Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ezekiel 38-39

Ang Pahayag Laban sa Gog

38 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel,(A) anak ng tao, harapin mo si Gog sa lupain ng Magog at hari ng mga bansang Meshec at Tubal. Magpahayag ka laban sa kanya at sabihin mong ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, Gog, pinakapuno ng mga hari ng Meshec at Tubal. Patatalikurin kita ngayon at lalagyan ko ng kawit ang iyong panga. Iaalis kita sa sarili mong bayan, ikaw at ang iyong hukbo; ang iyong mga kabayo at mangangabayo na nasa hustong kasuotang pandigma, may pananggalang at tabak. Kasama nila ang kalalakihan ng Persia, Etiopia[a] at Libya na pawang may pananggalang at naka-helmet. Kasama rin ang Gomer pati ang kanyang hukbo at ang Beth-togarma hanggang sa dulong hilaga pati ang buong hukbo nito at ang kalalakihan ng marami pang bansa.

“Humanda kang lagi, ikaw at ang mga hukbong kasama mo. Tumalaga kayo anumang oras na kailangan ko. Pagkaraan ng maraming taon, titipunin ko kayo; lulusubin ninyo ang isang bansang itinayong muli mula sa pagkaguho. Ang naroon ay mga taong tinipon mula sa iba't ibang dako at payapang naninirahan sa mga bundok ng Israel, isang lugar na dating tiwangwang at walang naninirahan. Sasagasaan ninyong parang bagyo ang lugar na iyon at kakalatan ninyong parang ulap, ikaw, ang iyong hukbo at ang makapal na taong kasama mo.

10 “Ito ang ipinapasabi sa iyo ni Yahweh: Gog, sa araw na iyon, may papasok sa iyong isip at ikaw ay magbabalak ng masama. 11 Isasaloob mo, ‘Ang sasalakayin ko'y isang mahinang bansa. Lulupigin ko ang mga taong naninirahan nang tahimik, walang mga pader na kanlungan ni anumang harang. 12 Sasakupin ko ito, sasamsaman ang tagaroon, at wawasakin ang lupaing dating tiwangwang at walang nakatira ngunit ngayo'y puno ng taong tinipon mula sa iba't ibang dako. Ngayo'y marami na ang kanilang mga hayop, at mga ari-arian, at ang lupain nila'y siyang sentro sa daigdig.’ 13 Sasabihin sa iyo ng Seba at Dedan, ng Tarsis at ng mga mangangalakal nito, ‘Naparito ka ba upang manamsam? Tinipon mo ba ang karamihang ito upang hakutin ang mga pilak, ginto, mga hayop, at mga ari-arian, upang samsamin ang malaking kayamanang ito?’

14 “Kaya, pinapunta ako ni Yahweh sa Gog upang ipahayag ang ganito: Sa araw na namumuhay ng tahimik ang bayan kong Israel, ikaw ay magbabalikwas.[b] 15 Isasama mo ang makapal na tao, isang malaking hukbo na pawang kabayuhan mula sa dulong hilaga. 16 Ang Israel ay sasalakayin ninyo, tulad ng rumaragasang bagyo. Ipapalusob ko sa iyo ang aking bayan upang ipakilala sa mga bansa kung sino ako, at upang sa pamamagitan mo'y maipakita sa kanila na ako ay banal.

17 “Ipinapasabi pa ni Yahweh: Noong araw pa, iniutos ko na sa mga lingkod kong propeta ng Israel na ipahayag nila na may isang bansang tatayo laban sa Israel, at ikaw ang tinutukoy noon. 18 Pagdating ng araw na iyon, kapag sinalakay na ng Gog ang Israel, aabot na sa sukdulan ang aking poot. 19 At sa tindi ng aking galit, lilindol nang napakalakas sa buong Israel. 20 Ang mga isda, ibon at hayop, malaki o maliit, at ang mga tao, ay manginginig sa harap ko. Ang mga bundok ay guguho, gayon din ang mga bangin at ang lahat ng muog sa lupa. 21 Paghahariin ko sa Gog ang matinding takot at sila-sila'y magtatagaan. 22 Paparusahan ko siya sa pamamagitan ng salot at kamatayan. Siya at ang kanyang mga hukbo ay pauulanan ko ng buhawi, malalaking yelo ng apoy at asupre. 23 Sa ganyang paraan ko ipapakita sa lahat ng bansa na ako ay makapangyarihan at ako ay banal. Sa gayo'y makikilala nilang ako si Yahweh.”

Ang Pagbagsak ng Gog

39 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa Gog. Sabihin mong ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, Gog, pangunahing pinuno ng Meshec at Tubal. Babaligtarin kita, at mula sa dulong hilaga ay itataboy sa kabundukan ng Israel. Pagkatapos, aagawin ko ang pana at mga palaso sa iyong mga kamay. Ikaw at ang iyong buong hukbo ay malilipol sa kabundukan ng Israel, pati ang makapal mong tauhan. Ang inyong mga bangkay ay pababayaan kong kanin ng mga ibon at lapain ng mababangis na hayop. Sinasabi kong mabubuwal ka sa kaparangan. Lilikha ako ng sunog sa Magog at sa baybayin ng dagat, ang lugar na hindi dating nakakaranas ng gulo. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh. Ipapakilala ko ang aking pangalan sa gitna ng bayan kong Israel at di ko na pababayaang malapastangan ito. Sa gayo'y makikilala ng lahat ng bansa na ako si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel.”

Sinabi ni Yahweh, “Dumarating na ang araw ng kaganapan ng mga bagay na ito. Pagkaganap ng mga bagay na ito, ang mga taga-lunsod ay lalabas ng bayan upang gawing panggatong ang makapal na gamit pandigma: pananggalang, pana, palaso, punyal, at sibat. Ang daming ito ay magiging sapat na panggatong sa loob ng pitong taon. 10 Hindi na sila kailangang mangahoy sa bukid o sa gubat. Ang mga sandatang iyon na ang kanilang igagatong. Ang mangyayari, sasamsaman nila ang sana'y mananamsam sa kanila. Ang Panginoong Yahweh ang maysabi nito.”

Ang Libingan ng Gog

11 Sinabi ni Yahweh, “Sa araw na iyon, ang Gog ay bibigyan ko ng isang libingan sa Israel, ang Libis ng Manlalakbay, sa silangan ng Dagat na Patay. Doon siya ililibing kasama ang makapal na taong kasama niya. Ang libingang ito'y tatawaging Libis ng Hukbo ng Gog, at lilihisan ng mga manlalakbay. 12 Sa paglilibing lamang sa kanila, mauubos ang pitong buwan bago mailibing ng mga Israelita ang lahat ng bangkay. 13 Lahat ng tutulong sa paglilibing ay pararangalan sa araw ng aking tagumpay. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 14 Pagkaraan ng pitong buwan, magtatalaga kayo ng isang pangkat upang patuloy na maghanap at maglibing sa mga kalansay na hindi pa naililibing para malinis nang lubusan ang lupain. 15 Sinuman sa kanila ang makakita ng kalansay, lalagyan niya iyon ng tanda hanggang hindi nadadala sa pinaglibingan kay Gog at sa kanyang mga kasama. 16 (Isang malapit na bayan ay tatawaging Ang Hukbo ni Gog.) Gayon ang gagawin ninyo upang ganap na malinis ang lupain.”

17 Sinabi(B) ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ito naman ang sabihin mo sa lahat ng uri ng ibon at hayop: ‘Halikayo at magpakabusog sa handog na itong inihanda ko sa inyo, isang malaking handa sa mga bundok ng Israel. Magpakabusog kayo sa laman at dugo. 18 Kanin ninyo ang laman ng mga mandirigma at inumin ang dugo ng mga pinuno ng daigdig. Ito ay siya ninyong pinakatupang lalaki, kordero, kambing, toro, at baka. 19 Magsasawa kayo sa taba at malalango sa dugo dito sa maraming handog na inilaan ko sa inyo. 20 Sa hapag ko'y mabubusog kayo sa kabayo at mandirigmang sakay nito at sa lahat ng uri ng kawal.’ Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

Ibinalik sa Dati ang Israel

21 Sinabi ni Yahweh, “Ipapakita ko sa lahat ng bansa ang aking kaluwalhatian sa pamamagitan ng paggamit ko sa aking kapangyarihan sa pagsasagawa ng aking pasya. 22 Mula sa araw na iyon, makikilala ng Israel na ako si Yahweh, ang kanilang Diyos. 23 At malalaman ng lahat ng bansa na ang Israel ay nabihag dahil na rin sa kanilang kasamaan; dahil sa pagtataksil nila sa akin, sila ay aking pinabayaan at ibinigay sa kanilang mga kaaway upang patayin. 24 Pinabayaan ko sila sapagkat iyon lang ang marapat sa kanilang kasamaan.”

25 Ipinapasabi ni Yahweh: “Ngayon, ibabalik ko ang dating kalagayan ni Jacob. Muli kong ipadarama sa sambayanang Israel ang aking pag-ibig sa kanila upang mabigyan kong karangalan ang aking pangalan. 26 Ang kahihiyang sinapit nila at ang kanilang kataksilan sa akin ay malilimutan na rin nila kapag sila'y payapa nang naninirahan sa sarili nilang lupain at wala nang liligalig sa kanila. 27 At kapag natipon ko na sila mula sa lupain ng kanilang mga kaaway, sa pamamagitan ng pagkalinga ko sa kanila'y ipapakita ko sa lahat ng bansa na ako ay banal. 28 Sa gayon, makikilala ng Israel na ako si Yahweh na kanilang Diyos sapagkat itinapon ko sila sa lahat ng panig ng daigdig at pagkatapos ay muling tinipon sa sarili nilang lupain. Titipunin ko silang lahat at walang matitira isa man sa ibang bansa. 29 Ibubuhos ko sa Israel ang aking Espiritu at hindi ko na sila tatalikuran. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.