yahweh, “Sa panahong iyon, lilitaw ang isang bukal at lilinisin nito ang kasalanan at karumihan ng sambahayan ni David at ng mga taga-Jerusalem.

“Aalisin ko sa lupain ang lahat ng diyus-diyosan at mapapawi sila sa alaala habang panahon. Aalisin ko na rin ang mga bulaang propeta at masasamang espiritu. Sakali mang may lumitaw na bulaang propeta, sasabihin ng kanyang mga magulang na hindi siya dapat mabuhay, pagkat ginagamit pa niya sa kasinungalingan ang pangalan ni Yahweh. At ang mga magulang niya mismo ang papatay sa kanya sa sandaling siya'y magpahayag. Sa araw ngang iyon, wala nang magmamalaking siya ay propeta, wala nang magdadamit-propeta ni magkukunwaring propeta. Sa halip, sasabihin nilang sila'y hindi propeta kundi mga hamak na magbubukid lamang mula sa kanilang kabataan. Kung may magtanong sa kanya tungkol sa mga pilat niya sa dibdib, sasabihin niyang iyon ay likha ng mga nagmamahal sa kanya.”

Ang Pagpatay sa Pastol ni Yahweh

Ito(N) ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Tabak, kumilos ka laban sa tagapangalaga ng aking mga tupa, laban sa aking lingkod. Patayin mo ang pastol upang magkawatak-watak ang mga tupa; lilipulin ko naman pati ang maliliit. Malilipol ang dalawang ikatlong bahagi ng naninirahan sa lupain; ikatlong bahagi lamang ang matitira. Ang mga ito'y padadaanin ko sa apoy upang dalisayin, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Tatawag sila sa akin at akin namang diringgin. Sasabihin kong sila ang aking bayan. Sasabihin naman nilang ako ang kanilang Diyos.”

Ang Jerusalem at ang Ibang Bansa

14 Darating ang araw na pababayaan ni Yahweh na mapasok ang Jerusalem, at lahat ng masasamsam ay paghahati-hatian sa harapan ninyo. Pagkakaisahin ko ang mga bansa laban sa Jerusalem. Lulusubin nila ito, hahalughugin ang lahat ng bahay, at gagahasain ang mga babae. Ipapatapon ang kalahati sa mga taga-Jerusalem at iiwanan ang kalahati. Ngunit ang mga bansang iyon ay didigmain ni Yahweh tulad ng ginawa niya noong una. Sa araw na iyon, tatayo si Yahweh sa Bundok ng mga Olibo sa gawing silangan ng Jerusalem. Magkakaroon ng maluwang na libis sa gitna ng bundok, pagkat mahahati ito mula sa silangan hanggang kanluran: ang kalahati ay mapupunta sa hilaga at sa timog naman ang kalahati. Sa libis kayo daraan sa inyong pagtakas, tulad ng ginawa ng inyong mga ninuno nang lumindol sa Juda noong panahon ni Haring Uzias. At si Yahweh ay darating na kasama ang kanyang mga anghel.

Sa panahong iyon, wala nang taglamig at hindi na didilim; mananatiling maliwanag kahit sa gabi. Si Yahweh lamang ang nakakaalam kung kailan ito mangyayari. Ang(O) mga agos ng tubig buhat sa Jerusalem ay patuloy sa buong taon. Patungo sa Dagat na Patay ang kalahati at sa Dagat Mediteraneo naman ang kalahati. Ang daigdig ay pamamahalaan ni Yahweh; siya lamang at ang kanyang pangalan ang kikilalanin ng lahat.

10 Ang buong lupain ay gagawing kapatagan mula sa Geba hanggang Rimon, sa timog ng Jerusalem. Ngunit ang Jerusalem ay mananatiling mataas mula sa pintuan ng Benjamin, sa lugar ng dating pintuan, hanggang sa pintuan sa sulok, mula sa bantayan ni Hananel hanggang sa pisaan ng ubas sa hardin ng palasyo. 11 Mapupuno(P) ito ng mga mamamayan, at hindi na ito isusumpa pang muli. Ito'y paghaharian na ng kapayapaan.

12 Ang mga lulusob sa Jerusalem ay padadalhan ni Yahweh ng kakila-kilabot na sakit; buháy pa sila ay mabubulok na ang kanilang laman, mata at dila. 13 Paghaharian sila ng malaking kaguluhan, at sila-sila'y maglalaban. 14 Lulusubin sila ng mga taga-Juda upang ipagtanggol ang Jerusalem at sasamsamin ang maiiwanan nilang kayamanang ginto, pilak at mga kasuotan. 15 Padadalhan din niya ng salot ang kanilang mga kabayo, mola, kamelyo, asno at iba pang mga hayop.

16 Kapag(Q) nalupig na ang mga kaaway, lahat ng nakaligtas sa labanan at sa salot ay pupunta sa Jerusalem taun-taon upang sumamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Dakilang Hari, at makikisama sa pagdiriwang ng Pista ng mga Tolda. 17 At alinmang bansang hindi sumasamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Hari, ay hindi makakaranas ng ulan. 18 Kapag ang mga Egipcio ay di pumunta sa Jerusalem, padadalhan din sila ng salot tulad ng ipinadala sa mga bansang hindi nakiisa sa pagdiriwang ng Pista ng mga Tolda. 19 Iyan ang ipaparusa sa Egipto at sa mga bansang hindi makikiisa sa pagdiriwang ng nasabing pista.

20 Sa araw na iyon, ang mga kampanilyang palamuti sa mga kabayong pandigma ay susulatan ng ganito, “Itinalaga kay Yahweh.” Magiging sagrado ang lahat ng lutuan sa templo, tulad ng mga palanggana sa harap ng altar. 21 Lahat ng lutuan sa Jerusalem at Juda ay magiging sagrado para kay Yahweh upang magamit sa lahat ng paghahandog. At mawawala na ang mga mangangalakal sa templo ni Yahweh.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.